Ang Paglalabas ng mga Huling Balumbon ng “Dead Sea Scrolls”
NOONG nakaraang Setyembre, isang di-pagkakasundo ng mga pantas na tumagal nang kung ilang dekada ang sa wakas ay naibsan. Isang mahigpitang pagtatalo ng mga estudyante ng Dead Sea Scrolls ang sa malas ay natapos, bagaman isang bagong pagtatalo ang maaaring nagsimula.
Ang Dead Sea Scrolls ay natuklasan sa mga yungib malapit sa Dead Sea (Dagat na Patay) noong 1947 at noong mga taon na kasunod. Ito’y napakahalaga sa pagpapakita sa mahalagang kawastuan ng teksto ng Kasulatang Hebreo at sa pagbibigay-liwanag sa relihiyosong mga kalagayan sa Palestina nang narito sa lupa si Jesus. (Isaias 40:8) Samantalang ang ilang manuskrito ay inilathala nang may kabilisan noong 1991, halos 400 manuskrito ang hindi pa nailalathala at hindi pa nagagamit ng karamihan ng mga iskolar. Marami ang nakadama na, katulad ni Propesor Ben Zion Wacholder, sila’y “nabigo dahil sa panghihinuha na sa kasalukuyang bilis ng paglalathala tayong lahat ay patay na sa panahon na mailabas sa daigdig ang mga teksto ng Dead Sea Scrolls.”
Subalit ang kalagayang iyan ay nagbago noong nakaraang Setyembre. Una, si Propesor Wacholder at isang kasamahan niya, si Martin Abegg, ay nagpatalastas na sila’y buong-kasanayang gumamit ng isang computer upang makagawa ng isang reproduksiyon ng mahigpit na binabantayang mga teksto. Pagkatapos, ang Huntington Library sa San Marino, California, E.U.A., ay nagpatalastas na sila’y may mga larawan ng orihinal na mga manuskrito at kanilang libreng ipakikita ang mga ito sa kilalang mga iskolar. Maliwanag, kinunan ng larawan ang maraming balumbon upang tiyak na maingatan ang mga ito. Maraming set ng mga larawan ang itinago sa iba’t ibang lugar, at nang bandang huli isa ang napalagay roon sa Huntington Library.
Ang ganitong pagbabago ng mga pangyayari ay tinagurian ng isang iskolar na ‘ang makapantas na katumbas ng paggigiba ng Berlin Wall.’ Sang-ayon sa opisyal na mga editor kapuwa ang paglalathala ng isina-computer na teksto at ang paglalabas ng mga larawan ay ‘pagnanakaw.’ Malamang, ang pagtatalo tungkol sa etika at legalidad ay magpapatuloy sa loob ng mga taon. Samantala, ang mga iskolar ay makakakonsulta na sa buong kalipunan ng Dead Sea Scrolls.
[Larawan sa pahina 32]
Representasyon ng isang komentaryo sa Habacuc, isa sa Dead Sea Scrolls