Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 4/1 p. 22-26
  • Binabantayan Tayo ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Binabantayan Tayo ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Paghahangad na Makaalam
  • Isinagawa Ko ang Aking Natutuhan
  • Paglilingkod sa mga Panahon ng Kahirapan
  • Paglilingkod sa Brazil
  • Sa Ilalim ng Paghihigpit
  • Gilead at Pagkatapos
  • Patuloy na Pagsulong
  • Pinagpala ni Jehova ang Aking Pasiya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Inalalayan ng Aking Pagtitiwala kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Umaakay sa Pagsulong ang Tiyaga
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Nagdudulot ng Kagalakan ang Pagtitiyaga
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 4/1 p. 22-26

Binabantayan Tayo ni Jehova

Isinaysay ni Erich Kattner

WHACK! Ganiyan ang tunog ng aklat na ipinaltok sa aking ulo. Ito ang aking unang karanasan kung tungkol sa Bibliya, at ang pumaltok sa akin ay isang paring Katoliko. Bakit? Dahilan sa tanong na iniharap ko.

Ang pari ay nagtuturo ng katesismo at relihiyon at kaming mga lalaki ay hinihimok niya na magpari. Sa kaniyang pagsisikap na gawin ito, kaniyang ginamit ang talata sa 1 Tesalonica 4:17, na kung saan tinutukoy yaong mga ‘inagaw sa alapaap upang katagpuin ang Panginoon sa hangin.’

Sa tuwina’y punô ako ng mga katanungan, kaya’t itinanong ko: “Bakit po ba sinasabi ninyo ang mga pari ay diretso sa langit, gayong, gaya ng sinasabi ng Kredo, si Jesus ay nagpunta sa impierno?” (Gawa 2:31) Iyan nga ang dahilan kung bakit pinaltok ako ng Bibliya sa aking ulo.

Isang Paghahangad na Makaalam

Ngunit taimtim na naghahangad ako ng mga sagot. Ganiyan na lang ang laki ng aking hilig na sumamba sa Diyos, noon pa mang ako’y isang batang musmos. Kinaugalian ko ang pumasok upang manalangin sa halos bawat simbahan na madaanan ko. Gayunman ay hindi ako nasisiyahan. Ang nangyari lagi akong nabubugnot dahil sa mga bagay na nakikita ko roon, tulad halimbawa ng palasak na idolatriya na ginagawa ng mga iba o dahil sa inuugali ng mga ibang pari.

Nang ako’y mga walong taon lamang, ako’y bumasa ng aking unang aklat. Ang pamagat niyaon ay The Christianization of Brazil. Nagitla ako. Para sa akin ay wari bagang isang istorya iyon ng pagpatay, ang pagpatay sa mga Indian sa ngalan ng relihiyon. Ang pagkatuto ng tungkol sa gayong mga bagay ay sapat na upang magbago ang aking pag-iisip tungkol sa maraming bagay.

Lahat na ito ay nangyari noong lumipas na 1920’s. Ako’y isinilang sa Vienna, Austria, noong Agosto 19, 1919, ang bugtong na anak ng aking mga magulang. Nang ako’y mga anim na taóng gulang, ang aking ama, na isang inhinyero elektrikal, ay tumanggap ng isang trabaho sa hilagang Czechoslovakia, sa bahagi ng Sudetenland na nagsasalita-ng-Aleman. Kaya’t lumipat doon ang aking pamilya, at sa wakas ay sa isang bayan na tinatawag na Warnsdorf.

Lubusang nawalan ako ng tiwala sa Iglesya Katolika. Isang araw, sa sama ng loob na dahil sa muli na namang pinarusahan ako ng pari, nag-iiyak ako habang pauwi ako galing sa paaralan. Habang naglalakad ako at dumaraan sa kabukiran, naisip ko na hindi maaaring may isang Diyos, dahilan sa maraming kabuktutan na nakikita ko at naituro sa akin.

Pagkatapos ay narinig ko ang awit ng mga ibon, at napansin ko ang mga bulaklak, ang mga paruparo, at ang buong kagandahan ng mga gawang paglalang. At napag-isipan ko na tiyak na mayroong isang mapagmahal na Diyos ngunit ang umano’y mga tauhan ng Diyos ay baka naman hindi gayon. At marahil ang Diyos ay tumalikod na sa tao. Nang mga sandaling iyon binigkas ko ang aking unang tunay na dibdibang panalangin, at hiniling sa Diyos na tulungan ako upang makilala ko siya kung sakaling muli na naman siyang magiging interesado sa tao. Iyon ay noong 1928.

Mga isang buwan ang nakalipas ang aking ina ay naglakbay upang dumalo sa isang muling pagsasama-sama ng pamilya sa Vienna; iyon ang ika-60 kompleanyo ng kaniyang nanay. Doon nakita ng aking ina ang kaniyang kapatid na lalaki, si Richard Tautz, na sa panahong iyon ay nakatira sa Maribor, Yugoslavia. Kamakailan ay naging isa siya sa mga Bible Students, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Si nanay ay umuwi na tuwang-tuwa dahil sa mga bagong katotohanan sa Bibliya na kaniyang napag-alaman. Ang kaniyang ibinibida ay naintindihan ko. Wari nga na gumagana noon ang kamay ni Jehova.​—Awit 121:5.

Isinagawa Ko ang Aking Natutuhan

Nang malaunan, mga Bible Students ang dumating doon sa amin galing sa Alemanya, at pinasimulan ang pangangaral sa aming lugar. Mga ilang buwan ang nakalipas, sinimulan ang regular na mga pulong sa isang karatig bayan sa Alemanya, at kami’y naglalakad ng mga ilang milya para tumawid sa hangganan upang madaluhan ito. Nang panahong ito ay nakilala ko si Otto Estelmann, at siya ang aking naging kasama noong bandang huli.

Noong 1932 ang pamilya namin ay lumipat sa Bratislava, ang kabisera ng Slovakia, mga 45 milya (72 km) ang layo sa Vienna. Walang ibang mga Saksi roon nang panahong iyon. Ipinasiya kong maging aktibo sa pangangaral. Kaya’t pinili ko ang sa palagay ko’y siyang pinakamahirap na teritoryo, isang proyekto ng pabahay na mga apartment na okupado ang karamihan ng mga pamilya ng mga opisyales ng gobyerno. Apat na wika ang ginagamit noon sa Bratislava: Slovak, Czech, Aleman, at Hungarian.

May dala-dala kong mga tarheta na may nakalimbag na maiksing sermon sa apat na wika, at ako’y nag-iisang tumitimbre sa mga pinto ng apartment. Kung minsan ang aking ama, na hindi pa noon nagiging isang Saksi, ay tatayo sa kabilang panig ng kalye, na pinagmamasdan ako at iiling-iling. Hindi nagtagal at siya man ay nanindigan din nang matatag sa panig ni Jehova.

Noong Pebrero 15, 1935, sa isang pantanging pakikipagpulong sa isang naglalakbay na tagapangasiwa sa aming tahanan, ako, kasama pa ng iba, ay nabautismuhan sa isang pampaligong banyera. Ako’y nagtapos sa business school nang taon na iyon at inalok ng isang magandang trabaho, subalit kasabay din nito ang pag-aanyaya sa akin na magtrabaho sa tanggapang sangay ng Watch Tower Society sa Prague, Czechoslovakia. Pagkatapos ng isang masinsinang pakikipag-usap sa aking mga magulang, aking idinulog kay Jehova sa panalangin ang bagay na iyan. Kaya, saglit bago ako maging 16 anyos, pumasok ako sa buong-panahong paglilingkod noong Hunyo 1, 1935.

Paglilingkod sa mga Panahon ng Kahirapan

Sa tanggapan ng Samahan sa Prague, natuto akong magpaandar ng mga makina sa typesetting at maging kompositor. Kami’y lumilimbag ng mga pulyeto para sa mga kapatid sa Alemanya, na noo’y ipinagbawal ni Hitler, at aming nililimbag din ang The Watchtower sa kung mga ilang wika. Gayunman, ito’y mahihirap na panahon para sa gawain namin sa Europa, at sa wakas ay pinasarhan ng mga maykapangyarihan ang aming sangay noong Disyembre 1938.

Ako’y umuwi sa Bratislava, na kung saan ang gobyerno ay nasa kamay na ng mga kapanalig ng Nazi, at nangaral ako sa bahay-bahay nang di nahahalata sa loob ng dalawang buwan. Halos nang panahon ding ito ang Central European Office ng Samahang Watch Tower sa Bern, Switzerland, ay sumulat sa akin na kung ako’y nagnanais magpayunir saanman sa daigdig, dapat na pumaroon ako sa Bern.

Tinanggap ko ang paanyaya at lumisan ako sa amin. Iyon ang kahuli-hulihang pagkakita ko sa aking ama, at lumipas ang 30 taon bago ko nakita uli ang aking ina. Subalit binantayan ni Jehova kaming tatlo sa gitna ng maraming kahirapan na dinanas namin noon. Halimbawa, napag-alaman ko nang bandang huli na ang buktot na Hlinka Guarda (isang uri ng Slovakian SS) ay naghahanap sa akin nang araw na lisanin ko ang Bratislava. At samantalang naglalakbay, nang mapag-alaman ng mga ahenteng Nazi na ako’y isa sa mga Saksi ni Jehova, pinagsikapan nila na ako’y maaresto doon sa hangganan ng Yugoslavia at Italya. Subalit patuloy pa rin na binabantayan ako ni Jehova.​—Awit 48:14; 61:3.

Sa Bern ay napag-alaman ko na ako’y ipadadala sa Shanghai, Tsina, subalit nang bandang huli ay binago ang atas na ito at idinestino ako sa Brazil. Ako’y nagtrabaho sa sangay sa Bern hanggang sa tanggapin ko ang aking visa para sa Brazil. Nang panahong ito ang mga kaguluhan sa Europa ay patuloy na lumulubha. Ang mga hangganan ay sinasarhan, kaya’t noong Agosto 1939 hinimok ako ng Samahan na magtungo sa Pransiya. Ang Brazilianong barko na Siqueira Campos ay nakatakdang lumisan sa Le Havre, Pransiya, noong Agosto 31, at ako’y nakatakdang sumakay roon. Mga apat na oras lamang bago sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II, ang barko ay tumulak.

Ang humigit-kumulang isang dosenang mga pasaherong kasama ko roon sa segunda-klaseng mga kamarote, napag-alaman ko noong bandang huli, ay pawang mga ahenteng Nazi. Bahagya man ay hindi nila gusto ang aking pangangaral. Kung mga ilang ulit na sinikap nilang mapalayas ako sa barko. Sa Vigo, Espanya, ang palakaibigang kapitan ay nagbabala sa akin na huwag na akong bumaba sa barko habang kami’y naroon. Sa Lisbon, Portugal, ang oras ng paglisan ng barko na nakasulat sa talaan ay pinalsipika ng mga ahenteng Nazi upang ako’y maiwanan na roon. Subalit muli na namang binantayan ako ni Jehova. (Awit 121:3) Dumating ako sa Santos, Brazil, noong gabi ng Setyembre 24, 1939. Kinabukasan ay nagbiyahe ako patungong São Paulo, ang kinaroroonan ng tanggapan ng Samahan.

Paglilingkod sa Brazil

Noong Setyembre 1939 ay mayroon lamang 127 Saksi sa Brazil, na noon ay may populasyon na humigit-kumulang 41 milyong katao. Pagkalipas ng mga isang linggo sa São Paulo, ako ay lumisan na patungo sa aking teritoryong payunir sa dulong timugang estado, ang Rio Grande do Sul. Ako’y inatasan na pumisan kasama ng mga ilang Saksing Polako na nagsasalita ng Aleman na nanirahan sa isang liblib na lugar sa kagubatan.

Ang biyahe sa tren ay apat na araw. Ang dulo ng biyahe ay Giruá, na mistulang isang bayan sa wild West noong mga sinaunang panahon sa Norte Amerika. Buhat sa Giruá ay mayroon pa akong mga 20 milya (32 km) na dapat lakbayin para marating ko ang gubat na kung saan naninirahan ang mga Saksi. Pinaangkas ako ng isang trak na pangkargada, pagkatapos ay ibinaba ako sa isang kalyeng di aspaltado. Naglakad ako humigit-kumulang ng isang milya sa palanas na kagubatan at lumulusong ako sa maliliit na sapa, at sa wakas ay sumapit din ako sa pupuntahan ko.

Dahilan sa kalayuan ng lugar na ito, ang aking paglilingkod bilang payunir ay nagagawa ko lamang pagka mayroong nagsakay sa akin na sinumang may munting kariton na hila ng kabayo. Para marating mo ang mga tao ay kailangang magbiyahe ka ng kung mga ilang araw, matulog sa mga kalyeng di aspaltado upang maiwasan mo ang mga ahas o sa ilalim ng kariton pagka umuulan. Kami ay nangaral din sa mga bayan na tulad baga ng Cruz Alta.

Noong 1940 muli akong inatasan ng Samahan na maglingkod sa Porto Alegre, ang kabisera ng estado ng Rio Grande do Sul. Doon ay nakasama ko ang aking kababata na kaibigang si Otto Estelmann, na nadestino rin sa Brazil. Ang mga maykapangyarihan doon ay wari ngang mga kapanalig ng Nazi. Kami’y inaresto at pinamili kami kung pipirma kami sa isang papeles na nagtatakwil ng aming pananampalataya o dili kaya’y lilisan sakay ng tren na panggabi para makulong sa may hangganan ng Uruguay. Kami ay nagbiyahe sa tren nang gabing iyon.

Sa Ilalim ng Paghihigpit

Doon sa hangganan ay gumugol kami ng halos dalawang taon na nakakulong sa bahay. Subalit muli na namang tinulungan kami ni Jehova. May mga negosyanteng Judio na naghandog ng kanilang tulong. Kaya naman, sa halip na ako’y kulungin sa bilangguan, ako’y pinayagan na magtrabaho, subalit kami’y patuloy na mahigpit na binabantayan. Hindi kami nagkaroon ng pagkakataon na makipagtalastasan sa tanggapang sangay ng Samahan.

Datapuwat, isang araw sa lansangan ay may nakasalubong kaming isang kapatid na lalaking payunir na taga-Europa na nadestino sa Uruguay. Nagkataon na siya’y dumadalaw doon sa mga hangganan. Anong sayang pagtatagpo! Kami’y binigyan niya ng isang Bibliyang Aleman at isang Ingles na Bantayan. Noon ako talagang nagsimula ng pag-aaral ng Ingles.

Pagkatapos, noong Agosto 22, 1942, ang Brazil ay nagdeklara ng pakikidigma sa Alemanya at Italya, na gumawa ng pagbabago sa aming kalagayan. Kami ay ibinalik sa Pôrto Alegre, at pagkatapos ng mga ilang pag-uusisa sa amin, ako ay pinalaya. Pagkatapos, nakatagpo ko ang mga ilang kabataang Saksi na dati nang nakilala ko noon samantalang nasa kagubatan ako na kung saan una akong nadestino. Kaya nagawa kong makipagtalastasan sa tanggapang sangay at muli na namang nagsimula ako ng pagpapayunir. Apat sa mga kabataang ito ang sumama sa akin sa pagpapayunir, at nakasumpong kami ng mga tao na tumanggap sa mensahe ng Kaharian, at ang iba sa kanila ay nangangaral pa rin.

Ang mga bagong maykapangyarihan ay hindi salungat sa amin, kaya’t noong 1943 ay nagsaayos kami para sa pagdaraos ng unang munting asamblea sa Pôrto Alegre. Ang kabuuang bilang ng dumalo ay 50, halos kalahati ay mga pulis na nakadamit sibilyan. Makalipas ang isang taon, noong 1944, nagsaayos na naman kami ng isa pang asamblea. Pagkatapos ay natawag ako upang maglingkod sa tanggapang sangay ng Samahan, na inilipat sa Rio de Janeiro galing sa São Paulo.

Gilead at Pagkatapos

Noong 1950 ako’y inanyayahan upang dumalo sa ika-16 na klase ng Watchtower Bible School of Gilead sa South Lansing, New York. Pagkatapos ng graduwasyon noong Pebrero 1951, tumanggap ako ng isang pansamantalang atas bilang espesyal payunir sa Kongregasyon ng South Bronx, New York, subalit bumalik din ako sa Brazil nang malaunan.

Sa loob ng mga isang taon at kalahati ako’y naglingkod bilang isang naglalakbay na kinatawan ng Samahan, kapuwa bilang isang tagapangasiwa ng distrito at isang tagapangasiwa ng sirkito. Pagkatapos, noong Pebrero 1953, ako’y tinawag uli sa tanggapang sangay sa Rio de Janeiro at naatasan sa gawaing pagsasalin. Nang maglaon, mula Setyembre 1961 hanggang Setyembre 1963, inatasan ako ng pribilehiyo na pagsasagawa ng isang pantanging pagsasalin sa punung-tanggapan ng Samahan sa Brooklyn, New York. Samantalang ako’y naroroon, nakatagpo ko ang isang mag-asawa na nakilala ko sa Brazil. Ang asawang lalaki ay sumang-ayong makipag-aral sa akin sa otel na kanilang tinutuluyan at siya’y nakumbinsi ng katotohanan.

Mga ilang buwan ang nakalipas, nang kami ay bumalik na uli sa Brazil, muli ko naman siyang nakatagpo. Subalit medyo kampante siya. Kaya sinabi ko sa kaniya: “Tingnan mo, Paul, ikaw ay isang inhinyerong sibil. Subalit ipagpalagay natin na ako ang inhinyerong sibil at sinabi ko sa iyo na halos babagsak na sa iyo ang bubong. Ano ba ang gagawin mo? Bueno, bilang ‘inhinyero’ ng Bibliya, sasabihin ko na sa iyo na maliban sa kumilos ka na batay sa iyong nalalaman, ikaw ay nasa peligro.”

Hindi nagtagal at siya’y nagpabautismo at naglilingkod ngayon bilang isang hinirang na matanda sa kongregasyong Kristiyano sa loob ng kung ilang mga taon na. Siya rin ang may malaking bahagi sa konstruksiyon ng malawak na mga pasilidad ng bagong sangay sa Cesário Lange, São Paulo, kung saan 480 sa amin ang nagtatrabaho ngayon upang matustusan ang espirituwal na pangangailangan ng dumaraming mga Saksi sa Brazil.

Patuloy na Pagsulong

Noong 1945 aming nasaksihan ang unang pagdalaw ng presidente ng Samahang Watch Tower, si Nathan H. Knorr, at gayundin ng noo’y bise-presidente, si Frederick Franz. Isang kombensiyon ang isinaayos sa gymnasium sa Pacaembu sa São Paulo City, at ako’y nagsilbing tagapagsalin para sa mga dumadalaw na kapatid. Ang pinakamataas na bilang ng nagsidalo ay 765.

Natatandaan ko pa si Brother Knorr nang tinatanaw niya ang malaking karatig na istadyum at iniisip niya kung aming mapupuno iyon. Bueno, napunô namin iyon noong Disyembre 1973, nang 94,586 ang naroon sa Pacaembu Stadium sa “Banal na Tagumpay” na Kombensiyon. Ito’y nahigitan pa noong Agosto 1985 sa “Mga Tagapag-ingat ng Katapatan” na Kombensiyon sa Morumbi Stadium, São Paulo City, na kung saan 162,941 ang dumalo. At kasabay rin nito, 86,410 ang dumalo sa isang istadyum sa Rio de Janeiro. Nang malaunan, dahil sa 23 karagdagan pang mga pagtitipon ang kabuuang bilang ng mga dumalo sa “Mga Tagapag-ingat ng Katapatan” na Kombensiyon sa Brazil ay umabot sa 389,387!

Sa lumakad na mga taon, nagkaroon ako ng pribilehiyo na magsalin para sa dumadalaw na mga tagapagsalita galing sa punung-tanggapan sa Brooklyn, New York. Kamakailan isa sa kanila ang kasabay kong naglalakad at napansin niya ang maraming mga tao na aking inaralan na pawang nagsisibati sa akin, kaya may kahalong biro na sinabi niya: “Ngayon lamang ako nakakita ng isang binata na napakaraming anak.”

Ang tunay na mga tampok na bahagi ng aking buhay ay iyon din namang mga internasyonal na kombensiyon na nadaluhan ko sa mga ibang bansa. Sa kombensiyon sa Nuremberg noong 1969, nagkita kami ng aking ina sa kauna-unahang pagkakataon makalipas ang 30 taon. Siya ay namatay na tapat noong 1973. Si tatay naman ay hindi pinayagan na lumabas sa bansa para maglakbay patungo sa kombensiyon, at kailanman ay hindi ko na siya nakita matapos umalis ako sa amin. Noong 1978 ako’y nagkapribilehiyo na magbigay ng pahayag pangmadla sa internasyonal na kombensiyon sa Vienna, Austria, ang unang malaking kombensiyon na nadaluhan ko sa siyudad na aking sinilangan.

Sa maraming mga taóng ito sa Brazil, nasaksihan ko na si Jehova ang Isa “na nagpapalago nito.” (1 Corinto 3:7) Noong 1948 ay nalampasan namin ang tunguhing 1,000 mamamahayag. Pagkatapos niyan, ang bilang ng mga mamamahayag ay umakyat hanggang 12,992 noong 1958 at ng 60,139 noong 1970. Sa halip na 127 mamamahayag ng Kaharian noong Setyembre 1939, mayroong 196,948 noong Agosto 1986. Tunay, ang ‘munti ay magiging isang malakas na bansa’ sa lupaing ito.​—Isaias 60:22.

Subalit ang populasyon ng Brazil ay lumaki rin, mula 41 milyon noong 1939 tungo sa mahigit na 135 milyon ngayon. Kaya naman mayroon pa kaming malawak na larangan para sa gawain. Naging mismong kagalakan ko na maging kasangkot sa kamangha-manghang mga pagsulong na ipinagkaloob ni Jehova, at anong laking kagalakan nga ito! Kaya’t maipapayo ko sa kanino man na ibig maglingkod kay Jehova nang buong-panahon: Humayo kayo! Huwag kayong matakot sa maaaring mangyari, sapagkat “si Jehova mismo ang magbabantay sa inyong paglabas at sa inyong pagpasok.”​—Awit 121:7, 8.

[Blurb sa pahina 26]

“Sasabihin ko sa iyo na kung hindi ka kikilos batay sa iyong nalalaman, ikaw ay nasa peligro”

[Larawan sa pahina 25]

Si N. H. Knorr ay nagpapahayag habang isinasalin naman ni Erich Kattner, sa São Paulo, Brazil, 1945

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share