Mailalaan Mo Ba ang Iyong Sarili?
1 Isang pambihirang pangyayari ang naganap noong taóng 778 B.C.E. Sa pangitain, nakikita ni propeta Isaias si “Jehova, na nakaupo sa isang trono na matayog at nakataas.” Pagkatapos ay narinig ni Isaias na itinatawag-pansin ng mga serapin ang kaluwalhatian ni Jehova, sa pagsasabing: “Banal, banal, banal si Jehova ng mga hukbo.” Tunay ngang kagila-gilalas iyon! Sa tagpong iyon, si Jehova ay naghaharap ng isang mapanghamong tanong: “Sino ang aking isusugo, at sino ang yayaon para sa amin?” Walang ibinigay na paliwanag hinggil sa klase ng atas na iyon o kung ang isa na magboboluntaryo ay makikinabang mula roon. Subalit, walang pag-aatubili, si Isaias ay tumugon: “Narito ako! Isugo mo ako.”—Isa. 6:1, 3, 8.
2 Ang espiritung ito ng pagkukusa upang gawin ang anumang hinihiling ni Jehova ang pagkakakilanlan sa kaniyang bayan. (Awit 110:3) At sa ngayon ay may panawagan para sa mga maglalaan ng kanilang sarili. Ikaw ba ay handang tumugon taglay ang espiritu ng pagkukusa, kagaya niyaong kay Isaias?
3 May pangangailangan sa kasalukuyan para sa mga kapatid na lalaki upang maglingkod sa Bethel. Hinihiling nito na sila ay magkaroon ng marubdob na pagnanais na unahin ang mga kapakanan ng Kaharian at maging handa sa paggawa ng anumang nararapat gawin upang suportahan ang pandaigdig na gawaing pangangaral. (Mat. 6:33) Sa katunayan, ang paglilingkod bilang isang miyembro ng pamilyang Bethel ay nagbibigay sa isa ng pantanging pagkakataon upang maglingkod kay Jehova nang buong kaluluwa. Paano?
4 Ang Gawain na Isinasagawa sa Bethel: Isipin ang lahat ng naisasagawa nang regular sa tatlong grupo ng mga gusali sa Estados Unidos, yaong nasa Brooklyn, Patterson, at Wallkill, New York. Ang 5,730 mga kapatid na lalaki at babae na bumubuo ng pamilyang Bethel sa tatlong lugar na ito ay may pribilehiyong makabahagi nang lubusan sa produksiyon ng mga Bibliya at mga literatura sa Bibliya para gamitin sa larangan sa buong daigdig at sa personal na pag-aaral. (Mat. 24:45) Halimbawa, nang nakaraang taóng ito ng paglilingkod, 24,364,670 aklat, 39,813,464 na buklet at mga brosyur, 270,528,000 magasin, at 1,271,041 audiocassette ang ginawa at ipinadala bilang resulta ng sama-samang pagsisikap ng pamilyang Bethel sa Estados Unidos. Dito sa Pilipinas, ang 360 miyembro ng pamilyang Bethel sa Quezon City ay hindi lamang nakibahagi sa paggawa ng mahigit sa 10,000,000 magasin sa nakaraang taon ng paglilingkod, kundi ang grupo ng mahigit na 60 sa departamento ng pagsasalin ay nagsalin ng mga aklat at mga brosyur sa pitong wika upang maisaayos ang mga ito at maipadala sa sangay ng Hapon para sa paglilimbag. Sa buong daigdig ay mahigit na 1,900 ang tagapagsalin at ang mga literatura ay nagagawa sa mahigit na 300 wika. Maraming kusang-loob na mga boluntaryo ang inaatasang magsagawa ng paglilimbag at pagpapadala ng mga literatura, paglilinis, pagmamantini, paghahanda ng pagkain, pamimili, pangangalaga sa kalusugan, at maraming iba pang gawain sa Bethel.
5 Ang pagsasakatuparan ng lahat ng gawaing ito ay naghaharap ng isang pagkalaki-laki subalit kasiya-siyang trabaho sa espirituwal na paraan. Ang pagkaalam na ang lahat ng ating lakas at enerhiya ay ginagamit sa pagsuporta sa gawaing pangangaral at pagtuturo ay nagdudulot ng napakalaking kagalakan. Ang paglilingkod sa Bethel ay tumutulong sa atin na makilala ang organisasyon ni Jehova nang higit na detalyado. Ipinaaalaala sa atin na pinasigla ng salmista ang mga Israelita na alamin pa nang lubos ang tungkol sa sentro ng teokratikong pamamahala sa lupa noong kanilang kapanahunan.—Awit 48:12, 13.
6 Mga Pagpapala ng Paglilingkod sa Bethel: Ano ang nadarama ng mga naglilingkod sa Bethel hinggil sa kanilang mga pribilehiyo ng paglilingkod? Pansinin ang sumusunod na mga komento kapuwa ng mga kabataan at ng matatandang miyembro ng pamilyang Bethel. Isang miyembro ng pamilyang Bethel na nagtamo ng kasiyahan sa tatlong taóng paglilingkod sa Bethel ang nagkomento: “Ang pagiging nasa Bethel ay nagpatibay sa aking kaugnayan kay Jehova. Habang tumatagal ang aking paglilingkod dito at habang mas marami akong natututuhan kung paano pinangangasiwaan ang Bethel, lalo itong nagtuturo sa akin ng tungkol sa personalidad ni Jehova. Ang paglilingkod sa Bethel ay naging isa ring tagapagbukas ng aking mata upang makita ko na ginagamit ni Jehova ang mga tao—lahat ng uri ng mga tao. At hindi ka kailangang maging sakdal upang maging kaayaaya sa kaniya.”
7 Naalaala ng isang kapatid na lalaki: “Natatandaan kong sinasabi ko sa aking sarili, ‘Kay inam na makarating sa bagong sanlibutan at sabihin sa binuhay-muling tapat na mga tao noong una na nakapaglingkod ako ng maraming taon sa Bethel, hindi sa labas upang magpayaman.’ ”
8 Binubulay-bulay ng isang kapatid na kabataang lalaki ang pagsasanay na natanggap niya: “Ang pagkakilala sa aking sarili at kung ano ang kailangan kong pasulungin at saka pinasusulong ang mga katangiang iyon ay naging isang malaking pagpapala. Ngayo’y nadarama kong ako ay makapaglilingkod nang mas mabuti kay Jehova. Nasumpungan kong ako’y higit na matiyaga, may higit na pagpipigil sa sarili, at nakapagpapakita ng pag-ibig sa mas mataas na antas.”
9 Isang kapatid na babae ang nag-iisip tungkol sa natanggap niyang mga pagpapala hanggang sa kasalukuyan: “Ang espirituwal na mga programa dito ay nagturo sa akin nang higit pa tungkol kay Jehova at kung paano ko higit na matutularan siya sa isip, damdamin, at pagkilos. At dahil sa patuloy ang pagsasanay, ito ay isang patuloy na pagpapala.”
10 Isang kapatid na lalaki na nag-ukol ng may kabuuang 59 na taon sa buong-panahong ministeryo, na ang mahigit sa 43 sa mga taong iyon ay sa Bethel, ang nagsabi: “Ang Bethel ay hindi kagaya ng isang monasteryo, tulad marahil ng iniisip ng iba. Marami kaming naisasagawa dahil sa aming nakaiskedyul na paraan ng pamumuhay. . . . Wala kahit na isang araw sa aking pagtatrabaho na hindi ako nasiyahan sa aking ginawa. Bakit? Sapagkat kapag ibinibigay natin ang ating mga sarili nang buong-kaluluwa kay Jehova, may kasiyahan tayo sa pagkakaalam na ‘ating ginawa ang siyang dapat nating gawin.’ ”—Luc. 17:10.
11 Isa pang kapatid na lalaki, na naglingkod sa Bethel sa loob ng 62 taon ang nagsabi: “Ako’y lubos na naniniwala na ang Bethel ang pinakamabuting dako sa lupa bago dumating ang makalupang Paraiso. Hindi ko kailanman pinagsisihan kahit na isang saglit na ginawa kong habang-buhay na karera ang buong-panahong paglilingkod. Kay laking kagalakan ang magpatotoo at magkaroon ng bahagi sa malaking paglago ng makalupang organisasyon ni Jehova! Determinasyon ko, sa tulong ni Jehova, na patuloy na gawin kong tahanan ang Bethel at gamitin ang aking sarili nang buong kaluluwa sa pagpapasulong ng mga kapakanan ng Kaharian.”
12 Ang mga miyembrong ito ng pamilyang Bethel ay bumanggit ng ilan lamang sa maraming pagpapala na maaari mong tamasahin kung ilalaan mo ang iyong sarili sa paglilingkod sa Bethel. Subalit gaya rin sa pagtanggap ng anumang pribilehiyo ng paglilingkod, kailangan mo munang maabot ang mga kuwalipikasyon. Ano ang ilan sa mga kahilingan upang makapaglingkod bilang isang miyembro ng pamilyang Bethel?
13 Mga Kahilingan Para sa Paglilingkod sa Bethel: Ang mga pangunahing kahilingan para sa mga mag-aaplay sa paglilingkod sa Bethel ay ipinakikita sa kalakip na kahon. Bukod dito, mahalaga na sila ay handang magtrabaho nang puspusan, hindi “mga maibigin sa mga kaluguran.” (2 Tim. 3:4; 1 Cor. 13:11) Ang mga miyembro ng pamilyang Bethel ay dapat na mga espirituwal na lalaki at babae na may mabuting kaugalian sa personal na pag-aaral at nasanay sa kanilang mga kakayahan sa pang-unawa upang “makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Heb. 5:14) Ang kanilang Kristiyanong pagkamaygulang ay dapat na naipakita na sa lahat ng larangan ng pamumuhay, lakip na sa kanilang pananamit, pag-aayos, at pagpili ng musika at paglilibang. Ang may pagkukusang-loob na mga miyembro ng pamilyang Bethel ay naglilingkod kung saan sila kailangan. Ang mas nakababatang mga miyembro ay karaniwang binibigyan ng mga atas may kaugnayan sa pisikal na trabaho, lakip na ang paglilimbag, paghahanda at pagpapadala ng mga literatura, pagmamantini, pag-aasikaso sa mga kuwarto, paglilinis, paglalaba, at paghahanda ng pagkain. (Kaw. 20:29) Gayunman, di-tulad ng sekular na gawain, ang bawat atas ay nagdudulot ng malaking kasiyahan sapagkat ito ay sagradong paglilingkod na nagdadala ng kaluwalhatian kay Jehova.—Col. 3:23.
14 Ang pinakamaikling pamamalagi ng mga inanyayahan sa paglilingkod sa Bethel ay isang taon. Pinangyayari nito na sila’y masanay upang maging mabungang mga manggagawa. Inaasahan na magagawa nila ang Bethel na kanilang tahanan. Pag-ibig kay Jehova ang nagpapakilos sa mga miyembro ng pamilyang Bethel upang unahin ang gawaing pang-Kaharian kaysa sa personal na mga kapakanan, na siyang nakalulugod kay Jehova.—Mat. 16:24.
15 Kasalukuyang mga Pangangailangan: Dahil sa klase ng trabahong isinasagawa sa Bethel sa Pilipinas, ang aming pangunahing pangangailangan ay mga kapatid na binata. Hangga’t maaari ay yaong mga regular pioneer, yamang ang mga ito ay nasa buong-panahong gawain na. Kung minsan ay may mga pangangailangan para sa mga kapatid na dalaga at mga mag-asawa mula 19 hanggang 35 taóng gulang na maaaring nagtataglay ng ilang kasanayang kailangan sa Bethel. Karagdagan pa, ang ilang mga kapatid na lalaki at babae na mahigit ng kaunti sa 35 at na may pantanging mga kakayahan at pagsasanay na magagamit sa Bethel ay hinihimok na mag-aplay. Halimbawa, kasali dito ang mga doktor, inhinyero, rehistradong nars, o mekaniko ng sasakyan, upang bumanggit lamang ng ilan sa mga ito. Gayunman, hindi namin hinihimok ang mga indibiduwal na kumuha ng pantanging edukasyon o pagsasanay taglay ang kaisipang palalakihin nito ang posibilidad na sila’y matawag sa Bethel. Yaong mga tumanggap na ng pantanging pagsasanay, marahil bago pa mapasa katotohanan, ay magnanais na isulat ang kabuuan nito nang detalyado at ikabit ito sa Bethel Information Sheet kapag ito ay ipinadala.
16 Kung nais mong maglingkod sa Bethel, maaaring humiling ka ng isang Bethel Information Sheet sa tanggapang pansangay. Ito’y dapat na punan at ibigay sa komite sa paglilingkod ng kongregasyon upang maipadala sa tanggapang pansangay. Kapag kinailangan ang tulong sa Bethel, gagawin ang pagpili mula sa mga Information Sheet na nasa salansan at isang Bethel Application ang ipadadala sa makatutugon sa pangangailangan. Kung hindi ka naanyayahan pagkalipas ng isa o dalawang taon, makabubuting sumulat muli at gumawa ng panibagong aplikasyon upang malaman namin na nasa kalagayan ka pa upang magtungo sa Bethel. Hindi lahat ay matatawag sa Bethel, kaya kung hindi ka natawag, ipagpatuloy mo ang iyong paglilingkod bilang payunir sa iyong atas, na nagtitiwalang alam ni Jehova kung saan mo maisasakatuparan yaong pinakamabuti.
17 Ang paglilingkod kay Jehova sa matalik na pakikisama sa matagal nang mga lingkod ni Jehova ay isang pambihirang pribilehiyo para sa mga gumagawa sa Bethel. Pinahahalagahan ng Lupong Tagapamahala ang espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili ng lahat ng mga naglalaan ng kanilang sarili sa paglilingkod sa mga pangangailangan ng ating pambuong daigdig na kapatiran.—Fil. 2:20-22; 2 Tim. 4:11.
18 Mga Kabataan—Ihanda na Ngayon ang Inyong Sarili Para sa Paglilingkod sa Bethel: Ang paghahanda para sa paglilingkod sa Bethel ay nagsisimula matagal pa bago maabot ang pinakamababang kahilingan na 19 na taóng gulang. Ano ang magagawa ng mga kabataan upang maihanda ang kanilang sarili para sa paglilingkod sa Bethel? Sinabi ni Jesus: “Sino sa inyo na nais magtayo ng tore ang hindi muna uupo at tutuusin ang gastusin?” (Luc. 14:28) Yamang ang paghahanda at pagpaplano ay mahalaga sa tagumpay ng anumang proyekto ng pagtatayo, napakahalaga nga na bigyan ng mga kabataan ng maingat na pansin kung paano sila nagtatayo para sa kanilang kinabukasan sa paglilingkod kay Jehova! Kailangang ilatag nang maaga sa buhay ang isang matatag na pundasyon upang matamo nila ang espirituwal na mga tunguhin. Bilang isang kabataan, gaano kabuti ang paglalatag mo ng iyong pundasyon? Kung nais mong maglingkod sa Bethel, makikinabang ka sa pamamagitan ng maingat na pagsasaalang-alang sa sumusunod.
19 “Maglaan ng Dako” Para sa Pantanging Pribilehiyong Ito ng Paglilingkod: Gaya ng nakatala sa Mateo 19:12, pinasigla ni Jesus ang kaniyang mga alagad na “maglaan ng dako” para sa landasin ng pagiging walang asawa. Bakit? Hindi para sa personal na mga kadahilanan, kundi “dahil sa kaharian ng langit.” Si Pablo ay nagpasigla rin sa gayong landasin “ng palagiang paglilingkod sa Panginoon nang walang abala.” (1 Cor. 7:32-35) Nakalulungkot, marami ang nawalan ng pribilehiyo ng paglilingkod sa Bethel bilang mga binata dahil sa pag-aasawa sa murang edad. Nais naming pasiglahin ang ating mga kapatid na kabataang lalaki na gamitin ang kanilang lakas sa pagtataguyod ng buong-panahong ministeryo habang sila ay malaya pa sa pampamilyang mga pananagutan. Pagkatapos, kung makalipas ang isang yugto ng panahon at nagpasiya na silang mag-asawa, sila ay magiging mas mabubuting asawang lalaki dahil sa pagkakaroon ng higit na karanasan sa buhay at sa ministeryong Kristiyano. Pagkatapos maglingkod ng ilang taon sa Bethel, ang ilan ay nag-asawa at nakapagpatuloy sa paglilingkuran doon bilang mag-asawa. Kung sa dakong huli ay nagkaroon sila ng iba pang mga pribilehiyo, tulad ng gawaing paglalakbay o pangmisyonerong paglilingkod, tiyak na hindi nila pagsisisihan ang panahon na kanilang itinalaga upang paglaanan ng dako ang paglilingkod sa Bethel.
20 Huwag Magambala ng mga Paghahangad sa Materyal: Ang bawat kabataan ay makabubuting magtanong: ‘Ang tunguhin ko ba pagkatapos ng haiskul ay ang pagtataguyod ng buong-panahong sekular na karera o ang paglilingkod kay Jehova nang buong panahon?’ Totoo, ang paggawa sa huling nabanggit na landasin ay mangangailangan ng mga pagsasakripisyo. Subalit gayon din ang pagtataguyod ng isang sekular na karera! Sa wakas, aling landasin ang magdudulot ng tunay na nagtatagal at kapaki-pakinabang na resulta? Si Jesus ay nagbigay ng malinaw na sagot. Ayon sa Mateo 6:19-21, sinabi niya: “Huwag na kayong mag-imbak para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa lupa, kung saan ang tangà at kalawang ay nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay nanloloob at nagnanakaw. Sa halip, mag-imbak kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan kahit ang tangà o ang kalawang man ay hindi nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay hindi nanloloob at nagnanakaw. Sapagkat kung nasaan ang iyong kayamanan, doroon din ang iyong puso.” Ang atin nawang mga puso ay huwag kailanman umakay sa atin sa pagtataguyod ng isang makasanlibutang karera o materyal na mga bagay sa halip na sa buong-kaluluwang paglilingkod kay Jehova. Dapat kilalanin nating lahat na ang tanging kayamanan na sulit na itaguyod ay ang isang mabuting kaugnayan kay Jehova, anupat pinagagalak natin ang kaniyang puso. (Kaw. 27:11) Sa pamamagitan ng pag-una kay Jehova sa ating buhay habang nasa kabataan pa, ipinakikita natin kung ano ang pinahahalagahan natin at kung gaano kahalaga ang Kaharian para sa atin. Tandaan, “ang pagpapala ni Jehova—iyon ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.” (Kaw. 10:22) Ang mga kabataan ay may napakainam na pagkakataon upang ipakita kung nasaan ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng pagbibigay ng mabuting bagay kay Jehova para sa lahat ng ibinigay niya sa kanila. Ang paglilingkod sa Bethel ay nagpapangyari sa gayong kamangha-manghang pagkakataon para sa mga nakaaabot sa mga kuwalipikasyon. Ang isang hakbangin tungo rito ay ang magpasimula sa paglilingkurang payunir.
21 Yaong mga Naglilingkod sa Bethel ay Dapat na Maging Malinis sa Moral: Ang salmista ay nagtanong: “Paano lilinisin ng isang kabataang lalaki ang kaniyang landas?” Siya ay sumagot: “Sa pananatiling mapagbantay ayon sa salita [ni Jehova].” (Awit 119:9) Maglalakip iyon sa pag-iwas sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa moral na kabulukan ng sistema ng mga bagay ni Satanas. Ang pornograpya sa internet, hindi wastong asal sa di-kasekso, nakasasamang musika, paglilibang na nakasisirang-puri, at pag-inom ng alak nang wala pa sa hustong gulang ay ilan lamang sa mga silo na ginagamit ni Satanas upang hadlangan ang ating mga kabataan sa pag-abot sa espirituwal na mga tunguhin. Kailangan ang isang matibay na determinasyon upang labanan ang mga taktikang ito. Kung nasumpungan mo bilang isang kabataan na ikaw ay nasasangkot sa alinman sa mga bagay na ito, makipag-usap sa matatanda sa inyong kongregasyon at lutasin ang mga suliraning ito bago ka mag-aplay para sa paglilingkod sa Bethel. Ang pagkakaroon ng isang malinis na budhi ay mahalaga upang lubos na mapaglingkuran si Jehova.—1 Tim. 1:5.
22 Matutong Makitungo sa Iba: Ang isang mahalagang kahilingan upang maging matagumpay ang paglilingkod sa Bethel ay ang matutong makitungo sa iba. Ang pamilyang Bethel sa Pilipinas ay binubuo ng daan-daang mga kapatid na lalaki at babae sa lahat ng antas ng pamumuhay. Bagaman ang pagkasari-saring ito ng personalidad ay nakatutulong sa kagandahan ng Bethel, kung minsan ito ay maaari ring maging hamon. Kung isinasaalang-alang mo ang paglilingkod sa Bethel, makabubuting itanong mo sa iyong sarili: ‘Madali ba akong masaktan kapag ang iba ay hindi sumasang-ayon sa aking opinyon? Madali ba akong pakitunguhan ng iba?’ Kung kailangan mong gumawa ng pagpapasulong sa larangang ito, asikasuhin na ngayon ang bagay na ito. Ang paggawa mo nito ay makatutulong sa iyo na mas madaling gumawa ng pagbabago upang mamuhay at magtrabahong kasama ng mga miyembro ng pamilyang Bethel.
23 Pagsikapang lubos na maging espirituwal na persona sa pamamagitan ng paglinang ng isang matalik na kaugnayan kay Jehova. Gumawa ng isang mabuting programa ng personal na pag-aaral, na maglalakip sa pagbabasa ng Bibliya araw-araw. Maging aktibo sa pagsasabi ng mabuting balita sa iba. Sa pagsasagawa ng mga bagay na ito, maihahayag mo ang iyong espirituwal na pagsulong. (1 Tim. 4:15) Tunay na kamangha-manghang pag-asa ang naghihintay sa mga naghahanda na ngayon para sa karera ng buong-panahong paglilingkod!
24 Mga Magulang, Sanayin ang Inyong mga Anak: Ano ang magagawa ng mga magulang upang mapasigla ang kanilang mga kabataan na itaguyod ang buong-panahong ministeryo? Sinabi ni Jesus: “Ang bawat isa na sakdal na naturuan ay magiging tulad ng kaniyang guro.” (Luc. 6:40) Natural lamang na maipamalas ng isang lubos na nasanay na mag-aarál ang maiinam na katangian ng kaniyang debotadong guro. Ang simulaing ito ay dapat na ingatan sa isipan ng mga magulang na Kristiyano habang puspusan silang nagpapagal sa pagsasanay sa kanilang mga anak “na ang tunguhin [nila] ay makadiyos na debosyon.” (1 Tim. 4:7) Yamang malamang na maipamalas ng mga anak ang saloobin ng kanilang mga magulang sa espirituwal na mga bagay, makabubuting itanong ng mga magulang sa kanilang sarili: ‘Personal ba naming pinahahalagahan ang gawaing isinasagawa sa Bethel sa pagtataguyod sa mga kapakanan ng tunay na pagsamba kay Jehova? Kinikilala ba namin ang pagpapala ni Jehova sa kaayusan ng Bethel? Kami ba ay naniniwala na ang buhay na nasa paglilingkod kay Jehova ang pinakamabuting karera na maaaring piliin ng aming mga anak? Kami ba ay nagpapasigla sa buong-panahong paglilingkod sa pamamagitan ng salita at halimbawa?’ Ang ating buong pusong pagpapahalaga sa paglilingkod sa Bethel at sa gawaing isinasagawa roon ay makatutulong sa atin upang maikintal ang katulad na pagpapahalaga sa ating mga anak.
25 Sina Elkana at Hana ay may matinding pagpapahalaga sa tunay na pagsamba. Sila ay naglaan ng isang kapuri-puring halimbawa para sa mga magulang na Kristiyano sa ngayon. Sa sinaunang Israel, ang mga Israelitang lalaki lamang ang inuutusang lumapit “sa harap ng mukha ng tunay na Panginoon, si Jehova” nang tatlong ulit sa isang taon sa tabernakulo. Gayunman, si Elkana ay naglakbay ng mga 30 kilometro, kadalasan ay naglalakad, kasama ng kaniyang buong pamilya “taun-taon” upang maghain sa sentrong ito ng pagsamba kay Jehova. (Ex. 23:17; 1 Sam. 1:3, 4, 9, 19; 2:19) Maliwanag na nais ng ulong ito ng pamilya na makasama ang buong pamilya niya sa kaniyang personal na pagmamalasakit alang-alang sa espirituwal na mga bagay.
26 Si Hana ay nakiisa sa interes ng kaniyang asawa sa tunay na pagsamba. Lubha niyang nadama ang kaniyang obligasyon na suportahan ang tunay na pagsamba sa tabernakulo. Si Hana ay nanata na kung pagkakalooban siya ni Jehova ng anak na lalaki, ilalaan niya ito sa kaniya para sa paglilingkod sa tabernakulo. (1 Sam. 1:11) Binibigyan ng karapatan ng Kautusang Mosaiko ang asawang lalaki na pawalang-bisa ang isang di-angkop na panata ng kaniyang asawa. (Bil. 30:6-8) Gayunman, maliwanag na pinagtibay ni Elkana ang panata ni Hana, na nagpapakitang kaniya ring sinuportahan ang kapahayagang iyon ng tunay na pagsamba!—1 Sam. 1:22, 23.
27 Ang kanila bang anak na si Samuel ay naapektuhan sa positibong paraan ng pagpapahalaga at mainam na espiritu na ipinakita ng kaniyang mga magulang? Aba, oo. Bilang isang batang lalaki, si Samuel ay may pagkukusa at may katapatang nagsagawa ng kaniyang atas na mga gawain at nasanay para sa higit pang pinakananais na mga pribilehiyo sa paglilingkod sa Diyos. Ang interes na ipinakita nina Elkana at Hana sa paglilingkod ni Samuel sa tabernakulo ay hindi nagwakas nang siya’y magsimula na sa kaniyang mga atas doon. Siya ay patuloy na dinadalaw nila nang regular upang bigyan ng pampatibay-loob at suporta habang itinataguyod niya ang buong-panahong paglilingkod.—1 Sam. 2:18, 19.
28 Napakapambihira ngang halimbawa ang inilaan nina Elkana at Hana para sa mga magulang na Kristiyano sa ngayon! Kapag naririnig ng ating mga anak ang ating taos-pusong mga kapahayagan ng pagpapahalaga sa paglilingkod sa Bethel at nakikita ang espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili na ating ipinamamalas sa pagpapasulong ng mga kapakanan ng Kaharian, sila man ay magkakaroon ng isang pusong nakahilig sa paglilingkod sa iba. Maraming magulang ang matagumpay na nagkikintal ng kapaki-pakinabang na hilig na ito sa kanilang mga anak. Isang pitong taong gulang na babae ang sumulat: “Paglaki ko, nais kong mapasa Bethel, at may ilang bagay na nais kong gawin doon. (1) Pagmamakinilya ng mga magasing Bantayan at Gumising!, (2) pagtatrabaho sa inyong seksiyon ukol sa sining, (3) pagtutupi ng mga labada. Anumang trabahong kinakailangan. Hindi mahalaga kung anuman iyon.” Tunay ngang nakapagpapasigla-sa-puso na makita na ang gayong espiritu ng pagkukusa ay nabubuo sa puso ng ating mga anak!
29 Mga kabataan, tandaan na “ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17) Patuloy na itaguyod ang espirituwal na mga tunguhin, lakip na ang pantanging pribilehiyo ng paglilingkod sa Bethel. Mga magulang, tularan ang halimbawa ng mga tapat na tao noong una na nagpasigla sa kanilang mga anak na linangin ang makadiyos na debosyon. (2 Ped. 3:11) At gawin nawa nating lahat ang ating bahagi sa pagtulong sa ating mga kabataang kapatid na lalaki at babae upang maglingkod sa ating Dakilang Maylalang nang lubusan hangga’t maaari, yamang “hawak nito ang pangako sa buhay ngayon at yaong darating.”—1 Tim. 4:8; Ecles. 12:1.
[Kahon sa pahina 4]
Pangunahing mga Kahilingan Para sa Paglilingkod sa Bethel
● Bautisado na sa loob man lamang ng isang taon
● Isang espirituwal na tao na may taimtim na pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang organisasyon
● Nasa mabuting espirituwal, mental, emosyonal, at pisikal na kalusugan
● Hangga’t maaari ay naglilingkod bilang isang payunir
● Mamamayan o legal na naninirahan sa Pilipinas nang permanente
● 19-35 taóng gulang