Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 6/15 p. 28-31
  • Pagmamasid na May Pagpapahalaga sa “Bahay ng Diyos”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid na May Pagpapahalaga sa “Bahay ng Diyos”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Pangalan na Humihingi ng Debosyon
  • Ginagawang Tagumpay ang Paglilingkuran sa Bethel
  • Mataas na Pagtingin sa Paglilingkuran sa Bethel
  • Mga Pagpapala sa “Bahay ng Diyos”
  • Ito Kaya ang Pinakamagaling na Karera Para sa Iyo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Mailalaan Mo Ba ang Iyong Sarili?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2001
  • Inaanyayahan Ka!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Mabubuting Gawa na Hindi Lilimutin
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2019
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 6/15 p. 28-31

Pagmamasid na May Pagpapahalaga sa “Bahay ng Diyos”

“ISANG bagay ang hiningi ko kay Jehova​—na aking hahanapin, na ako’y makatahan sa bahay ni Jehova lahat ng mga araw ng aking buhay, upang malasin ang kagandahan ni Jehova at pagmasdan nang may pagpapahalaga ang kaniyang templo.”​—Awit 27:4.

Ang nagpapahalagang si Haring David ay nagmasid nang may kaluguran, o kasiyahan, sa templo ni Jehova. Ganiyan din ba ang nadarama mo tungkol sa mga sentro ng tunay na pagsamba sa ngayon? Ang mahigit na 95 tahanang Bethel sa mga sangay ng Samahang Watch Tower ay kabilang sa mga pasilidad na may kaugnayan sa pagsamba kay Jehova sa panahon natin.

“Ang pagbabalik-tanaw sa aking maraming taon ng paglilingkuran sa Bethel ay nagpapadama sa akin ng matinding pasasalamat at pagpapahalaga, na nadaragdagan sa taun-taon,” ang paliwanag ni Helga, na nagsimulang magtrabaho sa tahanan sa Alemanya noong 1948. Si Helga ay isa sa 13,828 may kagalakang mga manggagawa sa Bethel sa buong daigdig na noong 1993 taon ng paglilingkod ay ‘nakamalas sa kagandahan ni Jehova.’ Ano nga ba ang talagang kahulugan ng pangalang Bethel? Papaanong bawat isa sa mga Saksi ni Jehova, siya man ay naglilingkod sa Diyos sa loob ng Bethel o sa labas, ay makapagmamasid nang may pagpapahalaga sa kaayusang ito?

Isang Pangalan na Humihingi ng Debosyon

“Bethel” ang pinakaangkop na pangalan, yamang ang salitang Hebreo na Behth-ʼElʹ ay nangangahulugang “Bahay ng Diyos.” (Genesis 28:19, talababa) Oo, ang Bethel ay nahahawig sa isang mainam-ang-pagkaorganisang bahay, o ‘isang sambahayan na itinayo ng karunungan,’ na ang Diyos at ang kaniyang kalooban ang pinakatampok. (Kawikaan 24:3) “Ito ay gaya ng pamumuhay ng isang pamilya. Kami ay may isang pang-araw-araw na rutin na mainam ang pagkaorganisa,” ang may pagpapahalagang sabi ni Herta. Siya ay naglilingkod sa loob ng mahigit na 45 taon sa Bethel na pinaglilingkuran din ni Helga. Bawat miyembro ng malaking pamilyang ito ay may kani-kaniyang trabaho at kaniyang dako, anupat nagpapadama sa kaniya ng kaligayahan at katiwasayan. Kasuwato ng pangalang Bethel, mabuting kaayusan at organisasyon ang makikita sa bawat departamento. Ito’y nagtataguyod ng kapayapaan, ginagawang posible ang epektibong pangangaral ng mabuting balita, at nagbibigay sa mga kongregasyon ng matibay na dahilan upang bigyan ng mataas na pagpapahalaga ang “Bahay ng Diyos.”​—1 Corinto 14:33, 40.

Bakit nga kailangan ang gayong mga pasilidad? Ang magasing ito, halimbawa, ay gawa sa isang palimbagan ng Bethel. Ang pangangaral ng mensahe ng Kaharian at ang pamamahagi ng espirituwal na pagkain, na kapuwa nakinikinita ni Jesu-Kristo, ang nagpapatunay na hindi maaaring walang mga kaayusang pang-organisasyon na gaya ng Bethel​—suportado ng kusang-loob na mga manggagawa at lubhang isinasaalang-alang ng lahat ng sumasamba kay Jehova.​—Mateo 24:14, 45.

Nais mo bang matuto pa ng higit tungkol sa karaniwang gawain dito sa maghapon? Sa tinitirahan nina Helga at Herta, isang malambing na tunog ang naririnig sa lahat ng gusaling tirahan sa ganap na 6:30 n.u., bagaman marami sa mahigit na 800 regular na mga manggagawa ang bumabangon na nang mas maaga upang maghanda para sa maghapon. Pagsapit ng 7:00 n.u., Lunes hanggang Sabado, ang pamilya ay nagtitipon sa mga bulwagang kainan para sa pagtalakay ng teksto sa araw na iyon, o pang-umagang pagsamba. Kasunod nito ang isang masustansiyang almusal. Bawat araw ng trabaho ay nagsisimula ng 8:00 n.u. at tumatagal ng walong oras, humihinto pansamantala para sa pananghalian. (Ang pamilya ay pangkaraniwan nang nagtatrabaho nang kalahating araw kung Sabado.) Sa kusina, palimbagan, laundry, mga opisina, mga talyer, bookbindery, o sa iba pang departamento, napakaraming trabaho.

Kung mga gabi at mga dulo ng sanlinggo, ang mga miyembro ng pamilya ay nakikisama sa lokal na mga kongregasyon sa mga pulong at pangmadlang pangangaral. Maraming kapatid na lalaki sa Bethel ang naglilingkod bilang matatanda o ministeryal na mga lingkod sa mga kongregasyong ito. Tunay na pinahahalagahan ng lokal na mga Saksi ang pakikipagtulungang ito, anupat ang dalawang grupo ay gumagawang magkakasama nang may pagkakaisa bilang isang pangkat, gumagalang at nagkakaunawaan sa isa’t isa. (Colosas 2:19) Bawat manggagawa sa Bethel ay nakababatid na ang kaniyang atas sa “Bahay ng Diyos” ay dapat unahin sa lahat ng iba pang gawain. Gayunman, ang sigla sa pangangaral at pakikisama sa kongregasyon, lakip ang isang timbang na saloobin, ay nagpapalakas sa espirituwalidad ng manggagawa sa Bethel, nagdaragdag sa kaniyang kagalakan, at ginagawa siyang isang lalong mabungang miyembro ng pamilya. Anong pagkahala-halaga nga ng mga katangiang ito sa paggawa sa isang “bahay” na ang pangalan ay kaugnay ng buong-kaluluwang debosyon!

Ginagawang Tagumpay ang Paglilingkuran sa Bethel

Ano ang nakatulong sa di-mabilang na mga Saksi ni Jehova upang gawing isang tagumpay ang paglilingkuran sa Bethel? Ganito ang komento ng mga miyembro ng pamilyang Bethel sa Pransiya na may maraming taon na sa paglilingkuran: “Ang pag-ibig kay Jehova. Ang pagkakaroon ng determinasyon na magtiyaga saanman tayo ilagay niya; ang pagpapakumbaba, pagpapasakop, at pagsunod sa tagubilin na ibinigay sa atin ng Samahan.” (Denise) “Napansin ko kung gaano kahalaga na igalang ang simulaing binanggit ni Pablo sa Roma 12:10: ‘Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.’ Ang kasulatang ito ay nagpapakita sa atin ng kahalagahan ng hindi paggigiit na tanggapin ang ating personal na opinyon kundi, sa halip, ng pagsasaalang-alang ng mga opinyon ng iba. Sa ibang pananalita, hindi ang paghahangad na mahigitan ang iba.” (Jean-​Jacques) “Ang ating paggalang sa paglilingkuran sa Bethel ay maaaring masira kung ang mga bagay ay mamalasin natin buhat sa isang makalaman, na punto de vista ng tao,” ang sabi ni Barbara, “sapagkat ito’y maaaring umakay sa atin na makalimutang si Jehova ang nangunguna sa kaniyang organisasyon. Ang ganiyang paggalang ay maaaring mawala kung tayo’y natitisod dahil sa di-kasakdalan ng iba.”

Lahat ng nasa Bethel ay di-sakdal, kaya kailangang pag-isipang mabuti ang pakikisalamuha. Makabubuti para sa mga kabataan o mga baguhan na huwag limitahan ang kanilang pakikisama tangi lamang sa kanilang mga kaedad. Yaong may hilig na magreklamo o mag-isip nang negatibo ay hindi nakapagpapatibay na mga kasama sa Bethel o sa kongregasyon. Sa kabilang panig, ang pagtulad sa “karunungan mula sa itaas,” na inilarawan sa Santiago 3:17, ay nagdudulot ng mga pagpapala. Ito ay “una sa lahat malinis, pagkatapos ay mapayapa, makatuwiran, handang sumunod, punô ng awa at mabubuting bunga, hindi gumagawa ng may-kinikilingang pagtatangi, hindi mapagpaimbabaw.” Ang ganiyang mga katangian, lakip ang mahabang-pagtitiis at kabaitan, ay mapapansin sa “Bahay ng Diyos,” na ginagawang nakalulugod at nakapagpapasigla ang pagtira roon ng isa. Maging ang mga bisitang di-Saksi ay kalimitang nagpapahayag ng paghanga sa mabuting paggawi, pagiging palakaibigan, at espiritu ng kagalakan ng mga manggagawa.

Si Anny, na mahigit nang 70 taóng gulang at miyembro ng pamilyang Bethel sa Alemanya buhat pa noong 1956, ay nagpapaliwanag kung papaano siya nananatiling handa sa paglilingkuran: “Para sa aking espirituwal na kabutihan, ako’y totoong nagsisikap upang manatiling kaalinsabay ng mga publikasyon ng Samahan, upang regular na makadalo sa mga pulong, at magkaroon ng regular na bahagi sa pangangaral. Sinisikap ko ring manatiling may malusog na pangangatawan sa pamamagitan ng pag-eehersisyo tuwing umaga, madalang na paggamit ng elebeytor, at sa pamamagitan ng paglalakad nang malimit hangga’t maaari, lalo na sa paglilingkod sa larangan.”

Maraming may karanasan na sa buhay sa Bethel ang sasang-ayon kay Anny. Sila’y hindi kailanman humihinto ng pagkatuto, hindi humihinto ng pagtatrabaho. Hinihingi ng pisikal na kalusugan na sila’y magkaroon ng sapat na tulog at kaunting pag-eehersisyo at maging katamtaman sa pagkain at pag-inom. Pinakamahalaga sa lahat, hindi nila pinababayaan ang personal na pananalangin at pag-aaral ng Bibliya.

Mataas na Pagtingin sa Paglilingkuran sa Bethel

“Saan ka nagtatrabaho?” ang isang malimit na katanungan sa mga miyembro ng Bethel. Iba-iba ang mga atas na trabaho, subalit bawat isa ay karapat-dapat na pahalagahan ng lahat. Bakit? Sapagkat bawat atas​—maging pagpapaandar ng isang makina sa paglilimbag ng espirituwal na pagkain, paglalaba ng mga damit, pagluluto at paglilinis para sa pamilya, o pagtatrabaho sa opisina​—ay isang banal na paglilingkuran. Gaya ng binanggit sa itaas, hindi nagtatangi ang mga Kristiyano. Alalahanin na lahat ng kinakailangang mga gawain na ginaganap ng mga saserdote at mga Levita sa templo, sa mga looban at mga bulwagang kainan nito, ay pawang itinuturing na banal na paglilingkuran kay Jehova. Kasali na riyan ang pagkatay at paghahanda ng mga hayop para sa paghahain, paglalagay ng langis sa mga lampara, maging ang paglilinis at pagbabantay sa gabi. Gayundin naman, bawat atas sa Bethel ay isang gawaing kasiya-siya at karapat-dapat “sa gawain ng Panginoon,” sa gayon ay isang natatanging pribilehiyo.​—1 Corinto 15:58.

Isaalang-alang sandali ang isang ugali na makahahadlang sa ating pagmamasid nang may pagpapahalaga sa “Bahay ng Diyos.” Ang mga Kristiyano kapuwa sa Bethel at sa labas ay kailangang magbantay laban sa pagkainggit at paninibugho, na “kabulukan sa mga buto.” (Kawikaan 14:30) Walang dahilan ang sinuman upang mainggit sa mga pribilehiyo sa paglilingkuran ng mga manggagawa sa Bethel. Isa pa, walang dako sa isang pamilyang Bethel para sa paninibugho, na isa sa mga gawa ng laman. Maghintay nang may pagpapakumbaba​—iyan ay matatag na payo para sa isa na waring nakakaligtaan samantalang ang iba ay pinagkakalooban ng lalong malaking pribilehiyo. At saka, namumuhay nang magkakasama sa Bethel ang mga taong may iba’t ibang kalagayan sa pananalapi. Anong laking pagkasiphayo kung mamalasin ng isa ang kaniyang katayuan “kung ihahambing sa ibang tao”! Ang pagiging nasisiyahan na sa “pagkain at pananamit” ay nakatulong sa marami upang magpatuloy na tapat sa loob ng maraming taon sa “Bahay ng Diyos.”​—Galacia 5:20, 26; 6:4; 1 Timoteo 6:8.

Ang mga Saksi ni Jehova at milyun-milyong iba pa ay nakikinabang nang malaki sa walang-bayad na paglilingkod na ginaganap sa Bethel​—isang gawaing walang-pag-iimbot na ginaganap dahil sa pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa. Ang mga tahanang Bethel at mga palimbagan ng Samahang Watch Tower, tulad ng iba pang teokratikong mga pasilidad, ay tinutustusan ng kusang-loob na abuloy. (2 Corinto 9:7) Tulad ni Haring David at ng mga prinsipe at mga pinunò ng Israel, maipakikita natin ang ating paggalang at pagpapahalaga sa “Bahay ng Diyos” sa pamamagitan ng pagbibigay ng moral at pinansiyal na suporta sa Samahan. (1 Cronica 29:3-7) Tingnan natin ngayon kung papaano posible na “malasin ang kagandahan ni Jehova” sa Bethel.

Mga Pagpapala sa “Bahay ng Diyos”

Kapag dumadalo sa isang asamblea, ikaw ba’y nakadarama ng matinding kasiyahan, yamang napalilibutan ka ng maliligayang sumasamba kay Jehova? Gunigunihin lamang, ang isang manggagawa sa Bethel ay may pribilehiyo na maglingkod kay Jehova sa gitna ng isang grupo ng mga kapatid sa araw-araw! (Awit 26:12) Anong gandang pagkakataon iyan para sa espirituwal na paglaki! Isang kapatid ang nagsabi na siya’y natuto pa ng higit na makatutulong sa kaniya na hubugin ang kaniyang personalidad sa loob ng isang taon sa Bethel kaysa kaniyang nagawa sa tatlong taon sa ibang lugar. Bakit? Sapagkat dito lamang siya nagkaroon ng pagkakataon na magmasid at tularan ang pananampalataya ng napakaraming may gulang na mga Kristiyanong personalidad.​—Kawikaan 13:20.

Sa Bethel ang isang tao ay napaliligiran ng may karanasang mga tagapayo, wika nga. Bukod dito, may kapakinabangan ang pakikinig sa inihandang mga komento kung pang-umagang pagsamba at sa Pag-aaral ng Bantayan ng pamilyang Bethel at sa pakikinig sa mga pahayag kung mga Lunes ng gabi. Ang mga bagong dating ay nagtatamo ng instruksiyon sa Bethel Entrants’ School at inaatasan na magbasa ng buong Bibliya sa loob ng unang 12 buwan.

Nagdudulot ng karagdagan pang pampatibay-loob ang mga ulat at karanasan ng mga bisita buhat sa ibang mga bansa. Gayundin, dumadalaw sa mga tanggapang pansangay ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala o ang kanilang mga kinatawan. “Bagaman sila’y maraming gawain,” nagunita pa ni Helga, “ang mga kapatid ay laging may panahon para bumati at ngumiti.” Anong laking pampatibay na makita nang personal ang nakagiginhawa at kababaang-loob ng gayong tapat na mga lalaki!

Lalung-lalo na sa Bethel mapagmamasdan ng isa kung papaano kumikilos ang organisasyon ng Diyos at kung papaano ang kaniyang banal na espiritu ay pumupukaw sa handang mga puso at mga kamay upang kumilos. “Sa Bethel ang isa’y nakadarama na siya’y mas malapit sa pinakasentro ng gawain,” paliwanag ng isang kapatid, na naglilingkuran sa Bethel sa Pransiya mula pa noong 1949. Sinabi pa niya: “Masasabi kong tunay na para sa akin ang Bethel ang anyo ng buong-panahong paglilingkuran na nagbibigay ng pagkakataon sa akin na mag-ukol ng pinakamalaking panahon at lakas sa paglilingkuran kay Jehova at maglingkod sa pinakamaraming mga kapatid.” At hindi ba iyan ang layunin natin sa buhay​—ang gawin ang kalooban ng Diyos? Sa Bethel ang isa ay ‘makapupuri sa buong araw.’ Anong laking pagpapala!​—Awit 44:8.

Gaya ng natuklasan natin, namamasdan ng isa na nagtatrabaho sa Bethel ang kagandahan ni Jehova at nakasusumpong ng maraming pagpapala. (Hebreo 6:10) Ang paglilingkuran kaya sa “Bahay ng Diyos” ay isang bagay na kapaki-pakinabang para sa iyo? Yaong kabilang sa mga Saksi ni Jehova na hindi bababa sa 19 anyos ang edad, na nagtatamasa ng mahusay na espirituwal at pisikal na kalusugan, at, gaya ni Timoteo, na “may mabuting ulat mula sa mga kapatid” ay makapag-aaplay upang maglingkod sa Bethel. (Gawa 16:2) Marami ang ginawang kanilang panghabang-buhay na gawain ang paglilingkuran sa Bethel, katulad ng mga nabanggit na. Para sa kanila ang matinding pagnanasa ng salmista​—na ‘tumahan sa bahay ni Jehova lahat ng araw ng kaniyang buhay’​—ay natupad.

Ang mga Saksi ni Jehova ay may malaking paggalang sa espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili na ipinakita ng kanilang mga kapatid sa Bethel, na gumaganap ng kanilang mga atas nang kusang-loob at may kagalakan. Tayo man ay naglilingkod kay Jehova sa Bethel o sa ibang dako, bawat isa sa atin ay may mabuting dahilan na makadama ng gaya ng nadama ni Haring David​—magmasid nang may pagpapahalaga, o kaluguran, sa “Bahay ng Diyos.”

[Larawan sa pahina 31]

Ang mga Kristiyanong ito ay nalulugod sa banal na paglilingkuran sa Bethel sa Alemanya sa loob ng maraming taon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share