‘Pamamalakaya ng mga Tao’ sa Belize
ANG Belize ay isang munting subtropikong bansa na nakapuwesto sa pagitan ng Mexico at Guatemala. Sa mga baybayin nito, ang nangangasul-ngasul na Caribbeano ay nabubudburan ng maliliit na isla at bahura (batuhán) ng mga korales na bumubuo ng pinakamahabang nakasasagabal na bahura sa Kanlurang Hemispiro. Karamihan ng lupain sa baybayin ay tuyo at patag. Subalit sa bandang loob patungo sa timog, ang Kabundukang Maya ay umaabot sa taas na 1,120 metro. Ang dati’y makapal na kakahuyan ng rehiyon ng kabundukan ay may mga malalalim na bangin, matatarik na ilog, at magagandang talon.
Ang bansa ay lupain na ang unang mga nanirahan ay ang Maya, gaya ng pinatutunayan ng maraming mga kaguhuan at mga bagay na nakuha roon. Noong dekada ng 1600, nagsimulang mamayan doon ang mga dating pirata ng karagatan na naging mga magtotroso at mamumutol ng mahogany. Nang maglaon, ito’y naging kolonya ng British Honduras. Ang kasarinlan at pagkabansa ay sumapit noong 1981.
Sa kasalukuyan, ang Belize ay may populasyon na humigit-kumulang 175,000. Tunay na ito’y isang haluang pulutong, na binubuo ng mga Afro-Belizeans (Creoles), mga Mestizo, Maya, Garinagu (Carib), Asiano, Europeo, at iba pa. Dahilan sa ang Belize ay kaugnay ng kasaysayang Britano, ang Ingles ang opisyal na wika, at ang Kastila ay pumapangalawang malaganap na wika. Ang Creole ay malaganap ding ginagamit, tulad din ng Maya, Garifuna, at iba pang mga wika.
Ang 280 kilometrong bahurang nakahahadlang, na may matitingkad na kulay na mga korales tulad-kastilyong mga tore, at mga kuweba, ay pinaninirahan ng sarisaring mga kinapal sa dagat na nakalulugod panoorin at masarap sa panlasa. Ang mga pangisdaang ito sa tabing-dagat ay isa sa pinakamalalaking likas na kayamanan ng bansa. Gayundin, yamang ito’y may sarisaring mga mamamayan at kultura, ang Belize ay isang mabungang ‘pamalakayahan’ para sa mga taong tumutugon sa paanyaya ni Jesus: “Sumunod kayo sa akin, at kayo’y gagawin kong mga mamamalakaya ng mga tao.”—Mateo 4:19.
Pinasimulan ang ‘Pamamalakaya’
Noong 1923 isang Saksi na nabautismuhan noong 1918 sa Jamaica, si James Gordon, ang lumipat sa Belize. Kaniyang inihulog ang kaniyang lambat, wika nga, doon sa pook ng kaniyang mga kapitbahay at sa palibot ng nayon ng Bomba sa Belize District. Ang kaniyang ‘kagamitan sa pamamalakaya’ ay isang napakalaking sisidlang mahogany na naglalaman ng mga aklat, dala ng isang kamay, at ang kabilang kamay niya naman ay may bitbit na ponograpo.
Noong mga bandang 1931 si Freida Johnson, isang buong-panahong ministro na taga-Texas, ay dumating sa Belize sa kaniyang paglalakbay upang magpalaganap ng mabuting balita sa mga bansa sa Sentral Amerika. Sa loob ng anim na buwan na paglagi niya roon, kaniyang nakilala ang isang panadero na nagngangalang Thaddius Hodgeson, na ito ang nagdala naman ng katotohanan sa kaniyang kapuwa panadero, si Arthur Randall. Si Brother Hodgeson ay nagpatuloy sa gawain hanggang sa dumating noong 1945 ang mga unang misyonerong nagsanay sa Gilead, si Charles Heyen at si Elmer Ihring.
Nang sumunod na taon, sa pagbisita ni N. H. Knorr at F. W. Franz, noo’y pangulo itong una at pangalawang-pangulo itong huli ng Watch Tower Society, isang tanggapang sangay ang ipinatayo roon. Sapol noon ang “lambat” ay inihulog sa lahat ng panig ng Belize at mabilis na lumawak ang gawain. Ang bilang ng mga nakikibahagi sa ‘pamamalakaya ng mga tao’ ay umabot sa sukdulang bilang na 844 noong 1989.
‘Paghuhulog ng Lambat’ sa Laot
Sa ngayon, ang Belize City at ang iba pang mga bayan ay regular na nagagawa ng mga tagapangaral ng mabuting balita ng Kaharian, ngunit marami sa karatig na mga nayon at cays (mga isla) ay hindi nagagawa. Ganiyan ang kaso ng San Pedro, sa Ambergris Cay, hanggang noong mga ilang taóng lumipas.
Sa loob ng maraming taon, ang tanging pakikiugnay ng mga tao sa San Pedro sa katotohanan ay pagka ang mga Saksi buhat sa mainland ay naparoon doon para dumalaw ng sandalian. Ang mga Saksi ay nag-iwan ng literatura sa Bibliya sa mga taong interesado, ngunit hindi nila masubaybayan ang interes dahil sa sila’y kinakailangang bumalik na sa mainland. Nang maglaon, isang pamilyang may apat na miyembro ang dumating sa Belize upang maglingkod kung saan lalong malaki ang pangangailangan. Sila’y nagboluntaryong lilipat sa isla kahit na kinailangang sila’y manirahan sa isang behikulong ginagamit sa pagliliwaliw hanggang sa sila’y makapagtayo ng isang bahay. Subalit ang “pamamalakaya” ay mabuti. Sila’y nagsimula ng maraming pag-aaral sa Bibliya, at sa ngayon ay may mahigit na 20 “mamamalakaya ng mga tao” sa isla. Noong Setyembre 1986, sa tulong ng mga Saksi sa buong bansa, kanilang naitayo ang kanilang sariling Kingdom Hall sa isang dulo lamang ng sanlinggo.
Kasali sa teritoryo ng sangay ang maraming nakabukod na mga nayon ng Maya sa timugang Toledo District, na kung saan ang ginagamit ay mga wikang Ketchi at Maya Mopan. Minsan sa isang taon, sa panahon ng tag-araw na ang mga ilog at mga bundok ay maaaring tawiran, isang grupo ng mga Saksi ang nagsaayos na dumalaw sa mga nayong ito. Pasan-pasan sa kanilang balikat ang lahat ng kailangan nila, sila’y nagsipaglakad tungo sa mga nayon, nagbigay ng patotoo sa mga tao roon, at nagbalik-muli sa mga taong nagpakita ng interes.
Sa isa sa gayong taun-taóng ‘bush trip’ noong 1968, dinalaw ng mga kapatid ang nayon ng Crique Sarco. Isang batang babae ang nakakuha ng isang kopya ng aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Tungo sa Buhay na Walang-hanggan, na sa di-sinasadya’y nahulog sa isang kapatid. Ganito ang inilahad niya na sumunod.
“Ang aklat na iyan ay mahalaga sa akin, ngunit tinitingnan ko lamang ang ilang mga larawan, at hindi ko binabasa iyon. Ang taun-taóng pagdalaw ng mga kapatid sa aking ama ang nagtimo ng pangalang Jehova sa aking isip, at napag-alaman ko na Siya’y may isang organisasyon. Nang ako’y magpasimula sa haiskul sa bayan ng Punta Gorda, ganitong tanong ang napaharap sa klase isang araw: Ano ba ang pangalan ng Diyos? Nang ako’y sumagot na, ‘Jehova,’ ako’y binigyan ng isang ‘automatic jug’ (limang demerit kasali na ang isang pandisiplinang atas na trabaho, tulad halimbawa ng paglilinis ng kasilyas). Pagkatapos ay tinawag ako ng pari at sinabihan ako na huwag ko na muling gagamitin ang pangalang iyan o kung hindi ay paaalisin ako sa paaralan. Kaya naman kusang umalis ako sa paaralan at hindi na ako nagbalik pa.
“Ang aking sumunod na pakikiugnay sa katotohanan ay makalipas ang maraming taon nang ako’y makapag-asawa na at naninirahan sa Corozal Town sa norte. Nakita ko ang isang kapirasong papel na inililipad ng hangin, pinulot ko iyon, at nakita kong iyon ay pabalat ng pulyetong Jehovah’s Witnesses and the Question of Blood. Ako’y nagkomento sa isang kaibigan na ito’y isa sa paniniwala ng mga Saksi na hindi ko sinasang-ayunan. Sinabi niyang marahil balang araw ako’y sasang-ayon din sa kanila. Kinabukasan, isang kapatid ang dumalaw at sinabing nabalitaan niya na ako’y interesado sa pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Bagaman sinabi ko sa kaniyang talaga namang hindi ako interesado, kaniyang ipinaliwanag na hindi naman gaanong panahon ang gugugulin, kaya’t tinanggap ko iyon. Sa wakas, ang aklat na Katotohanan na iningat-ingatan ko nang may walong taon ay nagamit!
“Hindi nagtagal, ang aking mga biyenan ay nagsulsol sa aking asawang lalaki na pahintuin ang aking pakikipag-aral. Pagkatapos ay lumipat kami sa isang nakabukod na nayon, at nawalan ako ng pakikiugnay sa mga Saksi. Sa wakas, isang sister ang dumalaw sa akin nang siya’y nagbabahay-bahay, at muling ipinagpatuloy ko ang aking pakikipag-aral. Ginawa ng aking asawa ang lahat ng kaniyang magagawa upang mahadlangan ang pag-aaral. Siya’y naglalasing, nag-iingay, itinataboy ako sa labas ng bahay, o nagbabantang siya’y mambababae. Ngunit ako’y nanatiling matatag at lubos na timiwala kay Jehova sa panalangin. May dalawang taon na ngayon ang nakalipas nang sagutin ni Jehova ang aking mga panalangin nang higit kaysa aking mga inaasahan.
“Isang araw ang aking asawa ay umuwi na pasa-pasa ang buong mukha, at siya’y dumeretso na sa paghiga. Nang malaunan nang araw na iyon sinabi niya, ‘Gusto ko na ring mag-aral ng Bibliya!’ Ang pagbabagong iyan ay nagdulot sa akin ng malaking kagalakan ngunit kasama na rin ang pagkapoot ng kaniyang pamilya. ‘Ang pagbabago ng relihiyon ay mistulang pagbabago ng mga magulang,’ ang sabi nila sa kaniya, ‘kaya ikaw ay hindi na namin anak!’ Ngayon na kaming mag-asawa’y nagkasundo na, mabilis ang aming pagsulong. Noong Disyembre 5, 1987, kami’y nabautismuhan sa aming unang Special Assembly Day.”
Kaya ganiyan nahuhuli ang mga “isda” maging sa malalayong pook ng Belize. Ang brosyur na Pagtatamasa ng Buhay sa Lupa Magpakailanman! ay naisalin na sa Ketchi sa pag-asang marami pa sa mga nayong ito ang matutulungan upang tumanggap ng mabuting balita. Yaong mga nailigtas buhat sa karumal-dumal na mga tubig ng sistema ni Satanas ay nagtatamasa ng pag-inom ng sinlinaw-kristal na tubig ng katotohanan sa espirituwal na paraiso ni Jehova.
Halimbawa, isang binata sa Belize City ang nakaalam ng tungkol sa malinis na pamantayan ni Jehova buhat sa Bibliya. Siya’y hindi na nagpatuloy sa kaniyang pagkasugapa sa marijuana at sa mga iba pang droga at nabautismuhan. Hindi nagtagal pagkatapos, siya’y naging isang buong-panahong “mamamalakaya ng mga tao.” Siya’y nagkaroon din ng pribilehiyo bilang ministeryal na lingkod sa kaniyang kongregasyon. Daan-daan pa ang mga natulungan upang maglinis ng kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng pagpapakasal at pagpaparehistro ng kanilang kasal sa mga autoridad. Marami pang iba ang naturuang bumasa at sumulat upang kanilang mapag-aralan ang Salita ng Diyos para sa kanilang sarili. Kaya’t ang gawaing pagtuturo na ginagawa ng mga Saksi ni Jehova sa Belize ay hindi lamang nagtatakip sa espirituwal na pangangailangan ng mga tao kundi nagdadala rin ng iba pang kapaki-pakinabang na mga resulta sa komunidad.
Paghila sa Lambat
Minsan ang mga alagad ni Jesus ay sumunod sa kaniyang mga tagubilin at inihagis ang kanilang mga lambat sa kabilang panig ng kanilang bangka. Bilang resulta, “hindi na nila mahila iyon dahil sa karamihan ng mga isdang nahuli.” (Juan 21:6) Sa katulad na paraan, ang tugon sa mabuting balita ay lubhang napakatindi kung kaya’t ang mga Saksi sa Belize ay napapaharap sa hamon na alagaan ang lubhang maraming tao na pumapasok sa organisasyon.
May malaking pangangailangan ng maygulang na mga kapatid na lalaki na mangunguna sa mga kongregasyon. Sa katamtaman, mayroon lamang iisa o dadalawang matanda sa bawat kongregasyon. At, nariyan ang hamon na marating ang lahat ng panig ng bansa upang madala roon ang mabuting balita nang palagian. Maraming lugar ang maaaring marating sa pamamagitan ng mga daan, subalit dahilan sa kakulangan ng pangmadlang transportasyon, ay mahirap para sa mga Saksi na paunlarin ang nasumpungang interes o para sa interesadong mga tao na makarating sa mga pulong nang palagian. Ang paglalakad o paggamit ng isang bangka ang siya pa ring tanging praktikal na paraan upang makarating sa mga ilang nakabukod na mga lugar.
Ang mga Saksi sa Belize ay nakararanas din ng hirap sa paghanap ng sapat na mga pasilidad para sa kanilang lingguhang mga pulong sa kongregasyon at taunang mga kombensiyon at mga asamblea. Ang kabuuang bilang ng dumalo sa 1987 “Magtiwala kay Jehova” na Pandistritong mga Kombensiyon ay mahigit na 2,200, mga makaitlong beses ng dami ng mga mamamahayag sa bansa. Para sa mga kombensiyong iyon, ang mga kapatid ay nagtayo ng isang pansamantalang kayarian sa isang loteng malapit sa Ladyville. Ngayon, kanilang pinag-iisipan ang posibilidad na magtayo ng isang permanenteng Assembly Hall sa dakong iyon.
Samantalang malaki ang hamon, ang mga Saksi ay masiglang tumutugon doon. Kanilang ipinakita ito sa pamamagitan ng pagpapasulong ng kanilang ministeryo sa larangan. Noong 1979 ang mga mamamahayag ay gumugol, sa katamtaman, ng 8.3 oras bawat buwan sa pangangaral. Ngayon sila’y gumugugol ng sa katamtaman ay 11.3 oras bawat buwan. Nagkaroon din ng mainam na pagsulong sa bilang ng mga payunir. Noong 1979 ay nagkaroon sa katamtaman ng 10 auxiliary payunir at 12 regular payunir isang bawan. Ngayon ay may 51 auxiliary payunir at 42 regular payunir bawat buwan, na ang edad ay mula 14 hanggang 74 na taóng gulang.
Malaki ang pag-asang magpatuloy ang kaunlaran, kung ibabatay sa maraming dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo na ginanap noong Marso 22, 1989. Ang mga kapatid ay nagpagal nang husto upang mag-anyaya ng mga taong interesado. Ang resulta? Ang lahat-lahat na dumalo ay 3,834—mahigit na makaapat na beses ang dami sa pinakamataas na bilang ng mamamahayag! Nakatutuwang makita ang maraming grupo ng mga tribu-tribo—Creole, Mestizo, Maya, Europeo, Intsik, Lebanese, at iba pa—na nakikihalubilo sa isa’t isa sa ganitong paraan.
Bukod dito, ang 844 na mamamahayag sa bansa ay nagdaraos ng mahigit na isanlibong pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Sa pamamagitan ng patuloy na pagtingin sa Ulo ng kongregasyon, si Jesu-Kristo, upang siyang umakay sa kanila, marami pa sa Belize ang tiyak na tutugon sa paanyaya na maging “mamamalakaya ng mga tao.”
[Mga mapa sa pahina 22]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
GULF OF MEXICO
MEXICO
BELIZE
Belize City
Punta Gorda
GULF OF HONDURAS
GUATEMALA
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Pagtatayo ng isang Kingdom Hall sa San Pedro, Ambergris Cay