Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 9/15 p. 24-27
  • Mga Bukid na Mapuputi Na Upang Anihin sa Brazil

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Bukid na Mapuputi Na Upang Anihin sa Brazil
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Ang mga Pioneer ay Nakikibahagi sa Pag-aani
  • Ang Impluwensiya ng Klero ay May Epekto sa Pag-aani
  • Ang Patuloy na Pagsisikap ay Nagdala ng mga Pagpapala
  • Nabagong mga Pamumuhay
  • Makibahaging Lubusan sa Pag-aani
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 9/15 p. 24-27

Mga Bukid na Mapuputi Na Upang Anihin sa Brazil

“ITANAW ninyo ang inyong mga mata at malasin ang mga bukid, na mapuputi na upang anihin. Ang mang-aani ay tumatanggap na ng upa at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang-hanggan.” (Juan 4:35, 36) Ang makahulang mga salitang iyan ni Jesu-Kristo ay totoo ngayon sa malalayong lugar ng malawak na bansa ng Brazil sa Timog Amerika.

Sa loob ng maraming taon ang mga Saksi ni Jehova sa Brazil ay nagtatamasa ng maiinam na pagsulong. Noong Abril 1991, isang sukdulang bilang na 308,973 mang-aani ng Kaharian ang nagdaos ng 401,574 na pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya. Noong Marso 30, 1991, sa kabuuan ay 897,739 katao ang nagkatipon upang alalahanin ang kamatayan ni Jesus, na siyang nagsimula ng gawaing pag-aani.

Sa kabila ng ganiyang maiinam na resulta, isang bahagi ng bukid ang naghihintay pa rin upang pag-anihan. Mahigit sa limang milyong katao ang namumuhay sa mga lugar ng Brazil na kung saan bahagya lamang o lubusang walang pangangaral na isinasagawa ang mga Saksi ni Jehova. Ano ba ang isinasagawa upang maparating sa mga lugar na ito ang pag-aani?

Ang mga Pioneer ay Nakikibahagi sa Pag-aani

Kamakailan sa loob ng anim na buwan, ang tanggapang sangay ng Watch Tower Society sa Brazil ay nagpadala ng buong-panahong mga tagapagbalita ng Kaharian​—100 temporaryong special pioneer at 97 regular pioneer​—​sa 97 bayan, karamihan ay sa lalong mataong silangang bahagi ng bansa. Mga mamamahayag ng Kaharian sa iba’t ibang kongregasyon ang nagboluntaryo rin na gumawa sa mga lugar na ito sa loob ng maikling panahon. Sa kabila ng mga balakid na kailangang madaig, nakatutuwa naman ang naging resulta.

Halimbawa, sa São João da Ponte, sa estado ng Minas Gerais, ang mga pioneer ay naparoon sa guro ng relihiyon sa lokal na paaralan. Pagkatapos mapakinggan ang mensahe, siya’y pumidido ng 50 kopya ng aklat na Ang Iyong Kabataan​—Pagkakamit ng Pinakamabuti Dito para sa kaniyang klase sa katesismo. Ang isa namang guro ay nagsabi sa aalis na mga pioneer: “Hindi kayo dapat umalis, yamang kayo’y gumagawa ng isang mainam na gawain dito. Kayo ang tanging makapagbibigay ng malinaw na paliwanag tungkol sa Bibliya.”

Hindi lahat ay natutuwa sa mainam na gawaing ito. Halimbawa, isaalang-alang ang isang liham na lathala sa isang lokal na peryodiko (Diário de Montes Claros) sa ilalim ng pangmukhang-pahinang paulong balita na “Pari Inakusahan ng Pandarahas at ng Pagtatangi-tangi.” Sinabi ng liham: “Sa simbahan, nakaugalian ng pari na isuplong ang mga taong sumusunod sa ibang sekta at relihiyon, bagaman ang lokal na klero ay hindi nagbibigay ng sapat na Katoliko at Kristiyanong patnubay tungkol sa Ebanghelyo para sa mga sumasampalataya. Sa Misa, kaniyang berbalang inatake ang mga ministro ng mga Saksi ni Jehova na naririto, bagaman hindi nila tinatrato ang mga Katoliko sa gayong masamang paraan.” Palibhasa’y wala ng gayong pagkapoot, ang manunulat ng artikulo (isang teologo) ay dumalo sa pahayag sa Bibliya na ginampanan ng mga pioneer at nagdala pa ng ibang interesado. Lahat sila ay nasiyahan sa miting na iyon.

Apat na magkakapatid na lalaki na taga-Fortaleza ang naglakbay sakay ng eroplano patungo sa Fernando de Noronha Island, 400 kilometro buhat sa mainland. Ang 1,500 naninirahan sa isla ay hindi pa nabibigyan ng isang mabuting patotoo sa loob ng 15 taon. Sa sampung araw ang mga kapatid ay nakapagpasakamay ng 50 aklat at 245 magasin at mga brosyur, at sila’y nagpasimula ng 15 pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Labindalawang katao ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo, na pumatak sa araw ng kanilang pagdalaw. Ang mga pioneer ay umaasa na sa tulong ni Jehova ang gawain ay hindi na magtatagal at matatatag doon nang matibay. Ang ibang mga kapatid ay nag-iisip na lumipat sa isla.

Ang Impluwensiya ng Klero ay May Epekto sa Pag-aani

Isang grupo ng mga mamamahayag ng Kaharian ng Arpoador Congregation sa Rio de Janeiro ang nagboluntaryong gugugol ng dalawang linggo sa pangangaral sa ilang bayan sa estado ng Minas Gerais, mga 200 kilometro ang layo. Sa laki ng kanilang katuwaan nasumpungan nila na ang mga tao roon ay totoong mapagpatuloy at mababait. Ang mga lalaki ay may kaugalian na mag-alis ng kanilang sumbrero tuwing mababanggit ang Diyos o ang kaniyang pangalan, na Jehova. Subalit, dahilan sa kanilang pagpapakundangan sa Diyos sila ay madaling naimpluwensiyahan ng klero.

Sa isang bayan sinabihan ng pari ang mga tao na huwag makikinig sa mga Saksi ni Jehova o dadalo sa mga miting na kanilang pinaplanong idaos doon. Siya ay nag-iskedyul din ng isang pantanging Misa na kasabay ng miting, at isinahimpapawid ang Misa nang todu-todo sa pamamagitan ng loudspeaker sa labas ng kaniyang simbahan. Gayunman, sa kabila ng kaniyang pagsisikap 29 na lokal na mga residente ang dumalo sa miting, bukod sa mga bisita.

Isang karatig na bayan ang ibang-iba naman. Doon sinabihan ng pari ang mga mamamayan na makinig pagka ang mga Saksi ay dumadalaw. Ang resulta ay na 168 ang dumalo sa unang miting. Nang bandang huli, kaniyang sinabihan sila na bigyang-pansin kung papaano ginaganap ng mga Saksi ni Jehova ang Memoryal sapagkat, gaya ng sinabi niya, “kanilang ginagawa iyon sa tamang paraan.” Sa loob ng dalawang linggong pangangaral ng Kaharian sa lugar na iyon, 1,014 na aklat at 1,052 magasin at mga brosyur ang naipasakamay.

Ang Patuloy na Pagsisikap ay Nagdala ng mga Pagpapala

Makalipas ang isang buwan ay 34 na mamamahayag ng Kaharian ang nagbalik upang asikasuhin ang mga pag-aaral sa Bibliya na sinimulan noong unang pagdalaw. Ang elder na Kristiyano na nangunguna ay sumulat: “Nakatutuwang makita ang interesadong mga tao sa pagtanggap sa amin na taglay ang pasasalamat at mga luha ng kagalakan sa kanilang mga mata.” Isang sister ang nakaaalaala pa na isang babae ang lumapit sa kaniya at sa iba pang mga Saksi sa isang karinderia at “nakikiusap, na lumuluha, upang kami’y pumaroon sa kanila at aralan siya.” Isa pang babae ang makaitlong nakipag-aral sa sanlinggong naroroon ang mga Saksi. Sa tuwina, ay nakahanda na ang kaniyang leksiyon at siya’y naghihintay para makipag-aral. Ang babaing iyan ay nagsabi na siya’y nagsimulang manalangin sa tunay na Diyos, si Jehova. “Sa aking puso ay ito nga ang laging hinihintay-hintay ko,” sabi pa niya.

Nang bandang huli, dalawang pioneer na babae ang inatasan na mangalaga sa interes sa lugar na iyon. Tulad noong unang siglo C.E., “yaong mga wastong nakahilig sa buhay na walang-hanggan ay naging mga mananampalataya.” (Gawa 13:48) At tulad ng babaing Samaritana na sa kaniya’y nagpatotoo si Jesus sa balon ni Jacob, kanilang ibinalita sa iba ang kanilang natutuhan. (Juan 4:5-30) Sa ngayon ang 2 pioneer ay nakatulong sa 6 pang iba na naglilingkod kasama nila, at sa katamtaman ay 20 katao ang dumadalo sa lingguhang mga pulong.

Palibhasa’y pinasigla ng tagumpay ng natatanging gawaing ito, 29 na mamamahayag ng Arpoador Congregation ang humayo upang mangaral sa bayan ng Mutum, mga 500 kilometro ang layo. “Ang pagtanggap sa amin ay talagang pambihira,” ang sabi ng elder na nangunguna sa grupo. “Karamihan ng mga tao ay matamang nakinig at taglay ang interes kung kaya 170 pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan at inaakala namin na marami sa mga ito ang magpapatuloy.” Sa loob ng dalawang linggo ang mga mamamahayag ay nakapangaral ng sa katamtaman ay 90 oras bawat isa at nakapagpasakamay ng halos 1,100 piraso ng mga literatura sa publiko. May 181 ang pinakamarami na nakadalo sa mga pahayag pangmadlang ginanap ng mga kapatid.

Makalipas ang ilang buwan, ang kongregasyon ay umupa ng isang mahusay na bahay sa sentro ng Mutum para gamiting isang Kingdom Hall at isang tahanan ng mga pioneer. Ang unang report na ipinadala sa Samahan ng dalawang pioneer na babae na naidestino roon ay ganito ang isang bahagi: “Ngayong napakarami nang pag-aaral na nasimulan, kailangan namin ang higit pang mga pioneer. Kahit na sa tulong ng mga kapatid na taga-Rio de Janeiro minsan isang buwan, ang gawain ay malaki pa rin. Siyam sa sampung maybahay na nakausap namin ang humihiling sa amin na kami’y bumalik. Kailangan din namin ang tulong upang maisagawa ang mga pulong.” Isa pang pioneer ang ngayo’y kasama nila.

Nabagong mga Pamumuhay

Lubhang nakapagpapasiglang makita na nag-uugat ang katotohanan at saganang namumunga. Isang interesadong tao ang sumulat: “Ang pagkakaroon ng ganitong kaalaman sa Bibliya ang pinakamagaling na bagay na nangyari kailanman sa akin. Ang buhay ko’y nabago sa ikabubuti, at hindi na ako kailangang gumamit pa ng mga gamot na pampakalma. . . . Harinawang gantihin kayo ni Jehova sa lahat ng bagay na nagawa ninyo para sa akin.”

Isa pa rin ang nagsabi: “Talagang nanggigilalas ako sa kung papaano binuksan ni Jehova ang aking mga mata. Bagaman yumao ang aking lola nang linggong ito, ako ngayon ay may pag-asang makita siyang muli. Ako’y umaasang mabautismuhan, pero ang ibig ko’y maging handang-handa muna ako. Harinawang pagpalain kayo ni Jehova sa pagpunta rito upang ipakita sa amin ang makipot na daan na patungo sa buhay na walang-hanggan.” Isa pa rin ang nagsabi: “Ibig kong malaman ninyo na ako’y huminto na ng paninigarilyo may isang buwan na ngayon. Tuwang-tuwa ako sa magasin na ipinadala ninyo sa akin. Ito ay maraming mabubuting bagay na tumulong sa akin na gawin ang gayon.” Tunay, ang pag-aani ay nagbibigay ng mabuting dahilan na magalak.

Gayunman, ang gayong mga pagpapala ay hindi dumating nang walang pagpupunyagi. Halimbawa, nang isang ginang kasama ang kaniyang anak na babae ay magsimulang mag-aral, sila’y inabisuhan ng pari na kung sila’y dadalo sa mga pulong ng mga Saksi, sila’y kaniyang ihihiwalay sa simbahan. Hindi nila pinansin ang pagbabanta, kaya sila’y dumalo sa mga pulong. Nang magkagayo’y itinakuwil sila ng mga dating kaibigan, at inakusahan sila ng mga iba nito ng pagiging baliw sapagkat “ang Jehovang iyan” ay hindi makikita sa Bibliyang Katoliko. Yamang hindi makita ng ginang ang pangalan ni Jehova sa kaniyang Bibliyang Katoliko, kaniyang inanyayahan ang mga kapitbahay na dumalaw sa kaniya sa araw ng kaniyang pakikipag-aral sa mga pioneer. Isang babae ang pumunta dala ang kaniyang Katolikong saling Paulinas ng Bibliya. Nang kaniyang mabasa ang pangalan ng Diyos sa talababa sa Exodo 6:3, siya’y pumayag na aralan siya ng Bibliya sa kaniyang tahanan.

Makibahaging Lubusan sa Pag-aani

Ano ang epekto sa mga manggagawa mismo ng paglilingkod sa teritoryong bihirang gawin? Isang mamamahayag ng Kaharian ang nagsabi: “Ang gawaing ito ay nagpapatibay sa aming pananampalataya at sa aming kaugnayan kay Jehova at tumutulong sa amin na gumawa ng pagbabago sa aming mga prioridad.” Isa pang mamamahayag ang nagsabi: “Ang 14-na-araw na atas na iyan ay nagpalaki ng aking pag-ibig sa aking mga kapatid, na naglingkod bilang isang pamilya na may isang layunin: ang humanap ng higit pang mga maaamo. Lalong napamahal sa akin ang mga taong tumatanggap ng aming pabalita, malimit na lumuluha pa, na nagpapakita ng tunay na pananabik sa katotohanan. At higit sa lahat, nadama ko ang pag-ibig ni Jehova sa pagbibigay sa amin ng pribilehiyo na maglingkod sa kaniya.”

Isang elder na nakibahagi sa pangangaral sa teritoryong bihirang gawin ang bumanggit ng pagkakaiba ng buhay roon at sa malalaking siyudad. Sinabi niya: “Hindi ko mapigil na isipin kung papaanong ang buhay ng maraming kapatid ay pinagyayaman sa paglipat sa interyor. Halos hindi mo makikita roon ang karahasan. Ang buhay sa maliliit at katamtaman-ang-laking mga bayan ay hindi lamang nagpapahintulot na magkaroon kami ng mas maliit na gastos kundi ng lalong higit na pakikisalamuha sa aming mga kapatid at gumugol ng higit na panahon sa espirituwal na mga gawain. Maaari kayang higit pang retiradong mga kapatid, mga kabataang kaunti lamang ang pampamilyang pananagutan, o mga kapatid na pinapayagan ng kanilang trabaho na lumipat ang gumanap ng ganitong pambihirang pribilehiyo at magdala ng kagalakan sa kanilang sarili, kay Jehova, at sa kanilang kapuwa?”

Ang ganitong pag-uulat tungkol sa teritoryong bihirang magawa sa Brazil ay nagpapatunay na ang mga bukid ay maputi na para sa pag-aani. Sa loob lamang ng dalawang taon, ang naging resulta ng paggawa sa bukid na ito ay 191 bagong kongregasyon at nakabukod na mga grupo. Marami pa ang kailangang gawin, ngunit tiyak na ipagpapatuloy ni Jehova ang kaniyang pagpapala habang higit pang mga mamamahayag ng Kaharian ang nakikibahagi sa mabungang pag-aani. Maaari bang ikaw ay magkaroon ng isang lalong malaking bahagi rito?

[Mapa/Larawan sa pahina 25]

Masasayang mga Saksi buhat sa Rio de Janeiro ang nakikibahagi sa pag-aani

[Mapa]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

BRAZIL

[Larawan sa pahina 26]

Pagpapatotoo sa bandang kabukiran sa Minas Gerais

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share