Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 3/1 p. 26-29
  • Pagbagsak ng Babilonya Nalathala sa Hapon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagbagsak ng Babilonya Nalathala sa Hapon
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Sumiklab ang Sigasig ng Hapon
  • Ang Paglilingkod Bilang Auxiliary Payunir
  • Isang Pantanging Araw ng Paggawa
  • Pagpapatotoo sa Lansangan
  • Pamamahagi ng Magasin
  • Lakas na Higit Kaysa Karaniwan
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 3/1 p. 26-29

Pagbagsak ng Babilonya Nalathala sa Hapon

“BUMAGSAK na! Ang Babilonyang Dakila ay bumagsak na, siyang nagpainom sa lahat ng bansa ng alak ng galit ng kaniyang pakikiapid!” Ang nakapupukaw na pabalitang iyan ng anghel ay narinig sa unang pagkakataon ng apostol na si Juan noong unang siglo ng ating Karaniwang Panahon. Subalit, sa panahon natin, sa “araw ng Panginoon,” ito ay ibinabalita ng Kristiyanong mga Saksi ni Jehova sa pandinig ng lahat ng tao.​—Apocalipsis 1:10; 14:8.

Ang Babilonyang Dakila ang siyang pambuong-daigdig na sistema ng huwad na relihiyon, na ang Sangkakristiyanuhan ang may pinakamabigat na kasalanan. Sa buong “panahon ng kawakasan,” ang mga kahatulan ni Jehova laban sa kaniya ay buong tapang na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. (Daniel 12:4) Halimbawa, ang mga labas ng Bantayan ng Abril at Mayo noong nakaraang taon ay may matitinding artikulo na nagbubunyag sa pagkakasala ng huwad na relihiyon at sa kaniyang napipintong pagkapuksa. Mahigit na 50 milyong kopya ng mga labas na iyan ang ipinamahagi sa buong daigdig​—isang matinding pagbabalita ng nakatakdang pagpuksa sa Babilonyang Dakila!

Sumiklab ang Sigasig ng Hapon

Ang isang halimbawa ng kasiglahan ng mga Saksi ni Jehova para sa mga pantanging labas na iyon ay nakita sa Hapon, moog ng Shinto-Buddhist na bahagi ng Babilonyang Dakila. Sa Hapon ang labas ng Ating Ministeryo sa Kaharian ng Disyembre ng 1988 ay nagpatalastas sa mga kongregasyon ng isang pantanging kampanya ng paglilingkod sa larangan na isinaplano para sa mga buwan ng Abril at Mayo 1989. Mga panawagan na suportahan ang mga pantanging kampanyang ito sa magasin ang inilathala sa sumunod na mga labas ng Ating Ministeryo sa Kaharian, at gayundin nagpahatid ng mga liham sa mga kongregasyon at sa mga lupon ng matatanda.

Ang tugon ay pambihira. Sa tulong ni Jehova, sa loob ng dalawang buwang iyon ng nakaraang taon, ang Hapon ay tumanggap ng patotoo na wala pang nakakatulad.

Ang Paglilingkod Bilang Auxiliary Payunir

Ang patalastas ng Disyembre 1988 ay may ganitong mga salita: “Aming hinihimok kayo na magkaroon ng tunguhin na mag-auxiliary payunir sa Abril at Mayo, lalo na sa Abril.” Ang ganitong kaisipan ay inulit sa labas ng Ating Ministeryo sa Kaharian ng Pebrero 1989, na nagmungkahi sa mga kapatid na ‘ayusin ang kanilang araw-araw na iskedyul upang pinakamarami hangga’t maaari na mga nag-alay na mga ministro ang mag-auxiliary payunir sa Abril.’

Ang mga paalaalang ito ay isinapuso ng mga Saksi. Ang resulta? Isang pinakamataas na bilang ng mga auxiliary payunir. Noong Marso 1989 ang bilang ng mga auxiliary payunir ay nakaabot na sa isang bagong pinakamataas na bilang na 24,115. Subalit noong Abril ang bilang na iyan ay halos nadoble at umabot sa 41,055. Tunay na isang pambihirang pagsisikap!

Para sa maraming kongregasyon, lahat o karamihan ng mamamahayag ay nakibahagi sa ilang pitak ng buong-panahong paglilingkod sa loob ng dalawang buwan ng pantanging aktibidad. Kadalasan ito’y nangailangan ng malaking pag-uorganisa. Isang ginang ng tahanan ang may paniwala noon na hindi siya maaaring makapag-auxiliary payunir, yamang doon siya nakatira sa halos 900 metro ang taas sa kabundukan na kung saan limitado lamang ang masasakyan. Gayunman, talagang ibig niyang mag-auxiliary payunir. Kaya’t isinaayos ng matatanda na tulungan siya para may masakyan, at siya, kasama ang lahat ng iba pang mamamahayag sa kongregasyon, ay nakapagpayunir nang isang buwan.

Ang mahusay na pangunguna ng matatanda ay nakita sa Osaka Prefecture, Takatsuki City, Otsuka Congregation na may 77 mamamahayag, na kung saan lahat ng matatanda at ministeryal na mga lingkod ay kabilang sa 73 nakibahagi sa pagpapayunir. Sa mga payunir na iyon ay kasali rin ang lahat ng mga bautismadong kabataang mamamahayag na nangag-aaral pa. Ang espiritu ng pagpapayunir na ipinakita ng mga kabataang Saksing ito ay karaniwan nang makikita sa maraming kongregasyon. Halimbawa, sa 23 bautismadong mga tinedyer sa Heiwadai Congregation sa Tokyo Prefecture, 11 ang regular payunir at 11 ang auxiliary payunir noong Abril. Sa kongregasyong iyan, lahat-lahat ay 93 ang mga mamamahayag na nagpayunir sa buwan ding iyan.

Isang Pantanging Araw ng Paggawa

Ang labas ng Marso ng edisyong Hapones na Ating Ministeryo sa Kaharian ay nagpatibay-loob sa mga kapatid sa mga salitang ito: “Ang gawain sa magasin ay tinangkilik hindi lamang noong ikalawa at ikaapat na Sabado kundi sa bawat Sabado ng buwan. Ang sigasig ng mga kapatid ay kapuri-puri. Noong Abril ang gawain sa magasin ay iniskedyul din para sa bawat Sabado, ngunit pakisuyong gumawa ng pantanging pagsisikap na iiskedyul ang Abril 8 para sa magazine day upang lahat ay makabahagi sa pamamahagi ng magasin sa araw na iyan. Upang makapagbigay ng babala sa lahat ng makikinig, kailangang malaganap na ipamahagi ang mga napapanahong labas na mga ito.”​—Isaias 61:2; Apocalipsis 18:4, 5.

Noong Pebrero, idiniin ng edisyong Hapones na Ating Ministeryo sa Kaharian ang mahalagang gawaing ito. Ang sabi roon: “Sa pangalawang Sabado, Abril 8, hayaang bawat isa sa mga Saksi ni Jehova sa Hapon​—ngayo’y may bilang na mahigit na 130,000​—​ay makibahagi sa pamamahagi ng magasin.” Ang matatanda ay hinihimok na mag-iskedyul ng iba’t ibang uri ng pamamahagi ng magasin na saklaw ang buong maghapon upang makabahagi ang pinakamarami hangga’t maaari. Salamat naman sa positibong pagtugon ng matatanda at sa buong pusong pagtangkilik ng natitirang bahagi ng mga mamamahayag, ang araw na iyon ay isang malaking tagumpay. Masasabi natin na nang araw na iyon ay narating ang sukdulan sa Hapon ng pagbabalita ng mga kahatulan ni Jehova sa Babilonyang Dakila.

Halimbawa, sa Ushioda Congregation sa Yokohama City, ang matatanda ay nagsaayos ng paglilingkod na magpapatuloy nang may 13 oras, mula ika-7:00 n.u. hanggang ika-8:00 n.g. Kasali rito ang dalawang yugto ng pagpapatotoo sa lansangan, at gayundin mga panahon ng pagdalaw sa mga taong noong nakaraan ay hindi nadatnan sa tahanan at sa regular na pagpapatotoo sa bahay-bahay. Karamihan ng mga mamamahayag ay nakabahagi sa humigit-kumulang isa sa isinaayos na mga pitak ng paglilingkuran, at marami ang nakibahagi sa halos bawat pitak ng isinaplanong aktibidad.

Patuluyang paglilingkod ang isinaplano rin sa Jonan Congregation, Fukuoka City. Doon, gumawa ng mga kaayusan na ang gagamiting mga oras ay mula ika-8:00 n.u. hanggang ika-9:00 n.g., na may sandali lamang pagtigil sa tanghali. Kasali na ang panahon para sa pagpapatotoo sa bahay-bahay, pagdalaw sa mga teritoryong dako ng negosyo at mga lugar na pamilihan, at pagdalaw sa mga bahay na walang tao noong nakaraan pang dalaw. May mga Saksi sa kongregasyong iyon ang nag-ulat ng hanggang walong oras ng pangangaral para sa araw na iyon!

Ang buong-pusong pagtugon ng mga kapatid ay nasaksihan sa Wakayama Prefecture, na kung saan 55 mamamahayag sa Kainan Congregation ay nakibahagi sa pantanging araw ng aktibidad. Isang sister doon, na regular payunir, ang nanganak noong Abril 7. Iyon ba ay nakapagpahinto sa kaniya sa pagpapatotoo noong Abril 8? Hindi. Siya’y nag-alok ng mga magasin doon mismo sa ospital! Sa pagpapakita ng isang nahahawig na damdamin, isang brother mula sa Osaka Prefecture ang napilitang mag-asikaso ng mga bagay-bagay doon sa kaniyang pinagtatrabahuhan noong Abril 8. Papaano kaya siya makakabahagi sa pantanging aktibidad? Ang kaniyang dakong pinagtatrabahuhan ang ginawa niyang kaniyang teritoryo at siya’y nakakuha ng limang suskripsiyon.

Isang sister sa Saitama Prefecture ang nagnasang makibahagi sa pantanging aktibidad para sa araw na iyon, ngunit siya’y kinailangang magbiyahe ng halos 1,280 kilometro patungo sa Asahikawa City kasama ang kaniyang asawang di-sumasampalataya. Ngunit, siya’y hindi sumuko. Sa Asahikawa, kasama ang kaniyang dalawang maliliit na anak siya’y naparoon sa istasyon ng tren, at doon sa labas ng istasyon, kaniyang nasumpungan ang inaasahan niyang makikita: isang grupo ng mga mamamahayag buhat sa lokal na kongregasyon ang nakibahagi sa paglabas sa larangan. Siya’y nakabahaging kasama nila sa mga aktibidades sa araw na iyon.

Pagpapatotoo sa Lansangan

Ang Hapones na Ating Ministeryo sa Kaharian ang lalong higit na nagpatibay-loob sa matatanda upang magsaayos ng pagpapatotoo sa lansangan para sa Abril 8, at ito’y naging isang litaw na bahagi ng pantanging araw na iyan. Gaya ng nangyari, nagkaroon ng malakas na pag-ulan sa buong bansa, ngunit iyon ay hindi nakapagpalamig ng sigla ng mga kapatid. Karamihan sa kanila ay nagpakita ng gayon ding espiritu na gaya ng nakita sa tatlong may kapansanang mga sister sa Minamata Congregation, Kumamoto Prefecture. Sa kabila ng kanilang katandaan​—sila’y 65, 80, at 85 taóng gulang​—​sila’y sumagsag sa masungit na panahon at isang mainam na pampalakas-loob sa mga iba pa sa kongregasyon; sila’y nakatawag-pansin din sa maraming nagdaraan.

Samantalang gumagawa ng pagpapatotoo sa lansangan, isang sister sa Kashiwa City West Congregation ang nagtanong sa isang tao: “Narinig na po ba ninyo ang tungkol sa Babilonyang Dakila?” Nang kaniyang ialok ang mga labas ng Abril ng mga magasin, ang lalaking iyon ay nagsabi, “Hindi ako interesado” at lumayo na. Subalit nang siya’y dumating sa crossing ng riles ng tren at huminto, siya’y bumubulong sa kaniyang sarili, “Ano ba ang Babilonyang Dakila?” Isang kapatid naman na nagpapatotoo sa lansangan at nasa malapit lamang ang nakaulinig sa kaniyang ibinubulong at sinabayan siya ng paglakad sa daan, kasabay ng pagpapaliwanag kung ano ang Babilonyang Dakila. Tinanggap ng lalaking iyon ang mga magasin.

May mga kongregasyon na kailanman ay hindi pa nakababahagi sa pagpapatotoo sa lansangan. Subalit sapol noong Abril 8, kanilang ginawa ito na isang regular na bahagi ng kanilang aktibidad. At hindi katakataka! Ang pagpapatotoo sa lansangan ay isang napakamatagumpay na paraan ng paghanap ng mga tao na kung hindi sa ganoong paraan ay hindi mo mararating. Isang sister sa Naha City, Okinawa, ang gumawa ng pagpapatotoo sa lansangan sa labas ng gusali ng isang opisina na doo’y hindi pinapayagan ang mga Saksi ni Jehova na makapasok para makapagpatotoo. Siya’y nakapaglagay ng 12 magasin sa loob ng isang oras sa pamamagitan ng paglapit sa mga pumapasok at umaalis sa gusaling iyon.

Isang sister sa Muroran City, Hokkaido, ang nagsagawa ng pagpapatotoo sa lansangan sa labas ng department store sa kabayanan ng siyudad. Sinabi niya sa isang lalaki na tumanggap sa mga magasin: “Kung ibig po ninyong matuto nang higit pa, puwedeng dalawin namin kayo sa inyong tahanan.” Ibinigay ng lalaki ang kaniyang direksiyon, ang numero ng kaniyang telepono, at isang mapa na magtuturo kung nasaan ang kaniyang bahay, at ang mga oras na siya ay nasa tahanan! Nang sumunod na linggo, ang sister at isang brother ay dumalaw sa kaniya at kanilang natagpuan na siya’y nakatira sa isang apartment na hindi maaaring pasukin sa regular na mga pagdalaw ng mga Saksi ni Jehova. Ang binatang iyon ay nakumbinsi ng kaniyang personal na pagbabasa ng Bibliya na ang Sangkakristiyanuhan ay walang pagsang-ayon ang Diyos. Siya’y naghahanap ng tunay na pagka-Kristiyano at natutuwa siya na mapasimulan siya ng isang regular na pantahanang pag-aaral sa Bibliya.

Isang mamamahayag sa Kawasaki City ang nakibahagi sa pagpapatotoo sa lansangan noong hapon ng Abril 8. Nang matapos na ang panahong kaniyang itinakda para roon, kinausap niya ang huling tao, isang kabataang babae na nagsabing dati’y nakikipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ngunit sinalungat siya ng kaniyang mga magulang at pagkatapos ay nag-aral naman siya sa unibersidad at tumira sa isang dormitoryo. Kaya’t siya’y huminto ng kaniyang pakikipag-aral. Subalit, salamat sa pagpapatotoo sa lansangan, may kagalakang siya’y nagpasimulang muli ng pakikipag-aral ng Bibliya at dumadalo na ngayon sa mga pulong.

Pamamahagi ng Magasin

Bilang bunga ng napakaraming tumatangkilik sa pantanging aktibidad, ang naipasakamay na mga magasin​—lalo na yaong mga may mensahe ng kahatulan laban sa Babilonyang Dakila​—​ay napakarami. Isang mamamahayag ng kongregasyon sa Osaka Prefecture ang nakapagpasakamay ng 205 magasin noong Abril. Sa Kagoshima City, East Congregation, 14 na mamamahayag ang nakapagpasakamay ng mahigit na isandaang magasin bawat isa, samantalang ang nakabukod na grupo ng 12 mamamahayag sa Ogawa Town, Ibaraki Prefecture, ay nakapamahagi ng lahat-lahat ay 1,388 magasin noong Abril.

Oo, sa Hapon sa kabuuan, 3,293,266 magasin ang naipamahagi noong Abril ng nakaraang taon​—92 porsiyento ang kahigitan kaysa noong Abril ng 1988! Anong lakas na naihayag ang mensaheng kahatulan ni Jehova laban sa Babilonyang Dakila!

Lakas na Higit Kaysa Karaniwan

Oo, gaya na rin sa lahat ng iba pang bahagi ng daigdig, ang mga Saksi ni Jehova sa Hapon ay naging positibo at masigasig noong tagsibol ng 1989. Ang kanilang mga karanasan ay malinaw na ebidensiya na pinagpala ni Jehova ang kanilang sigasig at sinuportahan ang kanilang pagsisikap na mailathala ang kaniyang mga kahatulan laban sa huwad na relihiyon. Para sa ilan, hindi iyon madali na gampanan nila; gayumpaman, sila ay naging desidido, at pinagpala naman ni Jehova ang kanilang sigasig. Marami ang doon naninirahan sa teritoryo na malimit gawin, ngunit sila’y nagpakita ng ganoon ding espiritu ng pagkaapurahan at kasiglahan gaya ng kanilang mga kapatid sa mga ibang lugar. Sa lahat ng pagkakataon, ang mga salita ni Isaias ay napatunayang totoo: “Siya ay nagbibigay ng lakas sa nanghihina; at sa walang dinamikong kalakasan ay pinasasagana niya ang lubos na kapangyarihan.”​—Isaias 40:29.

Tiyak na ang kanilang mga karanasan ay nagpapagunita sa kanila ng mga salita ni apostol Pablo: “Taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlang-lupa, upang ang kapangyarihang higit kaysa karaniwan ay maging mula sa Diyos at hindi mula sa aming sarili.” (2 Corinto 4:7) Oo, pagka sa kaniyang buhay ay inuna ng isang tao ang ministeryong Kristiyano, “ang kayamanang ito,” kaniyang nararanasan ang bigay-Diyos na “kapangyarihang higit kaysa karaniwan.” Harinawang patuloy na gamitin ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa Hapon at sa lahat ng mga bansa upang magbigay ng puspusang patotoo bago sumapit ang wakas.​—Mateo 24:14.

Sa taóng ito, ang mga labas sa Abril at Mayo ng Ang Bantayan ay maglalathala ng mga tampok na seryeng “Sino ang Aakay sa Sangkatauhan sa Kapayapaan?” “Pandaigdig na Kapayapaan​—Ano ang Tunay na Kahulugan Nito?” “Milyun-Milyong Patay Ngayon ang Mabubuhay Muli,” at “Armagedon​—Kailan?” Bakit hindi ka magplano upang maibahagi ang impormasyong ito sa iyong kapuwa? Tiyakin na hangga’t maaari pinakamarami ang mahatdan ng kahanga-hangang mabuting balita na iningatan ng Diyos sa Bibliya para sa ating kaarawan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share