Mga Saksi ni Jehova sa Buong Daigdig—Brazil
ANG Brazil ay isang dambuhalang lupain sa maraming paraan. Kapuwa sa laki at populasyon, ito ang ikalimang pinakamalaking bansa sa daigdig. Saklaw nito ang halos kalahati ng lupain ng Timog Amerika at siyang tahanan ng higit na maraming tao kaysa lahat ng iba pang mga bansa sa kontinenteng iyan kung pagsasama-samahin. Nasa Brazil din ang pinakamalawak na kagubatan sa daigdig. Sa pamamagitan ng kagubatang iyan ay umaagos ang pinakamalaking ilog sa lupa—ang Amazon.
Ang Brazil ay isa ring dambuhala sa isa pang diwa. Ang bilang ng mga mamamahayag nito ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay malapit na sa 400,000, at noong nakaraang taon ay mahigit sa 1,000,000 ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Ang lupaing ito kung gayon ay lalo nang natatangi kung may kinalaman sa gawaing pangangaral ng Kaharian. Ang mga karanasan kamakailan ang nagpapakita nito.
Paglilingkod Kung Saan Lalong Malaki ang Pangangailangan
Si Antonio at ang kaniyang asawa ay gumawa ng mahirap na pasiya na iwan ang kanilang mga kamag-anak at ang isang matatag at malaki-ang-kita na trabaho sa São Paulo upang maglingkod kung saan lalong malaki ang pangangailangan sa mga tagapaghayag ng Kaharian sa estado ng Minas Gerais. Sakop ng kanilang teritoryo ang isang kolonya ng mga manggagawa sa isang repineriya ng asukal. Sa unang araw ng kanilang pagpapatotoo roon, sila’y nagpasimula ng siyam na pag-aaral sa Bibliya. Sa loob ng 18 buwan, sila’y nagdaraos ng mahigit sa 40 pag-aaral!
Sa simula, ang mga pulong ay doon ginaganap sa mismong repineriya. Gayunman, ang mga bagong mamamahayag ay nais makakita ng isang talagang Kingdom Hall. Kaya, isang bus ang inupahan upang maghatid ng 75 katao sa pinakamalapit na kongregasyon. Sumunod ay nagkaroon ng isang kombensiyon; 45 sa mga bagong estudyante ng Bibliya ang dumalo at kinapanayam. Labinlima sa mga ito ang nabautismuhan sa pagkakataong iyon. Mangyari pa, marami ang napaluha dahil sa kagalakan!
Ang kompanya ng bus na iyon ang ginamit sa kahawig na mga pagbibiyahe, at ang mga opisyal ay nagbigay ng diskuwento sa pasahe. Bilang pagpapahalaga, si Antonio ay nag-alok ng isang pantulong sa pag-aaral sa Bibliya sa may-ari ng kompanya. Ito’y sumang-ayon na magsimula ng pag-aaral ng Bibliya nang gabi ring iyon at nabautismuhan makalipas ang ilang buwan ng puspusang pag-aaral. Sa simula, ang kaniyang maybahay ay salungat sa pag-aaral, subalit dumating ang panahon na nagbago ang kaniyang saloobin. Sa ngayon siya ay isa na ring bautisadong Saksi ni Jehova.
Noong Pebrero 1992 isang kongregasyon na may 22 aktibong mamamahayag ang itinatag. Nang sumapit ang 1994 ang bilang na ito ay sumulong hanggang 42, na may 4 na regular pioneer, o buong-panahong mga mangangaral ng mabuting balita. Bilang resulta, nasabi ni Antonio: “Nasaksihan namin ng aking maybahay na kung aming ‘susubukin si Jehova,’ gaya ng sinasabi sa Malakias 3:10, siya’y ‘magpapaulan sa amin ng pagpapala hanggang sa wala nang pangangailangan.’ ”
Pag-aalok ng Literatura sa Bibliya
Marahil ang isa pang dahilan kung bakit malaki ang pagsulong ng pangangaral sa Brazil ay ang bagay na ang mga Saksi’y nag-aalok ng literatura sa Bibliya sa bawat pagkakataon. Halimbawa, isang kongregasyon ang sumulat sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower na humihingi ng 250 sipi ng aklat na Ang Mga Tanong Ng Mga Kabataan—Mga Sagot Na Lumulutas. Bakit may ganiyang napakalaking pidido?
Ang liham ay nagpaliwanag: ‘Isa sa mga paaralan dito ay nagpasiyang gamitin ang aklat na ito sa pagtuturo sa isa sa mga klase. Ang pasiya ng mga may tungkulin sa paaralan ay dahil sa impormal na pagpapatotoo na nagawa ng mga magulang ng mga estudyanteng Saksi ni Jehova at ng isa sa mga superbisor ng paaralan. Harinawang patuloy na pagpalain ni Jehova ang kaniyang mga lingkod samantalang sila’y nagbibigay ng mainam na instruksiyon sa pamamagitan ng aklat na ito.’ Oo, at harinawang patuloy na pagpalain ni Jehova ang mabilis na pagsulong ng pangangaral ng Kaharian sa dambuhalang lupain ng Brazil.
[Kahon sa pahina 8]
LARAWAN NG BANSA
1994 Taon ng Paglilingkod
PINAKAMATAAS NA BILANG NG NAGPAPATOTOO: 385,099
KATUMBASAN: 1 Saksi sa 404
DUMALO SA MEMORYAL: 1,018,210
ABERIDS NG MAMAMAHAYAG NA PAYUNIR: 38,348
ABERIDS NG PAG-AARAL SA BIBLIYA: 461,343
BILANG NG NABAUTISMUHAN: 24,634
BILANG NG MGA KONGREGASYON: 5,928
TANGGAPANG PANSANGAY: CESÁRIO LANGE
[Larawan sa pahina 9]
Isang sound car na ginagamit sa São Paulo noong mga 1940
[Larawan sa pahina 9]
Pagpapatotoo sa Harding Botaniko sa Rio de Janeiro
[Larawan sa pahina 9]
Tanggapang Pansangay sa Cesário Lange