Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 11/15 p. 24-27
  • Ang Mabuting Balita ay Dumarating sa Kabukiran ng Timog Aprika

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Mabuting Balita ay Dumarating sa Kabukiran ng Timog Aprika
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Isang “Sunday School” sa Zululand
  • Sa Maalikabok na “Bushveld”
  • Isang Punò ang Nagpalabas ng Isang Utos!
  • May Kagalakang Tinulungan ang Maraming mga Humahanap ng Katotohanan
  • Ang Bunga ng Pagpapagal
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 11/15 p. 24-27

Ang Mabuting Balita ay Dumarating sa Kabukiran ng Timog Aprika

NAGAGALIT na mga mang-uumog, riot police, tear gas. Noong nakalilipas na mga taon, ang mga bayan at mga siyudad sa Timog Aprika ay pinagwatak-watak ng ganiyang mga gulo. Maging ang magandang kabukiran​—na pinamumuhayan ng mahigit na 40 porsiyento ng populasyon​—​ay hindi nakaligtas sa pinsalang dulot ng makapulitikang karahasan. Gayunman, sa kabila ng lahat ng ito, “ang mabuting balita ng kapayapaan” ay patuloy na inihahayag ng mga Saksi ni Jehova.​—Efeso 6:15.

Kung ilang mga taon nang ang mga Saksi ay nagsasagawa ng isang taunang tatlong-buwang kampaniya sa pangangaral na ang mga tao sa bandang lalawigan at kabukiran ang tuwirang pakay. Halimbawa, noong 1990 mahigit na 12,000 mga mamamahayag ng Kaharian buhat sa 334 na mga kongregasyon ang nakibahagi sa kampaniya. Natural, maraming balakid ang kailangang pagtagumpayan upang marating ang kalat-kalat na magbubukid sa timugang Aprika.

Kabilang sa ilang mga bagay, ang mga Saksi ay kailangang makitungo sa sarisaring kultura at mga wika. At anong dami nito na pinaghalu-halo! Halimbawa, nariyan ang Ingles- at Afrikaan-ang-wika na mga magbubukid, at mga Pedis, Sothos, Tsongas, Tswanas, Vendas, Xhosas, at Zulus. Bawat grupo ay may kani-kaniyang kultura at wika. Nariyan din ang pagkalalayong lugar at baku-bakong mga daan. Lahat ng ito ay nangangailangan ng espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili at ng paggugol ng malaki-laking panahon at salapi. Gayunman, saganang pinagpala ni Jehova ang pagsisikap na nagawa. Hayaan ninyong ikuwento namin nang sandali ang tungkol sa mga kahirapan at tagumpay ng pambihirang bahaging ito ng pangangaral.​—Ihambing ang Malakias 3:10.

Isang “Sunday School” sa Zululand

Sa mismong sentro ng semi-tropikal na Zululand ay naroon ang malalim na libis ng Umvoti River. Buhat sa mga talampas, makikita ang mga kubong Zulu (homesteads) na natatanaw sa malayo. Isang araw ng Linggo noong 1984, dalawang mamamahayag ng Kaharian ang dumating sa libis doon sa paliku-likong daan na maalikabok. Napakainit at mahalumigmig doon kung kaya ang lugar na iyon ay tinawag na Kwa-Sathane (Kinaroroon ni Satanas)​—marahil tumutukoy sa huwad na doktrina ng apoy ng impiyerno na ginagatungan ng Diyablo!

Basang-basâ ng pawis, ang mga kapatid ay lumapit sa isang babaing nagngangalang Doris, na nagsasagawa ng isang klase ng Sunday school. Pagkatapos marinig ang mensahe ng Kaharian, agad inanyayahan ni Doris ang mga Saksi upang magpahayag sa kaniyang grupo na mga 40 kabataan. Ang resulta? Ang mga kapatid ay nagbalik noong sumunod na linggo at may dalang 70 kopya ng aklat na Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya para gamitin sa lokal na paaralan. Sa loob ng mga ilang linggo, ang kapaligiran sa Sunday school ay nabago at naging tulad sa isang grupo ng pag-aaral sa Bibliya. Sa halip na mga himno ng simbahan, mga awiting pang-Kaharian ang inawit sa istilong Aprikano, taglay ang kalugud-lugod na armonyang katutubo. Hindi nagtagal at ang grupo ay naging mahigit na 60. Isang kapatid ang bumulalas: “Anong nakagagalak na karanasan ang makibahagi sa pagbabago sa Sunday school na ito upang maging isang dako ng tunay na pagsamba!”

Sa Maalikabok na “Bushveld”

Dahilan sa pagkasangkot ng mga relihiyon sa pulitikal na kaguluhan, maraming mga magsasakang puti ang nagpapakaingat o suspitsoso pa nga tungkol sa sinumang lumalapit sa kanila na taglay ang isang pabalita tungkol sa Bibliya. Pansinin ang pag-uulat na ito ng isang grupong buhat sa Johannesburg na naglakbay ng mga 640 kilometro upang makapangaral ng mabuting balita sa isang panig ng Transvaal.

“Kami’y naglalakbay noon pahilaga sa pagtawid sa palanas na kakahuyan sa loob ng halos apat na oras na ngayon. Isang mistulang malik-mata ang sasayaw-sayaw sa tuwid na daan na aandap-andap sa silong ng araw sa Aprika. Biglang-bigla, ang runway ay umabot sa dulo at nagsimula naman ang daan na hindi aspaltado, uka-uka at lubak-lubak. Sa wakas, isang landas na buhangin ang dinaanan namin patungo sa isang sakahan.

“ ‘Magandang umaga, Meneer [Ginoo],’ ang aming sinasabi na pagbati sa isang matipunong magsasaka.

“ ‘Umaga,’ ang kaniyang may kagaspangang tugon. ‘Puwede bang tulungan ko kayo?’

“Pagkatapos na kami’y magpakilala, ipinaliwanag namin kung bakit kami dumalaw. Halos hindi pa natatapos ang aming sasabihin nang siya ay magsisigaw: ‘Ang aking dominee [ministro] ay nagbigay sa akin ng babala tungkol sa inyo na mga tao! Kayong lahat ay pawang mga Komunista at Anti-Kristo. Lumayas kayo agad-agad sa aking pag-aari bago ko . . . !’

“Ang pagkatayo ng magsasaka ay nagpapakita na siya ay maaaring maging marahas anumang sandali. Palibhasa’y wala na kaming magagawa pa maliban doon, minabuti namin na umalis na at ‘pagpagin ang alikabok sa aming mga paa.’ (Mateo 10:14) Mayroon namang sapat na alikabok upang literal na gawin ito.

“Sa susunod na sakahan, ganoon din ang tugon. At nangyari na natalos namin na ang lokal na linya ng telepono ay okupadong palagi ng residenteng ministro ng Dutch Reformed Church, na nagbibigay-babala sa ‘kaniyang kawan’ tungkol sa napipintong ‘panganib’ sa pamayanan. Sa wakas ay nakasalubong kami ng isang magsasaka na, bagaman hindi interesado, ay nagsabi: ‘Opo, puwede kayong makipag-usap sa aking mga manggagawa.’

“Iyon lamang ang hinihintay namin. Tabi-tabi sa kabila ng mga ilang punong akasya ay mga sampung maliliit na dampa na yari sa luwad. Nahalata namin na mayroong mga sumisilip buhat sa mga dampa habang aming inilalagay na hile-hilera ang literatura sa takip ng makina ng aming kotse. Isang salansan ng mga Bibliya, isa pang salansan ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, isang talaksan ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya, at sarisaring brosyur ang nasa displey. Isa sa mga batang tagaroon ang tumakbo upang ipaalam sa mga taganayon ang aming pagdating. Hindi nagtagal at isang pulutong ng humigit-kumulang 30 katao ang nagtipon sa palibot ng kotse upang makinig sa mensahe.

“Isang inirekord na sermon ang ipinarinig sa kanila sa Tswana. Anong tuwa ng mga taong ito na makapakinig sa kanilang sariling wika ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at ng pag-asa sa Paraiso! Nagkakaingay sila nang alukin ng publikasyon. Hindi nagtagal, halos hindi namin matugunan ang pangangailangan ng literatura. Isang matandang lalaki ang nag-alok pa na kaniyang babayaran para maging kaniya ang tape recorder. Nabagbag ang aming damdamin samantalang nakikita namin ang kanilang pagpapahalaga sa mabuting balita sa maraming maliliit na kaparaanan​—isang kiming ngiti, isang paghipo, isang marahang ‘salamat po.’

“Ang mga bata ay kusang nagporma ng isang iregular na linya at umawit ng isang tradisyonal na awiting pahimakas. Biglang-bigla, ang maalikabok, lubak-lubak na mga daan at ang negatibong mga tugon kung minsan ay nagiging bale-wala. Iyon ay katumbas ng kaliit-liitang pagpapagal!”

Isang Punò ang Nagpalabas ng Isang Utos!

Isang kongregasyon buhat sa Soweto ang inatasan na mangaral sa lugar ng isang tribo malapit sa silangang bayan ng Piet Retief. Kaugalian doon na ang isang bisita ay una munang magbibigay-alam sa induna (punò) ng lugar ng kaniyang gustong gawin. Ang mga kapatid ay sumunod sa kaayusang iyan. Anong laking pagtataka nila nang sila’y masiglang tinanggap ng punò at inalok pa sila na doon tumuloy sa kaniyang tahanan! Gayundin, ginamit niya ang kaniyang opisyal na tatak at sumulat ng isang kalatas na magpapakilala sa mga mamamahayag sa kanilang pagbabahay-bahay. Sinasabi niyaon: “Ang mga ito ay mga mangangarál ng Kaharian ng Diyos. Tanggapin ninyo sila sa inyong tahanan, at makinig kayo sa kanila.”

Napakarami ang tumugon kung kaya ang mga Saksi ay nagsaayos ng isang pahayag pangmadla sa harapan ng bahay ng punò noong hapon ng Linggong iyon. Ang open-air “hall” ay punong-punô, at ang pulong ay pinasimulan at sinarhan ng awit at panalangin. Sa mga iba pang lugar sa kabukiran ay nagkaroon ng nahahawig na karanasan sa mga taong nakahilig sa katuwiran.

Isa sa gayong tao ay si Nathaniel, sa munting nayon ng Pitsedisulejang sa isang sulok ng Bophuthatswana na may tagtuyot. Siya ay isang developer sa komunidad na nagsasagawa ng isang programa na turuan ang mga tagaroon na mabisang magtanim ng mga pananim. Siya’y nangarap na ang tigang na lugar na ito ay gawing isang paraiso. Ngunit nang kaniyang maalaman na malapit na ang isang pangglobong paraiso, nagningning ang kaniyang mga mata. Buong pananabik na isinulat niya ang bawat tekstong ipinakita sa kaniya ng mga mamamahayag. Agad na ipinakilala si Nathaniel sa pinakamalapit na kongregasyon, mga 30 kilometro ang layo.

May Kagalakang Tinulungan ang Maraming mga Humahanap ng Katotohanan

“Ipinakita sa amin ni Jehova na ang karalitaan ay hindi hadlang sa pagkatuto ng katotohanan sa isang taong gutom sa espirituwal,” ang sabi ni Monika, isang pioneer, o buong-panahong tagapagbalita ng Kaharian. Siya’y bahagi ng isang grupo ng mga pioneer na nangaral sa sunud-sunod na bukid sa malawak na kapatagan ng Orange Free State sa gitnang bahagi ng bansa. Ano ba ang nadama ng mga pioneer sa pagpapagal nila ng pagdadala ng mabuting balita sa mga taong ito? “Sino ba ang makapagtatakda ng presyo sa mga bagay na aming naranasan?” ang tugon nila. Oo, ang mga pioneer ay nagtamo ng maraming espirituwal na pagpapala sa kanilang pagsisikap.

Kahit na ang hindi pagkaalam na bumasa ay hindi hadlang sa isang nagugutom sa espirituwal sa pagkatuto ng katotohanan sa Kasulatan. Ang maraming-larawang brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! ang lalung-lalo nang marami ang tumanggap na mga hindi makabasa o na mga bahagya na lamang makabasa. Bata at matanda ay nabighani sa makulay na mga larawan ng Paraiso. Isang buong-panahong manggagawa na tumulong sa pag-iimprenta ng gayong materyal ang nagsabi: “Ang brosyur na ito ay tumutulong sa mga tao na makitang totohanan nga pala ang Paraiso at pinasusulong ang kanilang likas na paggalang at paghanga sa Bibliya.”

Sa katulad na dahilan, ang publikasyon na Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya ay naging totoong popular. Sa malayong lugar ng mga tribo sa Lebowa, dalawa sa ating espirituwal na mga sister ang nagtaka nang masumpungan nila na ang isang matanda na, halos bulag nang mag-asawa ay may kopya ng aklat na ito sa wikang Sepedi. Ito’y ginamit ng mag-asawa bilang kanilang aklat-aralan sa pagtuturo sa mga bata sa kanilang lugar. Sa katunayan, ang aklat ay paulit-ulit na pinag-aralan at minarkahan na anupat halos magkahiwa-hiwalay na ang mga pahina. Anong laki ng kanilang kagalakan nang sila’y makakuha ng isang bagong kopya!

Kaya naman totoo nga na ang mga publikasyong Kristiyano ay tumutustos sa malaking pangangailangan na tulungan ang mga taong nagugutom sa katotohanan. Kapuna-puna, ang malaking bahagi ng lahat ng limbag na materyal sa marami sa lokal na mga wika ng timugang Aprika ay gawa ng Watch Tower Society. Noong 1990 lamang, 113,529 mga aklat, brosyur, at mga magasin na nailathala ng Samahan ang ipinamahagi sa mga kabukiran ng Timog Aprika.

Ang Bunga ng Pagpapagal

Ang magaganda bang mga karanasang ito at literaturang naipamahagi ay nagdulot ng nananatiling bunga sa mga kabukiran ng Timog Aprika? Tunay na nagdulot nga. Sapol noong 1989 apat na kongregasyon at siyam na nabubukod na mga grupo ang naitatag bilang isang tuwirang resulta ng paghahayag ng mabuting balita sa kabukiran ng Timog Aprika. Pansamantalang mga special pioneer at mga regular pioneer ang nanguna sa gawaing ito.

Natatandaan mo ba si Doris at ang kaniyang Sunday school sa malayong libis na iyan sa Zululand? Sa ngayon, siya’y isang nag-alay, bautismadong Saksi ni Jehova. Gayundin, isang lumalagong grupo ng siyam na mga mamamahayag ng Kaharian ang patuloy na sumusulong sa espirituwal doon. Maraming mga baguhan ang dumadalo sa mga pulong na ginaganap sa tahanan ni Doris, at pito katao na kaniyang pinagdausan ng pag-aaral sa Bibliya ang nabautismuhan na sa pandistritong kombensiyon na ginanap sa Durban noong Disyembre 1990.

Ang ganiyang bunga ay isang nakagagalak na pampasigla sa mga mamamahayag ng Kaharian sa Timog Aprika. Kanilang isinasapuso ang sinabi ni apostol Pablo: “Habang tayo’y may pagkakataon, magsigawa tayo ng mabuti sa lahat.” (Galacia 6:10) Oo, ang mga lingkod ni Jehova ay disididong marating ang lahat ng mga taong tapat-puso, kasali na ang mga naninirahan sa mga kabukiran nitong “kadulu-duluhang bahagi ng lupa.”​—Gawa 1:8.

[Mapa/Mga Larawan sa pahina 24]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Lebowa

TRANSVAAL

Soweto

Piet Retief

Bophuthatswana

ORANGE FREE STATE

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share