Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 5/1 p. 22-26
  • Umaakay sa Pagsulong ang Tiyaga

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Umaakay sa Pagsulong ang Tiyaga
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Maliliit na Pasimula
  • Pagsisikap na Sundan ang Halimbawa ni Itay
  • Pakikibahagi sa Gawaing Pang-Kaharian
  • Katapangan sa Harap ng Pagsalansang
  • Isang Tapat at Totoong Katulong
  • Pinagpala ni Jehova ang Aking Pasiya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Nagdudulot ng Kagalakan ang Pagtitiyaga
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Binabantayan Tayo ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Inalalayan ng Aking Pagtitiwala kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 5/1 p. 22-26

Umaakay sa Pagsulong ang Tiyaga

GAYA NG INILAHAD NI JOSÉ MAGLOVSKY

Hinanap ko ang aking ama nang sunggaban ng pulis ang aking kamay. Gayunman, siya pala ay dinala na sa himpilan ng pulisya nang hindi ko alam. Nang ako’y dumating doon, kinuha ng mga pulis ang lahat ng publikasyon namin, pati ang aming mga Bibliya, at itinambak ang mga ito sa sahig. Nang makita ito, nagtanong ang aking ama: “Pati ba ang mga Bibliya ay inilalagay ninyo sa sahig?” Humingi ng paumanhin ang hepe ng pulisya, pagkatapos ay dinampot ang mga Bibliya at inilagay ang mga ito sa ibabaw ng mesa.

PAPAANO kami napapunta sa himpilan ng pulisya? Ano ba ang ginawa namin? Kami ba ay nasa isang ateistang estado na pinamamahalaan ng pulisya, kung kaya maging ang Bibliya ay kinuha sa amin? Upang masagot ang mga tanong na ito, kailangang bumalik tayo sa taóng 1925, bago pa man ako isilang.

Nang taóng iyon, ang aking amang si Estefano Maglovsky, at ang aking inang si Juliana, ay umalis sa noo’y kilala bilang Yugoslavia at sila’y nangibang bayan sa Brazil, anupat nanirahan sa São Paulo. Bagaman isang Protestante si Itay at isa namang Katoliko si Inay, hindi naging dahilan ng pagkakabaha-bahagi ang relihiyon sa pagitan nila. Sa katunayan, may naganap pagkalipas ng sampung taon na nagpangyaring magkaisa sila kung tungkol sa relihiyon. Dinalhan si Itay ng kaniyang bilás ng isang de-kolor na bukletang Hungaryo may kaugnayan sa kalagayan ng patay. Natanggap niya ang bukleta bilang isang regalo, at hiniling niya na basahin iyon ni Itay at sabihin sa kaniya ang kanyang opinyon hinggil sa mga nilalaman, lalo na ang bahagi tungkol sa “impiyerno.” Ginugol ni Itay ang magdamag sa pagbabasa at muling pagbabasa sa bukleta, at kinabukasan, nang dumating ang kaniyang bilás upang alamin ang kaniyang opinyon, may katiyakang ipinahayag ni Itay: “Narito ang katotohanan!”

Maliliit na Pasimula

Yamang galing sa mga Saksi ni Jehova ang publikasyon, hinanap nilang dalawa ang mga ito upang higit na makaalam sa kanilang mga paniniwala at mga turo. Nang sa wakas ay matagpuan sila, maraming miyembro ng aming pamilya ang nagpasimulang makipag-usap sa mga Saksi tungkol sa Bibliya. Sa taon ding iyon ng 1935, pinasimulan ang isang regular na pag-aaral sa Bibliya sa Hungaryo, na may katamtamang bilang na walong dumadalo, at simula noo’y nagkaroon na kami ng regular na pag-aaral sa Bibliya sa aming tahanan.

Pagkaraan ng dalawang taon ng pag-aaral sa Bibliya, si Itay ay nabautismuhan noong 1937 at naging isang masiglang Saksi ni Jehova, na nakikibahagi sa gawaing pangangaral sa bahay-bahay at naglilingkod din bilang isang hinirang na lingkod at tagapangasiwa ng pag-aaral. Siya’y tumulong sa pagbuo sa unang kongregasyon sa São Paulo, sa bahagi ng Vila Mariana. Nang maglaon ay inilipat ang kongregasyon sa sentro ng lunsod at nakilala bilang ang Central Congregation. Pagkalipas ng sampung taon ang ikalawang kongregasyon ay binuo sa pook ng Ypiranga, at nahirang si Itay bilang lingkod ng kongregasyon doon. Naitatag noong 1954 ang pangatlong kongregasyon sa lugar ng Moinho Velho, kung saan siya rin ay naging lingkod ng kongregasyon.

Nang lubusang maorganisa ang grupong ito, nagsimula siyang tumulong sa isang kalapit na grupo sa São Bernardo do Campo. Dahil sa pagpapala ni Jehova sa mga pagsisikap ng maliliit na grupong ito ng mga Saksi sa mga taóng nagdaan, naging kapansin-pansin ang paglago, kung kaya noong 1994 ay nagkaroon ng mahigit sa 70,000 mamamahayag sa 760 kongregasyon sa kalakhang bahagi ng São Paulo. Nakalulungkot, hindi na nakita ni Itay ang pagsulong na ito. Siya ay namatay noong 1958 sa gulang na 57.

Pagsisikap na Sundan ang Halimbawa ni Itay

Ang isang kapansin-pansing katangian ng aking ama, gaya ng ibang maygulang na Kristiyano, ay ang kaniyang pagkamapagpatuloy. (Tingnan ang 3 Juan 1, 5-8.) Bilang resulta, kami’y nagkapribilehiyo na maging mga panauhin sina Antonio Andrade at ang kaniyang asawa at anak, na dumating sa Brazil noong 1936 galing pa sa Estados Unidos kasama sina Brother at Sister Yuille. Naging mga panauhin din sa aming tahanan ang dalawang nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead, sina Harry Black at Dillard Leathco, na mga unang misyonerong inatasan sa Brazil noong 1945. Maraming iba pa ang sumunod sa kanila. Ang mga kapatid na ito ay bukal ng pampatibay-loob sa aming buong pamilya. Dahil sa pagpapahalaga rito at para sa kapakinabangan ng aking pamilya, sinikap kong tularan ang halimbawa ng aking ama hinggil sa katangiang Kristiyano na pagkamapagpatuloy.

Bilang panganay na anak na lalaki, sinimulan kong samahan si Itay sa kaniyang teokratikong mga gawain nang matutuhan niya ang katotohanan noong 1935, bagaman ako’y siyam na taong gulang pa lamang noon. Kaming lahat ay dumadalong kasama niya sa mga pulong sa Kingdom Hall na naroroon sa punong-tanggapan ng mga Saksi sa São Paulo na nasa Kalye Eça de Queiroz, Numero 141. Dahil sa pagtuturo at pagsasanay ni Itay, nalinang ko ang isang masidhing hangarin na paglingkuran si Jehova, at noong 1940, inialay ko ang aking sarili kay Jehova, anupat sinagisagan ito sa pamamagitan ng pagpapalubog sa tubig ng ngayo’y maruming Ilog ng Tietê, na umaagos sa sentro ng São Paulo.

Di-nagtagal ay natutuhan ko kung ano ang kahulugan ng maging isang regular na mamamahayag ng mabuting balita, anupat itinatanim at dinidilig ang mensahe ng katotohanan sa iba at nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa kanila. Ngayon, habang nakikita ko ang libu-libong nag-alay na mga Saksi ni Jehova sa Brazil, nakadarama ako ng matinding kagalakan sa pagkaalam na ako’y ginamit Niya upang tulungan ang marami sa kanila na makaalam ng katotohanan o upang palalimin ang kanilang pagpapahalaga dito.

Isa sa aking natulungan ay si Joaquim Melo, na aking nasumpungan sa pagbabahay-bahay. Nakikipag-usap ako noon sa tatlong lalaki na nakikinig ngunit hindi gaanong interesado. Pagkatapos ay napansin ko ang isang kabataan na sumali sa amin at matamang nakinig. Palibhasa’y nakita ko ang interes niya, itinuon ko ang aking pansin sa kaniya at, pagkatapos ng isang mabuting pagpapatotoo, inanyayahan siya sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Hindi siya dumalo sa pag-aaral, subalit dumating siya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro at mula noo’y regular nang dumalo sa mga pagpupulong. Naging mahusay ang kaniyang pagsulong, anupat siya’y nabautismuhan, at sa loob ng maraming taon ay naglingkod bilang naglalakbay na ministro kasama ang kaniyang asawa.

Pagkatapos ay nariyan si Arnaldo Orsi, na aking nasumpungan sa lugar ng aking trabaho. Ako’y regular na nagpapatotoo sa isang kamanggagawa ngunit napansin ko na isang kabataang may balbas ang palaging nakikinig, kaya sinimulan kong kausapin siya. Siya’y kabilang sa isang pamilya na saradong Katoliko ngunit marami siyang itinanong tungkol sa mga bagay na gaya ng paninigarilyo, panonood ng mga pelikulang pornograpiko, at pagsasanay ng judo na isang pamamaraan ng pagtatanggol sa sarili. Ipinakita ko sa kaniya kung ano ang sinasabi ng Bibliya, at laking gulat ko, nang kinabukasan ay tawagan niya ako upang manood habang sinisira niya ang kaniyang pipa at lighter pati ang krusipiho niya, niwawasak ang kaniyang mga pelikulang pornograpiko, at inaahit ang kaniyang balbas. Isang bagong tao sa loob lamang ng maikling panahon! Siya rin ay huminto sa pagsasanay ng judo at humiling na pag-aralan namin ang Bibliya nang araw-araw. Sa kabila ng mga pagsalangsang ng kaniyang asawa at ama, mahusay pa rin ang pagsulong niya sa espirituwal sa tulong ng mga kapatid na naninirahan malapit sa kaniya. Sa maikling panahon, siya ay nabautismuhan at ngayo’y naglilingkod bilang isang matanda sa kongregasyon. Ang kaniyang asawa at mga anak ay tumanggap din ng katotohanan.

Pakikibahagi sa Gawaing Pang-Kaharian

Nang ako ay 14 na taóng gulang, nagsimula akong magtrabaho sa isang kompanya ng pag-aanunsiyo, kung saan natutuhan ko ang magpinta ng karatula. Ito’y napatunayang kapaki-pakinabang, at sa loob ng maraming taon ay ako lamang ang kapatid sa São Paulo na nagpipinta sa mga plakard at mga karatulang inilalagay sa itaas ng lansangan upang ianunsiyo ang mga pahayag pangmadla at mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Sa loob ng halos 30 taon, taglay ko ang pribilehiyo ng paglilingkuran bilang tagapangasiwa ng Sign Department sa kombensiyon. Lagi kong iniipon ang aking mga bakasyon upang makapagboluntaryo sa mga kombensiyon, anupat kung minsan ay natutulog sa dako ng kombensiyon upang mapintahan ang mga karatula nang nasa panahon.

Nagkaroon din ako ng pagkakataong gumawa na ginagamit ang sound car ng Samahan, na tunay namang di-pangkaraniwan nang panahong iyon. Ilalagay namin ang aming mga publikasyon sa Bibliya sa isang puwesto, at habang ipinahahayag ng sound car ang isang isinaplakang mensahe, ang mga tao na nagsilabas sa kanilang mga tahanan upang alamin kung ano ang nangyayari ay kinakausap namin. Ang isa pang paraan na ginamit namin upang itanyag ang mabuting balita ng Kaharian ay ang bitbiting ponograpo, at taglay ko pa rin ang mga plakang ginamit upang iharap ang mga publikasyon ng Samahan. Napakaraming literatura sa Bibliya ang naipasakamay dahil dito.

Nang panahong iyon ay may mahahabang prusisyon ang Iglesya Katolika sa mga lansangan ng São Paulo, at madalas na may mga lalaki sa unahan na nangangasiwa sa trapiko. Isang Linggo, kami ni Itay ay nag-aalok ng Ang Bantayan at Gumising! sa lansangan nang isang mahabang prusisyon ang dumaan. Suot ni Itay ang kaniyang sombrero gaya ng kaniyang kinaugalian. Isa sa mga lalaking nasa unahan ng prusisyon ang sumigaw: “Alisin mo ang iyong sombrero! Hindi mo ba nakikitang may prusisyong dumarating?” Nang hindi alisin ni Itay ang kaniyang sombrero, dumating ang maraming lalaki anupat itinulak kami sa tabi ng bintana ng isang tindahan at nagbunsod ng kaguluhan. Ito’y nakatawag-pansin sa isang pulis, na lumapit upang tingnan kung ano ang nangyayari. Hinawakan siya sa braso ng isa sa mga lalaki na gustong kumausap sa kaniya. “Alisin mo ang kamay mo sa uniporme ko!” ang utos ng pulis, sabay tampal sa kamay ng lalaki. Pagkatapos ay nagtanong siya kung ano ang nangyayari. Nagpaliwanag ang lalaki na ayaw alisin ni Itay ang kaniyang sombrero para sa prusisyon, at idinagdag pa na: “Ako’y isang apostolikong Romano Katoliko.” Ang di-inaasahang tugon ay: “Sinasabi mo bang ikaw ay isang Romano? Kung gayo’y bumalik ka sa Roma! Ito ay Brazil.” Nang magkagayo’y bumaling siya sa amin na nagtatanong: “Sinong nauna rito?” Nang sabihin ni Itay na kami, pinaalis ng pulis ang mga lalaki at sinabi sa amin na magpatuloy kami sa aming gawain. Siya ay tumayo sa tabi namin hanggang lubusang makaraan ang prusisyon​—at nakasuot pa rin ang sombrero ni Itay!

Madalang naman ang ganitong mga pangyayari. Ngunit kapag ito ay naganap, nakapagpapatibay na malamang may mga taong naniniwala sa katarungan para sa mga minorya at hindi sobra kung manuyo sa Iglesya Katolika.

Sa isang pagkakataon, nasumpungan ko ang isang kabataan na nagpakita ng interes at humiling na magbalik ako sa susunod na linggo. Inanyayahan niya akong pumasok nang ako’y magbalik at mahusay ang naging pagtanggap niya sa akin. Anong gulat ko nang masumpungan ko ang aking sarili na napalilibutan ng isang pangkat ng mga kabataan na tumutuya at nagsisikap na galitin ako! Lumala ang situwasyon, at naramdaman kong malapit na nila akong saktan. Sinabi ko sa isa na nagpapasok sa akin na kapag may nangyari sa akin, tiyak na mananagot siya at alam ng aking pamilya kung nasaan ako. Hiniling ko sa kanila na hayaan akong makaalis, at pumayag naman sila. Gayunman, bago ako umalis ay sinabi ko na kung mayroon sa kanila na gustong kumausap sa akin nang sarilinan, maaari akong makipag-usap. Pagkaraan, nalaman ko na sila pala ay isang pangkat ng mga panatiko, mga kaibigan ng paring taga-roon na nag-udyok sa kanila na isaayos ang ganoong pakikipagharap. Ako’y nagagalak at nakawala ako sa kanilang kamay.

Siyempre pa, ang pagsulong sa Brazil ay mabagal noong una, halos hindi mo mahahalata. Kami ay nasa unang yugto ng “pagtatanim,” na may kaunting panahon na naiuukol para sa “paglilinang” at “pag-aani” sa mga bunga ng aming pagpapagal. Palagi naming inaalaala kung ano ang isinulat ni apostol Pablo: “Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang patuloy na nagpapalago nito; anupat siya na nagtatanim ay walang anuman ni siya na nagdidilig, kundi ang Diyos na nagpapalago nito.” (1 Corinto 3:6, 7) Nang dumating ang dalawang unang nagtapos sa Gilead noong 1945, nadama namin na dumating na ang panahon para sa matagal-nang-hinihintay na pagsulong.

Katapangan sa Harap ng Pagsalansang

Gayunman, ang pagsulong ay hindi darating nang walang pagsalansang, lalo na pagkatapos magsimula ang Digmaang Pandaigdig II sa Europa. Kaagad-agad na nagkaroon ng pag-uusig sapagkat hindi naintindihan ng mga tao sa pangkalahatan at ng ilang awtoridad ang ating neutral na paninindigan. Sa isang pagkakataon, noong 1940, samantalang nagpapatotoo kami sa lansangan taglay ang mga plakard sa sentro ng São Paulo, isang pulis ang lumapit sa akin mula sa likuran, hinablot ang mga plakard, at sinunggaban ako sa kamay upang dalhin sa himpilan ng pulisya. Tumingin ako sa palibot kung naroroon si Itay, ngunit hindi ko siya nakita. Sa hindi ko alam, siya at ang iba pang mga kapatid, kasali na si Brother Yuille na nangangasiwa sa gawain sa Brazil, ay dinala na pala sa himpilan ng pulisya. Gaya ng inihihimaton sa unang parapo, doon kami muling nagkita ni Itay.

Yamang ako’y isang menor-de-edad, ako’y hindi maaaring ikulong kaya ako’y iniuwi ng isang pulis at ibinigay sa aking ina. Nang gabing yaon ay pinalaya rin ang mga kapatid na babae. Pagkaraan ay ipinasiya ng pulisya na palayain ang lahat ng mga kapatid na lalaki, mga sampu ang bilang, liban kay Brother Yuille. Gayunman, iginiit ng mga kapatid: “Alin sa palalayain kaming lahat o walang palalayain.” Ang mga pulis ay nagmatigas, kaya ang lahat ay natulog nang sama-sama sa sementong sahig ng seldang iyon. Kinabukasan, ang lahat ay pinalaya nang walang pasubali. Maraming beses na dinakip ang mga kapatid dahil sa pagpapatotoo na taglay ang mga plakard. Ipinatalastas ng mga karatula ang isang pahayag pangmadla at isang bukleta na pinamagatang Fascism or Freedom, at ipinagkamali ito ng ilang awtoridad na kami ay panig sa Pasismo, na mangyari pa’y umakay sa di-pagkakaunawaan.

Nagdulot din ng suliranin sa mga kabataang kapatid na lalaki ang sapilitang paglilingkod sa militar. Noong 1948, ako ang kauna-unahang nakulong sa Brazil may kaugnayan sa isyung ito. Talagang hindi alam ng mga awtoridad kung ano ang gagawin sa akin. Ako’y inilipat sa kuwartel ng mga sundalo sa Caçapava at ginawang tagapagtanim at tagapag-alaga ng mga gulay sa hardin at saka tagapaglinis sa kuwartong ginagamit ng mga opisyales para sa fencing. Nagkaroon ako ng maraming pagkakataon na magpatotoo at magpasakamay ng mga publikasyon sa mga kalalakihan. Ang superbisor ang unang tumanggap ng isang kopya ng aklat ng Samahan na Children. Nang dakong huli, maging ang pagtuturo tungkol sa relihiyon para sa mga 30 o 40 sundalo na hindi na makapag-ehersisyo at nananatili na lamang sa isang kuwarto ay iniatas na rin sa akin. Bandang huli, pagkatapos ng mga sampung buwan sa kulungan, ako ay nilitis at pinawalang-sala. Nagpapasalamat ako kay Jehova, na nagbigay sa akin ng lakas upang matiis ang mga pagbabanta, panghahamak, at panunuya mula sa ilang kalalakihang naroon.

Isang Tapat at Totoong Katulong

Noong Hunyo 2, 1951, pinakasalan ko si Barbara, at mula noon siya ay naging totoo at tapat na kasama sa pagtuturo sa aming mga anak at sa pagpapalaki sa kanila ayon sa “disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Sa limang anak namin, apat ang may-kagalakang naglilingkod kay Jehova sa ibat-ibang tungkulin. Umaasa kami na sila, kasama namin, ay patuloy na magmamatiyaga sa katotohanan at mag-aabuloy sa ikasusulong ng organisasyon at sa gawaing ginaganap. Ang mga miyembro ng pamilya na nasa kalakip na larawan ay mga nag-alay na lingkod na ni Jehova liban sa pinakabata, ang kinakalong na sanggol. Apat ang matatanda at ang dalawa sa kanila ay mga regular pioneer din, anupat inilalarawan ang pagiging totoo ng Kawikaan 17:6: “Ang putong ng matatandang lalaki ay ang kanilang mga apo, at ang kagandahan ng mga anak na lalaki ay ang kanilang mga ama.”

Ngayon, sa gulang na 68, hindi na gaanong mahusay ang kalusugan ko. Noong 1991, sumailalim ako sa isang triple-bypass na operasyon at ng maglaon ay sa isa namang angioplasty. Gayunman, nagagalak ako na patuloy na makapaglingkuran bilang punong tagapangasiwa sa isang kongregasyon sa São Bernardo do Campo, anupat sinusundan ang mga yapak ng aking ama, na kabilang sa mga unang nagpasimula ng gawain dito. Totoong natatangi ang ating salinlahi, anupat may pagkakataong makibahagi sa di-na-muling-mauulit na pribilehiyo ng pagpapahayag sa pagkakatatag ng Mesianikong Kaharian ni Jehova. Kaya hindi natin dapat kalimutan kailanman ang mga salita ni Pablo kay Timoteo: “Ikaw naman, . . . gawin mo ang gawain ng isang ebanghelisador, lubusan mong ganapin ang iyong ministeryo.”​—2 Timoteo 4:5.

[Larawan sa pahina 23]

Ang aking mga magulang, sina Estefano at Juliana Maglovsky

[Larawan sa pahina 26]

Sina José at Barbara kasama ang mga miyembro ng kanilang pamilya na nag-alay na mga lingkod ni Jehova

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share