Natatandaan Mo Ba?
Maingat bang napag-isipan mo ang kamakailang mga labas ng Ang Bantayan? Kung gayon, mawiwili kang sariwain ang sumusunod:
◻ Papaano ang ulat ng Bibliya tungkol sa mga pakikidigma ni Jehova ay nagbibigay sa atin ng pagtitiwala sa pagharap sa “malaking kapighatian”? (Mateo 24:21)
Yamang laging nakapananaig, ipinakita ni Jehova na kaniyang madadaig ang mga kaisipan ng kaniyang mga kaaway at makapagmamaneobra ng mga kalagayan ukol sa kaligtasan ng kaniyang bayan.—8/15, pahina 27.
◻ Ano ang kailangang handang gawin ng mga magulang upang mapanatili ang komunikasyon sa pagitan nila at ng kanilang mga anak?
Ang mga magulang ay kailangang gumugol ng panahon kasama ng kanilang mga anak. At, sila’y kailangang handang magsakripisyo alang-alang sa kanilang mga anak sa ikasusulong ng kanilang mental, pisikal, at espirituwal na paglaki.—9/1, pahina 22.
◻ Ano ang kahulugan ng pagbabagong-anyo ni Jesus kung para sa atin ngayon? (Marcos 9:2-4)
Ang pagbabagong-anyo ay maaaring makapagpatibay ng pananampalataya sa makahulang salita ni Jehova at mapalakas ang ating pananampalataya kay Jesu-Kristo bilang Anak ng Diyos at ipinangakong Mesiyas. Mapatitibay rin natin ang ating pananampalataya sa pagkabuhay-muli ni Jesus tungo sa buhay espiritu at mapauunlad ang ating pananampalataya sa pamahalaan ng Diyos.—9/15, pahina 23.
◻ Ano ang ibig sabihin ng “sandali” sa Isaias 11:6?
Ang isang maingat ng pagsasalin ng talatang ito ay nagpapakita na ang lobo at ang kordero ay hindi naman palaging magkasama sa bagong sanlibutan. Malamang na ang gayong mga hayop ay magkakaroon pa rin ng kani-kaniyang tirahang-dako at sa gayo’y uuriin na mga ‘domestikadong mga hayop at mababangis na hayop’ tulad ng kalagayan nila sa unang Paraiso. (Genesis 1:24) Gayunman, ang mga hayop ay makikipagpayapaan sa isa’t isa, na magkakasama-sama nang walang panganib.—9/15, pahina 31.
◻ Ano ba ang susi sa tunay na pagka-Kristiyano?
Ang pag-ibig ang susi sa tunay na pagka-Kristiyano. Ang pananampalataya, mga gawa, at tamang mga kasalamuha ay kailangan, subalit kung walang pag-ibig ang kahalagahan nito ay hindi makikita. Ito’y gayon nga sapagkat si Jehova unang-una ay isang Diyos ng pag-ibig. (1 Corinto 13:1-3; 1 Juan 4:8)—10/1, pahina 20.
◻ Ang pananalita ba na “panahon ng kapanganakan at panahon ng kamatayan” sa Eclesiastes 3:2 ay umaalalay sa ideya na itinakda na bago pa man ng Diyos ang ating panahon ng kamatayan?
Hindi. Tinatalakay lamang ni Solomon ang patuloy na siklo ng buhay at kamatayan na dinaranas ng di-sakdal na sangkatauhan. Ang Eclesiastes 7:17 ay nagsasabi: “Huwag kang magpakasamang lubha, ni magpakamangmang man. Bakit ka mamamatay bago dumating ang iyong kapanahunan?” Ano ba ang katuturan ng payong ito kung ang panahon ng kamatayan ng isang tao ay itinakda na nang patiuna?—10/15, pahina 5-6.
◻ Ano ang nagpapabulaan sa pag-aangkin na si Pedro ang unang obispo ng Roma?
Walang patotoo na dumalaw kailanman si Pedro sa siyudad ng Roma; ni tinukoy man ni Pedro ang kaniyang sarili nang higit pa kaysa pagiging isa sa mga apostol ni Kristo. (2 Pedro 1:1)—10/15, pahina 8.
◻ Tama ba para sa mga Kristiyano na magpadala ng mga bulaklak sa isang libing?
Kung kilalang-kilala na ang isang kaugalian (o isang disenyo, tulad halimbawa ng isang krus) sa kasalukuyan ay may isang relihiyosong kahulugan sa isang lugar, ito’y dapat iwasan. Kaya ang mga Kristiyano ay hindi magpapadala ng mga bulaklak na inanyuang isang krus o gagamitin ang mga ito sa isang pormal na paraan na tiyakang may di-tunay na relihiyosong kahulugan. Gayunman, sa panahong ito sa maraming bansa, ang kaugalian ng paggamit ng mga bulaklak na walang kaugnayan sa relihiyon ay laganap. May mga Kristiyanong nagpadala ng mga bulaklak upang medyo pasayahin ang isang malungkot na okasyon at upang magpakita ng pakikiramay at pag-aalaala.—10/15, pahina 31.
◻ Ano ba ang nililinaw ng opisyal na mga depinisyon tungkol sa Trinidad?
Nililiwanag nito na ang doktrina ng Trinidad ay hindi isang simpleng ideya. Sa halip, ito ay isang masalimuot na pinaghalu-halong mga ideya na pinagsama-sama sa loob ng maraming siglo at kawing-kawing. Inaamin ng maraming iskolar, kasali na ang mga Trinitaryo, na sa aktuwal hindi makikita sa Bibliya ang doktrina ng Trinidad.—11/1, pahina 21-2.
◻ Bakit ang 29 C.E. ay isang totoong mahalagang petsa sa kasaysayan ng Bibliya?
Sapagkat sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng tiyakang mga impormasyon sa Bibliya at ng sekular na pagpepetsa ng paghahari ni Tiberio, matatantiya ng mga estudyante ng Bibliya na ang ministeryo ni Juan ay nagsimula noong tagsibol ng 29 C.E. at na anim na buwan pagkaraan, noong taglagas ng 29 C.E., si Jesus ay binautismuhan ni Juan.—11/15, pahina 31.
◻ Ano ba ang kahulugan ng “pagsamba” kung para sa mga taong Hebreo ang wika, at papaano ito kumakapit sa mga Saksi ni Jehova ngayon?
Ang katumbas sa Hebreo ng salitang “pagsamba” ay maisasalin na “paglilingkod.” Samakatuwid, sa kaisipang Hebreo, ang ibig sabihin ng pagsamba ay paglilingkod. Ito ang ibig sabihin niyan sa bayan ni Jehova sa ngayon, kaya ang isang napakahalagang tanda ng tunay na relihiyon ay ang maka-Diyos na paglilingkod na pangangaral.—12/1, pahina 19.