Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w06 7/1 p. 8-12
  • Nagdudulot ng Kagalakan ang Pagtitiyaga

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nagdudulot ng Kagalakan ang Pagtitiyaga
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Drayber ng Trambiya na Naging Ebanghelisador
  • Unang Pagsalansang
  • Isang Tunguhing Dapat Itaguyod
  • Saganang Paglalaan
  • Pagharap sa Bagong Hamon
  • Mga Buriko, Kabayo, at mga Anteater
  • Sa Wakas, Isang Katulong
  • Pagtitiyaga sa Kabila ng Mahinang Kalusugan
  • Inalalayan ng Aking Pagtitiwala kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Pinagpala ni Jehova ang Aking Pasiya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Umaakay sa Pagsulong ang Tiyaga
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Binabantayan Tayo ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
w06 7/1 p. 8-12

Talambuhay

Nagdudulot ng Kagalakan ang Pagtitiyaga

AYON SA SALAYSAY NI MÁRIO ROCHA DE SOUZA

“Malamang na hindi makayanan ni Ginoong Rocha ang operasyon.” Sa kabila ng nakalulungkot na pahayag na ito ng doktor, makalipas ang mga 20 taon, buháy pa rin ako at naglilingkod sa ngayon bilang buong-panahong mangangaral ng mga Saksi ni Jehova. Ano ang nakatulong sa akin na magmatiyaga?

LUMAKI ako sa isang bukid malapit sa Santo Estêvão, isang nayon sa estado ng Bahia, sa hilagang-silangan ng Brazil. Pitong taóng gulang pa lamang ako, tinutulungan ko na si Itay sa pagsasaka. Araw-araw, pag-uwi ko galing sa paaralan, binibigyan niya ako ng atas. Nang maglaon, sa tuwing magtatrabaho si Itay sa Salvador, ang kabisera ng estado, ako ang pinangangasiwa niya sa bukid.

Wala kaming kuryente, gripo, o iba pang mga kaalwanan tulad ngayon, pero masaya kami. Nagpapalipad ako ng saranggola o kaya naman ay naglalaro ng mga sasakyang yari sa kahoy na ginawa naming magkakaibigan. Tumutugtog din ako ng klarinete kapag may mga relihiyosong prusisyon. Miyembro ako ng koro ng simbahan sa lugar namin, at nakita ko roon ang aklat na História Sagrada (Banal na Kasaysayan), kung kaya’t nagkainteres ako na suriin ang Bibliya.

Noong 1932, nang 20 anyos ako, sinalanta ng matindi at mahabang tagtuyot ang hilagang-silangan ng Brazil. Namatay ang aming mga alagang hayop at nasira ang mga pananim, kaya lumipat ako sa Salvador, kung saan ako nakapagtrabaho bilang drayber ng trambiya. Bandang huli, umupa ako ng bahay at doon na kami tumira ng aking pamilya. Noong 1944, namatay si Itay, at ako ang naiwang mangalaga kay Inay at sa aking walong kapatid na babae at tatlong kapatid na lalaki.

Drayber ng Trambiya na Naging Ebanghelisador

Bumili ako ng Bibliya pagkarating na pagkarating ko ng Salvador. Sa loob ng ilang taon, dumadalo ako sa simbahan ng Baptist. Nang maglaon, naging kaibigan ko si Durval, isa ring drayber ng trambiya. Madalas kaming mag-usap nang matagal tungkol sa Bibliya. Isang araw, binigyan niya ako ng buklet na pinamagatang Saan Naroon ang mga Patay?a Bagaman naniniwala akong may imortal na kaluluwa ang tao, gusto ko pa ring matiyak kung ano ang sinasabi ng mga teksto sa Bibliya na sinipi sa buklet. Laking gulat ko dahil pinatutunayan ng Bibliya na ang kaluluwang nagkakasala ay mamamatay.​—Ezekiel 18:4.

Napansin ni Durval na interesado ako kaya hiniling niya kay Antônio Andrade, isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova, na dalawin ako sa bahay. Pagkatapos ng ikatlong pagdalaw ni Antônio, inanyayahan niya akong samahan siya sa pagbabahagi sa iba ng mga turo ng Bibliya. Pagkatapos niyang makipag-usap sa dalawang magkasunod na bahay, sinabi niya, “Ikaw naman ang makipag-usap sa susunod na bahay.” Ninerbiyos ako, pero tuwang-tuwa ako dahil isang pamilya ang matamang nakinig at tumanggap sa inialok kong dalawang aklat. Hanggang ngayon, nakadarama pa rin ako ng kagalakan kapag may nakakausap akong interesado sa katotohanan sa Bibliya.

Noong Abril 19, 1943, ang anibersaryo ng kamatayan ni Kristo nang taóng iyon, nabautismuhan ako sa Karagatang Atlantiko malapit sa Salvador. Dahil kulang sa makaranasang mga lalaking Kristiyano, inatasan akong tumulong sa grupo ng mga Saksi na nagpupulong sa bahay ni Brother Andrade na nasa isa sa makikitid na daang nag-uugnay sa itaas at ibabang bahagi ng lunsod ng Salvador.

Unang Pagsalansang

Hindi tinanggap ang aming gawaing Kristiyano noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II (1939-45). Nagsuspetsa ang ilang opisyal na kami ay mga espiya ng Hilagang Amerika dahil halos karamihan ng aming publikasyon ay galing sa Estados Unidos. Dahil dito, naging pangkaraniwan ang mga pag-aresto at interogasyon. Kapag hindi umuwi ang isang Saksi mula sa ministeryo sa larangan, iniisip namin na nakulong na siya, at pumupunta kami sa istasyon ng pulis para ayusin ang kaniyang paglaya.

Noong Agosto 1943, dumating sa Salvador si Adolphe Messmer, isang Saksing Aleman, upang tumulong na isaayos ang aming unang asamblea. Pagkakuha namin ng permiso mula sa mga awtoridad upang magdaos ng asamblea, inianunsiyo sa lokal na mga pahayagan ang pahayag pangmadla na “Kalayaan sa Bagong Sanlibutan,” at nagdikit kami ng mga poster sa salamin ng mga tindahan at sa tagiliran ng mga trambiya. Subalit nang ikalawang araw ng asamblea, sinabihan kami ng isang pulis na kinansela ang aming lisensiya na magpulong. Pinilit ng arsobispo ng Salvador ang hepe ng pulisya na patigilin ang aming asamblea. Gayunman, nang sumunod na Abril, ipinagkaloob din sa amin sa wakas ang permiso na idaos ang inianunsiyong pahayag pangmadla.

Isang Tunguhing Dapat Itaguyod

Noong 1946, inanyayahan akong dumalo sa Maliligayang Bansa na Teokratikong Asamblea sa lunsod ng São Paulo. Pumayag ang kapitan ng isang barkong pangkargamento sa Salvador na isakay ang grupo namin kung sa kubyerta ng barko kami matutulog. Bagaman dumanas kami ng bagyo at pagkaliyo, ligtas kaming dumaong sa Rio de Janeiro makalipas ang apat na araw. Pinatuloy kami ng mga Saksi sa Rio sa kanilang bahay para makapahinga nang ilang araw bago kami bumiyaheng muli sakay naman ng tren. Pagdating ng sinasakyan naming tren sa São Paulo, sinalubong kami ng maliit na grupong may hawak na mga baner na nagsasabing “Maligayang Pagdating, mga Saksi ni Jehova.”

Di-nagtagal pagbalik sa Salvador, ipinakipag-usap ko kay Harry Black, isang misyonero mula sa Estados Unidos, na gusto kong maging pioneer, ang tawag sa buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Ipinaalaala ni Harry na mayroon akong responsibilidad sa pamilya na dapat asikasuhin at pinayuhan niya akong maghintay. Sa wakas, noong Hunyo 1952, ang lahat ng kapatid ko ay hindi na umasa sa akin sa pinansiyal, at inatasan akong magpayunir sa isang maliit na kongregasyon sa Ilhéus, 210 kilometro sa gawing timog ng Salvador.

Saganang Paglalaan

Nang sumunod na taon, inatasan ako sa Jequié, isang malaking lunsod sa may gitnang bahagi ng estado ng Bahia kung saan walang Saksi. Ang una kong dinalaw ay ang pari sa lugar na iyon. Ipinaliwanag niya na teritoryo na niya ang lunsod at pinagbawalan niya akong mangaral doon. Binabalaan niya ang kaniyang mga parokyano na may darating na “bulaang propeta” at nag-atas siya ng mga espiya sa palibot ng lunsod upang subaybayan ang mga ginagawa ko. Sa kabila nito, nakapagpasakamay ako nang araw na iyon ng mahigit 90 literatura sa Bibliya at nakapagpasimula ng apat na pag-aaral sa Bibliya. Makalipas ang dalawang taon, may sarili nang Kingdom Hall ang Jequié at mayroon nang 36 na Saksi! Sa ngayon, walo na ang kongregasyon sa Jequié at mga 700 na ang Saksi roon.

Noong unang mga buwan ko sa Jequié, umuupa ako ng isang maliit na kuwarto sa labas ng lunsod. Pagkatapos, nakilala ko si Miguel Vaz de Oliveira, ang may-ari ng Hotel Sudoeste, isa sa pinakamagagandang otel sa Jequié. Tumanggap ng pag-aaral sa Bibliya si Miguel at pilit niya akong pinalipat sa isang kuwarto sa kaniyang otel. Bandang huli, naging Saksi si Miguel at ang kaniyang asawa.

Ang isa pang magandang alaala ko sa Jequié ay ang pagdaraos ko ng pag-aaral sa Bibliya kay Luiz Cotrim, isang guro sa haiskul. Sinabi ni Luiz na tutulungan niya akong matuto pa nang higit sa wikang Portuges at sa matematika. Elementarya lamang ang natapos ko, kaya agad kong tinanggap ang kaniyang alok. Ang mga araling iyon na ginagawa namin ni Luiz linggu-linggo pagkatapos naming mag-aral ng Bibliya ay nakatulong sa akin sa pagbalikat sa karagdagang mga pribilehiyo na natanggap ko bandang huli mula sa organisasyon ni Jehova.

Pagharap sa Bagong Hamon

Noong 1956, tumanggap ako ng liham na nag-aanyaya sa akin na pumunta sa aming tanggapang pansangay, na nasa Rio de Janeiro noon, upang tumanggap ng pagsasanay para maging tagapangasiwa ng sirkito, ang tawag sa mga naglalakbay na ministro ng mga Saksi ni Jehova. Ang kurso sa pagsasanay, na dinaluhan ng walong iba pa, ay inabot lamang nang mahigit sa isang buwan. Noong malapit nang matapos ang kurso, inatasan ako sa São Paulo, pero nagdalawang-isip ako. Tinanong ko ang aking sarili: ‘Isa akong itim, ano ang gagawin ko roon kasama ng mga Italyano? Tatanggapin kaya nila ako?’b

Sa unang kongregasyong dinalaw ko sa distrito ng Santo Amaro, napatibay ako nang makita kong punung-puno ang Kingdom Hall ng kapuwa ko mga Saksi at interesadong mga tao. Nakumbinsi akong mali ang mga pangamba ko nang ang lahat ng 97 mamamahayag ng kongregasyon ay sumama sa akin sa ministeryo noong dulo ng sanlinggong iyon. ‘Talagang mga kapatid ko sila,’ ang sabi ko sa sarili ko. Ang mainit na pag-ibig ng mga kapatid na iyon ang nagpalakas sa akin na magmatiyaga sa ministeryo bilang naglalakbay na tagapangasiwa.

Mga Buriko, Kabayo, at mga Anteater

Ang isa sa pinakamalaking hamon na napapaharap sa mga naglalakbay na tagapangasiwa noong panahong iyon ay ang mahabang paglalakbay para marating ang mga kongregasyon at maliliit na grupo ng mga Saksi sa mga lalawigan. Sa gayong mga lugar, delikadong sumakay sa mga pampublikong transportasyon o kaya naman ay wala talagang masakyan, at karamihan sa mga daan ay makitid at maputik.

Gumawa ng paraan ang ilang sirkito sa pamamagitan ng pagbili ng buriko o kabayo para magamit ng tagapangasiwa ng sirkito. Halos tuwing Lunes, sinisiyahan ko ang kabayo o buriko, itinatali ko rito ang mga gamit ko, at naglalakbay nang hanggang 12 oras patungo sa susunod na kongregasyon. Sa Santa Fé do Sul, ang mga Saksi ay may alagang buriko na tinatawag nilang Dourado (Goldie), at alam nito ang daan papunta sa mga grupo na pinagdarausan ng pag-aaral sa mga lalawigan. Humihinto si Dourado sa tapat ng mga pintuang-daan ng bukid at matiyagang naghihintay para buksan ko ang mga ito. Pagkatapos ng dalaw, pupunta naman kami ni Dourado sa susunod na grupo.

Isang hamon din sa gawaing pansirkito ang kakulangan ng maaasahang gamit sa komunikasyon. Halimbawa, para marating ang isang maliit na grupo ng mga Saksi na nagpupulong sa isang bukid sa Estado ng Mato Grosso, kailangan kong tawirin ang Ilog Araguaia sakay ng bangka at pagkatapos ay maglakbay sa kagubatan nang mga 25 kilometro sakay ng buriko. Minsan, sumulat ako sa grupong ito para ipabatid ang aking pagdalaw, pero maliwanag na hindi nakarating ang sulat, dahil walang sumundo sa akin pagdating ko sa kabilang ibayo ng ilog. Pagabi na noon kaya inihabilin ko ang aking dala-dalahan sa may-ari ng isang maliit na kainan, at naglakad ako na portpolyo lamang ang bitbit ko.

Di-nagtagal at gumabi na. Habang natatalisod ako sa dilim, sumingasing ang isang anteater. Nabalitaan kong malakas ang mga braso ng anteater at kaya nitong pumatay ng tao. Kaya kapag nakaririnig ako ng ingay sa mga palumpong, maingat akong humahakbang at ginagawa kong panangga ang aking portpolyo. Matapos ang ilang oras na paglalakad, narating ko ang isang makitid na batis. Nakalulungkot, dahil madilim, hindi ko napansin ang bakod na yari sa alambreng may simà sa kabilang pampang. Nalundag ko ang kabilang pampang ng batis, pero sa bakod ako tumama kaya hiwa ang inabot ko!

Sa wakas, narating ko ang bukid at tahol ng mga aso ang sumalubong sa akin. Karaniwan noon ang mga magnanakaw ng tupa sa gabi, kaya nang buksan ang pinto, agad akong nagpakilala. Tiyak na mukha akong kahabag-habag noon dahil sa aking punit-punit at duguang damit, pero natuwa naman ang mga kapatid na makita ako.

Sa kabila ng hirap, iyon ay maliligayang araw para sa akin. Nasisiyahan ako sa mahahabang paglalakbay sakay ng kabayo at gayundin sa paglalakad. Kung minsan ay nagpapahinga ako sa lilim ng mga puno, nakikinig sa huni ng mga ibon, at pinanonood ang nasasalubong kong mga sorra sa liblib na mga daan. Pinagmumulan din ng aking kagalakan ang malaman na talagang nakakatulong sa mga tao ang pagdalaw ko. Marami ang sumusulat sa akin para magpasalamat. Ang iba naman ay personal na nagpapasalamat sa akin kapag nagkikita-kita kami sa mga asamblea. Masayang-masaya akong makita na nalalampasan ng mga tao ang kanilang mga problema at sumusulong sila sa espirituwal!

Sa Wakas, Isang Katulong

Sa mga panahong iyon ng gawaing paglalakbay, madalas na nag-iisa ako, at tinuruan ako nito na umasa kay Jehova bilang “aking malaking bato at aking moog.” (Awit 18:2) Bukod diyan, alam kong hindi hati ang atensiyon ko sa mga kapakanan ng Kaharian dahil sa binata ako.

Gayunman, noong 1978, nakilala ko si Júlia Takahashi, isang sister na payunir. Nagbitiw siya sa kaniyang magandang trabaho bilang nars sa isang malaking ospital sa São Paulo upang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga mamamahayag ng Kaharian. Pinapupurihan siya ng Kristiyanong matatanda na nakakakilala sa kaniya dahil sa kaniyang mga katangian sa espirituwal at kakayahan bilang payunir. Gaya ng maguguniguni mo, laking gulat ng ilan nang malaman nilang mag-aasawa na ako makalipas ang napakaraming taon. Isang matalik na kaibigan ang hindi makapaniwala, at nangako siyang magpapakatay ng 270-kilong toro para sa akin kung talagang magpapakasal ako. Nilitson namin ang torong iyon sa handaan ng aming kasal noong Hulyo 1, 1978.

Pagtitiyaga sa Kabila ng Mahinang Kalusugan

Sinamahan ako ni Júlia sa gawaing paglalakbay, at magkasama kaming dumalaw sa mga kongregasyon sa timog at timog-silangan ng Brazil nang sumunod na walong taon. Pagkatapos ay nagkasakit ako sa puso. Dalawang beses akong hinimatay habang nakikipag-usap sa may-bahay sa gawaing pangangaral. Dahil sa aking limitasyon, tinanggap namin ang atas bilang mga special pioneer sa Birigüi, sa Estado ng São Paulo.

Sa pagkakataong ito, sinabi ng mga Saksi sa Birigüi na ihahatid nila ako ng sasakyan para magpakonsulta sa doktor sa Goiânia, mga 500 kilometro ang layo. Nang malakas-lakas na ako, inoperahan ako at nilagyan ng pacemaker. Mga 20 taon na ang nakalilipas mula noon. Sa kabila ng dalawa pang operasyon sa puso, aktibo pa rin ako sa paggawa ng alagad. Tulad ng maraming iba pang tapat na Kristiyanong asawang babae, si Júlia ang isa sa palaging nagpapalakas at nagpapatibay sa akin.

Kahit na nalilimitahan na ang mga gawain ko at kung minsan ay pinanghihinaan ako ng loob dahil sa karamdaman, nakapagpapayunir pa rin ako. Sinasabi ko sa sarili ko na hindi naman tayo pinangakuan ni Jehova ng isang maalwang buhay na walang problema sa lumang sistemang ito. Kung sina apostol Pablo at iba pang tapat na mga Kristiyano noon ay kinailangang magmatiyaga, hindi ba’t dapat din tayong magmatiyaga?​—Gawa 14:22.

Kamakailan, nakita ko ang unang Bibliya na binili ko noong dekada ng 1930. Sinulatan ko ang likod ng pabalat ng numerong 350​—ang bilang ng mga tagapaghayag ng Kaharian sa Brazil nang magsimula akong dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong noong 1943. Parang hindi kapani-paniwala na mayroon na ngayong mahigit 600,000 Saksi sa Brazil. Kaylaking pribilehiyo na magkaroon ng maliit na bahagi sa pagsulong na ito! Walang-alinlangang pinagpala ni Jehova ang aking pagtitiyaga. Tulad ng salmista, masasabi ko: “Si Jehova ay gumawa ng dakilang bagay sa ginawa niya sa atin. Tayo ay nagalak.”​—Awit 126:3.

[Mga talababa]

a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova subalit hindi na ngayon iniimprenta.

b Halos 1,000,000 dayuhang Italyano ang naninirahan sa São Paulo noong mga taóng 1870 hanggang 1920.

[Larawan sa pahina 9]

Iniaanunsiyo ng mga Saksi ang pahayag pangmadla sa unang asamblea sa lunsod ng Salvador, 1943

[Larawan sa pahina 10]

Mga Saksing dumating sa São Paulo para sa Maliligayang Bansa na Asamblea, 1946

[Mga larawan sa pahina 10, 11]

Sa gawaing paglalakbay noong huling mga taon ng dekada ng 1950

[Larawan sa pahina 12]

Kasama ang aking asawa, si Júlia

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share