Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 8/15 p. 24-28
  • Pagganap sa Gawain ng Diyos Ayon sa Paraan ng Diyos sa Nigeria

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagganap sa Gawain ng Diyos Ayon sa Paraan ng Diyos sa Nigeria
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Mabilis na Paglawak
  • Mga Alaala sa Pagtatayo
  • Kinilala ng mga Opisyales
  • Araw ng Pag-aalay
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 8/15 p. 24-28

Pagganap sa Gawain ng Diyos Ayon sa Paraan ng Diyos sa Nigeria

IYON ay isang kahanga-hangang tanawin. Pagkalalaking bunton ng mga tahilang bakal​—halos kalahating milyong kilo ng mga ito​—​ang nakatalaksan sa Houston, Texas, sa piyer doon, na ang haba ay mula sa isang dulo hanggang sa kabilang dulo. Isang estibidor ang gumagawa ng pagsisiyasat sa malaking kantidad na iyon na ikakarga sa barko. Sa kaniyang pagtatrabaho, ganiyan na lamang ang kaniyang panggigilalas na makitang ang lahat ng mga ito ay pawang may markang “Watchtower.” Walang anu-ano’y kaniyang nilapitan ang taong namamanihala sa ibibiyaheng kargadang iyon at siya’y nagtanong: “Siyanga pala, gaano nga ho bang kataas ang watchtower na ito?”

Pagkatapos ay napag-alaman ng estibidor na ang mga bakal ay hindi gagawing isang literal na watchtower (toreng bantayan). Kundi ito’y ibibiyahe upang dalhin sa Igieduma, Nigeria, na kung saan gagamitin ito sa pagtatayo ng isang bagong sangay na complex para sa Watch Tower Society​—sa literal ay isang maliit na siyudad sa kalagitnaan ng kagubatan sa Aprika.

May anim na taon na ngayon ang nakalipas nang ang lugar na iyon ng Igieduma ay makapal na gubat ng mga halaman at mga punong-goma. Ngayon ang lupaing iyon ay inaalagaan at maganda naman; may mga bulaklak, halamanan, at mayroon pa ngang isang parke na may mga usa! Subalit, sa looban ay may nakatayong isang palimbagan na mas malaki kaysa buong lote na tinatayuan ng dating sangay sa Lagos. Sa loob ng pabrika, tatlong palimbagan ang umaandar, isa na rito ang nakalilimbag ng 17,000 magasin por ora. Ang mga gusaling tirahan ay natitirhan ng mahigit na 400 katao. Ang gusali sa paglilingkod ay may malaking silid-kainan at kusina at isang impirmarya at opisina ng dentista. May sariling suplay ng tubig at mga paagusan ng dumi. Isang kontrolado-ng-computer na powerhouse ang nagbibigay ng elektrisidad. May isang Kingdom Hall, isang gusaling opisina, at isang kagawaran ng pamatay-sunog. Naroon din ang mga kalye at mga ilaw sa kalye. Hindi katakatakang ang Bethel complex sa Igieduma ay tawagin ng mga tao na isang siyudad. At ito’y itinayong lahat ng di-binabayarang mga manggagawang boluntaryo at ginastusan ng kusang-loob na mga kontribusyon.

Mabilis na Paglawak

Bagaman ang Bethel na ito ang pinakamalaki hanggang noon sa Nigeria, hindi ito ang una. Ang una ay itinatag ni Brother William R. Brown, na kasama ang kaniyang maybahay at anak na babae ay lumipat sa Lagos noong 1930. Ang ilang inupahang kuwarto na kanilang tinirhan ay nagsilbing headquarters ng sangay ng Samahan sa West Africa, na siyang nag-asikaso sa gawaing pang-Kaharian sa Nigeria, Ghana, at Sierra Leone. Noon, may pipitong aktibong tagapaghayag ng mabuting balita sa Nigeria.

Si Bible Brown, gaya ng malaganap na pagkakilala sa kaniya, ay isang dinamiko at may tibay-loob na mángangarál ng mabuting balita. Siya’y hindi nakontento nang matagal sa kauupo sa isang silya sa opisina, kaya nilakbay niya ang bansang iyon sakay ng kotse at tren, na nagpapahayag sa publiko at namamahagi ng napakaraming babasahín.

Samantalang ang mabisang mensahe ng Kaharian ay nagkakaugat sa tumutugon na mga isip at puso, parami nang parami ang mga tao na naging masisigasig na mga tagapagbalita ng Kaharian. Ang dekada na sumunod ay tulad ng yugto ng panahon noong unang siglo sa Jerusalem nang “ang salita ng Diyos ay patuloy na lumago, at ang bilang ng mga alagad ay patuloy na dumami . . . napakarami.” (Gawa 6:7) Pagsapit ng 1940 ang bilang ng aktibong mga tagapuri ni Jehova sa Nigeria ay umabot sa sukdulan mula sa pito hanggang 1,051!

Ang ‘munti ay naging isang libo,’ ngunit ito’y pasimula lamang. (Isaias 60:22) Noong 1947 ang Samahan ay nagdestino sa Lagos ng tatlong misyonero na nagsanay sa Gilead. Isa sa mga ito, si Anthony Attwood, ay aktibo pa rin sa kaniyang atas. Ganito ang kaniyang natatandaan pa tungkol sa Bethel noon: “Ito’y isang apartment na nasa itaas ng isang talyer ng sapatos. May tatlong silid-tulugan, isang salas/opisina, at isang silid-kainan. Si Brother at Sister Brown at ang kanilang pamilya ay umuokupa ng dalawang silid-tulugan, at kaming tatlong misyonero ay nagsisiksikan sa ikatlong silid-tulugan. Mayroon lamang hustong kuwarto para sa tatlong isahang kama at isang lalagyan ng damit na nakakabit na sa dingding.”

Ang pangangailangan ng higit pang kuwarto ang dahilan ng paglipat sa isang gusaling may tatlong palapag noong 1948. Noon ang bilang ng mga mamamahayag sa Nigeria ay umabot sa 6,825. Makalipas ang walong taon, ang bilang na ito ay nagkatatlong suson, kaya ang Bethel ay muling inilipat sa Shomolu, Lagos. Doon, sa unang pagkakataon sa Nigeria, ang Samahan ay nagtayo ng kaniyang sariling Bethel Home, isang gusaling may walong silid-tulugan sa loteng ang laki’y punto seis na ektarya. Ang kalye roon ay pinanganlan na Watch Tower Street ng lokal na pamahalaan. Sa halamanan ay maraming punungkahoy na tumutubo, kasali na ang mga punong niyog at citrus, rimas, abokado at punong mangga. Subalit sa loob ng 33 taon, mga gusali ang napadagdag at napalawak. Sa kalagitnaan ng dekada ng 1970, halos ang buong looban ay nalalaganapan ng mga gusali. Kaya kinailangan nang lumipat uli.

Mga Alaala sa Pagtatayo

Una, nakakita ng isang loteng may laking 31 ektarya sa Otta, sa gawing hilaga ng Lagos. Subalit nagkaroon ng mga suliranin na nakahadlang sa pagsulong. Sa wakas, nahalata na hindi kalooban ni Jehova na kami’y lumipat doon. Pagkatapos ang paghahanap ng lote ay pinalawak pa hanggang sa buong timugang bahagi ng bansa, at noong 1983 ang Samahan ay bumili ng 57-ektaryang lupain sa Igieduma, sa Bendel State.

Sa loob ng sumunod na anim na taon, ang mga sawa at mga kobra ay nagsialis samantalang lumilipat naman doon ang mga kapatid kasama ang mabibigat na mga makina. Ang isang malaking hamon sa pagtatrabaho ay ang bagay na mahirap, o halos imposible, na bilhin doon ang karamihan ng mga kasangkapan at materyales sa pagtatayo. Kailangan ang tulong buhat sa labas. Kaya isang grupo ng mga Saksi sa Estados Unidos ang tinawagan upang humanap, bumili, at magpadala ng materyales. Si Terry Dean, ang coordinator ng malawak na trabahong ito, ay nagbibida: “Ang totoong nagpalaki sa proyekto ay ang bagay na halos lahat ay nanggaling sa labas. Sa ami’y sinabi ng mga kapatid sa Nigeria na ang tanging materyales sa pagtatayo na mayroon sila ay buhangin, semento, at tubig!”

Mabuti naman at mayroon doon ng pinakapangunahing materyales, sapagkat ang konstruksiyon ay ginamitan ng 7,500 tonelada ng semento, 55,000 tonelada ng buhangin, at 35,000 tonelada ng graba. Marami ring kahoy ang nagamit. Gayumpaman, sa sumunod na limang taon, 4.5 milyong kilo ng materyales ang nanggaling sa Estados Unidos, sapat na pumuno sa 347 freight containers, na kung pagdudugtung-dugtungin ay may habang 3.5 kilometro! Ang mga ibang sangay ay naging bukas-palad din ng pag-aabuloy ng mga kagamitan. Ang Inglatera ay nag-abuloy ng buong sistema ng elektrisidad, kasali na ang anim na pagkalalaking generator na magsusuplay ng koryente. Ang Sweden ay nag-abuloy ng isang tower crane, mga traktora, isang panghukay, trak, kagamitan, gamit sa kusina, at isang telephone exchange. Nang isang tindahan ng hardware ang ibinenta, iyon ay binili ng mga kapatid sa Sweden at ipinabiyahe ang buong laman ng tindahang iyon upang ipadala sa Nigeria. Halos ang tanging mga kalakal sa tindahan na hindi nila ipinadala ay mga pandukal ng niyebe​—tiyak na lalong doon sa Sweden kailangang gamitin kaysa sa Aprika!

Mangyari pa, ang lokal na mga Saksi ay nag-abuloy rin ayon sa kanilang kaya. Mahigit na 125,000 ang nagpakita ng kanilang pagsuporta sa proyekto sa pamamagitan ng pagpunta roon sa lugar na pinagtatayuan sa panahon ng pagtatayo. Marami ang tumulong sa pananalapi. Isang kontribusyon na 20 cents (U.S.) ang nanggaling sa isang pitong-taóng batang lalaki. Papaano siya nagkaroon ng gayong pera? Ang kaniyang tatay ay nagbigay sa kaniya ng isang piraso ng ube upang lutuin at kanin; sa halip itinabi iyon ng bata at itinanim nang dumating ang nararapat na panahon. Nang bandang huli kaniyang inani ang kaniyang ube, ipinagbili iyon at ang perang kaniyang pinagbilhan ay iniabuloy niya para sa proyekto sa Igieduma.

Ang mga ibang Saksi ni Jehova ay nag-abuloy naman ng kung saan sila eskperto, anupa’t kanilang sinanay pa ang mga iba na maging dalubhasa sa pagtatayo. Marami, umaabot hanggang 500 minsanan, ang nag-abuloy ng puspusang pagtatrabaho, sila’y gumawa ng mabibigat na trabaho sa nakapapasong init ng araw at samantalang bumubuhos ang ulan sa tropiko upang matapos ang trabaho. Isaalang-alang, halimbawa, kahit na lamang ang trabaho upang maitayo ang pader na nakapalibot sa buong looban. Sa pitong buwan na kinailangan upang matapos ang halos tatlong kilometrong pader na ito, ang mga kapatid ay gumawa at isahan ay nagsemento sila ng mahigit na 57,000 kongkretong bloke para mayari ang pader! Isang kapatid ang nagbiro: “Ang nagbigay sa akin ng lakas upang magpatuloy ng pagtatrabaho ay ang pagkakita sa mga buwitreng nagsisilipad nang paligid-ligid sa itaas namin samantalang naghihintay na ako’y bumagsak na lamang!” Ang totoo, tulad ng libu-libo pang iba na may bahagi sa tagumpay ng Igieduma, ang nagpakilos at sumustine sa kaniya ay ang banal na espiritu ni Jehova.

Kinilala ng mga Opisyales

Ang mga opisyales ng gobyerno ay nakipagtulungan sa pagsuporta sa proyekto. Ang Tanggapan ng Pangulo ay pumayag na lahat ng inangkat na mga gamit sa pagtatayo ay malibre sa pagbabayad ng buwis sa adwana. Iniurong ng lokal na mga opisyales ang mga kabayaran sa pagbuo at pagpapapirma ng mga plano. Tanging isang maliit lamang na kabayaran sa pagtatayo ang hiningi. Minsan, nang magkaroon ng di-pagkakaintindihan tungkol sa lupa, ang Omo N’oba, o hari, ng buong lugar na iyon ay nakialam na at kaniyang iniutos: “Ang trabaho ay hindi kailangang ihinto sapagkat ito’y gawain ng Diyos.”

Na ang proyektong ito’y itinataguyod ng Diyos, ganiyan kinikilala ito ng kahit na hindi mga Saksi ni Jehova. Nang isang kompanyang Amerikano ang magkaloob ng bakal upang maitayo ang garahe, sila’y nagsugo ng isa sa kanilang mga tauhan, isang Katoliko, upang tumulong sa pagtatayo niyaon. Sa loob ng kaniyang dalawang linggong paglagi sa Igieduma, hindi nagtagal siya’y naging palagay-loob, tinatawag pa man din niya na brother at sister ang kaniyang mga kamanggagawa. Nang siya’y makauwi na, siya’y sumulat sa ating tanggapan sa Nigeria: “Kailanman ay hindi ako nakaranas ng napakaligayang trabaho di-gaya ngayon nang ako’y nariyan at gumagawa ng gawain ng Diyos sa paraan ng Diyos.”

Araw ng Pag-aalay

Noong Enero 20, 1990, ang magandang Bethel complex na ito ay inialay sa Diyos na Jehova, na ang espiritu’y siyang dahilan ng pagkatapos nito. Ang mga panauhin ay nanggaling sa lahat ng panig ng Nigeria, bagaman ang paanyaya ay limitado sa mga nangabautismuhan nang di-kukulangin sa 35 taon o nagsigugol nang sa pinakamaliit ay 20 taon sa buong-panahong paglilingkuran. Ang mga kapatid na babae ay nakasuot ng maluluwang, makukulay na mga damit na may kabagay na mga bandana sa ulo, at marami sa mga kapatid na lalaki ang nakasuot ng magagandang kasuotang Aprikano. Lahat-lahat, 4,209 buhat sa 29 na mga bansa ang dumalo sa pag-aalay. Kabilang sa kanila ang di-kukulangin sa 80 misyonero, na karamihan ay nanggaling sa mga ibang bansa sa Kanlurang Aprika. Kasali sa programa ang mga ulat na ibinigay ng limang dumadalaw na mga kinatawan ng sangay, na tumalakay sa tampok na pagkakaisa ng layunin at pagmamalasakit sa kapuwa na umiiral sa gitna ng bayan ni Jehova. Nakasulat na mga pagbati at mga telegrama ang nanggaling sa mga kapatid sa 21 bansa, kasali na ang nakapupukaw na mensahe buhat sa “400 kapatid na lalaki at babae sa Moscow, Unyong Sobyet.”

Dalawang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, ang naroroon din. Si Albert Schroeder ay nagpahayag sa temang “Hinahanapan ang Isa na Masumpungang Tapat,” na nagdiriin sa pangangailangan ng patuloy na katapatan sa bahagi ng bayan ng Diyos. (1 Corinto 4:2) Ang diskurso sa pag-aalay ay ibinigay ni Lyman Swingle, na tumalakay sa pagtatayo ng maluwalhating templo noong panahon ni Solomon. Bagaman ang templo’y may pagtataguyod at pagsang-ayon ng Diyos, niliwanag ni Jehova na ang higit na mahalaga kaysa gusali ay ang katapatan ng pagsunod ng kaniyang nag-alay na bayan. Sa ganitong paraan ipinakita ni Brother Swingle na ang magandang branch complex sa Igieduma ay hindi siyang lahat sa lahat kundi isang paraan upang mapasulong ang tunay na pagsamba.

Nang sumunod na araw, sa tatlong siyudad sa Nigeria ay nagkaroon ng mga pantanging pagpupulong may kaugnayan sa pag-aalay sa tatlong siyudad sa Nigeria. Mahigit na 60,000 ang dumalo sa mga sesyong ito.

Noong sinaunang panahon, nang ang mga taga-Nigeria na ang wika’y Edo ay naparoon upang magparangal sa isang dakilang punò, ito’y may kasamang malaking selebrasyon at pagsasayá. Ang Igieduma (sa orihinal ay ugie dunai) ang siyang salitang ginamit upang tukuyin ang matagumpay na pagtatapos ng gayong masayang pagtitipon. Sa mga lingkod ni Jehova na nagpunta roon nang araw ng pag-aalay upang parangalan ang Punò ng Uniberso, si Jehovang Diyos, kakaunting salita ang magiging lalong angkop. Sa 139,150 mamamahayag ng Kaharian sa Nigeria, ang salitang “Igieduma” ay nagpapagunita ng dako na mula roon nanggagaling ang teokratikong patnubay at payo, at gayundin ang nilimbag na materyal na tutulong sa kanila na magpatuloy ng paggawa ng gawain ng Diyos ayon sa paraan ng Diyos sa Nigeria.

[Mga larawan sa pahina 24, 25]

1. Mga gusaling tirahan

2. Kingdom Hall

3. Gusali sa paglilingkod

4. Opisina

5. Pabrika

6. Garahe

7. Bahay para sa generator

[Mga larawan sa pahina 26]

Sina Brother at Sister Brown sa harap ng tanggapang sangay noong mga taon ng dekada ng 1940

Reception ng pabrika sa bagong sangay

Kuwarto sa Bethel

[Mga larawan sa pahina 27]

Dalawang-kulay na offset press

Pagkakarga ng literatura

Kingdom Hall

Kagawaran sa Paglilingkod

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share