Pag-aani sa mga Mananamba
SI APOSTOL Juan ay binigyan ng isang pangitain ng yumayanig sa daigdig na mga pangyayari na magaganap “sa araw ng Panginoon.” Kaniyang nakita ang makalangit na Panginoong si Jesu-Kristo na nakasakay patungo sa matuwid na pakikidigma, na inilarawan ng isang puting kabayo—“na nagtatagumpay at upang tapusin ang kaniyang tagumpay.” Ang unang ginawa niya ay ibulid ang pusakal na kaaway ng Diyos, si Satanas, buhat sa langit tungo sa kapaligiran ng lupang ito. Si Satanas naman ay tumutugon sa pamamagitan ng pagdadala ng salot sa sangkatauhan sa walang-katulad na pagpapatayan, taggutom, at sakit, na inilarawan ng makasagisag na mga mangangabayo at ng kani-kanilang kabayo—pula, itim, at maputla ang kulay. (Apocalipsis 1:10; 6:1-8; 12:9-12) Ang mga kaabahang ito ay unang sumabog noong taóng 1914 at patuloy na lumubha sapol noon. Hindi na magtatagal, ang mga ito ay aabot sa sukdulan sa tinukoy ni Jesus bilang “malaking kapighatian na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, oo, ni mangyayari pa man kailanman.”—Mateo 24:3-8, 21.
Kumusta ang magiging kalagayan ng mga mananamba kay Jehova sa panahong iyon? Ang Apocalipsis kabanata 7, talatang 1 hanggang 10, ay bumabanggit ng mga hukbo ng mga anghel na “humahawak nang mahigpit” sa mga hanging pamuksa hanggang sa ang mga mananambang ito ay matipon. Sa panahon sapol noong 1914, sa lupa ang mga huling bahagi ng espirituwal na Israel, may bilang na 144,000, ay tinitipon. At pagkatapos “narito! isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, buhat sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika.” Ang malaking pulutong na ito ay umaabot na ang bilang sa milyun-milyon. Sila’y nakatayong may pagsang-ayon sa harap ng trono ng Diyos dahilan sa pagsasagawa ng pananampalataya sa tumutubos na dugo ni Jesus, na pinaslang na tulad ng isang walang-kasalanang kordero. “At sila’y patuloy na humihiyaw nang malakas na tinig, na nagsasabi: ‘Ang kaligtasan ay utang natin sa ating Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.’ ” Ang masigasig na mga mananambang ito ay patuloy na nagsasabi “Halikayo!” sa mga iba pa, at ang mga ibang ito ay tinitipon naman para iligtas at makatawid sa “malaking kapighatian.”—Apocalipsis 7:14-17; 22:17.
“Lumaganap sa Buong Lupa”
Tungkol sa tapat na mga mananambang ito, masasabi: “Ang tinig nila ay lumaganap sa buong lupa, at ang kanilang mga salita ay hanggang sa mga kadulu-duluhan ng tinatahanang lupa.” (Roma 10:18) Ang kanilang pagpapagal ay pinagpala sa kahanga-hangang mga bunga. Halimbawa:
Ang Mexico ngayon ay nag-uulat ng 335,965 aktibong mga mananamba kay Jehova, isang pagsulong na halos isandaang libo sa tatlong taon lamang! Bakit ganiyang kalaki ang pagsulong? Ang sumusunod na pag-uulat ay makatutulong na makapagpaliwanag. Isang binatang nagngangalang Aurelio ang sakristan sa isang simbahang Katoliko. Sa tuwing pupunta sa nayong iyon ang mga Saksi ni Jehova, kaniyang nirerepike ang mga kampana upang sirain ang loob ng sinuman sa pakikinig sa kanila. Sumapit ang panahon na siya’y bumili ng isang Katolikong Jerusalem Bible at nagsimulang basahin iyon, ngunit hindi niya maunawaan iyon. Isang araw kaniyang nakita ang isang kaibigan na may kipkip na kopya ng New World Translation. Sinumbatan ni Aurelio ang kaniyang kaibigan at, pagkatapos sabihan siya na hindi tunay ang kaniyang Bibliya, isinama siya nito sa kaniyang sariling tahanan upang ipakita sa kaniya ang “tunay” na Bibliya. Sinabi ng kaniyang kaibigan: “Basahin mo ang Exodo 20,” at pagkatapos ay umalis na ito.
Pasimula sa kabanata 1, ang sakristan ay nagbasa ng tuluy-tuluyan hanggang Exodo at hanggang sa makarating siya sa Exo kabanata 20, talatang 4 at 5. Ganiyan na lamang ang kaniyang pagkabigla sa sinasabi ng kaniyang Bibliyang Katoliko tungkol sa mga imahen. Pagkatapos ng Misa nang sumunod na Linggo, kaniyang hinarap ang pari upang ipakita ang mga teksto tungkol sa mga imahen. Sa pasimula ay sinabi ng pari na siya man ay gumagalang din sa mga imahen; hindi niya sinasamba ang mga iyon. Nang makita na hindi nasiyahan dito si Aurelio, siya’y inakusahan ng pari na nakikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova. Ikinaila ito ni Aurelio ngunit isinusog, “Ngayon ay makikipag-aral na ako!”
Nang sumunod na pagkakataon na dumating sa nayong iyon ang mga Saksi, si Aurelio ay nakipagkita sa kanila at nagsimulang makipag-aral sa kanila ng Bibliya. Siya’y huminto ng pagtatrabaho sa simbahan at sa loob ng tatlong buwan ay naging kuwalipikado siya na makibahagi sa pangmadlang ministeryo kasama ng mga Saksi ni Jehova. Ang unang tahanan na kaniyang dinalaw ay yaong sa pari, na hindi makapaniwala sa kaniyang nakita nang makita niya ang dating sakristan na isa na ngayong tagapangaral ng Kaharian. Siya’y pinagbantaan ng pari na gagawing ekskomunikado, subalit sinabi sa kaniya ni Aurelio na hindi na kailangan pa ito sapagkat umalpas na siya sa simbahan. Ang lakas-loob na ginawa niya ay nakapagpalakas-loob sa marami pa sa mga taganayon na nakikipag-aral na noon sa mga Saksi ni Jehova. Si Aurelio at 21 pang iba mula sa nayong iyon ay nabautismuhan nang sumunod na pandistritong kombensiyon. Napakabilis ng paglago sa lugar na ito na anupa’t may iisa lamang elder na maaaring makapagrepaso sa grupong ito ng mga katanungan para sa mga kandidato sa bautismo.
“Ang Tinig Nila ay Lumaganap”
Walang makatatakas buhat sa pangangaral ng Kaharian. Isang Katolikong Italyano ang nakahiratian na ang pagkayamot sa tuwing dadalaw sa kaniya ang mga Saksi ni Jehova. Kaya nang ilipat siya ng kaniyang kompanya sa Singapore, inakala niya na ngayon ay hindi na nila siya magagambala. Ngunit sa kaniyang pagtataka, naroon din ang mga Saksi. Kaya siya’y kumuha ng dalawang mababagsik na aso upang umatake sa susunod na mga Saksing pupunta roon. Nang dalawang Saksi ang dumalaw sa kaniyang tahanan, ang mga asong iyon ay naglundagan. Nahihintakutan, ang mga babae ay nagtakbuhan upang iligtas ang kanilang buhay, sila’y naparoon sa iba’t ibang direksiyon sa pinagsasangahan ng isang daan. Nang maaabutan na siya ng isa sa mga aso, isa sa mga Saksi ang sa kawalang pag-asa’y buong-bilis na humugot ng dalawang brosyur sa kaniyang bag at inihalibas sa nakangangang bunganga ng aso. Sa sandaling ito, ito’y huminto ng paghabol sa kaniya, pumihit, at umuwi na.
Nang sumunod na linggo, ang dalawa ring Saksing iyon ay gumagawa ng pagdalaw-muli sa isang bahay sa kabilang panig ng kalye. Ang may-ari ng mga aso ay nasa kaniyang halamanan, at, nakapagtataka, kaniyang binati ang mga babae at inanyayahan sila sa kaniyang bahay. Sinabi niya sa mga ito na hindi pa siya kailanman nakikipag-usap sa mga Saksi ni Jehova o nakababasa ng anuman sa kanilang mga publikasyon. Subalit siya’y nagtaka nang makita na ang mga brosyur ay kagat-kagat ng isa sa kaniyang mga aso. Nang gabing iyon kaniyang binasa ang mga brosyur at tunay naman na humanga siya sa mga ito. Bagaman siya ay naging isang Katoliko sa buong buhay niya, siya’y nagpahayag ng naisin na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova.
Yamang ang lalaki ay inililipat muli sa Italya, gumawa ng mga kaayusan para ang mga Saksi ni Jehova ay makipag-aral sa kaniya roon. Nang sila ng kaniyang maybahay ay magsimulang dumalo sa mga pulong, ang pari ng parokya ay nagalit at hinarap sila na taglay ang mga banta. Nang may manunog sa kanilang halamanan, ang mag-asawa ay tuluyan nang pumutol ng kanilang kaugnayan sa simbahan. Ngayon ang sabi ng lalaking ito: “Ako’y nagpapatotoo na ngayon sa maraming miyembro ng aking pamilya sapagkat ibig kong malaman nila na si Jehova ang tanging tunay na Diyos.”
“Hanggang sa Kadulu-duluhan ng Tinatahanang Lupa”
Isa pang karanasan na galing sa kadulu-duluhan ng lupa ay nagpapakita kung papaanong pinahahalagahan ang balita ng Kaharian at tumutulong ito upang baguhin ang mga buhay. Samantalang dumadalo sa isang klase ukol sa mga nagdadalantao, isang Saksi sa Australia ang may nakilalang isang babae na maraming masasamang kinaugalian, maging ang pagtangging huminto ng paninigarilyo sa panahon ng kaniyang pagdadalantao. Ang Saksi ay nagulumihanang lubha dahilan sa kaniyang saloobin. Nagkataon na sila’y nanganak na magkasabay at doon din sa iisang ward ng ospital, kaya nagkaroon sila ng pagkakataon na mag-usap. Lumabas na ang babae ay maraming mga problema nang siya’y bata pa lamang, at ngayon ay halos maghihiwalay na lamang silang mag-asawa. Kaya, pagkatapos lumabas sa ospital, dinalaw ng Saksi ang babae at nagsimula siya ng pakikipag-aral sa kaniya ng Bibliya, na ginagamit ang aklat na Pinaliligaya ang Inyong Buhay Pampamilya.
Ang asawa ng babaing iyon ay nananalangin sa Diyos na sana’y masumpungan niya ang tunay na relihiyon, isinususog pa ang kondisyong: “Huwag lamang ang mga Saksi ni Jehova!” Gayunman, nang kaniyang matuklasan na ang kaniyang maybahay ay nakikipag-aral sa mga Saksi, siya’y nagsimulang magtanong at inanyayahan pa siya na makisali sa pag-aaral. Siya’y nagpaunlak, at hindi nagtagal siya’y dumadalo na sa mga pulong ng kongregasyon. Ngayon, silang mag-asawa ay nabautismuhan na, at maliwanag na ang kanilang pagsasamang mag-asawa ay malaki ang ibinuti.
Ang pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya na salig sa gayong literatura ay nagbunga ng pagtitipon sa maraming mga bagong mananampalataya. Sa mga lupain na kung saan may mga rebolusyon, gera sibil, o mga paghihigpit ng pamahalaan, ang pantahanang pag-aaral sa Bibliya ay sumulong. Maraming mga taon na may gera sibil sa Angola, at ang mga Saksi ay dumanas ng malaking pag-uusig at kahirapan. Noong nakaraang taon, ipinakita ng mga ulat na, sa katamtaman, ang bawat mamamahayag ay nagdaraos ng halos tatlong pantahanang pag-aaral sa Bibliya, subalit ang mga mamamahayag ay walang gaanong literatura sa Bibliya. Ang naglalakbay na mga tagapangasiwa ay dumadalaw sa isang maliit na grupo sa bawat araw, nagsasaayos ng paglilingkod sa larangan kung araw at mga pulong naman kung gabi. Anong laking kagalakan nang matapos na ang digmaan at 42 tonelada ng lubhang kinakailangang literatura sa Bibliya ang dumating galing sa Timog Aprika! Tiyak ang pag-iibigan ng mga kapatid na iyon ay “lalo pang sasagana taglay ang tumpak na kaalaman at lubos na kaunawaan,” yamang ngayon kanilang “natitiyak ang lalong mahalagang mga bagay.” (Filipos 1:9, 10) Anong laking pampasigla para sa mga may maraming pantulong sa pag-aaral ng Bibliya upang lubusang samantalahin ang paglalaan na buong kagandahang-loob na ginagawa ni Jehova!—1 Timoteo 4:15, 16.
Ang kaligayahan ng tapat na mga mananambang ito ay nagpapagunita sa atin ng mga salita ni Jesus sa Sermon sa Bundok: “Maligaya ang mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, sapagkat kanila ang kaharian ng langit. . . . Maligaya yaong mga pinag-uusig dahilan sa katuwiran, sapagkat kanila ang kaharian ng langit. . . . Magalak kayo at magsayang tunay, sapagkat malaki ang ganti sa inyo sa langit.” (Mateo 5:3-12) Anong dami ang inaani na sa Angola!
Sa ilang mga lugar sa daigdig, ang mga paghihigpit sa gawain ng mga Saksi ni Jehova ay niluluwagan na o tuluyang inaalis na. Si Jesus ay nagpahayag noong kaniyang kaarawan: “Oo, malaki ang aanihin ngunit kakaunti ang mga manggagawa.” (Mateo 9:37) Anong pagkatotoo nga nito sa ngayon! Nariyang lagi ang pangangailangan ng higit pang mga manggagawa. Tayo’y natutuwa na ang ating pagsamba’y salig sa mga pagtitipon ng mga aanihin. Wala nang lalong dakilang kagalakan ang masusumpungan sa lupa ngayon kundi ang ating mabungang nag-alay na paglilingkuran sa Diyos na Jehova.
Ngayon, ano nga ba ang pumupukaw sa mga mananamba kay Jehova na magpakita ng gayong kagalakan at sigasig? Titingnan natin.