Ang mga Larawan ba’y Higit na Makapaglalapit sa Iyo sa Diyos?
MARAMING mga Ehipsiyo, Babiloniko, at Griego na mga imahen ang matatagpuan sa mga museo sa ngayon. Mga rebulto na dati’y pinag-uukulan ng taimtim na pagsamba ang ngayon ay nakadispley bilang hamak na mga gawa ng sinaunang sining. Ang kanilang lakas ay naroon lamang sa guniguni ng mga sumasamba sa kanila. Sa isa-isang pagpanaw ng mga bayan na sumasamba sa kanila, ang ipinagpapalagay na kapangyarihan ng mga imaheng ito ay pumanaw na rin. Ang mga imahen ay nabunyag bilang mga walang taglay na kapangyarihan—na totoo naman sa tuwina—walang buhay na mga bagay na kahoy, bato, o metal.
Kumusta naman ang mga imahen na pinakadadakila at sinasamba ng mga tao sa ngayon? Ang mga imahen bang ito ay lalong higit na makapangyarihan kaysa sinaunang mga imahen ng mga Ehipsiyo, Babiloniko, at mga Griego? Ang mga ito ba ay talagang naging kasangkapan sa pagtulong sa tao upang lalong mapalapít sa Diyos?
Sa paglipas ng bawat salin ng lahi, ang sangkatauhan ay waring palayo nang palayo sa Diyos. At ano ang magagawa tungkol dito ng mga imahen sa daigdig? Kung basta pababayaan, aalikabukin lamang ang mga ito at sa katapus-tapusan ay kakalawangin o mabubulok. Ang mga ito ay hindi makapangangalaga sa kanilang sarili, at lalo na hindi makagagawa ng ano pa man para sa mga tao. Subalit, ang lalong mahalaga, ano ba ang sinasabi ng Bibliya sa bagay na ito?
Magastos, Magara, Ngunit Walang-kabuluhan
Hindi naman kataka-taka, ibinubunyag ng Bibliya ang mga imahen bilang walang-kabuluhan at walang magagawang anuman sa pagtulong sa kanilang mga deboto na lalong mapalapít sa Diyos. Bagaman ang relihiyosong mga imahen ay karaniwang magastos at magara, ipinakikita ng Bibliya ang kanilang tunay na halaga sa pagsasabi: “Ang kanilang mga idolo ay pilak at ginto, gawa ng mga kamay ng makalupang tao. Mayroon silang bibig, ngunit hindi makapagsalita; mga mata ay mayroon sila, ngunit hindi makakita; mayroon silang mga tainga, ngunit sila’y hindi makarinig. Ilong ay mayroon sila, ngunit hindi makaamoy. Mayroon silang mga kamay, ngunit hindi makaramdam. Mayroon silang mga paa, ngunit hindi makalakad; walang lumabas na tinig sa kanilang lalamunan. Ang mga nagsisigawa sa kanila ay magiging katulad nila, lahat niyaong mga nagtitiwala sa kanila.”—Awit 115:4-8.
Hindi lamang ibinubunyag ng Bibliya na ang mga idolo ay walang-kabuluhan kundi isinusumpa rin nito ang mga imahen at ang kanilang mga mananamba: “Sila’y katulad ng isang panakot ng ibon sa isang taniman ng mga pipino, at hindi makapagsalita. Kinakailangan pang pasanin, sapagkat hindi makalakad. Huwag ninyong katakutan ang mga iyon, sapagkat hindi makagagawa ng kasamaan at, higit diyan, hindi rin makagagawa ng anumang mabuti. Bawat tao ay kumilos nang walang katuwiran gaya ng walang kaalaman. Bawat panday ay tiyak na mapapahiya dahilan sa inanyuang larawan; sapagkat ang kaniyang larawang binubo ay isang kabulaanan, at walang hininga ang mga iyan. Sila’y walang-kabuluhan, isang gawang pandaraya.”—Jeremias 10:5, 14, 15.
Ang Paniwalang Katoliko
Totoo naman, na maraming tao na yumuyuko, nananalangin at nagsisindi ng kandila, at humahalik sa mga imaheng relihiyoso ang hindi naniniwalang sila’y mga idolatroso o mga mananamba sa imahen. Halimbawa, inaangkin ng mga Katoliko na sila’y nagbibigay-galang sa mga imahen ni Kristo at ni Maria, hindi dahilan sa ang mga imahen ay may anyo ng pagka-Diyos, kundi dahilan sa kung sino ang kinakatawan ng mga imahen. Ang The World Book Encyclopedia ay nagsasabi na “sa Iglesiya Katolika Romana, ang mga imahen ay binibigyang-galang bilang mga simbolo ng mga taong kinakatawan nila.” Ang klerong Katoliko ay nangangaral na tumpak naman na bigyang-galang ang isang imahen habang ang pagbibigay-galang ay mas mababa ang uri kaysa ibinibigay sa Diyos mismo.
Ang katotohanan ay na sinasamba nga ang mga imaheng ito. Kahit na ang New Catholic Encyclopedia ay aminado na ang ganiyang pagbibigay-galang ay “isang gawang pagsamba.” Gayunman, ipinakita ni Jesu-Kristo na hindi dapat gumamit ng mga imahen bilang pantulong sa paglapit sa Diyos nang kaniyang sabihin: “Walang sinumang makalalapit sa Ama maliban sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6) Kung gayon, hindi nga kataka-taka na itinakwil ng mga Kristiyano noong unang siglo ang paggamit ng mga imahen sa pagsamba.
Sa kabila nito, ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay nakauulos sa lahat ng paggamit ng napakaraming mga imahen. Oo, sa kabila ng lahat ng makasaysayan at mga maka-Kasulatang ebidensiya na nagbubunyag sa kawalang-kabuluhan ng pagsamba sa isang imahen, ang nag-aangking mga Kristiyano sa buong daigdig ay nagpapatuloy na yumukod at magdasal sa harap ng mga imahen sa kanilang taimtim na paghanap sa Diyos. Bakit?
Nabighani ng Isang Kaaway
Sinabi ni propeta Isaias na ang mga mananamba sa imahen noong kaniyang kaarawan ay bulag sa kanilang ginagawang walang-kabuluhan dahilan sa ang kanilang mga mata ay “nakukulapulan ng dumi upang huwag makakita, pati kanilang mga puso upang huwag silang makaunawa.” (Isaias 44:18) Sino ang posibleng makaimpluwensiya sa mga tao? Ang ikonoklastikong konsilyo ng 754 C.E. ay nagpahayag na ang pagsamba sa mga imahen ay ipinasok ni Satanas sa layunin na mabighani ang tao upang mailayo sa tunay na Diyos. Tama ba ang ganitong konklusyon?
Oo, sapagkat ito’y kasuwato ng kinasihang Bibliya, na doo’y sinabing mga ilang siglo pa bago noon ang pangunahing kaaway ng Diyos, si Satanas na Diyablo, “ang bumulag sa pag-iisip” ng mga tao upang ang katotohanan ay “huwag sumikat doon.” (2 Corinto 4:4) Samakatuwid pagka sinasamba ang isang imahen, imbes na mapalapít sa Diyos, ang isang tao ay aktuwal na naglilingkod sa kapakanan ng mga demonyo.—1 Corinto 10:19, 20.
Ang Pagiging Lalong Malapít sa Diyos
Ang mga imahen ay hindi makatutulong sa atin upang maging malapít sa Diyos. Ang Dakilang Maylikha, ang Diyos na Jehova, ay nasusuklam sa pagsamba sa mga imahen. (Deuteronomio 7:25) “Si Jehova ay isang Diyos na humihiling ng bukud-tanging debosyon.” (Nahum 1:2) Kaniyang sinasabi: “Ako ay si Jehova. Iyan ang aking pangalan; at sa kaninuman ay hindi ko ibibigay ang aking sariling kaluwalhatian, ni ang aking kapurihan man sa mga larawang inanyuan.” (Isaias 42:8) Kaya naman, ang Bibliya ay nagbibigay-babala na yaong sumasamba sa mga imahen “ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—Galacia 5:19-21.
Sa kabila nito, si Jehova rin ay Diyos na maawain at nagpapatawad. Ang Bibliya ay may binabanggit tungkol sa mga taong bumaling sa Diyos pagkatalikod sa kanilang mga idolo at inaring matuwid pagkatapos huminto sa kanilang mga gawang pagsamba sa idolo. (1 Corinto 6:9-11; 1 Tesalonica 1:9) Kanilang pinakinggan ang mga salita ni Jesus: “Ang Diyos ay isang Espiritu, at ang mga sumasamba sa kaniya ay kailangang sumamba sa espiritu at katotohanan.”—Juan 4:24.
Ang isang taimtim na pag-aaral ng Bibliya ay magsisiwalat na hindi mahirap na lumapit sa Diyos. (Gawa 17:26-28) Siya ay may mainit, maibiging personalidad, na madaling lapitan, at tayo’y inaanyayahan niya at inaasahan niya na magpapaunlad ng isang matalik na kaugnayan sa kaniya.—Isaias 1:18.
Ang mga Saksi ni Jehova ay nag-aanyaya sa inyo na kumuha ng kaalaman tungkol sa ating makalangit na Ama bilang isang Persona, matuto tungkol sa kaniyang pangalan, na Jehova, at tungkol sa kaniyang mga katangian at mga pakikitungo sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng mga pahina ng kaniyang Salita, ang Bibliya, mauunawaan ninyo kung bakit talaga namang hindi kayo nangangailangan ng nakikitang mga pantulong, tulad halimbawa ng mga rebulto at mga larawan, upang makalapit sa Diyos. Oo, kayo’y “lumapit sa Diyos, at siya’y lalapit sa inyo.”—Santiago 4:8.
[Kahon sa pahina 6]
Napansin ng mga Historyador Na . . .
◻ “Isang kilalang katotohanan na ang Buddhismo, itinatag noong ikaanim na BCE, ay hindi nakakita ng unang larawan ng kaniyang tagapagtatag kundi noong mga unang siglo CE.”
“Sa loob ng daan-daang taon, ang tradisyong Hindu ay aniconic [walang mga idolo o mga imahen].”
“Ang Hinduismo at ang Buddhismo ay kapuwa nagsimula na walang mga idolo at unti-unti lamang tumanggap ng mga imahen sa kanilang mga pagsamba. Ganiyan din ang Kristiyanismo.”—The Encyclopedia of Religion, ni Mircea Eliade.
◻ “Buhat sa sari-saring Biblikong pag-uulat ay maliwanag na ang tunay na pagsamba sa Diyos ay walang ginagamit na mga imahen. . . . Sa BT (Bagong Tipan), dito man, ang pagsamba sa mga diyus-diyusan at mga idolo ay ibinabawal.”—New Catholic Encyclopedia.
◻ “Ang mga imahen ay di-kilala sa pagsamba ng mga unang Kristiyano.”—Cyclopedia of Biblical, Theological, and Ecclesiastical Literature, ni McClintock at Strong.
◻ “Maging sa Bagong Tipan, o sa anumang tunay na mga kasulatan ng unang panahon ng Kristiyanismo, ay walang matutuklasang anumang bakas ng paggamit ng rebulto o mga larawan sa pagsamba ng mga Kristiyano, maging publiko man o pribado.”—A Concise Cyclopedia of Religious Knowledge, ni Elias Benjamin Sanford.
◻ “Ang sinaunang mga Kristiyano ay tunay na mangingilabot kahit na lamang sa pagmumungkahing maglagay ng mga imahen sa mga simbahan, at ituturing nilang ang pagyukod o pananalangin sa harap ng mga iyan ay mismo na ring idolatriya.”—History of the Christian Church, ni John Fletcher Hurst.
◻ “Sa sinaunang simbahan, ang paggawa at pagsamba sa mga larawan ni Kristo at ng mga santo ay sinasulangat sa tuwina.”—The New Encyclopædia Britannica.
◻ “Bagaman ang sinaunang Iglesiya ay hindi tutol sa sining, gayunman ay wala itong mga imahen ni Kristo.”—Schaff-Herzog Encyclopedia of Religious Knowledge.
[Larawan sa pahina 7]
Ipinakadiin ni Jesus na ang hinahanap ng Diyos ay yaong mga “sumasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan”