Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Ang mga Humahanap ng Katotohanan ay Tumutugon sa Impormal na Pagpapatotoo
IPINABABATID sa atin ng Bibliya na ang tulad-tupang mga tao ay tutugon sa tinig ng Mabuting Pastol. (Juan 10:27) At ganito nga ang nangyayari sa maraming lupain, kasali na ang Britanya.
◻ Halimbawa, noong 1988, nang malapit na malapit na ang Pasko, si Pamela, isa sa mga Saksi ni Jehova, ay nakasagot sa telepono sa opisina na kaniyang pinagtatrabahuhan at nakausap niya ang isang despatsador na nagtatrabaho sa kompaniya ring iyon na nasa ibang bahagi naman ng Inglatera. Sa katapusan ng tawag na iyon, ang lalaki ay nagtanong: “Ikaw ba ay handa na para sa Pasko?” Si Pamela ay sumagot ng: “Hindi!” “Hindi ba medyo nahuhuli ka?” ang tanong ng tumawag. “Hindi ako nagdiriwang ng Pasko,” ang tugon ni Pamela. Sinabi ng lalaki na ang gayon ay di-pangkaraniwan at nagtanong kung bakit. Sinabi sa kaniya ni Pamela na siya’y isa sa mga Saksi ni Jehova at nagpatuloy ng pagpapaliwanag na walang utos sa Bibliya na ipagdiwang ang kapanganakan ni Jesus, at isa pa, si Jesus ay hindi ipinanganak noong Disyembre 25. Bukod diyan, ang Pasko sa mula’t mula pa ay isang selebrasyong pagano. Sinabi ng tumawag na lalaki na lubhang interesante raw ang kanilang napag-usapan.
Makalipas ang tatlong buwan si Pamela ay sumagot sa telepono, at ang tumawag ay nagsabi: “Natatandaan mo ba na ako’y nakausap mo bago mag-Pasko at sinabi mong hindi ka nagdiriwang ng Pasko? Bueno, natagpuan ko na ang katotohanan!” Iyon din ang lalaki, at kaniyang ipinaliwanag na dalawang linggo makalipas ang Pasko, dalawang Saksi ang dumalaw sa kaniyang tahanan. Kaniyang pinatuloy sila, at isang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan. Kaniyang binanggit na mabilis ang kaniyang pagsulong sa kaniyang pag-aaral. Sinabihan niya ang kaniyang kinakasamang babae na ang kanilang istilo ng pamumuhay ay hindi nakalulugod kay Jehova, kaya’t sila’y naghiwalay, at ngayon sila ay kapuwa dumadalo sa mga pulong sa Kingdom Hall.
Sa katapusan ng taon, sila ay tinanggap bilang di-bautismadong mamamahayag, at nang may pasimula ng 1990 sila ay napakasal. Pagkatapos sila ay nabautismuhang magkasama. Isang magandang resulta ito buhat sa isang maikling impormal na pagpapatotoo sa pamamagitan ng telepono!
◻ Pinagpala ni Jehova ang isa pang sister na nagpatotoo sa impormal na paraan sa Inglatera. Nang isang ahente ng insyurans ang pumaroon sa kanila, tinanong siya ng sister kung ang ibig niya’y garantisadong mabuting kalusugan, kaligayahan, at buhay na walang-hanggan. Ang lalaki ay sumagot ng oo at tinanong siya kung aling polisa ng insyurans ang tinutukoy niya. Pagkatapos na ipakita sa kaniya buhat sa Bibliya ang pangako ng Diyos na buhay na walang-hanggan sa Paraiso sa lupa, ang lalaki ay tumanggap ng isang kopya ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa at ang buong aklat ay binasa niya sa loob ng isang gabi. Nang siya’y muling dumalaw sa sister, sinabi niya rito na ang impormasyon ay totoong kahanga-hanga—kaya lamang ay mayroon sana siyang pananampalataya upang maniwala roon. Ipinaliwanag ng sister na ang kailangan niya ay mag-aral ng Bibliya at dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall. Nagsaayos ng isang pag-aaral sa Bibliya, at siya’y nagsimulang dumalo sa mga pulong. Siya’y nabautismuhan noong taglagas ng taong ding iyon. Makalipas ang isang taon lamang, kaniyang naging asawa ang anak ng sister na unang nagpatotoo sa kaniya. “Kaya naman,” anang sister, “nagkaroon ako ng isang kapatid na lalaki at isang manugang na lalaki sa pamamagitan ng aking impormal na pagpapatotoo!”
Totoo naman na ang mga humahanap ng katotohanan ay tumutugon pagka ang katotohanan ng Bibliya ay inihahatid sa kanila sa pamamagitan ng impormal na pagpapatotoo. Gaya ng sinabi ni Jesus, ang kaniyang mga tupa ay nakikinig sa kaniyang tinig.