Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Pangangaral ng “Kalayaan sa mga Bihag” sa Brazil
ANG espiritu ni Jehova ay gumagawa nang buong lakas sa kaniyang bayan sa Brazil samantalang sila’y nangangaral ng mabuting balita ng kalayaan sa mga nakabilanggo sa huwad na relihiyon. (Isaias 61:1, 2; Lucas 4:18) Noong 1947 mayroon lamang 648 Saksi sa bansa. Noong 1967 ang bilang ay umakyat hanggang 41,548. Sa pagpapala ni Jehova, maaga noong 1991 ito ay umabot sa pinakamataas na bilang na mahigit na 302,000! Totoo nga, ‘pinalago iyon ni Jehova.’ (1 Corinto 3:7) Noong 1990 taon ng paglilingkod lamang, 27,068 ang nabautismuhan.
Dahil sa ganiyang pagsulong kinailangan na mag-organisa ng isang bagong sirkito buwan-buwan, at 150 bagong Kingdom Hall ang inialay sa loob lamang ng isang taon. Isa pa, ang tanggapang sangay ay bumili ng 180 ektarya ng lupain upang palawakin ang kanilang mga pasilidad sa paglilimbag, kung saan sila ngayon ay lumilimbag ng mga Bibliya sa kanilang sariling mga palimbagan. Sa gayon ang mga Saksi sa Brazil ay puspusang nagpapagal upang tulungan ang mga taong maaamo na lumabas sa “Babilonyang Dakila” bago sumapit “ang malaking kapighatian.”—Apocalipsis 7:9, 10, 14; 18:2, 4.
□ Isang walong-taóng-gulang na mamamahayag ang nag-iwan ng isang aklat sa maybahay ng hepe ng pulisya at pagkatapos, nag-iisang gumawa ng muling pagdalaw. Ang kaniyang layunin ay basahin sa kaniya ng ginang ang ilan sa mga kuwento at ikuwento sa kaniya ang kaniyang naunawaan buhat sa bawat kuwento. Samantalang ang kuwento ay ipinaliliwanag sa kaniya ng ginang, ito mismo’y humanga sa aklat at hiniling sa bata na ipakilala siya sa kaniyang ina. Gayon nga ang ginawa ng bata, at ngayon ang ginang ay regular na inaaralan ng Bibliya sa tahanan.
□ Noong 1984, nasuya si Maria sa pagkaipokritang kaniyang nahahalata sa lipunan, at siya’y nawalan ng pag-asa dahilan sa mga kapahamakang kaniyang nababalitaan na nangyayari sa daigdig. Kaya ang sinunod niya ay ang istilo ng pamumuhay ng “punk rock.” Sinabi niya: “Ang aming tunguhin ay labanan ang bawat bagay at bawat isa. Ang aking hitsura ay dinisenyo upang gitlain ang mga tao—kakatuwa, itimang mga damit, ulong inahit nang bahagya. Kinalimutan ko ang aking asawa, mga anak, at tahanan at ako’y nagsimulang humitit ng marijuana at gumamit ng cocaine upang makatakas sa katotohanan. Subalit ito’y nagpalubha lamang ng aking kalagayan. Ako’y nag-iiyak. Nang aking basahin ang Bibliya, hindi ko maunawaan. Kaya ako’y nanalangin sa Diyos at humingi ng tulong.
“Isang araw dalawang Saksi ang dumalaw sa aking tahanan at, pagkaraan ng maikling talakayan, inalok ako ng dalawang magasin. Nagbuklat ako ng isa, at napansin ko ang isang artikulong pinamagatang ‘Paghiwalay sa Diyos—Bakit Huwag?’a Ang artikulo ay umantig ng aking puso. Nadama kong sinagot ng Diyos ang aking mga panalangin, at nang mismong araw na iyon, ako’y sinimulang aralan ng Bibliya ng mga Saksi. Mula noon ako’y gumawa ng mga pagbabago ukol sa ikabubuti. Ang aking asawa at pamilya ay tumutol sa aking pag-aaral ng Bibliya sa pasimula, ngunit nang kanilang makita ang pagbabago na ginagawa ko, sila’y nagsimulang palakasin ang loob ko. Ako ngayon ay isang bautismadong lingkod ng Diyos.”
Ang mga Saksi ni Jehova sa Brazil, tulad din sa lahat ng iba pang panig ng lupa, ay masigasig na nangangaral ng “kalayaan sa mga bihag.” Ang lubhang karamihan ay tumutugon, nakasusumpong ng tunay na kalayaan at kaligayahan sa paglilingkod kay Jehova.
[Talababa]
a Nobyembre 1, 1985, labas ng Ang Bantayan.
[Kahon sa pahina 30]
BRAZIL
Populasyon - 150,367,800
1990 Pinakamaraming Mamamahayag - 293,466
Tumbas, 1 Mamamahayag sa - 512
1990 Bilang ng Nabautismuhan - 27,068
Aberids ng mga Pioneer na mga Mamamahayag - 30,115
Bilang ng mga Kongregasyon - 4,625
Aberids ng mga Pag-aaral sa Bibliya - 341,305
Dumalo sa Memoryal - 790,926