Ang Hamon ng Paghahasik ng Binhi ng Kaharian sa Timugang Chile
NAKATUTUWA na maglakad sa isang tahimik na daan sa kanayunan ng timugang Chile! Mga bakang tahimik na nanginginain sa mga kabukirang sagana sa kakahuyan at sa likuran ay naroon ang mga bulkang matatayog na nababalutan ng niyebe ang taluktok. Maririnig mo ang mga ibon na naghuhunihan at ang mga dahon ng kahoy na ipinapagaspas ng hangin. Bagaman totoong kaiga-igaya ang gayong palibot, para sa mga naghahasik ng mga binhi ng katotohanan ng Kaharian ay may napapaharap na mga hamon.
Ibig mo bang makilala ang ilan sa aming mga payunir, o buong-panahong tagapagbalita ng Kaharian? Nais mo bang sa loob ng isang araw o dalawa ay makasama sila sa pangangaral ng mabuting balita? Una, makinig muna tayo samantalang inilalahad ni Jaime at ni Oscar ang mga kaluguran at mga hamon na dulot ng gayong araw sa timugang Chile.
Ang Isang Araw sa Pangangaral
“Kami’y nagsisimula nang kumilos at nararamdaman namin ang ginaw na tumatagos sa aming munting tirahan. Samantalang nakamedyas pa ng lana at nakagora pa sa kaniyang ulo, si Oscar ay bumangon at bumaba sa higaan. Siya’y nagpaningas ng kalan na kahoy ang gatong, sinindihan ang munting pampainit na de-gas upang mabawasan ang ginaw sa loob ng kuwarto, at pagkatapos ay bumalik na naman upang magpainit sa kaniyang higaan. Madilim pa sa labas, at aming naririnig ang ulan na bumabagsak sa buong magdamag. Kami’y tumanaw sa bintana at nagkatinginan. Oh, anong dali sana na maglimayon na lamang sa araw na ito! Saka namin naalaala ang aming mga plano para sa maghapon at ang pangangailangan na gumawa sa isang nakabukod na teritoryo na hindi pa nararating noong nakaraang taon. Kami’y naganyak na magsimula kaagad.
“Kami’y lumakad na bago mag-alas otso, mabilis ang aming lakad at umasa kami na may magsasakay sa amin o may darating na bus, upang mapabilis ang aming paglalakbay sa mga eskinitang patungo sa nabubukod na mga tahanan at mga nayon sa aming teritoryo. Sádarating ang isang traktora na may hila-hilang isang palapad na trailer at may nakasakay na ilang manggagawa. Huminto ang tsuper at pinayagan kaming umakyat upang sumakay. Kami’y natutuwa, salamat sa ulan noong nakaraang gabi, ngayon ay naiwasan namin ang karaniwang karanasan na sumasagasa sa makapal na alikabok. Samantalang kami’y nagbibiyahe, ang mabuting balita ay ibinahagi namin sa mga manggagawa sa bukid. Nang oras na upang kami’y bumaba, sila’y binigyan namin ng ilang magasin. Kaylaki ng aming pasasalamat at kami’y nakasakay kaya 12 kilometro ang natipid namin sa paglalakad!
“Matagal ang maghapon samantalang kami’y nagpaparoo’t parito sa kanayunan sa paghahanap ng mga taong karapat-dapat. Nang magsimula kami sa aming teritoryo, hindi namin maintindihan kung bakit ang mga tao’y sang-ayon naman sa aming sinasabi ngunit parang nag-aatubiling tumanggap ng mga babasahin sa Bibliya. Napag-alaman namin na malimit na ito’y dahilan sa sila’y hindi makabasa. Kaya natuklasan namin na makabubuting banggitin sa kanila na ang aming dalang literatura ay isang kahanga-hangang regalo sa kanilang mga anak at mga kamag-anak, na kasama nilang makikinabang sa nilalaman ng mga iyon. Karamihan sa mga nakausap namin ay walang gaanong maraming mga bagay-bagay ng sanlibutang ito. Ngunit yamang sila’y natutuwang bahaginan kami ng mga bagay na mayroon sila, pagka kanilang tinanggap ang mga babasahin sa Bibliya, kadalasan ay binibigyan nila kami ng itlog, patatas, beets, sibuyas, balatong, lintehas, at garbansos.”
Si Jaime ay natutong magharap ng mga mungkahi pagka ang isang maybahay ay nagnanais magbigay ng donasyon para sa mga babasahin sa Bibliya na ibinigay sa kaniya. Bakit? Minsan, ang mga payunir ay umuwi na may dalang 15 kilong gulay, at ang kaniyang kasama naman ay may dalang isang manok na buháy na nasa kaniyang bag ng mga aklat sa kalakhang bahagi ng maghapon! Malimit na nagmumungkahi si Jaime ng merquén, isang masarap na pampalasa na ang rekado ay chili peppers at panimpla. Ang paglalahad ay nagpapatuloy:
“Tumawid kami sa mga bukid, at dumating kami sa ilang rucas [tahanan] ng katutubong mga Mapuche [ibig sabihin, “Mga taong tagarito”]. Mahirap makipag-usap sa matatandang Mapuche, sapagkat marami sa kanila ang walang alam kundi ang kanilang katutubong wika. Pagka may mga kabataang naroroon, sila kalimitan ay nagsisilbing tagapagsalin. Habang kami’y gumagawang paloob sa kanayunan, kami’y may natatagpuang mga tao na hindi nakakakita kailanman ng Bibliya o nakadadalaw man sa isang malaking siyudad na tulad baga ng Temuco, na kabisera ng rehiyon. Ito’y nagiging isang hamon ng pagtulong sa kanila upang maunawaan kung papaano patuloy na sumasamâ ang mga kalagayan sa daigdig. Aming ginagawa ito nang baitang-baitang, na ipinakikita sa kanila kung papaanong ang mga suliraning lokal ay nagpapahiwatig ng nangyayari saanman.
“Habang nagpapatuloy ang maghapon, kailangang ipahinga namin ang aming mga binting napapagod. Ang lagay ng panahon ay paiba-iba sa pagitan ng matinding pagsikat ng araw at ng pagkalakas-lakas na ulan kung kaya’t walang-kabuluhan ang isang payong. Dahilan sa kaaara-araro lamang ng mga bukid ang putik ay kumakapit sa aming mga bota. Pagkarinig namin ng mga salitang Pase no más (tuloy kayo), kami’y napasasalamat at tuloy na kami sa kusina at nagpapainit kami sa isang kalan na de-kahoy, sa isang tasang ‘kape’ galing sa mga binutil, kaunting kesong gawang-bahay, at bagong-lutong tinapay na gawang-bahay. Ah, kaybangu-bango ng bagong-lutong tinapay!
“Ngayong nanumbalik na ang aming lakas, kami’y nagpatuloy ng paggawa hanggang sa pagkagat ng dilim, tumawid kami sa mga bukid na pambihirang pinaghihiwalay ng mga bakod, bagaman makakakita ka ng ilang bukid ng trigo na sa mga tabi ay natatamnan ng halamang tinatawag na pica-pica, isang luntiang walis-walisan na may dilaw na mga bulaklak. Yamang ang araw ay malapit nang lumubog at kailangang kami’y makarating sa isa pang malaking kalye upang umabot sa huling bus para makabalik sa bayan, ang aming paglalakad nang 20 kilometro ay malapit nang matapos.
“Kami’y nakabalik nang ligtas at maayos naman, pagod pero masaya, sapagkat kami’y nakaranas ng nakalulugod na mga pakikipag-usap sa mga taong tulad-tupa. Pagkatapos na kami’y makapaghapunan, kami’y nagbalik-tanaw sa maghapon at pagkatapos ay humiga na upang mamahinga.”
Ang Pagdalaw sa Chiloé
Ang kapuluan ng Chiloé ay binubuo ng maraming maliliit na isla. Ang pinakamalaking isla ay 180 kilometro ang haba at may luntiang mga burol na pinaghihiwa-hiwalay ng maliliit na look. At kaygandang mga tanawin sa tabing dagat at kakaibang mga kanayunan sa pangingisda ang makikita saan ka man pumaroon!
Sa bayan ng Achao, malapit sa malaking isla, natagpuan namin doon sina Rubén at Cecilia. Nang sila’y dumating noong Marso 1988, ang pari roon ay nagbabala sa mga tao na ‘huwag makinig sa mag-asawang naglalakad sa buong isla at nagpapaliwanag tungkol sa Bibliya.’ Ang kaniyang negatibong mga sinabi ay nagsara ng isip ng iba ngunit nakapukaw naman ng pananabik ng iba. Pagkaraan ng sapat na panahon sina Rubén at Cecilia ay nagdaraos ng 28 pag-aaral sa Bibliya. Marami sa mga pag-aaral ang idinaraos sa mga guro, apat sa kanila ang gumagamit ng mga lathalain ng Watch Tower na “All Scripture Is Inspired of God and Beneficial” at Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya sa pagtuturo sa mga klase ng relihiyon sa kanilang mga paaralan.
Inaalagaan ni Jehova ang masisipag na mga payunir na ito, na lumalakad hanggang 34 kilometro maghapon sa pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Isang araw, si Ruben at si Cecilia ay naglalakad sa isang landas na nasa gilid ng tabing-dagat nang kaniyang mapansin na sa pagkati ng tubig naroon ang maraming choritos (isang uri ng kabibi) na madali namang mapanguha. Sinimulan ni Ruben ang kaniyang pangunguha, pero papaano nila iuuwi ito? Si Cecilia ang nakalutas ng problemang iyan. Ang kaniyang medyas ang naging bag. Ang mga payunir ngayon ay may mailuluto nang masarap na kabibing-dagat!
Sa gawing hilaga ng Achao, dalawang buong-panahong mángangarál ng Kaharian na kilala sa tawag na mga special pioneer ang kaugnay ng isang maliit na kongregasyon sa Linao. Ang pangangaral ay nagsimula roon noong 1968, at ang unang Saksi ni Jehova sa Linao ay nabautismuhan noong 1970. May apat na taon din na nag-iisa sa pangangaral ang kapatid na lalaking ito at nagtiis ng paglibak buhat sa kaniyang mga kasambahay at mga kakilala. Sa wakas, noong 1974, ang kaniyang maybahay ay tumugon at tinanggap ang katotohanan ng Bibliya at nabautismuhan. Ito’y sinundan ng pagbabautismo ng apat na kapatid niyang lalaki, apat na mga kapatid na babae, apat na mga tiyuhin, anim na pamangking lalaki, at isang bayaw at ang kaniyang maybahay. Ang kongregasyong itinatag doon ay isang malaking pamilya. Nang takdang panahon, tatlo sa limang magkakapatid na lalaki ang naglingkod bilang matatanda at isa ay naging ministeryal na lingkod.
Si Luis at si Juan ay buong-panahong mángangarál na doon nagbuhos ng panahon sa paghahasik ng binhi ng Kaharian sa Quemchi, isang munting bayan na 30 kilometro ang layo sa Linao. Araw-araw, sila’y umaakyat sa mga bakod, tumatawid sa mga bukid na palasak na natatamnan ng halaman, at manhik-manaog sa mga burol, laging kasama nila ang hangin at ulan. Upang marating ang karatig na mga isla, sila’y gumagamit ng maliliit na mga bangka na nagbibiyahe sa isla ng Chiloé dalawa o tatlong beses isang linggo. Sila’y lumalagi sa isang isla nang dalawang araw. Ang paglalakbay sa pagitan ng mga isla ay maaaring maging sanhi ng medyo pagkaliyo ng isang hindi sanáy sa dagat, subalit ang kagandahang-loob at kabaitan ng mga tagaisla ang nagtatakip ng suliraning ito. Kina Luis at Juan ay sumama ang isa pang mamamahayag ng Kaharian, at sama-sama sila’y nagsikap na marating ang 11,500 taong naninirahan sa kanilang teritoryo. Bagaman mabagal ang pagsulong, labis ang kagalakan ni Luis at ni Juan nang may 36 ang nakadalo sa selebrasyon ng Memoryal noong 1989.
Pagbabalik sa Malaking Isla
Sa pagpapatuloy pahilaga, kami’y tumawid sa Chacao channel at narating namin ang malaking isla. Sa lugar na ito, ang mga payunir na sina Ramón at Irene ay gumagawa sa isang malawak na teritoryo na doo’y kasali ang nakabukod na mga grupo sa Maullín, Carelmapu, at Pargua. Ang mga Saksi sa islang Chiloé ay naglalakad nang may isang oras at pagkatapos ay sasakay sa transbordador (batel) upang makatawid sa katubigang iyon at makadalo sa mga pulong Kristiyano sa Pargua. Si Ramón ay naglalakbay nang isang oras at 20 minuto sakay ng bus buhat sa Maullín upang mangasiwa sa mga pulong na karaniwan nang dinadaluhan ng makadobleng bilang ng mga tao kung ihahambing sa dami ng mga mamamahayag. Bakit kailangang napakatagal bago makapaglakbay sa layong 38 kilometro lamang? Sapagkat ang bus ay pahintu-hinto sa daan upang magsakay ng mga pasaherong may dalang mga bag ng prutas at mga gulay, mga sako ng patatas at sibuyas, at kung minsan mayroon pang dalang buháy na mga baboy at mga manok. Anumang hindi maaaring ilagay sa ibabaw ng bus ay doon sa loob inilalagay. Kaya naman ang resulta ay isang matagal na biyahe na doo’y maraming sari-saring mga amoy, mga kung anu-anong makikita, at mga ingay.
Yamang kakaunti-kaunti sa mga payunir na ito ang may mga kotse, pagka hindi ka nakasakay sa isang bus na nagbibiyahe sa pagitan ng mga bayan ang resulta’y paglalakad nang mahabang distansiya, maliban sa kung may magsakay sa iyo. Nang si Ramón at ang isang inaaralan ng Bibliya ay sakay kasama ng isang tsuper, ito’y nagtanong: “Papaano ba tumutugon ang mga tao sa inyong gawain?” Nang kaniyang makitang siya’y kanilang tinititigan, sinabi niya: “Ako ang pari sa pueblong ito, at kayo’y mga Saksi ni Jehova. Kilalang-kilala ko ang inyong gawain at nagugustuhan ko ang inyong mga magasin.” Nagkaroon ng tanong-at-sagot na talakayan bago niya ibinaba sila sa Pargua at tamang-tama ang pagsisimula roon ng pulong. Tunay na ang mga ibang katanungan ng pari ay nasagot sa kaniyang patuloy na pagbabasa ng ating mga magasin.
Hindi laging madali para kay Ramón at kay Irene na makarating sa 20 tahanan na kung saan sila’y nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya. Ang iba ay naroon pa sa kabilang ibayo ng Ilog Maullín o sa nabubukod na mga kanayunan ng pangingisda at kailangan pang sumakay sa munting bangka upang marating. Bagaman ang malalakas na ulan ay maaaring makasira ng loob, maliwanag na ang pagtitiis na ipinakita nila at ng 18 pang mamamahayag ng Kaharian na nakakalat sa buong kanayunang teritoryong ito ay nagbubunga nang 77 ang nagtipong sama-sama para sa Memoryal.
Sa Los Muermos, ang buong-panahong mga tagapagbalita ng Kaharian na sina Juan at Gladys ay nakapagdaos ng 23 pag-aaral sa Bibliya. Ang malalayong paglalakad sa maputik na mga daan ay ginanti nang ang binhi ng Kaharian ay magkaugat sa puso ng natuturuang mga tao. Sa isang nakabukod na lugar sa kabundukan sa baybaying-dagat malapit sa Estaquilla, si Juan at si Gladys ay gumawa sa isang lugar na hindi pa nadadalaw. Kanilang itinanong sa isang inaaralan nila ng Bibliya kung maaari nilang mahiram ang kaniyang kabayo para sa araw na iyon. “Mangyari pa,” ang tugon niya. “Puwede ba akong sumama sa inyo?” Nang bandang huli ay natalos ni Juan na ito’y dahil sa kalooban ni Jehova. Napakadaling maligaw sa palanas na kagubatan, subalit ang taong interesado ay sanáy sa lugar na iyon at sila’y dinala nito sa mga tahanan na hindi makikita buhat doon sa mga landas sa kabundukan. Palibhasa’y totoong hapo na pagkatapos ng siyam na oras na paglalakad at pangangabayo, isa sa mga special pioneer ang nagtanong sa inaaralan ng Bibliya kung ano ang kaniyang nadarama. Ang tugon ng lalaki: “Ang tanging hiling ko lamang ay na ipagsama ninyo ako sa susunod na pagpunta.” Ang nagpapahalagang taong ito ay patuloy ng pagsulong sa espirituwal at nabautismuhan noong Enero 1988. Ang kaniyang maybahay ay nabautismuhan agad sa isang pansirkitong asamblea.
Sa pagbisita ng tagapangasiwa ng sirkito, ang 11 mamamahayag sa Estaquilla ay nagalak dahil sa 110 dumalo sa pahayag pangmadla. Sa isang munting bayan na may 1,000 katao na mas malapit sa Los Muermos, 66 ang nagtipon para sa Memoryal. Kaya malaki pa ang gagawin sa malawak na larangang ito.—Mateo 9:37, 38.
Sa gawing hilaga, aming natagpuan ang mga payunir na si Allan at si Fernando. Sa kanilang paglalakad sa isang maalikabok na daan isang araw, isang tsuper ang nagpasakay sa kanila sa likod ng kaniyang trak. Matapos na sila’y makababa na, sila’y napatawa dahilan sa sila’y nabalot ng makapal na alikabok mula ulo hanggang paa. Ang pagkamapagpatawa at ang kagalakan ng pagdaraos ng 20 pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang tumulong upang madaig ang gayong mga di-kaalwanan. At di-sukat akalain ang kanilang kagalakan nang 65 ang dumalo sa Memoryal at dalawang tagaroon ang sumama sa kanila sa pangangaral noong sumunod na buwan!
Pagtawid sa Bío-Bío
Upang marating ang mga taong tulad-tupa na malapit na sa Kabundukang Andes, kailangang tumawid sa isang bangin na naroroon sa ibaba ang humuhugong na katubigan ng Ilog Bío-Bío 50 metro sa bandang ibaba. Ito’y ginagawa sa pamamagitan ng isang marupok na tuntungang kahoy na nakabitin sa isang kable na tumatawid sa bangin. Bagaman medyo may agam-agam, ikaw ay umaakyat at hinihila mo ang isang pingga na nag-aarya sa tuntungang plataporma upang gumulong nang pababa sa kable. Ikaw ay mahigpit na nakahawak sa barandilya ng tuntungang plataporma samantalang mabilis na nagpapaindayog ka sa gitna ng bangin, na kung saan naglalambitin ka hanggang sa huminto. Pagkatapos na huminga ka nang malalim, isa pang pingga ang pinakikilos mo nang paroo’t parito, dahan-dahang gumiginda ka sa kabilang panig. Tiyak na hindi ito para sa mahina ang loob! Gayunman, isang kapatid na babae ang gumagawa nito linggo-linggo upang marating ang isang taong tulad-tupa sa isang malayong nayon sa kabundukan!
Ang magandang halimbawang ipinakikita ng mga payunir at ng iba pang mamamahayag ng Kaharian ay nagpapatibay-loob sa mga interesado na may pagpapahalaga upang gumawa ng kaukulang pagsisikap na dumalo sa mga pulong Kristiyano. (Hebreo 10:24, 25) Isang pamilya ang naglalakbay nang 40 kilometro sakay ng kabayo hanggang sa Ilog Bío-Bío at pagkatapos ay lumalakad nang isa pa uling 12 kilometro hanggang sa Kingdom Hall.
Ano ba ang naaalaala ng mga payunir pagka kanilang ginugunita ang nakalipas na mga taon? Mga bulkan na nababalutan ng niyebe ang taluktok, magagandang kabukiran, at umaagos nang buong bilis na mga ilog? Ang alikabok, ulan, putik, at malalayong paglalakad? Oo, ngunit ang lalong higit nilang natatandaan ay ang palakaibigang mga tao na tumugon at tumanggap ng mabuting balita. Ang tulad-tupang mga taong ito ay tiyak na siyang dahilan upang lahat ng pagsisikap ay maging karapat-dapat. Kaylaking kagalakan na maghasik ng binhi ng Kaharian sa timugang Chile!