Ang “Tubig ng Buhay” ay Bumubulubok sa Cape Verde
“ANG pag-iral at gawang pagsamba ng mga Saksi ni Jehova sa Cape Verde sapol noong taóng 1958 ay isang kapuna-punang pangyayari,” ang paliwanag ng ministro ng hustisya ng Republika ng Cape Verde. Ang tinutukoy niya ay dalawang Saksi na tinawag sa kaniyang tanggapan. “Aming ikinalulungkot na napakatagal bago legal na kinilala ang mga Saksi ni Jehova,” isinusog niya.
Ang miting na iyon, na ginanap noong Nobyembre 30, 1990, ay mahirap malimutan ng mga Saksi ni Jehova sa Cape Verde. Iyon ay isang palatandaan ng opisyal na pagkilala sa kanila bilang isang legal na samahang relihiyoso sa bansang iyan. Gayunman, sa dalawang Saksing naroroon ay para bang may himig iyon na isang nakapupukaw na personal na karanasan, sapagkat noong 1958 nangyari na isa sa kanila—si Luis Andrade—ay nakatagpo ng mga ilang literatura sa Bibliya na lathala ng Watch Tower Society. Pagkatapos na basahin ang mga publikasyon mula sa pasimula hanggang katapusan, kaniyang nabatid na nasumpungan na niya ang katotohanan. May pananabik, ang kaniyang natutuhan ay ibinahagi niya kay Francisco Tavares, isang malaon nang kaibigan. Sa sumunod na mga ilang taon, kapuwa sila nagpatuloy na pawiin ang uhaw sa tubig ng katotohanan sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga magasing Bantayan at Gumising!, na tinanggap sa pamamagitan ng suskripsiyon. Makalipas ang sampung taon, noong 1968, sila’y nabautismuhan noong unang dumalaw ang isang naglalakbay na tagapangasiwa sa Cape Verde.
Kinilala ng mga kapatid na Andrade at Tavares ang kanilang pananagutan na magkaroon ng bahagi sa paghahayag ng paanyaya: “Halika! . . . kumuhang walang bayad ng tubig ng buhay.” (Apocalipsis 22:17) Sila’y handang tanggapin ang hamon ng kanilang kalat-kalat at mahirap gawing teritoryo. Ang Cape Verde ay binubuo ng sampung mga pangunahing isla at may kasama pang ilang maliliit na isla sa Karagatang Atlantiko, mga 560 kilometro sa gawing kanluran ng Dakar, Senegal. Ang pangalang Cape Verde, na nangangahulugang “Berdeng Lungos,” ay sa simula ikinapit ang pangalan sa peninsula sa baybayin ng Aprika. Gayunman, ang mga islang ito ay hindi naman berde, palibhasa’y bahagyang umulan doon, at ang 350,000 naninirahan doon ay kumikita nang sapat lamang na ikabuhay buhat sa tigáng na lupain.
Sa nakaraang 30 taon, ang mga misyonero at mga espesyal payunir ay gumawang puspusan bilang buong-panahong mga ministro sa pagdadala ng tubig ng buhay sa mga tagaisla. Ano ba ang naging bunga ng gayong pagpapagal? Kamakailan, isang naglalakbay na tagapangasiwa buhat sa Portugal ang dumalaw sa mga kongregasyon sa Cape Verde. Hayaan nating ibinida niya sa atin ang kaniyang nasumpungan.
Nakapakinig ng “Dalisay na Wika” ang São Vicente
Ang unang dinalaw namin sa Cape Verde ay ang siyudad ng Porto Grande sa São Vicente Island. Sa aming pagbibiyahe mula sa airport hanggang sa bayan, nakita namin ang mabatong tabing-burol na natatakpan ng buhangin na inilipad doon ng hangin. Sa Hilagang Aprika ay nakarating na hanggang sa mga isla ng Cape Verde ang lumalawak na disyerto! Mula Disyembre hanggang Pebrero, ang harmattan—ang mainit, tigáng na hangin buhat sa Sahara—ay umiihip at tumatawid sa karagatan at tinatabunan ang mga isla ng sapin-saping buhangin at alikabok. Kung minsan ang tumatakip na alikabok ay napakakapal anupa’t hindi makalipad ang mga eruplano. Ang kaunting natitirang mga pananim ay natutuyo pagka sumapit na ang harmattan.
Gayunman, sa espirituwal na pangungusap, mayroon din doong mapagkukunan ng tubig. Ang mga Saksi ni Jehova ay nakapagtatag na ng dalawang kongregasyon sa Porto Grande, at 167 mamamahayag ng Kaharian ang abala ng pagdadala ng nagbibigay-buhay na tubig ng katotohanan sa 47,000 naninirahan sa São Vicente Island. Kung mga dulo ng sanlinggo, mga 400 katao ang dumadalo sa mga pulong tungkol sa Bibliya sa Kingdom Hall.
Sa sanlinggong mga pagdalaw, may pangkatapusang mga paghahanda para sa Pandistritong Kombensiyon ng “Dalisay na Wika” na gaganapin sa pinakamagaling na teatro sa lungsod. (Zefanias 3:9) Kasama ng lokal na mga tagaroon, mga delegado buhat sa mga isla ng Santo Antão at São Nicolau ang nag-akyat sa bilang ng mga dumalo sa sukdulang 756. Dalawampu’t-apat katao ang nabautismuhan. Sa programa ay kasali ang isang drama sa Bibliya na itinanghal ng mga Saksi. Isang lalaki na siyang direktor sa pag-eensayo para sa isang gagawing pelikula ang dumalo sa drama at ang sabi: “Kami’y nagsasanay sa loob ng isang taon at kahit na gayon ay mayroon kaming maraming suliranin. Ang mga nagsilabas sa inyong drama ay mas magagaling pa gayong mayroon lamang dalawang buwan silang nagsanay.” Sa matagumpay na pagtatapos ng kombensiyon, panahon na para sa amin na lumipat sa siyudad ng Praia, ang kabisera ng Republika ng Cape Verde, sa isla ng São Tiago.
Isang Nilinis na Bayan
Noong nakaraang mga taon maraming residente ng mga ibang isla ang nagsihugos sa kabisera sa paghahanap ng mapapasukang trabaho. Kaya naman, libu-libong primitibong bahay kubo ang itinayo sa may labas ng siyudad, na lalo pang naging sanhi ng pagdarahop ng limitadong panustos na tubig at mga paglalaan sa sanitasyon. Upang maragdagan pa ang kanilang kita, maraming pamilya ang nag-aalaga ng mga kambing, baboy, at manok. Pangkaraniwan na makikita ang mga ito na libreng pagala-gala sa mga lansangan. Ito’y naging sanhi ng pagkalat ng sakit.
Gayunman, sa kabila ng gayong mahihirap na kalagayan ay mayroon na ngayong dalawang lumalagong kongregasyon sa Praia, na may kabuuang 130 mamamahayag ng Kaharian. Ang maligayang mga Saksing ito ay tunay na ‘nakinabang sa ganang sarili nila’ sa pamamagitan ng pagkakapit ng kanilang natutuhan buhat sa Bibliya. Sa pagsisikap na maging isang bayang malinis at banal, ang ating mga kapatid at ang kanilang mga anak ay nagtamasa ng lalong mainam na kalusugan, kapuwa sa espirituwal at sa pisikal. Bagaman’t mahirap ang kanilang buhay, sila’y mayaman naman sa espirituwal.—Isaias 48:17; 1 Pedro 1:15, 16.
Sa aming pagdating, ang mga kapatid ay abala ng paghahanda para sa kanilang pandistritong kombensiyon. Mga Saksi at mga taong interesado sa buong São Tiago at gayundin sa mga isla ng Sal at Fogo ang patungo na noon sa kombensiyon, at sila’y pinagpala ni Jehova ng pinakamaraming bilang ng dumalo na 472. Bawat isa ay totoong maligaya, kasali na ang maraming bata na nangakangiti! Samantalang kami ay nakaupo sa gitna ng pulutong na iyon na matamang nakikinig, maliwanag na hindi natin dapat hamakin “ang araw ng maliliit na mga bagay.” (Zacarias 4:10) Lahat na ito ay nanggaling lamang sa dalawa katao na natuto ng katotohanan mahigit na 30 taon na ngayon ang nakalipas!
Bago lisanin ang isla, kami’y dumalaw sa dalawang maliliit na grupo, ang Vila Assomada at Tarrafal, sa labas ng siyudad. Ang isla ay maburol, baog, at tigáng. Subalit kalat-kalat, aming nakita ang luntiang maliliit na mga taniman ng sariwang mga gulay at ang mga punungkahoy—mga ektarya ng mga punong niyog, saging, papaya, mangga, at iba pa. Naalaala tuloy namin ang hula ni Isaias na nagsasabing balang araw maging ang disyerto man ay mamumukadkad. (Isaias 35:1) Tulad ng isang sariwang damuhan, kahit na ngayon pa ang dalawang maliit na grupo ng mga Saksi ay naghahandog ng saganang espirituwal na pagkain at inumin sa libu-libong namumuhay roon, wika nga, sa isang espirituwal na lupaing tigáng.
Nag-aapoy na Sigasig sa Fogo Island
Ang susunod na isla ay ang Fogo, na ang ibig sabihin ay “apoy.” Ang pinagmulang bulkan nito ang nagpapaliwanag sa pangalang yaon. Ang Cano Peak ay isa pa ring aktibong bulkan. Ito’y nakaangat sa dagat sa halos korteng balisunsong at umaabot sa taas na 2,800 metro. Ang isla ay kararanas lamang ng sapat na pag-ulan, ang kauna-unahan sa gayong kalakas na pag-ulan sa loob ng lumipas na mga taon. Nakaranas ng kaginhawahan ang mga mamamayan, at sila’y abalang-abala sa kanilang pag-aasikaso sa kanilang tanim na mga beans at kasaba, mga pangunahing pagkain sa Cape Verde.
Gayunman, ang mapagpahalagang mga taong ito ay hindi naman totoong magawain upang huminto at kumuha ng tubig ng katotohanan buhat sa Bibliya. Nagawa namin na makipagpulong sa tatlong iba’t ibang mga grupo, bagama’t napakahirap na marating sila sapagkat kakaunti ang mga kotse at nasa masamang kalagayan. Labis ang aming kagalakan nang sa kabuuan ay 162 katao ang dumalo sa mga pulong, sapagkat mayroon lamang 42 na mga mamahayag ng Kaharian sa isla. Ito’y nagbabadya ng sigasig ng maliit na grupong ito ng mga kapatid, na gumugugol ng sa katamtaman ay 15 oras bawat buwan sa pagdadala ng makasagisag na tubig ng katotohanan at ng buhay sa 32,000 naninirahan sa Fogo Island.
Pamumunga sa Isang Lupaing Katoliko
Kailangan pang dalawin namin ang ating mga kapatid sa mga isla ng Santo Antão at São Nicolau. Gaya ng ipinakikita ng mga pangalang ito, ang Iglesya Katolika Romana ay may impluwensiya sa mga isla sa loob ng mga siglo. Bagama’t ang Katolisismo ang nananatiling pangunahing relihiyon sa Cape Verde, maraming taimtim na mga tao ang bumabaling sa Bibliya ukol sa pagkuha rito ng nakarerepreskong tubig ng katotohanan.
Ang 49 na mga mamamahayag ng Kaharian sa dalawang maliliit na kongregasyon sa makabilang dulo ng Santo Antão ay puspusang nagpapagal upang matugunan ang espirituwal na mga pangangailangan ng 44,000 naninirahan doon. Nang 512 katao ang dumalo sa pahayag pangmadla sa Bibliya sa Porto Novo Congregation, nagliwanag sa 32 mamamahayag ng Kaharian doon na maraming tulad-tupang mga tao sa Santo Antão ang nauuhaw sa tubig ng katotohanan.
Ang gawain sa São Nicolau Island ay nagsimula mga ilang taon na ngayon nang isang payunir na sister sa Portugal sa pamamagitan ng pagsusulatan ay nagdaos ng isang pag-aaral sa Bibliya sa isang pamilya sa isla. Pagkatapos, noong 1978, isa pang payunir sa Portugal ang nagpasiyang bumalik sa kaniyang islang sinilangan, ang São Nicolau, upang ibahagi ang katotohanan sa Bibliya sa 15,000 tagaroon. Nang kaniyang idaos ang unang pulong sa Bibliya sa isla, ang dumalo ay isa lamang katao—siya! Subalit sinagot ng Diyos na Jehova ang maalab na mga panalangin na kaniyang inihandog sa pulong na iyon. Sa aming pagdalaw, ang 48 mamamahayag sa tatlong kongregasyon ay galak na galak na makita na sa kabuuan ay may 335 katao ang dumalo sa mga pulong.
Ang unang pansirkitong asamblea sa isla ay ginanap sa panahon ng aming pagdalaw, at ang lokal na teatro ay ipinagkaloob sa amin nang libre. Mga opisyales ng bayan ang naglaan ng public-address system at libreng transportasyon. Ang 19 na mamamahayag ng punong-abalang kongregasyon ang nag-asikaso sa matutuluyan ng 100 delegado at naghanda ng pagkain para sa 208 na dumalo. Sa kabila ng maraming kahirapan na napapaharap araw-araw sa ating mga kapatid, sila’y nag-abuloy sa Kingdom Hall Fund ng Samahan.
Ang magandang asal ng mga Saksi ni Jehova ay kilalang-kilala rito, at maraming maypatrabaho ang kumukuha sa kanila pagka nangangailangan ng mga manggagawa. Halimbawa, ang may-ari ng kaisa-isang istasyon ng gasolina sa isla ay kumuha ng isang Saksi upang magtrabaho para sa kaniya, yamang kailangan niya ang isang taong mapagtapat. Ang kapatid ay mayroon nang trabaho ngunit sinabi niya na titingnan niya kung makakikita siya ng iba. “Tangi lamang kung siya ay isang bautismadong Saksi!” ang iginiit ng may-ari. Makalipas ang dalawang buwan sinabi niya sa ating kapatid: “Ang mga Saksi ni Jehova ang tanging mga tao na dapat pahawakin ng pera!”
Ang Huling Dinalaw—Sal Island
Ang huling dinalaw namin sa paglalakbay na ito ay ang isla ng Sal. Ang ibig sabihin ng pangalang ito ay “asin,” at iyan ay kaagad nagpapahiwatig ng pangunahing industriya sa islang ito. Dito ang maliit na kongregasyon ay may 22 mamamahayag, na nagpapagal nang puspusan upang madala ang mensahe ng Kaharian sa 6,500 na mga naninirahan doon. Isang tunay na kaluguran na ibahagi ang mabuting balita sa mga tagaislang ito, sapagkat kami ay inanyayahang pumasok sa halos bawat tahanan at nakausap namin ang maraming miyembro ng sambahayan.
Ang pagdalaw sa Sal Island ang tumapos sa aming pagliliwaliw. Anong laking pagpapala ang gumawang kasama ng tapat na mga lingkod na ito ni Jehova sa Cape Verde! Mayroon na ngayong 531 mamamahayag ng Kaharian sa mga islang ito, at ang bilang na iyan ay tiyak na darami pa habang ang 2,567 katao na dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo noong 1991 ay nagpapatuloy na tumanggap ng espirituwal na mga biyaya. Bagama’t karamihan ng mga Saksi ni Jehova rito ay dukha sa materyal, sila naman ay mayayaman at sagana sa pagkaing espirituwal. At anong laki ng kanilang pasasalamat na pinangyayari ni Jehova na ang tubig ng buhay ay bumulubok nang sagana sa mga islang ito sa kaniyang ikaluluwalhati at ikapupuri!
[Mapa sa pahina 24]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
CAPE VERDE
SANTO ANTÃO
SANTA LUZIA
SÃO VICENTE
SÃO NICOLAU
SAL
BOA VISTA
SÃO TIAGO
FOGO
BRAVA
MAIO
Praia
Atlantic Ocean