Pinagpala ni Jehova ang Aking Pasiya
INILAHAD NI RICHARD WUTTKE
“Ikaw ay mamamatay hindi lalampas ang tatlong buwan!” “Ano po ang ibig ninyong sabihin?” “Iyan ang sabi sa akin ng kinunsulta mong doktor sa Assis,” ang tugon ng kapatid kong si William.
PERO ibig kong mabuhay, hindi mamatay. Sa unang pagkakataon, ako’y nanalangin sa Diyos na tulungan ako. Nakatutuwa naman, makalipas ang 46 na taon, masasabi kong bagaman hindi sinabi ng doktor kung ano ang aking karamdaman, mali ang kaniyang natuklasan sa pagsusuri sa akin. Gayunman, dahil sa ako’y natakot aking pinag-isipan ang layunin ko sa buhay at ang pangangailangan na maglingkod sa ating Maylikha.
Lumipat ang Pamilya
Nang ako’y isilang noong Nobyembre 11, 1921, ang aking mga magulang ay doon naninirahan sa Grosen, isang munting bayan sa silangang Alemanya. Sila’y doon isinilang sa Rusya ng mga dayuhang Aleman. Subalit, nang maganap ang rebolusyong Bolshevik noong 1917 at matatag ang Komunismo, sila, kasama ang iba pang mga may angkang Aleman ay idineporta at nawala ang lahat ng kanilang mga ari-arian. Pagkatapos ng mahabang biyahe sakay ng treng pangkargada, ang aking mga magulang at ang kanilang mumunting mga anak ay sumapit sa hangganang Aleman. Subalit, sila’y tinanggihang papasukin at nangailangan na bumalik sila sa Rusya. Doon ay tinanggihan din na sila’y muling papasukin, kaya kinailangang bumalik sila sa Alemanya. Makalipas ang mga buwan ng kahirapan, sa wakas ay pinayagan silang pumasok sa bansa.
Nang ako’y sampung taóng gulang, namatay ang aking ama. Makalipas ang dalawang taon, noong 1933, si Hitler ay nalagay na sa kapangyarihan, at ako’y napilitang umanib sa kilusang Kabataang Nazi. Sa panahon ng pamamahala ni Hitler, nagkaroon ng mga suliranin ang mga Alemang isinilang sa mga ibang bansa, at may katibayan na naghahanda ang Alemanya para sa isa pang digmaan. Kaya kami’y nagpasiya na doon lumikas sa Brazil, sa himok ng iba na nagsilipat na roon. Kami’y dumating sa Santos, Brazil, noong Mayo 1936.
Pagkatapos magtrabaho ng ilang buwan sa isang plantasyon ng kape, kami’y bumili ng isang maliit na sakahan sa isang mataba-lupang rehiyon malapit sa Maracaí sa estado ng São Paulo. Samantalang itinatayo namin ang aming bahay, kami’y nanuluyan sa tahanan ng ministrong Lutherano. Kaniyang hinimok kami na magsimba sa kaniyang simbahan pero nang siya, at pagtatagal ang humalili sa kaniya, ay magsimulang magpasok ng pulitika sa kanilang mga sermon, kami’y humiwalay sa simbahan.
Ang Unang Pagkarinig Namin sa Katotohanan sa Bibliya
Halos nang panahong ito nang banggitin sa akin ng kapatid ko ang tungkol sa maselang na natuklasan ng doktor sa pagsusuri sa akin. Kaya naparoon ako sa São Paulo upang kumuha pa ng isang opinyon. Nang ako’y naroroon, ang pamilyang tinuluyan ko ay binisita ng isang kaibigan nila, si Otto Erbert. Siya’y isa sa mga Saksi ni Jehova, at siya’y nagpatotoo sa amin. Subalit, hindi naintindihan ng pamilya ang kaniyang sinasabi, at lahat sila’y isa-isang nag-alisan sa kuwarto, kaya’t kami na lamang ng kanilang bisita ang naiwan.
Mga dalawang oras na nagpaliwanag sa akin si Otto tungkol sa paksa ng apoy ng impiyerno; kawalang-kamatayan ng kaluluwa; tunay na Diyos, si Jehova; ang kaniyang Kaharian; at ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa isang lupang paraiso. Anong gandang kinabukasan ang kaniyang iniharap! Anong laking kaibahan sa aking natutuhan sa Simbahang Lutherano! Sa wakas, ang tanong ni Otto: “Ikaw ba’y naniniwala sa walang-katotohanang mga turo ng Sangkakristiyanuhan o sa Bibliya?”
“Sa Bibliya,” ang tugon ko.
“Kung gayo’y pag-aralan mo iyon!” ang payo niya, at isinusog: “Kung ibig mong makapakinig nang higit pa tungkol dito, makipagkita ka sa akin.” Palibhasa’y nagustuhan ko ang aking napakinggan, lalo na yaong tungkol sa paninirahan magpakailanman sa lupa, pinuntahan ko siya kinabukasan. Ang ikalawang pakikipagtalakayang iyon ay nakakumbinsi sa akin na aking nasumpungan ang ‘katotohanan na nagpapalaya sa tao.’ (Juan 8:32) Ako’y lumisan na taglay ang isang pulyeto, Health and Life, at isang paanyaya sa pag-aaral ng Bibliya sa Aleman.
Ang Katuparan ng Aking Pinakananais
Samantala, ako’y nagpatingin nang husto sa manggagamot at nakauwi uli ako. Isinama ko si Otto Erbert upang magbakasyon sa amin. Tuwang-tuwa si Inay sa aking pag-aaral ng Bibliya, ang aklat na laging nasa mesa namin pero hindi kailanman nababasa. Nang bumalik na si Otto sa São Paulo, nakipag-aral ako ng Bibliya sa aking pamilya halos gabi-gabi, sa pinakamagaling na magagawa ko. Labis ang aking kagalakan nang ang aking ina, ang aking kapatid na si Robert, at ang aking kapatid na babaing si Olga ay pawang tumanggap sa mensahe ng katotohanan. Dati ang aming tahanan ay laging punô ng mga bisita, ngunit pagkatapos ng mga dalawang buwan naming pagpapatotoo, halos nawalan iyon ng mga bumibisita. Isa sa mga dating bisita namin ang nagsabi: “Kung magpapatuloy kayo na ganito, doon sa ampunan kayo hahantong!”
Gayumpaman, patuloy na tumindi ang aking hangaring maglingkod kay Jehova. Kumuha ako ng karagdagan pang mga lathalain, at inaabot ako ng hatinggabi sa pagbabasa. Ngunit lahat ng literatura ay sa Aleman, at natalos ko na kung ako’y magtuturo sa iba, kailangang matuto ako ng Portuges. Kaya, noong 1945, ako’y lumipat sa São Paulo upang mag-aral ng Portuges. Ako’y pumisan kay Otto Erbert na nang bandang huli ay naging asawa ng aking kapatid na si Olga.
Kasama ng mga 50 pang iba, ako’y nagsimulang dumalo sa mga pulong sa kaisa-isang Kingdom Hall sa São Paulo. Ang nag-iisang kongregasyong iyon ay patuloy na lumago hanggang sa ngayon ay may mahigit nang 510 kongregasyon sa kalakhang bahagi ng São Paulo, na may kaugnay na mahigit na 50,000 mamamahayag ng Kaharian. Noong Enero 6, 1946, ako’y nabautismuhan bilang sagisag ng aking pag-aalay na gawin ang kalooban ng Diyos. Nang taon ding iyon, ako’y dumalo sa “Glad Nations” Theocratic Assembly sa São Paulo, ang aking nadaluhang unang malaking asamblea. Anong laking katuwaan na makita ang 1,700 katao na mga dumalo roon noong Linggo! Sa kombensiyong ito kami’y nagkakilala ni Otto Estelmann, na nagpalakas ng aking loob, sa pagsasabi: “Richard, ikaw ay bata pa; malusog ka; kaya mag-pioneer ka.”
Bago pa noon ay pinag-iisipan ko na ang buong-panahong ministeryo, pero ngayon ay lalo kong pinag-isipan iyon. Kasama ng dalawa pa, ako’y nagtakda na paglipas ng anim na buwan ay magsisimula kami. Nang sumapit ang panahong iyon, ang tanong ko: “Handa na ba kayong magsimula?” Sinuman sa kanila ay hindi handa. Kaya sinabi ko na kahit na gayon ay magsisimula na ako. “Magkakaroon ka ng mga suliranin,” ang paalaala nila. Ngunit pinagtibay ko ang aking pasiya. Noong Mayo 24, 1947, tinanggap ko ang atas bilang isang regular pioneer.
Mga Bagong Pintuan ng Paglilingkod ang Nabuksan
Malawak ang aking teritoryo, sakop ang mga bahaging residensyal at kalakalan ng São Paulo. Ako’y nakapagpasakamay ng daan-daang mga aklat at mga pulyeto bawat buwan. Isang umaga pumasok ako sa isang malaking kuwarto na kung saan may mga lalaking nagtatrabaho. Nilapitan ko ang unang lalaki at inalok siya ng aklat na “Ang Katotohanan ay Magpapalaya sa Inyo.”
“Ilan bang aklat ang dala mo sa iyong lalagyan?” ang tanong niya.
“Mga 20,” ang tugon ko. Kaniyang pinágbibigyán ang bawat lalaki roon. City hall pala iyon!
Gayunman, ang pinakamalaking kagalakan ko ay ang pagdaraos ng pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya. Sa loob ng apat na taon, salamat kay Jehova, 38 inaaralan ko ang nangabautismuhan. Marami sa kanila ang pumasok sa buong-panahong ministeryo. Kabilang sa kanila si Afonso Grigalhunas, na naglingkod nang mahigit na sampung taon bilang isang auxiliary pioneer, hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1988—at siya’y may isang artipisyal na paa. At nariyan ang pamilya Ciuffa. Si Francisco, isang anak na lalaki, ay naglingkod nang maraming taon bilang naglalakbay na tagapangasiwa, at ang kaniyang kapatid na babae, si Ângela, ay isa pa ring pioneer.
Noong 1951 ay inanyayahan ako na maging isang naglalakbay na tagapangasiwa. Kasali sa aking atas ang malaking bahagi ng mga estado ng Rio Grande do Sul at Santa Catarina. Libu-libong mga nanggaling sa mga angkang Europeo ang naninirahan sa gawing timog ng Brazil. Karamihan ng mga dinadalaw ay nabubukod na mga tao at mga grupo, sapagkat noon ay kakaunti ang mga kongregasyon. Maraming mga ilog ngunit kakaunti ang mga tulay, na nangangailangang tawirin ko ang maliliit na ilog na pasan-pasan ang aking maleta at bitbit ang aking makinilya at portfolio. Ang mga daan ay di-aspaltado at mga hukay-hukay o lubak-lubak. Upang ang aking damit ay maingatan buhat sa alikabok, ako’y may pang-ibabaw na kasuotan. Dahil dito inakala ng ilan na ako ang kanilang bagong pari, at nagtangkang halikan ang aking kamay.
Pagtatanggol sa mga Kapakanan ng Kaharian
Sa aking pagmamasid sa posibleng maging mga suliranin, ganito ang sinunod kong prinsipyo: Kung ang iba’y nakapamumuhay sa lugar na napakalayo sa siyudad, nakapaglalakad sa mga landas na ito at nakatatawid sa mga ilog na ito, bakit ba hindi ko magagawa iyon, lalo na gayong mayroon akong napakahalagang mensahe na dala?
Mga suliranin na naiiba ang malimit na bumabangon sa maliliit na bayan. Halimbawa, minsan kami ay gumawa ng kaayusan upang magdaos ng pulong sa isang lokal na paaralan malapit sa isang parke. Sa kabilang panig ng parke ay may isang maliit na bar at isang simbahang Katoliko. Nang hindi dumating ang guro upang magbukas ng paaralan, ipinasiya ko na doon magpahayag sa parke. Hindi pa natatagalan pagkatapos na simulan ang pahayag, anim katao ang lumabas sa bar at nagsísisigaw at nagkúkukumpas. Nang malaunan napag-alaman namin na sila pala ay binayaran ng pari upang gawin ito.
Nilakasan ko ang aking pagsasalita, na nagsasalita nang tuwiran sa kanila. Sila’y huminto, at sinabi ng isa: “Ang kaniyang sinasabi ay tungkol sa Diyos. Papaano nga masasabi ng pari na siya ay sa Diyablo?” Nang makita ng pari na hindi guguluhin ng mga lalaki ang miting, siya’y sumakay sa kaniyang jeep at niligid niya ang parke, na sumisigaw: “Sinuman na isang Katoliko ay hindi dapat dumalo sa miting na ito!” Walang umalis na sinuman, at ang miting na iyon ay tahimik na nagpatuloy.
Sa Mirante do Paranapanema, São Paulo, ako’y dumalaw sa hepe ng pulisya upang ipaliwanag ang ating gawain at ipakiusap kung maaaring gamitin ang isang bulwagan para sa isang pahayag pangmadla. Kaniyang isinaayos na gamitin namin ang bulwagan ng isang club. Sinabi namin na maghahanda rin kami ng mga handbill upang ianunsiyo ang pahayag. “Sa ano bang panig ng bayan ipamamahagi ninyo iyan?” ang tanong niya. Pagkatapos na siya’y sagutin namin, humingi siya ng ilan upang ipamahagi sa isang panig ng bayan. Noong Linggo ay nakinig siya sa pahayag, nagsama ng dalawang pulis ayon sa kaniyang sabi, “upang mangalaga sa kaayusan.”
“Ibig mo bang ipakilala ko ang iyong ipahahayag?” ang tanong niya.
“Ibig ko po,” ang tugon ko, “pero hayaan ninyong ipaliwanag ko kung papaano namin ipinakikilala ang aming mga tagapagsalita.” Pagkatapos na ipakilala ako, siya’y naupo na sa plataporma upang makinig. Maniwala kayo sa akin, tahimik na tahimik ang mga tagapakinig. Hindi kami nagkaroon ng anumang suliranin doon, ano’t may mangangahas manggulo gayong may dalawang pulis sa may pintuan at ang hepe ay nakaupo sa plataporma!
Noong Marso 1956 ako’y hinirang na isang tagapangasiwang pandistrito at naglingkod sa mga asamblea sa buong Brazil. Pagkalalayo ng lakbayin. Minsan may tatlong araw ang ginugol ng paglalakbay buhat sa isang asamblea tungo sa susunod. Sa gawing hilaga ng bansa, kung minsan ang paglalakbay ay sa pamamagitan ng station wagon. Ang mga ito ay walang bintana, kung kaya mahusay ang bentelasyon, na isang mabuting ideya, yamang kabilang sa mga pasahero ay mga manok at mga baboy!
Pinatibay ng Gilead ang Aking Pasiya
Anong laking kagalakan na ako’y makapag-aral noong 1958 sa Watchtower Bible School of Gilead! Ang aming klase ay nagtapos sa tag-araw na iyon sa panahon ng kombensiyon sa Yankee Stadium at sa Polo Grounds, na kung saan 253,922 mula sa 123 iba’t ibang mga bansa ang nakinig ng pahayag pangmadla. Isang pambihirang tanawin nga! Pagkatapos ay bumalik ako sa Brazil, lalo pang desidido kaysa kailanman upang patuloy na magbalita ng Kaharian ni Jehova.
Noong 1962 kami’y nakasal ni Ruth Honemann, na mahigit na anim na taon nang naglilingkod bilang isang misyonera sa Brazil. Sapol ng aming kasal ako’y patuloy na nagtatamasa ng karagdagang pribilehiyo ng paglilingkuran, nagdaraos ng mga kurso sa Kingdom Ministry School at sa Pioneer Service School, at nangunguna ako sa pag-aasikaso ng pambansa at pandaigdig na mga kombensiyon at sa pagtatayo ng unang Assembly Hall sa São Paulo.
Sa kasalukuyan ay aming tinatamasa ang pinakadakilang pribilehiyo ng aming karerang teokratiko bilang mga miyembro ng pamilyang Bethel sa Brazil. Sa pagbabalik-tanaw sa mahigit na 40 taon ng buong-panahong paglilingkod, 35 nito ang ginamit sa paglilingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa, masasabi ko na ang mga taóng ito ay punô ng masasaya, kasiya-siyang mga aktibidades. (Kawikaan 10:22) Malaki ang natutuhan ko mula sa organisasyon ni Jehova, kasali na ang pangangailangan na makapagpakita ng empatiya, maging isang kaibigan at hindi isang amo, at huwag maging totoong abala na anupa’t walang panahon na mag-asikaso sa pangangailangan ng iba. Bilang pagtatapos, nais kong sabihin, lalo na sa mga kabataan, ang gaya ng sinabi sa akin ni Brother Estelmann maraming taon na ngayon ang nakalipas: “Ikaw ay bata pa; malusog ka; kaya mag-pioneer ka!”
[Larawan sa pahina 29]
Ang kasalukuyang tahanan namin, ang Brazil Bethel
[Larawan ni Richard at Ruth Wuttke sa pahina 26]