Ang Kahulugan ng mga Balita
Pinagbawalan na Mag-asawa
Tinukoy ng isang obispong Lutherano bilang “isang malaon nang nakukubling suliranin,” ang seksuwal na imoralidad ng klero ay sa wakas ‘lumabas na sa pinagtataguan.’ Gayunman, ang Los Angeles Times ay nag-uulat na kasama nito na lumabas ang “nakahihiyang mga pagbubunyag sa madla at magagastos na mga asunto na puwersahang humila sa maraming simbahan sa pagkabangkarote.” Pinansin ng Times na sinasabi ng mga ahente ng seguro na nabibinbin sa mga hukuman ang hanggang 2,000 kaso ng seksuwal na pang-aabuso na kinasasangkutan ng klero.
Kapansin-pansin din na ang ilan sa pinakabatikang mga mang-aabuso ay iniulat na mga klerigong Romano Katoliko. Si A. W. Richard Sipe, isang psychotherapist at dating mongheng Benedictine, ay nagsagawa ng mga pakikipagpanayam sa 1,000 pari at 500 iba pang mga lalaki at mga babae, marami sa huling binanggit ay umaamin na sila’y nagkaroon ng seksuwal na pakikitungo sa mga miyembro ng klero. Ang magasing Time ay nag-uulat na kaniyang tinataya na humigit-kumulang kalahati ng 53,000 paring Romano Katoliko sa Estados Unidos ang sumisira sa kanilang panata ng di-pag-aasawa. Sang-ayon kay Sipe, humigit-kumulang 28 porsiyento ng lahat ng pari ay may kasalukuyang relasyon sa mga babae, samantala, bukod dito, mula 10 hanggang 13 porsiyento ang may seksuwal na kaugnayan sa mga adultong lalaki, at 6 na porsiyento ang nakikitungo sa mga bata ukol sa sekso, karaniwan ay mga batang lalaki. Mahigit na 100 areglo para sa likong paggawi ng klero sa loob ng nakalipas na anim na taon ang pinagkagastahan ng mga autoridad Katoliko na nasa pagitan ng 100 milyon at 300 milyong dolyar.
Marami ang naniniwala na karamihan ng mga suliraning ito ay maiiwasan kung ang mga pari ay pinapayagan na magsipag-asawa. Ang iba ay baka mabigla kung malalaman nila na saanman sa Bibliya ay hindi pinagbabawalan ang Kristiyanong mga ministro ng Diyos ng pag-aasawa. Subalit, ang Iglesiya Katolika ay nagbabawal sa mga pari ng pag-aasawa sapol pa noong ika-12 siglo. Kapana-panabik malaman, nang tinutukoy ang malaganap na paglihis sa tunay na pagsamba na magaganap pagkamatay ng mga apostol, sumulat si Pablo na “ang iba ay hihiwalay sa pananampalataya, na makikinig sa magdarayang kinasihang mga pananalita at sa aral ng mga demonyo, sa pamamagitan ng pagpapaimbabaw ng mga tao na nagsasalita ng kasinungalingan, . . . nagbabawal ng pag-aasawa.”—1 Timoteo 4:1-3.
Bakit Napakaraming Karahasan?
Ang Canada ay nabigla at nangilabot nang mabalitaan na ang 25-anyos na si Marc Lepine ay nagsagawa ng lansakang pagpatay sa campus ng Unibersidad ng Montreal. Walang-patumanggang pinaslang niya ang 14 na mga babaing estudyante sa engineering, 13 pang estudyante ang nasugatan, kasali na ang 4 na lalaki, bago siya nagbaril sa kaniyang sarili. Ito ang isa sa pinakamalubhang pamamaslang sa kasaysayan ng bansa. Binanggit ng pangulong ministro na ang walang-awang pamamaslang ay “isang pagkalaki-laking trahedya sa sangkatauhan.”
Sang-ayon sa The Toronto Star, sa Estados Unidos, “nagkaroon ng mahigit na 100 pangmaramihang mga mamamatay-tao sapol noong Digmaang Pandaigdig II at karamihan sa kanila ay lumitaw noong nakalipas na dalawampung taon.” Datapuwat, gaya ng malungkot na tanong ng ama ng isa sa mga biktima ni Lepine: “Bakit napakaraming karahasan sa daigdig? Bakit ang mga tao ay gumagawa ng ganitong bagay sa isa’t isa?”
Ang paliwanag ng Bibliya na dahilan ng pagdami ng karahasan sa panahon natin ay malinaw. Si apostol Juan ay sumulat: “Ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot na isa.” (1 Juan 5:19) Kahalintulad ng hangin na ating nilalanghap, isang masamang espiritu na nanggagaling kay Satanas, “ang balakyot na isa,” ang nangingibabaw sa kaisipan, sa mga hangarin, sa mismong mga kilos ng karamihan ng mga tao. Sa pamamagitan ng kaniyang espiritu ng paghihimagsik, kaimbutan, at pagmamataas, kaniyang “dinadaya ang buong tinatahang lupa.” (Apocalipsis 12:9) Gayunman, ang mga tunay na sumasamba sa Diyos ay naaaliw sa kaalaman na “ang sanlibutan ay lumilipas at ang pita nito, ngunit ang gumagawa ng kaloban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17.