Pananatili sa Katapatang Kristiyano sa Sinalanta ng Digmaan na Liberia
Inilahad ng isang nakasaksi
“PAGKA nag-aaway ang mga elepante, pati ang damo ay nasasaktan.” Anong inam na inilalarawan niyan ang kasabihan sa Kanlurang Aprika tungkol sa naganap noon kamakailan na digmaan sa Liberia! Mga 20,000 katao ang nasawi, at kalahati ng populasyon ng bansa na 2.6 milyon ang nagkahiwa-hiwalay. Karamihan ng mga taong naapektuhan ay hindi naman mga kawal; sila “ang damo”—mga lalaki, babae, at mga bata na hindi naman nakapipinsala.
Nang magsiklab ang digmaan noong Disyembre 1989, ang halos 2,000 Saksi ni Jehova sa Liberia ay patuloy na dumarami ang bilang at nakatanaw sa hinaharap nang may pagtitiwala. Nakalulungkot sabihin, sila’y bahagi ng ‘damong nasaktan.’
Ang Paglaganap ng Digmaan
Ang digmaan ay nagsimula sa hangganan ng Liberia at Côte d’Ivoire, at hindi nagtagal at ang mga tagaroon ay nagsimulang tumakas sa kabisera, ang Monrovia, na isang lunsod na may mahigit na kalahating milyong mga tao. Mula Marso hanggang Mayo ng 1990, habang ang labanan ay lumalaganap patungong timog, ang mga misyonero ng mga Saksi ni Jehova ay inilikas muna buhat sa Ganta at pagkatapos buhat sa Gbarnga. Sila ay kabilang sa huling mga tao roon na lumisan sa mga bayang ito. Ang digmaan ay umabot sa sukdulan nang ang mga puwersa ng hukbo ay lumipat na sa Monrovia noong Hulyo 2, 1990.
Walang sinumang handa para sa kakilabutan na kasunod. Tatlong hiwa-hiwalay na mga hukbo ang naglaban-laban sa mga kalye sa pamamagitan ng malalaking kanyon, raket, at mga granada. Yaong mga hindi nasawi dahilan sa sila’y kabilang sa kinapopootang tribo ay isinailalim ng patuluyang pananakot at paghahalughog. Isang gabi ng Agosto mahigit na 600 lalaki, babae, at mga bata na nangubli sa St. Peter’s Lutheran Church ang pinagpapatay ng isang haling-sa-digmaang squad ng pagpatay.
Daan-daan ang nagsitakas sa labanang iyon na walang damit kundi ang mga suot nila. Ang pami-pamilya ay nagkahiwa-hiwalay at sa loob ng kung ilang mga buwan pagkatapos ay hindi pa rin nagkakasama-sama. Ang buong populasyon ng Monrovia ay waring napalipat, samantalang ang bakanteng mga bahay ay naging tirahan ng mga kawal at mga takas na nanggaling sa ibang panig ng siyudad. Mahigit sa kalahati ng populasyon ng Monrovia ang nagkahiwa-hiwalay. Ang karamihan ay nawalan ng lahat nilang ari-arian at di-kukulangin sa isang kamag-anak ang namatay. Higit pa riyan ang nawala sa marami.
Ang situwasyon ay umabot sa sukdulan anupa’t lima pang ibang bansa sa Kanlurang Aprika ang nagpadala ng mga kawal upang sikaping mapanumbalik ang kapayapaan. Nang may katapusan ng Oktubre 1990, ang karamihan ng pagbabaka ay unti-unting natapos. Subalit ngayon ang siyudad ay parang itinakdang mamatay dahil sa taggutom kaya ito ay mistulang nakadamit pamburol. Ang mga ahensiyang nagbibigay ng tulong ay nag-ulat na sa isang lugar halos isang-katlo ng mga bata sa Monrovia na wala pang limang taóng gulang ang dumaranas ng malnutrisyon at mahigit na isandaang katao ang namamatay araw-araw. Ang mga kalagayan naman ay lalo pang pinalubha ng mga manghuhuthot; marami ang nagnakaw ng bigas na ipinamamahagi sa mga nagugutom at pagkatapos ay ipinagbibili iyon sa halagang 20 dolyar o higit pa isang tasa. Ang sakit ay pamalagian, lalo na ang kolera, palibhasa ang tubig ng siyudad, ang sanitasyon, at ang serbisyo ng koryente ay lubusang nawasak.
Ang humigit-kumulang isang libong mga Saksi ni Jehova na naninirahan sa Monrovia ay dumanas ng malaking kahirapan. Ang karamihan ay nag-alisan sa siyudad at naparoon sa mga lalawigan, samantalang ang iba naman ay sumakay sa barko patungong Ghana at Nigeria o nagbiyahe sakay ng mga sasakyan patungong Côte d’Ivoire o Sierra Leone. Mula Hulyo hanggang Disyembre 1990, mahigit na 30 Saksi ang nasawi. Ang iba ay namatay sa pagkabaril, samantalang ang iba naman ay namatay buhat sa epekto ng sakit at gutom. Si Alan Battey at si Arthur Lawson, mga Amerikanong misyonero na nagtapos sa Ministerial Training School ay malamang na kabilang sa mga namatay. Oh, anong laking kaaliwan ang salig-Bibliyang pag-asa sa pagkabuhay-muli para roon sa mga namatay ang mga kamag-anak o mga kaibigan sa panahon ng kakila-kilabot na pangyayaring iyan!—Gawa 24:15.
Pinakilos ang Pagkakapatirang Kristiyano
Samantalang nag-aapoy ang digmaan, maraming naapektuhang mga Saksi ang nagsitakas para magkanlong sa tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova at sa isang tahanang misyonero sa kabilang panig ng bayan. Ang iba ay humanap ng kanlungan dahil sa sila’y mga miyembro ng isang tribo na pinapatay ng mga kawal sa lugar na iyon. Karamihan ay binigyan ng atas na mga gawain sa sangay at malaki ang naitulong sa pagluluto at paglilinis, samantalang ang iba naman ay naatasan na maghanap ng makakaing mga gulay sa karatig na mga latian pagka ipinahihintulot ng mga kalagayan sa labas.
Ang mga tao ay natutulog kahit saan, sa mga silid-tulugan ng mga misyonero, sa mga koridor, sa Shipping Department, at sa mga opisina. Kami’y humukay at nag-asikaso ng mga palikuran. Ang mga babae ay inatasan na magsilbing mga nars, at sila’y matagumpay na nag-asikaso ng maraming kaso ng malarya at lagnat. Ang pagkasira ng tiyan ay kalimitan isang suliranin.
Kami’y nagsaayos ng natatanging mga kaayusan sa bahay, kasali na ang mga drill sa pagbobombahan. Sa gayon, pagka ang naglalabang mga puwersa ay nagkakanyunan nang walang patid, kami’y sinanay na agad tumakbo sa inilaang mga kanlungan sa sangay. Bagaman ang aming tatlong-metrong pader ay nakapagbigay ng kaunting proteksiyon, ito’y hindi sapat upang makahadlang sa tumatalbog na mga bala. Hindi nagtagal at ang aming bubong ay naging isang mistulang sisidlan ng paminta dahilan sa lahat ng mga butas na tinamo nito!
Marami ang nagsapanganib ng kanilang mga buhay upang ipagsanggalang ang mga kapuwa Saksi sa mga taong naghahangad na patayin sila dahilan sa kabilang sila sa isang kinapopootang tribo. Isang araw isang lumuluhang sister na Kristiyano ang dumating sa tanggapang sangay kasama ang kaniyang nagsilangoy na mga anak, na kinabibilangan ng isang dalawang-linggo-edad na sanggol. Ang kaniyang asawa at anak na tinedyer ay di pa natatagalang binaril sa harap ng kaniyang sariling mga mata. Siya at ang kaniyang iba pang mga anak ay naitago naman ng isa pang Saksi nang magsibalik ang mga kriminal upang hanapin sila.
Isa pang pamilya ang dumating sa sangay kasama ang isang mamamahayag na di pa bautismado na nakatulong sa kanila upang maligtas ang nasabing mamamahayag buhat sa pagpatay sa kaniya ng kaniyang mga katribo. Pagkatapos, nang magbago ang kalagayan at napasapanganib ang di pa bautismadong mamamahayag, siya ay iniligtas ng pamilya buhat sa kanilang mga katribo.
Paulit-ulit, kinakausap ng mga misyonero ang mga armadong lalaki sa pintuan ng tanggapang sangay upang tingnan kung sila’y mapakikiusapan na huwag nang halughugin o pagnakawan ang loobang iyon. Minsan isang nagagalit na grupo ang biglang pumasok, kami’y tinutukan ng baril at iginigiit na aming itinatago ang mga miyembro ng isang partikular na tribo. Sila’y nagulat nang makita ang pagkamahinahong kilos ng lokal na mga Saksi, sila’y nakaupo nang tahimik at nakikinig sa pulong ng mga Kristiyano na idinaraos namin noon. Kanilang hinalughog ang bahay ngunit hindi nila nakita ang kanilang hinahanap. Sa tuwina’y nagawa namin na tiyakin sa mga mapanghimasok na iyon na kami’y walang itinatagong mga kawal o sinumang kaaway nila. Bilang mga Kristiyano kami ay walang pinapanigan.
Minsan sa panahon ng isang matindihang paglalabanan, isang grupo ng mga Saksi ang dumating sa sangay na may dalang isang kapatid na may sakit na kanser na mayroon nang taning. Nakalulungkot sabihin, hindi nagtagal at siya’y namatay. Isang paglilibingan ang hinukay sa looban, at ang paglilibing ay tigib ng emosyon! Ang kapatid ay isa sa aming pinakamahusay na lokal elder, na marami nang mga taóng naglilingkod nang may katapatan. Mga isandaang kataong naapektuhan ang nagtipon doon sa may bulwagan para makinig sa pahayag bilang pag-aalaala, samantalang maririnig ang putukan sa palibot.
Pagkuha ng Pagkain at Tubig
Lubhang limitado ang panustos na pagkain. Kahit na bago nagsimula ang digmaan, ang mga mangangalakal ay tumigil ng pag-angkat ng mga kalakal. Sa gayon, kakaunti-kaunting pagkain ang natira sa siyudad. Ang aming panustos na pagkain sa sangay ay tatagal sana ng maraming buwan para sa 12 miyembro ng pamilya, subalit kung minsan hanggang 200 katao ang kasama namin, kasali na ang di-Saksing mga kapitbahay na talagang nangangailangang tulungan. Bawat isa ay limitado sa minsanan lamang na pagkain nang bahagya sa isang araw; kami naman ay nabuhay sa gayong mga rasyon na umabot ng maraming buwan. Lahat ay gutom. Ang mga sanggol ay butu’t balat na lamang, na malatang-malatang kalong ng kani-kanilang magulang.
Di-nagtagal at ang aming panustos na pagkain ay paubos na. Saan kaya kami makakakuha ng karagdagan pa? Walang bukás na mga tindahan sa Monrovia. Saan ka man tumingin, mga taong gutom ang pagala-gala sa mga lansangan sa paghahanap ng pagkain. Ano mang naroon ay kinakain ng mga tao—kasali na ang mga aso, pusa, at daga. Dalawang misyonero buhat sa sangay ang nagpasiya na subukang pumaroon sa Kakata, isang bayan na mga 60 kilometro ang layo, kung saan huminto na ang pagbabaka.
Sila’y nagkabit ng mga magasing Bantayan at mga paunawa sa mga bintana ng kotse upang ipakilala ang kanilang sarili bilang mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos makalampas sa iba’t ibang mga checkpoint, sila’y pinahinto at pinagtatanong ng isang lalaking may matipunong pangangatawan, at may nakasabit na mga granada sa kaniyang dibdib at isang rebolber sa kaniyang tagiliran. Ang kanilang sarili’y ipinakilala nila bilang mga Saksi ni Jehova at kanilang sinabi sa kaniya na ibig nilang pumaroon sa Kakata para kumuha ng pagkain.
“Sumunod kayo sa akin,” ang sabi niya. “Ako ang komander ng labanan dito.” Sila’y kaniyang isinama sa kaniyang kuwartel. Nang mapag-alaman niya na sila’y kumukupkop ng mga taong nagsilikas, iniutos niya sa kaniyang mga tauhan na dalhin sa aming sangay ang 20 sakong bigas, na may timbang na 45 kilo ang bawat isa! At, sila’y binigyan ng permiso na makapunta sa Kakata, at isang armadong guwardiya ang inatasang sumama sa kanila upang makalampas nang ligtas sa natitira pang mga checkpoint.
Sa Kakata kanilang natagpuan ang aming kapatid na Kristiyanong si Abraham na may-ari ng isang tindahan. Siya’y nagsalansan ng kahon-kahong pagkain para sa amin, kasali na roon ang gatas na pulbos, asukal, mga gulay na de-lata, at iba pang kinakailangang mga panustos. Tunay na kahanga-hangang makita ang paraan ng pangangalaga sa ating mga kapatid sa kanilang paglalakbay. Tiyak na si Jehova ay nalulugod sa pagkakita na aming binahaginan ng aming pagkain ang aming mga kaibigan at mga kalapit-bahay, sapagkat ngayon ang aming mga paubos nang mga panustos ay muling sinasapatan.—Kawikaan 11:25.
Sa kabilang panig ng Monrovia, ang mga misyonero sa isang tahanang misyonero ay nag-aasikaso rin ng mga nagsilikas, at sila’y tumanggap din ng tulong buhat sa mga di-inaasahang magkakaloob niyaon. Halimbawa, isang misyonero ang binigyan ng tatlong sakong bigas ng isang sundalo na nakaalaala sa kaniya mula pa nang siya’y naglilingkod sa lugar ng sundalo noong nakalipas nang mga 16 na taon. Isa pang misyonero ang binigyan ng apat na sakong bigas pagkatapos ng isang personal na pakikipagpanayam sa lider ng isa sa mga tribo na nakikipagdigma.
Minsan waring kakailanganin na kami’y lumikas buhat sa sangay dahilan sa kakapusan sa tubig. May panahon na ang aming balon ang tanging pinagkukunan ng tubig na maiinom ng marami sa pamayanan. Datapuwat, ang panustos na gasolina para sa planta ng generator ng koryente para sa aming pambomba ay nagsimulang maubos. Nang isang lalaki na binigyan ng proteksiyon sa sangay noong mga unang araw ng paglalabanan ang nakabalita ng aming suliranin, kami’y inihanap niya ng gasolina bilang pagpapasalamat sa aming ginawa para sa kaniya, kaya kami’y patuloy na may pinagkunan ng panustos na tubig.
Pananatiling May Espirituwal na Lakas
Nang ang huli sa amin na mga misyonero ay pag-utusan na lisanin na ang Liberia sa Oktubre 1990, ang pangunahing nasa isip namin ay, Papaano kaya haharapin ito ng aming mga kapatid? Buhat sa mga pag-uulat na aming tinanggap sapol noon, maliwanag na sila’y nagpatuloy na abala sa ministeryo.
Bago nagkadigma ang katamtamang bilang ng oras na ginugol sa ministeryo ng bawat Saksi ay humigit-kumulang 17 bawat buwan. Subalit, noong panahon ng digmaan, sa kabila ng parating pangangailangan na humanap sa gubat ng makakain, ang mga Saksi sa ibang kongregasyon ay nakapag-ulat sa katamtaman ng mahigit na 20 oras bawat mamamahayag! Isa pa, dahilan sa kakulangan ng mga magasing Bantayan, marami sa ating mga kapatid na babae ang kumopya ng mga artikulong aralin sa pamamagitan ng sulat-kamay at upang magkaroon ng higit pang mga kopya na maaaring ipagpasa-pasa para sa pag-aaral sa Linggo.
Sa apat na kongregasyong pinakamalapit sa Monrovia ay nagdagsaan ang mga Saksi na nagsitakas buhat sa labanan sa siyudad. Ang mga kaibigang ito ay nawalan ng lahat ng kanilang mga ari-arian, yamang hindi na sila nakabalik pa sa kanilang mga tahanan upang kumuha ng anumang mabibitbit. Sa katunayan, sa loob ng mga buwan marami ang nasa magkasalungat na panig sa larangan ng labanan katapat ng kanilang sariling mga anak at mga magulang sa larangan ng digmaan! Para sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus noong Marso 30, ang apat na kongregasyong ito ay nagkaroon ng kabuuang bilang na 1,473 nagsidalo.
Ang 300 o higit pang mga Saksi na nanatili sa Monrovia ay gumawa ng isang pantanging pagsisikap na mag-auxiliary pioneer noong buwan ng Memoryal, bagaman mga ilang linggo lamang bago noon, sila ay totoong nanghina ang mga pangangatawan dahil sa gutom na anupa’t halos hindi sila makalakad. Sila’y puspusang nagpagal upang mag-anyaya ng mga tao para dumalo sa Memoryal, at 1,116 ang dumalo.
Isang elder na Kristiyano sa Monrovia ang may ganitong paliwanag: “Kami’y nagpasiya na magsimula na magpulong muli sa aming Kingdom Hall pasimula sa Disyembre 1990. Ang unang bilang ng mga dumalo ay 17. Nang malaunan ay umabot ito sa 40, at kami’y namalaging nasa mga 40 sandali. Pagkatapos noong Pebrero 24, ang bilang ng mga dumalo sa amin ay umabot sa 65 at makalipas ang isang linggo ay naging 85. Gayundin, halos lahat sa kongregasyon ay tumugon sa panawagan na mag-auxiliary pioneer sa Marso.”
Pag-iintindi sa Iba
“Ang aming mga kapatid sa iglesiya ay abala sa pagpapatayan noong panahon ng digmaan,” ang sabi ng isang di-Saksing kamag-anak ng isa sa mga Saksi, “kailanman ay walang panahon para sa mga kapuwa mananampalataya.” Ngunit anong laking kaibahan ang kalagayan kung tungkol sa bayan ni Jehova!
Halimbawa, ang chairman ng tumutulong na mga naatasan sa pamayanan ay sumulat sa mga kapatid na nag-aasikaso sa sangay noong Pebrero 1991: “Ang liham na ito ay nagsisilbing isang tanda ng pasasalamat at pagpapahalaga sa inyo at sa inyong institusyon para sa mga pasilidad sa bodega na patuloy na ibinibigay ninyo sa amin sa panahon ng pamamahagi ng pagkain sa aming mga tauhan. Ang inyong pagkakawanggawa ay nagpapakita ng inyong kaluguran bilang isang Samahan na magdala ng kapayapaan at kabutihang-loob sa bansa. Pakisuyo pong ipagpatuloy ang inyong mabuting paglilingkod.”
Ang mga Saksi ni Jehova sa ibang mga bansa ay dagling tumugon sa mga pangangailangan ng kanilang mga kapatid sa Liberia. May nanggaling na mga tulong sa mga bansa tulad ng Sierra Leone at Côte d’Ivoire sa Kanlurang Aprika, sa Netherlands at Italya sa Europa, at sa Estados Unidos.
Isang munting batang babae, na ang ina ay pinaslang dahilan sa siya’y isang miyembro ng kinapopootang tribo, ang nagpasalamat dahil sa tulong na kaniyang tinanggap. Siya’y sumulat: “Marami pong salamat sa lahat ng bagay na ipinadala ninyo sa akin. Dahil sa inyong ginawa ay nadarama kong si Inay ay nariyan lamang. Siya at ang aking munting kapatid na lalaki ay namatay sa gera. Hinihiling ko kay Jehova na pagpalain kayong lahat. Ako’y 11 taóng gulang.”
At nagpasasalamat din dahil sa tulong na kaniyang tinanggap, isang kapatid na may pamilyang anim katao at ang asawa’y kinailangang magtago nang mga ilang buwan dahil sa kaniyang tribo na pinagmulan ang sumulat: “Kami’y hindi pilit na pumasok sa mga tahanan ng mga tao upang magnakaw at ipagbili ang kanilang mga ari-arian ngunit, di-tulad ng aming mga kapitbahay, mayroon naman kaming nakakain araw-araw sapagkat alam namin kung papaano gagamitin nang may katalinuhan ang kaunti na mayroon kami. Ito ay aming natutuhan buhat kay Jehova.”
Lubhang kahanga-hanga rin ang espiritu ng isang kapatid na tumakas at pumaroon sa Côte d’Ivoire kasama ang kaniyang maybahay at dalawang anak. Iniwanan niya ang isang magandang bahay na nang bandang huli ay nasunog naman. Gayunman ay sinabi niya na ang totoong masakit ay ang pagkawala, hindi ng kaniyang bahay, kundi ng kaniyang aklatang teokratiko!
Natutuhang Mahalagang mga Aral
Sa paglingon ko sa nakaraan, naunawaan ko na kami’y tinuruan ni Jehova ng maraming mahalagang mga aral. Sa personal na pagkakilala sa marami na nanatiling tapat at nakaligtas, at gayundin sa iba na nanatiling tapat at nangamatay, natuto akong pahalagahan ang pagkakaroon ng kaisipan ni apostol Pablo, na sumulat: “Kung nabubuhay man tayo, tayo ay nabubuhay kay Jehova, at kung mamatay man tayo, tayo ay namamatay kay Jehova. Samakatuwid, sa mabuhay man tayo o sa mamatay man tayo, tayo ay kay Jehova.”—Roma 14:8.
Isa pang matagal nang misyonero ang nagsabi: “Sa lahat ng ito, ating natutuhan na si Jehova ay isang Katulong na walang kaparis. Gaya ng sinabi ni Pablo: ‘Aming nadama sa aming sarili na tinanggap na namin ang sintensiyang kamatayan. Ito’y upang huwag kaming magtiwala sa aming sarili, kundi sa Diyos na bumubuhay-muli sa mga patay.’ ” (2 Corinto 1:9; Awit 30:10) Kaniyang isinusog: “Nilinaw na mabuti sa amin ng digmaan na ang bayan ni Jehova ay tunay na isang pagkakapatiran, na nabibihisan ng mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig na idiniin ni Jesus.”—Juan 13:35.
Isang liham buhat sa isang sister sa Liberia para sa ilan sa amin na mga misyonero na kinailangang lumisan sa bansa nang naglalabanan noong Oktubre 1990 ang buong inam na nagpapakita ng tibay ng ating pagkakapatirang Kristiyano. “Ang dalangin ko ay na kayong lahat ay magbalik sa Liberia sa madaling panahon at tayo’y magkaroon ng isang asamblea,” ang isinulat niya. “Oh! Hindi ko na mahintay ang araw na iyan. Kahit na lamang ang isipin iyon ay nagpapaligaya sa akin.”
Oo, kahanga-hangang makita ang karaniwang rutina ng gawaing Kristiyano na lubusang naisauli sa Liberia. Ang ating sister ay tama ang sabi; ang unang asamblea sa Monrovia pagkabalik ng mga misyonero at ng iba pang nagsilikas ay magiging masaya. Hindi mapagdududahan iyan!
[Mapa sa pahina 27]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
LIBERIA
Monrovia
Kakata
Gbarnga
Ganta
SIERRA LEONE
GUINEA
CÔTE D’IVOIRE
Atlantic Ocean
[Larawan sa pahina 28]
Mga anak ng nagsilikas na mga Saksi sa tanggapang sangay sa panahon ng digmaan
[Larawan sa pahina 31]
Ang mga nagsilikas na taga-Liberia na namimili ng gusto nila sa mga damit na donasyon ng mga Saksi sa Côte d’Ivoire