Inalalayan ng Aking Pagtitiwala kay Jehova
AYON SA PAGKALAHAD NI AGENOR DA PAIXÃO
Ang aming kaisa-isang anak, si Paul, ay namatay sa brongkitis nang siya’y 11 buwan lamang. Pagkaraan ng tatlong buwan, noong Agosto 15, 1945, pulmonya naman ang ikinamatay ng aking pinakamamahal na kabiyak. Ako noon ay 28, at ako’y nalungkot at napighati dahil sa mga dagok na ito. Gayunma’y inalalayan ako ng pagtitiwala kay Jehova at sa kaniyang mga pangako. Hayaan ninyong ilahad ko kung paano ako nagkaroon ng ganitong pagtitiwala.
SAPOL nang isilang ako sa Salvador, Estado ng Bahia, Brazil, noong Enero 5, 1917, tinuruan ako ni Inay na sambahin ang “mga santo” ng Simbahang Katoliko. Ginigising pa man din niya ako at ang aking mga kapatid na lalaki nang maaga upang makapanalangin kami nang sama-sama. Gayunman, dumadalo rin ang aking mga magulang sa mga sesyon ng candomblé, ang Aprikano-Brazilianong ritwal sa voodoo. Iginalang ko ang mga paniniwalang ito, ngunit wala akong tiwala sa mga tinaguriang santo ng Katolisismo o sa candomblé. Ang lalong nakasiphayo sa akin ay ang pagtatangi ng lahi na nakikita sa mga relihiyong ito.
Dumating ang panahon na dalawa sa aking nakatatandang kapatid na lalaki ang umalis sa tahanan upang humanap ng trabaho. Pagkaraan ay iniwan ng aking ama ang pamilya. Kaya sa gulang na siyam, kinailangan kong humanap ng trabaho upang tulungan ang aking ina at nakababatang kapatid na babae. Pagkalipas ng mga 16 na taon, umakay sa isang malaking pagbabago sa aking buhay ang mga pakikipag-usap ko sa isang kamanggagawa sa pabrika.
Nagkaroon ng Pagtitiwala kay Jehova
Nakilala ko si Fernando Teles noong 1942. Madalas niyang sabihin na maling sambahin ang “mga santo.” (1 Corinto 10:14; 1 Juan 5:21) Sa una ay hindi ko siya pinansin. Ngunit naakit ako sa kaniyang kataimtiman at interes sa mga tao, anuman ang kanilang kulay, at hinangaan ko ang kaniyang kaalaman sa Bibliya, lalo na ang sinabi niya tungkol sa Kaharian ng Diyos at sa isang paraisong lupa. (Isaias 9:6, 7; Daniel 2:44; Apocalipsis 21:3, 4) Palibhasa’y napansin ang aking interes, binigyan niya ako ng isang Bibliya at ilang literatura sa Bibliya.
Makalipas ang ilang linggo, pinaunlakan ko ang isang paanyaya sa isang pag-aaral ng Bibliya sa kongregasyon. Pinag-aaralan ng grupo ang aklat na Religion, na inilathala ng Watch Tower Bible and Tract Society. Ako’y nasiyahan sa pag-aaral at nagsimulang dumalo sa lahat ng pulong sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang lalo nang hinangaan ko ay ang kawalan ng pagtatangi at ang paraan ng madaling pagtanggap sa akin. Noon ay sinimulan kong suyuin si Lindaura. Nang ikuwento ko sa kaniya ang aking natututuhan, sumama siya sa akin sa mga pulong.
Ang isa pang bagay na hinangaan ko sa mga pulong ay ang pagdiriin sa gawaing pangangaral. (Mateo 24:14; Gawa 20:20) Dahil sa napasigla ng mga payunir, gaya ng tawag sa buong-panahong mga ministro, ako’y nagsimulang makipag-usap sa impormal na paraan sa mga iba sa tren habang naglalakbay ako papunta at pauwi galing sa trabaho. Kapag nakasusumpong ako ng isang interesado, kinukuha ko ang kaniyang direksiyon at dinadalaw siya upang sikaping linangin ang interes na iyon.
Samantala, patuloy na lumalaki ang aking pagtitiwala kay Jehova at sa organisasyon na kaniyang ginagamit. Kaya naman, pagkatapos makinig sa isang diskurso sa Bibliya tungkol sa Kristiyanong pag-aalay, nabautismuhan ako sa Karagatang Atlantiko, noong Abril 19, 1943. Nang araw ring iyon, nakibahagi ako sa unang pagkakataon sa regular na ministeryo sa bahay-bahay.
Pagkaraan ng dalawang linggo, noong Mayo 5, ikinasal kami ni Lindaura. Pagkatapos, noong Agosto 1943, siya ay nabautismuhan sa unang asamblea na ginanap ng mga Saksi ni Jehova sa lunsod ng Salvador. Ganito ang sabi ng 1973 Yearbook of Jehovah’s Witnesses tungkol sa asambleang iyon: “Nagawang patahimikin ng klero ang pahayag pangmadla sa Salvador, ngunit ang isang malawakan at mahusay na pag-aanunsiyo . . . ay naisagawa muna.” Ang katunayan ng patnubay ni Jehova sa harap ng matinding pag-uusig ang siyang nagpatibay ng aking pagtitiwala sa kaniya.
Gaya ng inilahad ko sa pasimula, mga dalawang taon lamang pagkaraang mabautismuhan si Lindaura—at tatlong buwan pagkamatay ng aming anak—namatay naman ang aking mahal na kabiyak. Siya ay may gulang na 22 lamang. Ngunit inalalayan ako ng aking pagtitiwala kay Jehova sa mga mahihirap na buwang iyon.
Pinalakas ng Espirituwal na Gawain
Noong 1946, isang taon pagkamatay ng aking asawa at anak, ako’y nahirang na maging lingkod sa pag-aaral ng Bibliya sa nag-iisang kongregasyon noon sa Salvador. Nagsimula nang taon ding iyon sa Brazil ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, at ako ang naging unang tagapangasiwa ng paaralan sa estado ng Bahia. Pagkaraan noong Oktubre 1946, ginanap ang “Maliligayang Bansa” na Teokratikong Asamblea sa lunsod ng São Paulo. Ang aking pinaglilingkuran sa loob ng sampung taon ay nagsabi na ako’y kailangan niya at iginiit na huwag akong dumalo. Gayunman, pagkatapos na maipaliwanag ko sa kaniya kung gaano kahalaga sa akin ang pagdalo sa asamblea, binigyan niya ako ng isang di-birong regalo at hinangad ang tagumpay ng aking paglalakbay.
Ang mga sesyon ng asamblea sa Municipal Theater ng São Paulo ay idinaos sa Portuges—ang wika sa Brazil—gayundin sa Ingles, Aleman, Hungaryo, Polako, at Ruso. Inilabas sa asambleang iyon ang magasing Gumising! sa wikang Portuges. Naantig ako nang gayon na lamang sa asamblea—mga 1,700 ang dumalo sa pahayag pangmadla—anupat pinunan ko ang isang aplikasyon upang magsimulang magpayunir sa Nobyembre 1, 1946.
Noon ay ginagamit namin nang husto ang ponograpo sa aming pagpapayunir. Isa sa madalas naming iparinig sa mga maybahay ay ang pahayag na “Protection.” Pagkatapos, sinasabi namin: “Upang ipagsanggalang ang ating sarili mula sa di-nakikitang kaaway, kailangan nating mangunyapit sa isang kaibigang hindi rin nakikita. Si Jehova ang ating pinakadakilang kaibigan at makapupong higit na makapangyarihan kaysa sa ating kaaway, si Satanas. Kaya kailangang mangunyapit tayo kay Jehova upang ipagsanggalang ang ating sarili mula sa kaniya.” Pagkatapos ay iniaalok namin ang buklet na Protection, na naglalaan ng higit pang impormasyon.
Wala pang isang taon na ako’y nagpapayunir nang matanggap ko ang paanyaya na maglingkod bilang isang special pioneer kasama ng Carioca Congregation sa Rio de Janeiro. Kung minsan ay napapaharap kami roon sa matinding pagsalansang. Minsan ay aktuwal na sinugod ng isang maybahay ang aking kasama, si Ivan Brenner. Tumawag sa pulisya ang mga kapitbahay, at kaming lahat ay dinala sa himpilan ng pulis.
Habang tinatanong, ang galit-na-galit na maybahay ay nagbintang na aming ginagambala ang katahimikan. Iniutos ng hepe ng pulis na siya’y tumahimik. Pagkatapos ay bumaling sa amin ang hepe ng pulis at sa malumanay na tinig ay sinabing kami’y malaya nang makaaalis. Pinigil niya ang tagapag-akusa at pinaratangan siya ng pagsalakay. Ang mga situwasyong katulad nito ang nagpatibay ng aking pagtitiwala kay Jehova.
Pinalawak na Buong-Panahong Ministeryo
Noong Hulyo 1, 1949, tuwang-tuwa ako nang maanyayahang maglingkod sa Bethel, gaya ng tawag sa mga pangunahing pasilidad ng mga Saksi ni Jehova sa bansa. Ang Bethel sa Brazil ay matatagpuan noon sa 330 Kalye Licínio Cardoso sa Rio de Janeiro. Nang panahong iyon, 17 lamang ang bumubuo ng pamilyang Bethel. Pansamantala ay dumadalo ako sa Engenho de Dentro Congregation sa lugar na iyon, ngunit nang maglaon ay inatasan ako bilang punong tagapangasiwa sa nag-iisang kongregasyon sa Belford Roxo, isang lunsod na ilang milya ang layo mula sa Rio de Janeiro.
Magawain ang mga dulo ng sanlinggo. Kapag Sabado ay sumasakay ako ng tren patungong Belford Roxo, nakikibahagi sa ministeryo sa larangan sa bandang hapon, at pagkaraan ay dumadalo sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro at Pulong sa Paglilingkod sa bandang gabi. Nakikitulog ako sa mga kapatid at nakikibahagi sa ministeryo sa larangan kinabukasan. Sa hapon ay dumadalo ako ng pangmadlang pahayag sa Bibliya at Pag-aaral sa Bantayan at bumabalik sa Bethel nang mga ikasiyam at kalahati ng gabi. Sa ngayon ay may 18 kongregasyon sa Belford Roxo.
Noong 1954, pagkaraan ng tatlo at kalahating taon ng gayong iskedyul, inatasan akong muli sa Rio de Janeiro bilang punong tagapangasiwa sa São Cristóvão Congregation. Sa loob ng sumunod na sampung taon, naglingkod ako sa kongregasyong ito.
Ang Aking mga Atas sa Bethel
Ang aking unang atas sa Bethel ay ang magtayo ng isang garahe para sa nag-iisang sasakyan ng Samahan, isang 1949 Dodge van na binansagang Chocolate dahil sa kulay nitong kayumanggi. Nang matapos ang garahe, inatasan akong magtrabaho sa kusina, kung saan nanatili ako sa loob ng tatlong taon. Pagkatapos ay inilipat ako sa Job Press Department, na siyang kinaroroonan ko sa loob ng mahigit na 40 taon na ngayon.
Karamihan sa aming mga kasangkapang panlimbag ay segundamano. Halimbawa, matagal na panahon naming ginamit ang lumang platen press na may pagmamahal naming tinatawag na Sara, na kuha sa pangalan ng kabiyak ni Abraham. Ginamit ito nang maraming taon sa pagawaan sa punong-tanggapan ng Samahang Watch Tower sa Brooklyn, New York. Pagkaraan noong dekada ng 1950, ipinadala ito sa Brazil. Dito, tulad ng asawa ni Abraham, bagaman matanda na ay nagluwal ito ng bunga—sa anyo ng mga magasing Bantayan at Gumising!
Hindi ako nagsasawang humanga sa pagdami ng bilang ng mga publikasyong ginagawa sa palimbagan sa Brazil. Sa buong taon ng 1953, naglimbag kami ng 324,400 magasin, ngunit ang produksiyon ngayon ay mahigit sa tatlong milyon bawat buwan!
Ang Aming mga Pasilidad sa Bethel
Totoong nakapananabik na saksihan sa paglakad ng mga taon ang paglawak ng aming mga pasilidad sa Bethel sa Brazil. Nagtayo kami noong 1952 ng isang dalawang-palapag na pagawaan sa likod ng aming tahanan sa Rio de Janeiro. Pagkatapos noong 1968, inilipat ang Bethel sa isang bagong gusali sa lunsod ng São Paulo. Nang lumipat kami, lahat ay waring malaki at maluwang para sa aming pamilyang Bethel na may 42 miyembro. Talagang naisip namin na sapat na ang gusaling ito para sa paglago sa hinaharap. Gayunman, itinayo noong 1971 ang dagdag na dalawang gusaling may tig-lilimang palapag, at isang katabing pagawaan ang binili, inayos, at isinama sa mga pasilidad na ito. Subalit sa loob lamang ng ilang taon, ang patuloy na pagdami ng tagapaghayag ng Kaharian—nalampasan namin ang 100,000 noong 1975—ay nangailangan ng higit pang lugar.
Kaya naman, isang bagong grupo ng mga gusali ang itinayo mga 140 kilometro mula sa São Paulo malapit sa munting bayan ng Cesário Lange. Noong 1980 ay inilipat ang aming pamilyang Bethel na may 170 miyembro sa mga bagong pasilidad na ito. Mula noon ay nakagugulat ang paglawak ng gawaing pang-Kaharian. Mahigit sa 410,000 ang regular na nakikibahagi ngayon sa gawaing pangangaral sa Brazil! Upang maasikaso ang espirituwal na pangangailangan ng lahat ng tagapaghayag ng Kaharian na ito, kinailangan naming patuloy na magtayo ng mga bagong pagawaan upang maglimbag ng mga literatura sa Bibliya at mga bagong tirahan upang maging tuluyan ng mga boluntaryo sa Bethel. Sa kasalukuyan ay mayroon kaming humigit-kumulang 1,100 miyembro sa pamilyang Bethel!
Pinakamamahal na mga Pribilehiyo
Itinuturing kong isang napakahalagang pribilehiyo ang paglilingkod sa Bethel. Kaya naman, bagaman noon ay pinag-isipan kong mag-asawang muli, minabuti kong magbuhos ng pansin sa aking mga pribilehiyo sa Bethel at sa gawaing pangangaral. Dito ay naging isang kasiyahan sa akin ang paglilingkod na kasama ng napakaraming kabataan sa palimbagan at pagsasanay sa kanila sa kanilang mga atas. Sinikap kong pakitunguhan sila na para bang sila’y aking mga anak. Malaking pampatibay-loob sa akin ang kanilang sigasig at kawalang-pag-iimbot.
Ang isa pang pribilehiyo ay ang tamasahin ang pakikipagsamahan ng mahuhusay na kasama sa silid sa loob ng mga taon. Totoo, naging hamon kung minsan ang mga pagkakaiba sa personalidad. Gayunma’y natutuhan kong huwag humanap ng kasakdalan mula sa iba. Sinisikap kong huwag palakihin ang maliliit na bagay o masyadong pahalagahan ang aking sarili. Nakatulong sa akin ang pagtawa sa mga sarili kong pagkakamali upang mapagtiisan ko ang pagkakamali ng iba.
Ang pagdalo sa malalaking internasyonal na kombensiyon sa Estados Unidos ay isa pang napakahalagang pribilehiyo na tinamasa ko. Ang isa sa mga ito ay ang “Walang-Hanggang Mabuting Balita” na Asamblea, na idinaos sa Yankee Stadium, sa New York, noong 1963, at ang isa pa ay ang “Kapayapaan sa Lupa” na Internasyonal na Asamblea na ginanap sa lugar ding iyon noong 1969. Nang ako’y naroroon, nasiyahan ako sa pagdalaw sa kalapit na pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York!
Naging pribilehiyo ko rin sa loob ng sampung taon na makibahagi—nang halinhinan kasama ng iba—sa pangunguna sa pang-umagang pagsamba ng pamilyang Bethel. Gayunpaman, ang pinakadakilang pribilehiyo, ang isa na nagdudulot sa akin ng malaking kagalakan at pampatibay-loob, ay yaong pagdadala ng mensahe ng Kaharian sa tapat-pusong mga tao, gaya ng ginawa ng ating Panginoon, si Jesu-Kristo.
Sa nakaraang mga taon ay napaharap ako sa hamon ng pagkakaroon ng Parkinson’s disease. Isang bukal ng regular na tulong at kaaliwan sa akin ang maibiging pangangalaga ng mga kapatid sa pagamutan sa Bethel. Taglay ang buong pagtitiwala, nananalangin ako na bigyan nawa ako ni Jehova ng lakas na magpatuloy sa paggawa ng aking makakaya alang-alang sa tunay na pagsamba sa kaniya.
[Larawan sa pahina 23]
Ang sangay sa Brazil na siyang tahanan ko ngayon
[Mga larawan sa pahina 23]
Kasama ng aking kabiyak, na namatay noong 1945