Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 3/1 p. 31
  • Pagkasumpong ng Kaligayahan—Ngunit Saan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagkasumpong ng Kaligayahan—Ngunit Saan?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 3/1 p. 31

Pagkasumpong ng Kaligayahan​—Ngunit Saan?

SINABI ni Jesus: “Maligaya ang mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Isang taimtim na dalaga sa Gitnang Silangan ang palaisip sa kaniyang espirituwal na pangangailangan at naghahangad na makalugod sa Diyos. Sa wakas, siya’y nakasumpong ng kaligayahan​—ngunit saan? Hayaan nating ipaliwanag niya.

“Ako’y lumaki sa isang napakarelihiyosong pamilyang Katoliko na Maronita. Kaming mga bata ay sinanay na magdasal gabi-gabi sa harap ng mga imahen, at mula sa pagkabata ay may hangarin na akong maglingkod sa Diyos.

“Sa edad na 17 anyos, ako’y pumasok sa isang kombento upang maging madre, sa pag-aakala kong ito ang paraan upang matupad ang aking hangarin. Gayunman, nasaksihan ko ang maraming bagay sa gitna ng mga madre na bumagabag sa akin. Sila’y nagtsitsismis tungkol sa isa’t isa. Ang mga estudyante ay hindi binibigyan ng sapat na pagkain, samantalang ang mga madre ang kumakain ng pinakamagagaling na pagkain. At may mga gawang imoralidad sa pagitan ng mga madre at ng pari. Bigung-bigo, nilisan ko ang kombento makalipas ang siyam na buwan at nagbalik ako sa aming tahanan.

“Noon ay marami pa akong mga tanong na di-nasasagot, at nang wala akong masumpungang kasiya-siyang kasagutan sa mga ito, narating ko ang punto na huwag nang mag-abala pa tungkol sa relihiyon. Noong 1982, nang ako’y 22 anyos, ang aking likas na mga kapatid, isang lalaki at isang babae, ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ako at ang aking mga magulang ay sumalansang sa kanila. Ang aking kapatid na lalaki ay dumanas ng maraming pag-uusig, panggugulpi, at pagkabilanggo dahilan sa kaniyang bagong pananampalataya. Subalit ang hinangaan ko ay ang malaking pagbabago na ginawa niya sa kaniyang buhay. Isa pa, siya’y nagbigay ng makatuwirang kasagutan ng Bibliya sa mga tanong na matagal ko na ring itinatanong. Kaya’t ako’y nagsimulang lihim na basahin ang Bibliya nang sarilinan kung gabi.

“Isang araw ako’y humayo upang magmasid sa isang asamblea ng mga Saksi ni Jehova. Ako’y humanga sa pag-iibigan na nasaksihan ko roon. Walang pagkakaiba sa pagitan ng mayayaman at ng mahihirap. Ang mga Saksi ay namumuhay na kasuwato ng kanilang itinuturo. Nakumbinsi ako na taglay nila ang katotohanan.

“Pagkatapos na pagkatapos ng asamblea, hiniling ko sa isa sa kanila na aralan ako. Sinabi ko sa babaing ito na basta ibig kong mag-aral, hindi ang dumalo sa mga pulong o lumabas sa pangangaral. Gayunman, hindi nagtagal at natalos ko na ang natututuhan ko ay katotohanan. Ako’y nanalangin at nagpasiyang maglingkod kay Jehova. Noong Oktubre 28, 1983, ang aking kapatid na lalaki, ang aking kapatid na babae, at ako ay nabautismuhan. Ngayon ay nasumpungan ko na ang paraan upang matupad ang hangaring maglingkod sa Diyos na taglay ko na sapol sa aking pagkasanggol.

“Dalawang buwan pagkatapos ng aking bautismo, ako’y nagsimulang mag-auxiliary payunir, at makalipas ang walong buwan ako’y naging isang regular payunir. Makalipas ang isang taon at kalahati, ako’y inanyayahang pansamantalang maglingkod nang dalawang taon sa tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova, tinatawag na Bethel. Humanga ako sa nakita kong kapakumbabaan ng lahat doon. Ang higit na responsableng mga kapatid ay nakibahagi pa man din sa gawaing paghuhugas ng mga plato pagkatapos ng hapunan.

“Noong Marso 14, 1988, ako’y naging isang permanenteng miyembro ng pamilyang Bethel. Anong sayang okasyon! Oo, nasumpungan ko ang kaligayahan. Saan? Sa gitna ng nag-alay na mga Saksi ni Jehova! Ngayon ay nadarama ko ang gaya ng nadama ng salmista na nagsabi: ‘Ang isang araw sa iyong looban ay mas mabuti kaysa isang libo saanman.’ ”​—Awit 84:10.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share