Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 10/1 p. 24-28
  • Paglilingkod kay Jehova Bilang Isang Nagkakaisang Pamilya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paglilingkod kay Jehova Bilang Isang Nagkakaisang Pamilya
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Natuto ng Katotohanan sa Bibliya
  • Maligaya sa Buong-Panahong Paglilingkuran
  • Nasiyahan sa mga Pagbabago sa Aking Buhay
  • Ang Pinili ng Aming mga Anak
  • Ang Daan sa Tagumpay
  • Ito Kaya ang Pinakamagaling na Karera Para sa Iyo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Mailalaan Mo Ba ang Iyong Sarili?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2001
  • Inaanyayahan Ka!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Inalalayan ng Aking Pagtitiwala kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 10/1 p. 24-28

Paglilingkod kay Jehova Bilang Isang Nagkakaisang Pamilya

AYON SA PAGKALAHAD NI ANTONIO SANTOLERI

Ang aking ama ay 17 anyos nang lisanin niya ang Italya noong 1919. Lumipat siya sa Brazil sa paghahanap ng isang mas mabuting buhay. Nang maglaon, nagkaroon siya ng barberya sa isang munting bayan sa loob ng estado ng São Paulo.

ISANG araw noong 1938, nang ako ay pitong taóng gulang, nakakuha si Itay ng Brasileira na bersiyon ng Bibliya buhat sa isang tao na dumaan sa kaniyang barberya. Pagkaraan ng dalawang taon ay nagkasakit nang malubha si Inay at naratay hanggang sa siya’y mamatay. Nagkasakit din si Itay, kaya kaming lahat​—ako, si Inay, Itay, at ang aking kapatid na si Ana​—ay nakitira sa aming mga kamag-anak sa lunsod ng São Paulo.

Nang ako’y nag-aaral sa São Paulo, ako’y naging masugid na mambabasa, lalo na ng mga makasaysayang akda. Hinangaan ko ang bagay na ang Bibliya ay nababanggit sa mga ito sa pana-panahon. Isang aklat tungkol sa kathambuhay, na hiniram ko sa pampublikong aklatan ng São Paulo, ay maraming beses na bumanggit tungkol sa Sermon sa Bundok. Noon ko ipinasiyang magkaroon ng isang Bibliya upang mabasa ko mismo ang sermong iyon. Hinanap ko ang Bibliya na nakuha ni Itay mga taon bago nito at sa wakas ay natagpuan ko iyon sa ilalim ng isang baul, kung saan naroon iyon sa loob ng pitong taon.

Katoliko ang aming pamilya, kaya hindi ako kailanman pinasiglang basahin ang Bibliya. Ngayon, sa ganang aking sarili, natutuhan kong hanapin ang mga kabanata at mga bersikulo. Ako’y lubhang nasiyahan sa pagbabasa hindi lamang ng Sermon sa Bundok kundi gayundin ng buong aklat ng Mateo pati ang iba pang mga aklat sa Bibliya. Ang labis na hinangaan ko ay ang taginting ng katotohanan sa paghaharap ng mga turo at himala ni Jesus.

Sa pagkatanto na ibang-iba ang relihiyong Katoliko buhat sa nababasa ko sa Bibliya, dumalo ako sa Simbahang Presbiteryano, at sumama sa akin si Ana. Gayunman, nadama kong may kulang pa rin sa akin. Masugid kong hinanap ang Diyos sa loob ng mga taon. (Gawa 17:27) Isang mabituing gabi, nang ako’y nagmumuni-muni, naisip ko, ‘Bakit kaya ako narito? Ano ba ang layunin ng buhay?’ Humanap ako ng isang kubling dako sa bakuran, lumuhod, at nanalangin, ‘Panginoong Diyos! Sino ka? Paano kita makikilala?’ Di-nagtagal ay dumating ang kasagutan.

Natuto ng Katotohanan sa Bibliya

Isang araw noong 1949, nilapitan si Itay ng isang kabataang babae habang papaibis siya sa sasakyan. Inalukan niya siya ng mga magasing Bantayan at Gumising! Siya’y kumuha ng suskrisyon ng Bantayan at humiling na dalawin niya ang aming tahanan, anupat ipinaliwanag na siya ay may dalawang anak na nagsisimba sa Simbahang Presbiteryano. Nang dumalaw ang babae, iniwan niya ang aklat na Children kay Ana at sinimulan ang pakikipag-aral ng Bibliya sa kaniya. Pagkaraan ay sumali ako sa pag-aaral.

Noong Nobyembre 1950 ay dumalo kami sa aming unang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Doon inilabas ang aklat na “Hayaang ang Diyos Ang Maging Tapat,” at ipinagpatuloy namin ang pag-aaral ng Bibliya na ginagamit ang aklat na ito bilang aming giya. Di-nagtagal pagkatapos ay napag-unawa namin na nasumpungan namin ang katotohanan, at noong Abril 1951 ay nagpabautismo kami bilang sagisag ng aming pag-aalay kay Jehova. Nag-alay si Itay pagkaraan ng ilang taon at namatay na tapat sa Diyos noong 1982.

Maligaya sa Buong-Panahong Paglilingkuran

Noong Enero 1954, nang ako’y 22 anyos pa lamang, natanggap ako upang maglingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova, na tinatawag na Bethel. Nagulat ako nang matuklasan ko pagdating ko roon na isang lalaking dalawang taon lamang ang tanda sa akin, si Richard Mucha, ang siyang tagapangasiwa ng sangay. Noong 1955, nang mangailangan ng mga lingkod ng sirkito, gaya ng tawag noon sa mga naglalakbay na mga tagapangasiwa, kabilang ako sa limang lalaki na inanyayahang makibahagi sa paglilingkurang ito.

Ang aking atas ay ang estado ng Rio Grande do Sul. Mayroon lamang 8 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova nang magsimula ako, ngunit sa loob ng 18 buwan ay 2 bagong kongregasyon at 20 nabubukod na mga grupo ang naitatag. Sa lugar na ito sa ngayon, may 15 sirkito ng mga Saksi ni Jehova, na bawat isa’y binubuo ng mga 20 kongregasyon! Sa bandang katapusan ng 1956, ipinabatid sa akin na ang aking sirkito ay nahati sa apat na mas maliliit na paglilingkuran ng apat na lingkod ng sirkito. Noon ay pinabalik ako sa Bethel para sa isang bagong atas.

Nasorpresa at natuwa ako na maatasan sa hilagang Brazil bilang lingkod ng distrito, isang naglalakbay na ministro na naglilingkod sa ilang sirkito. Ang Brazil noon ay may 12,000 ministro ng mga Saksi ni Jehova, at ang bansa ay may dalawang distrito. Si Richard Wuttke ang naglingkod sa timog, at ako naman sa distrito sa hilaga. Sa Bethel ay sinanay kami na magpaandar ng isang prodyektor para sa pagpapalabas ng mga pelikula na ginawa ng mga Saksi ni Jehova, ang The New World Society in Action at ang The Happiness of the New World Society.

Nang mga araw na iyon ay ibang-iba ang paglalakbay. Walang Saksi na may awto, kaya naglalakbay ako sakay ng canoe, bangkang de-sagwan, karitong hinihila ng baka, kabayo, karo, trak, at minsan sakay ng eroplano. Nakapananabik lumipad sa ibabaw ng kagubatan ng Amazon upang lumapag sa Santarém, isang lunsod na nasa pagitan ng Belém sa wawa ng Amazon at Manaus, ang kabisera ng Estado ng Amazonas. Iilang sirkito lamang ang pinaglilingkuran noon ng mga lingkod ng distrito, kaya ginugol ko ang malaking bahagi ng aking panahon sa pagpapalabas ng mga pelikula ng Samahan. Sa mas malalaking lunsod, daan-daan ang dumalo.

Ang lubhang hinangaan ko sa hilagang Brazil ay ang rehiyon ng Amazon. Samantalang ako ay naglilingkod doon noong Abril 1957, umapaw sa mga pampang ang tubig ng Ilog Amazon at ng mga sanga-sanga nito. Nagkapribilehiyo ako na magpalabas ng isa sa mga pelikula sa kagubatan, anupat nagsabit ng ginawang telon sa pagitan ng dalawang punungkahoy. Ang koryente para sa prodyektor ay galing sa isang bangkang de-motor na nakadaong sa kalapit na ilog. Iyon ang kauna-unahang pelikula na nakita ng karamihan sa mga nanood.

Di-nagtagal ay bumalik ako sa paglilingkuran sa Bethel, at nang sumunod na taon, noong 1958, nagkapribilehiyo ako na dumalo sa makasaysayang “Banal na Kalooban” na Internasyonal na Asamblea ng mga Saksi ni Jehova, sa New York City. Ang mga delegado mula sa 123 lupain ay kabilang sa 253,922 na pumuno sa Yankee Stadium at sa kalapit na Polo Grounds sa katapusan ng walong-araw na kombensiyong iyon.

Nasiyahan sa mga Pagbabago sa Aking Buhay

Di-nagtagal pagkabalik ko sa Bethel, nakilala ko si Clara Berndt, at nagpakasal kami noong Marso 1959. Inatasan kami sa gawaing pansirkito sa estado ng Bahia, kung saan kami naglingkod nang mga isang taon. Nagugunita pa rin namin ni Clara nang may kagalakan ang pagpapakumbaba, pagkamapagpatuloy, sigasig, at pag-ibig ng mga kapatid doon; sila’y dukha sa materyal ngunit mayaman sa mga bunga ng Kaharian. Pagkatapos ay inilipat kami sa Estado ng São Paulo. Doon, noong 1960, nagdalang-tao ang aking asawa, at kinailangan naming iwan ang buong-panahong ministeryo.

Nagpasiya kaming lumipat sa isang lugar sa estado ng Santa Catarina, ang lugar na sinilangan ng aking kabiyak. Ang aming anak na lalaki, si Gerson, ang panganay sa aming limang anak. Sinundan siya ni Gilson noong 1962, ni Talita noong 1965, ni Tárcio noong 1969, at ni Janice noong 1974. Salamat kay Jehova at sa kaniyang mainam na payo, naharap namin ang hamon ng pagpapalaki sa kanila sa “disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.”​—Efeso 6:4.

Bawat isa sa aming mga anak ay itinuturing naming napakahalaga. Naipahayag nang husto ng salmista ang aming damdamin: “Narito! Ang mga anak ay mana buhat kay Jehova.” (Awit 127:3) Sa kabila ng mga suliranin, inalagaan namin ang aming mga anak tulad ng gagawin namin sa anumang “mana buhat kay Jehova,” anupat isinasaisip ang mga tagubilin mula sa kaniyang Salita. Napakaraming gantimpala. Di-malirip ang aming kagalakan nang ang lima, bawat isa, at sa kanilang sariling pagkukusa ay nagpahayag ng kanilang hangarin na mabautismuhan bilang sagisag ng kanilang pag-aalay kay Jehova.​—Eclesiastes 12:1.

Ang Pinili ng Aming mga Anak

Labis ang aming kagalakan nang si Gerson, di-nagtagal pagkatapos na makumpleto ang kurso sa data processing, ay nagsabi na ibig niyang maglingkod sa Bethel, sa gayo’y pinili ang buong-panahong ministeryo sa halip na ang isang propesyonal na karera. Ngunit sa simula ay hindi naging madali para kay Gerson ang buhay sa Bethel. Pagkatapos siyang dalawin nang apat na buwan pa lamang siyang nasa Bethel, naantig ako sa bakas ng kalungkutan sa kaniyang mukha nang papaalis na kami. Sa rearview mirror ng aming kotse, nakita ko siyang pinagmamasdan kami hanggang sa malampasan namin ang unang kurbada sa daan. Napuno ng luha ang aking mga mata anupat kinailangan kong huminto sa tabi ng daan bago ipagpatuloy ang aming 700-kilometrong biyahe pauwi.

Nang maglaon ay talagang nasiyahan si Gerson sa Bethel. Pagkaraan ng halos anim na taon doon, nagpakasal siya kay Heidi Besser, at magkasama silang naglingkod sa Bethel sa loob ng dalawa pang taon. Noon ay nagdalang-tao si Heidi, at kinailangan nilang umalis. Ang kanilang anak na si Cintia, ngayo’y anim na taong gulang, ay sumasama sa kanila sa mga gawaing pang-Kaharian.

Di-nagtagal pagkatapos ng una naming pagdalaw kay Gerson sa Bethel, si Gilson, na katatapos lamang ng kaniyang unang taon sa business administration, ay nagsabi na ibig din niyang maglingkod doon. Ang plano niya ay magpatuloy sa kaniyang kurso sa negosyo pagkatapos na maglingkod ng isang taon sa Bethel. Subalit nagbago ang kaniyang plano, at nanatili siya sa paglilingkuran sa Bethel. Noong 1988 ay nagpakasal siya kay Vivian Gonçalves, isang payunir, gaya ng tawag sa buong-panahong mga ministro. Mula noon, naglilingkod sila na magkasama sa Bethel.

Patuloy ang aming kagalakan nang ang aming ikatlong anak, si Talita, ay nagpasiyang magpayunir noong 1986 pagkatapos kumuha ng kurso sa drafting. Pagkaraan ng tatlong taon ay naanyayahan din naman siya sa Bethel. Noong 1991 ay nagpakasal sila ni José Cozzi, na nakapaglingkod na sa Bethel sa loob ng sampung taon. Nagpatuloy sila roon bilang mag-asawa.

Kaming mag-asawa ay muling natuwa nang si Tárcio, ang sumunod, ay umulit sa pananalitang narinig na namin nang tatlong beses, “Itay, gusto kong pumunta sa Bethel.” Tinanggap ang kaniyang aplikasyon, at noong 1991 ay nagsimula rin siya sa paglilingkod sa Bethel, kung saan nanatili siya hanggang noong 1995. Maligaya kami na ginagamit niya ang lakas ng kaniyang kabataan upang itaguyod ang mga interes ng Kaharian ni Jehova sa ganitong paraan sa loob ng mahigit na tatlong taon.

Ang aming bunso, si Janice, ay nagpasiyang maglingkod kay Jehova at nabautismuhan sa edad na 13. Nang siya’y nag-aaral, naglingkod siya bilang isang auxiliary pioneer sa loob ng isang taon. Pagkatapos, noong Setyembre 1, 1993, nagsimula siya bilang isang regular pioneer sa aming kongregasyon dito sa lunsod ng Gaspar.

Ang Daan sa Tagumpay

Ano ang lihim sa pananatiling nagkakaisa ng pamilya sa pagsamba kay Jehova? Hindi ako naniniwalang may mahiwagang pormula. Inilalaan ni Jehova ang kaniyang payo sa kaniyang Salita upang sundin ng mga Kristiyanong magulang, kaya nararapat na iukol sa kaniya ang lahat ng kapurihan sa maiinam na bunga na tinatamasa namin. Sinikap lamang naming sundin ang kaniyang mga tagubilin. (Kawikaan 22:6) Lahat ng aming anak ay nagmana ng pagkasentimental ng Latin mula sa akin at ng isang praktikal na saloobing Aleman mula sa kanilang ina. Subalit ang pinakamahalagang bagay na natanggap nila mula sa amin ay ang espirituwal na mana.

Ang buhay sa aming tahanan ay umiinog sa mga interes ng Kaharian. Hindi madaling panatilihing pangunahin ang mga interes na ito. Halimbawa, lagi kaming nahihirapan na panatilihin ang isang regular na pampamilyang pag-aaral sa Bibliya, pero hindi kami sumuko. Sanggol pa lamang sila, bawat bata ay dinadala sa mga pulong Kristiyano gayundin sa mga asamblea at mga kombensiyon. Tanging pagkakasakit o ilang kagipitan lamang ang nakapigil sa amin sa pagdalo. Bukod dito, sa murang edad, ang mga bata ay sumasama na sa amin sa ministeryong Kristiyano.

Nang sila’y mga sampung taóng gulang, ang mga bata ay nagsimula nang magbigay ng mga pahayag sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Tinulungan namin silang maghanda sa kanilang mga unang pahayag, anupat pinasigla silang gumamit ng balangkas sa halip na manuskrito. Nang maglaon, bawat isa ay naghahanda na ng kaniyang sariling pahayag. Gayundin, nang sila’y nasa pagitan ng edad na 10 at 12, bawat isa sa kanila ay nagsimulang makibahagi nang regular sa ministeryo. Ito ang tanging paraan ng pamumuhay na alam nila.

Ang aking kabiyak, si Clara, ay gumanap ng mahalagang papel sa pagpapalaki sa aming mga anak. Gabi-gabi, nang sila’y napakabata pa​—ang panahon na ang lahat ng itinuturo sa isang bata ay sinisipsip niyang parang espongha​—nagbabasa si Clara sa kanila ng isang kuwento sa Bibliya at nananalangin kasama ng bawat isa. Sinamantala niyang mabuti ang paggamit ng mga aklat na Mula sa Paraisong Naiwala Hanggang sa Paraisong Natamong-Muli, Pakikinig sa Dakilang Guro, at Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya.a Nang mayroon na, ginamit din namin ang mga audio at visual na pantulong na inilaan ng mga Saksi ni Jehova.

Ang aming karanasan bilang Kristiyanong mga magulang ay nagpapatunay na kailangan ng mga anak ng atensiyon sa araw-araw. Kabilang sa mga pangunahing pangangailangan ng mga bata ay ang masidhing pag-ibig, personal na interes, at malaking panahon. Hindi lamang namin minalas na pananagutan namin bilang mga magulang na matugunan ang mga pangangailangang ito sa abot ng aming makakaya kundi umani rin kami ng kasiyahan sa paggawa nito.

Tunay, kalugud-lugod na maranasan ng mga magulang ang katuparan ng mga salita sa Awit 127:3-5: “Narito! Ang mga anak ay mana buhat kay Jehova; ang bunga ng tiyan ay isang gantimpala. Tulad sa mga palaso sa kamay ng isang makapangyarihang lalaki, gayon ang mga anak ng kabataan. Maligaya ang matipunong lalaki na pinuno ang kaniyang talangà ng mga ito.” Ang paglilingkod kay Jehova bilang isang nagkakaisang pamilya ay tunay na dahilan upang kami’y magsaya!

[Talababa]

a Pawang inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 26]

Si Antonio Santoleri kasama ang kaniyang pamilya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share