Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
“Ang mga Tupa’y Nakikinig sa Kaniyang Tinig”
◻ SINABI ni Jesus: “Ang mga tupa’y nakikinig sa tinig [ng pastol], at ang kaniyang sariling mga tupa ay tinatawag niya sa pangalan at sila’y inihahatid sa labas.” (Juan 10:3) Sinabi pa niya: “Nakikilala ko ang aking mga tupa at nakikilala naman ako ng aking mga tupa.” (Juan 10:14) Ang tulad-tupang mga tao ay nakikinig sa tinig ni Jesus samantalang siya’y nakikipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng Bibliya. Pansinin kung papaano dalawang tapat-pusong tao sa Italya ang sumunod sa ganitong hakbangin.
Sa Wakas ay Nakinig Siya
◻ Si Alberto ay sumulat: “Ako’y 16 anyos nang magsimula akong humitit ng marijuana at gumamit ng LSD, at sa edad na 18 ako’y nagpatuloy ng paggamit ng heroin. Upang magkaroon ako ng mga drogang iyan, ginawa ko ang lahat ng mga bagay na maguguniguni mo. Ako’y nagnakaw, naging drug pusher, nanuba, nagbili ng lahat kong mga ari-arian. Talagang hindi ako makahinto. Pagbabakasyon sa ibang bansa, matagal na paglagi ko sa mga kanayunan, o pulitikal na pagkasangkot sa mga grupo ng radikal na desididong labanan ang pang-aapi—walang isa man sa mga bagay na ito ang nakatulong. Sinubok ko ang pag-aasawa, subalit pagkalipas ng sandali naroroon na naman ako kung saan ako nagsimula. Maging ang pagkakaanak namin ng isang babae ay hindi nagpahinto sa akin sa paggamit ng mga droga. Sa katunayan, lalo pang lumubha ang mga bagay-bagay, yamang higit pang salapi ang kailangan ko ngayon. Pagkatapos ako’y iniwan ng aking asawa, at sa dalawang taon na pamumuhay na mag-isa, makalawa lamang na nakita ko ang aking anak na babae. Ako’y nagtatago sa mga drug pusher na pinagkakautangan ko, at maraming beses na ako’y nagdanas ng kahirapan sa mga sintomas sa paghinto sa droga.
“Nang magkagayo’y naalaala ko ang isang aklat na ibinigay sa akin ng mga Saksi ni Jehova mga ilang taon na ngayon ang nakaraan. Nasa akin pa rin iyon kaya nagsimula akong magbasa niyaon kasama ang Bibliya. Sa ganitong paraan nakilala ko ang tunay na Diyos, si Jehova, at ako’y nanalangin sa kaniya upang humingi ng tulong. Habang unti-unting isinasagawa ko ang mga bagay na aking natututuhan, ang aking mga sintomas sa paghinto sa droga ay naging lalong magaan. Ako’y nakatagpo ng trabaho, at sa tulong ni Jehova kaming mag-anak ay nagkasama-samang muli. Naparoon ako sa Kingdom Hall, at doon ay natanto ko na ang mga Saksi ni Jehova ang may taglay ng katotohanan. Pagkatapos na muling magkasama, kaming mag-asawa ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi at sa wakas ay nabautismuhan. Ngayon, anong laking kagalakan na ang aming pag-asa ay ibahagi sa iba bilang regular na mga payunir!”
Sinagot ang Panalangin ng Isang Taimtim na Babae
◻ Isang babae ang nag-uulat: “Noong 1958, ako ay aktibong nakikibahagi sa mga gawain ng parokya, lalo na sa mga peregrino sa Santuwaryo ng Madonna ng Banal na Pag-ibig sa Roma. Nang sumapit ang panahon ako’y naging isang matalik na kaibigan ng isang kardinal na siyang bikaryo ng Roma, at nagkaroon ako ng maraming pribadong pakikipag-usap kina Papa Paulo VI at Juan Paulo II. Pagkaraan ng 25 taon ng pag-oorganisa ng mga peregrinasyon, ako’y tumanggap ng isang diplomang pandangal. Gayunman, dumating ang panahon na ang aking pananampalataya bilang isang masigasig na Katoliko ay nagsimulang humina. Napansin ko ang mga pagnanakawan, panggagantso, nepotismo, at kakatuwáng mga transaksiyon. Ako’y nagsimulang magmasid sa simbahan sa pamamagitan ng iba’t ibang pangmalas sa pagkakita ko na ang kautusan ng Diyos ay napakalimit na niyuyurakan. Ang gayong mga bagay ay nakagambala sa akin, at hiniling ko sa Diyos na tulungan ako dahilan sa nawawalan na ako ng pananampalataya. Malimit na ako’y umiiyak.
“Nang magkagayon, apat na taon na ngayon ang nakalipas dinalhan ako ng aking anak na lalaki ng ilang sipi ng Ang Bantayan at Gumising! na kaniyang nakuha sa mga Saksi ni Jehova. Ang mga magasin ay totoong interesante kung kaya’t hiniling ko sa kaniya na ikuha pa ako ng iba pa. Hindi nagtagal pagkatapos at nakasumpong naman ako ng isang Kingdom Hall of Jehovah’s Witnesses at nag-iwan ako ng isang nota sa pintuan na humihiling na ako’y dalawin ng sinuman sa kanila. Ang mga Saksi ay dumating makalipas ang apat na oras. Ako’y nagsimulang makipag-aral ng Bibliya at sumulong naman ako hanggang sa punto ng pagbabautismo. Ngayon ay natitiyak kong sa wakas ay nasumpungan ko rin ang aking patuloy na hinahanap—ang katotohanan!”
Ang mga taong ito ay nakinig sa tinig ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo, at ‘ang katotohanan ang nagpalaya sa kanila.’—Juan 8:32.
[Picture Credit Line sa pahina 14]
Garo Nalbandian