Ang Hamon ng Pangangaral sa Isa sa Pinakamalaking Daungan sa Daigdig
ANG Rotterdam, na nasa hugpungan ng walang katigil-tigil na ilog sa Europa, ang Rhine, at ang North Sea, ay kilala bilang isa sa pinakamalaking daungan sa daigdig. Ngayong may mga 500 mga barkong dumaraong doon, ang Rotterdam ay tuwirang kaugnay ng mahigit na 800 mga daungan sa buong daigdig. Tunay na ito ay isang daungang pandaigdig.
Gayunman, ang 650-anyos na daungang Olandes ay hindi lamang pinagsasalubungang dako ng mga barko. Ito rin ay sentro na tagpuan ng mga tao. Walang patid ang dami ng mga marinong dumarating araw-araw at gabi-gabi buhat sa lahat ng sulok ng daigdig. Ang mga ito ay hindi kinaligtaan ng mga Saksi ni Jehova sa Netherlands. Tulad din ng mga Saksi saanmang lugar, sila’y humahanap ng mga paraan upang maipangaral ang pinakamagandang balita sa daigdig—na hindi na magtatagal at ang Kaharian ng Diyos ay gagawin ang lupa na isang Paraiso—sa lahat ng uri ng mga tao, kasali na ang mga marino.—Daniel 2:44; Lucas 23:43; 1 Timoteo 4:10.
“Atas Misyonero na Pabaligtad”
Mga ilang taon na ngayon, ang Watch Tower Society sa Netherlands ay nag-atas ng anim na buong-panahong mga mangangaral, o mga payunir, upang gumawa sa mga barko sa buong daungan ng Rotterdam. Buong-pananabik na sinamantala ng mga payunir ang pagkakataong iyon. Sila’y nagtipon ng mga impormasyon buhat sa mga autoridad sa daungan, sinurbey nila ang mga puwerto, at hindi nagluwat kanilang natalos na sila’y may isang atas na nagsisilbing hamon.
“Ito’y mistulang isang atas misyonero na pabaligtad,” ang sabi ni Meinard, na nagsasaayos sa pangangaral sa daungan. Ano ang ibig niyang sabihin? “Karaniwan nang ang isang misyonero ay gumagawa ng mahabang paglalakbay upang pumaroon sa mga tao, ngunit sa kaso namin ang mga tao ang gumagawa ng mahabang paglalakbay upang pumaroon sa amin.” Isinusog niya, “ang aming pinangangaralang teritoryo ay marahil mistulang pandaigdig nga ayon sa iyong makikita.” Ang Rotterdam Europoort yearbook ng 1985 ay bumanggit na noong 1983, ang taon na pinasimulan ng mga payunir ang pantanging gawaing ito, ang daungan ng Rotterdam ay tumanggap ng 30,820 mga sasakyang dagat mula sa 71 iba’t ibang mga bansa. Iyan ay pang-internasyonal!
Angkop naman, ang “mga misyonero sa daungan”—gaya ng tawag ng mga marino sa mga payunir—ay kakikitaan din na galing sa iba’t ibang bansa ng daigdig. Si Geert, si Peter, at ang kaniyang maybahay, si Karin, ay mga Olandes; si Daniël at si Meinard ay taga-Indonesia; at si Solomon ay taga-Etiopia. Ang kanilang Europeo, Asiano, at Aprikanong mga ninuno ay galing sa walong wika na naging mga balakid, subalit upang magtagumpay sa gawaing ito, may iba pang mga balakid na kailangang pagtagumpayan.
“Ang Nakabisikletang Simbahan”
“Hindi puwedeng basta pumaroon ka sa isang pantalan, umakyat sa isang andamyo, at sumakay sa isang barko,” ang sabi ng 32-anyos na si Peter, isang dating marino. “Kailangan mo ang mga permiso para sa mga lugar.” Iyan ay nangangahulugan ng mga permiso upang makapasok sa mga pantalan at mga permiso upang makaakyat sa mga barko. “Katakut-takot na mga kuskos-balungos,” nagunita pa ni Peter, “pero pagkatapos na makakuha kami ng walong permiso, kumpleto kasama ang aming mga litrato at opisyal na mga tatak, kami’y handa nang lumakad na taglay ang buong kasiglahan.” Kanilang pinaghati-hati ang 37-kilometro na pantalan sa tatlong seksiyon, bawat isa’y ginagawa ng dalawang payunir.
Gayunman, papaano ninyo hinaharap ang sari-saring mga wika na ginagamit ng mga marino na buhat sa napakaraming bansa? Kahit na ang mga payunir ay magdala ng mga literatura sa Bibliya sa 30 wika at maglulan ng hangga’t mailululan sa kanilang mga bisikleta, waring hindi pa rin sapat. “Hindi mo nasisiguro kung aling mga wika ang kakailanganin mo,” ang sabi ng 30-anyos na si Solomon nang nakangiti. “Malimit na nangyayaring ang ibig ng mga marino na mga aklat ay yaong mismong wika na hindi mo dala, at pagkatapos ay sasabihin nila sa iyo na ang kanilang barko ay aalis sa loob ng tatlong oras humigit-kumulang.” Palibhasa’y hindi mo ibig na mapahiya sa mga marino, isa sa mga payunir ang mabilis na aalis, kukunin niya ang kinakailangang mga aklat, mabilis na babalik, at iaabot ang mga ito sa nananabik na mga marino. “Nang ang ganiyan ding problema ay bumangon samantalang kami’y nangangaral sa mga panig ng pantalan na tatlong oras marating ng pamimisikleta,” ani Peter, “maliwanag na kailangan naming baguhin ang aming pamamaraan.”
Isang araw ang ilang mga Saksi na doon naninirahan sa lugar ng pantalan ay nagbigay ng sorpresa sa mga payunir nang sila’y magdala ng dalawang trailer ng bisikleta, bawat isa’y sinlaki ng isang banyera. Ang ginawa ng mga payunir ay pinunô ang mga trailer ng literatura sa lahat ng wikang maaaring makuha nila, ikinabit sa kanilang mga bisikleta, at humayo para magtungo sa pantalan. Hindi nagtagal at ang mga trailer ay naging isang pangkaraniwang tanawin. “Ito ang aming naging tagapagbalita na kami’y naroroon na,” ang sabi ng isa sa mga payunir. “Pagka nakita ng bantay na kami’y dumarating na, binubuksan niya ang tarangkahan, sinesenyasan kami na dumaan, at sumisigaw: ‘Narito na ang nakabisikletang simbahan!’ ” Kung minsan, pagka napansin ng guwardiya “ang nakabisikletang simbahan” na papalapit sa kaniya, kaniyang binubuksan ang tarangkahan at isinisigaw niya: “Dalawang Polako at isang Intsik!” Sa tulong ng ganiyang pahiwatig ang mga payunir ay umaakyat sa mga barko na dala na ang mga literatura sa wikang ipamamahagi. Ngunit sila’y kailangan ding naroon sa tamang panahon. Bakit?
Napapanahong mga Pagdalaw Dala ang Napapanahong Pabalita
Nakakausap ng mga payunir ang mga tripulante tangi lamang kung oras ng kanilang pagmimeryenda sa umaga at sa hapon o ng kanilang pananghalian. Gayunman, ang kusinero ay may naiibang oras ng trabaho, at ang kapitan at iba pang opisyal ay matatagpuan doon sa buong maghapon. Isa pa, napag-alaman ng mga payunir na ang sinusunod ng mga barkong Britano na nakahimpil sa Rotterdam ay oras Britano (isang oras ang kaibahan sa oras Olandes), kaya ang kanilang mga tripulante ay patungo na sa silid-kainan sa oras na ang di-Britanong mga tripulante ay pabalik na sa trabaho. Kaya naman, para sa isang payunir sa pantalan, kailangan na siya’y may isang maaasahang relo.
Ang mga marino ba ay handa, kung gayon, na gamitin ang kanilang oras ng pamamahinga sa pagtatalakayan sa Bibliya? “Sa pangkalahatan, napapansin kong sila’y may bukás na kaisipan kung tungkol sa mensahe ng Kaharian,” ang sabi ng 31-anyos na si Geert. “Marahil iyan ay dahilan sa kanilang kitang-kita ang kabiguan ng mga pamahalaan ng tao.” Halimbawa, sinabi ng ilang mga marino kay Geert na ang bunton ng mga binutil na kanilang diniskarga roon para sa mga nagugutom na mga Etiope ay naroon pa rin makalipas ang mga buwan pagkatapos na sila’y dumaong muli, kaya lamang ay bulok na ang mga binutil at katakut-takot na mga daga ang nanginginain. “Hindi nga kataka-takang maraming mga marino ang naglaho na ang pag-asa sa pulitika,” sabi pa ni Geert. “Kaya ang pangako ng Bibliya na isang pamahalaan para sa buong sangkatauhan ay nakaaakit sa kanila.”
Sang-ayon naman si Peter. “Isang kapitang Aleman ang nagsabi na noong sampung taóng lumipas ako’y ipagtatabuyan ng kaniyang mga tripulante sa barko, ngunit dahilan sa nagbabagong mga kalagayan sa daigdig ngayon ang kanilang interes sa napapanahong mensahe ng Bibliya ay napukaw.” Isang kusinero sa barkong Koreano ang nagbibida na noong panahon ng gera ng Iran laban sa Iraq, ang supertanker na pinagtatrabahuhan niya ay tinamaan ng isang rocket at naglagablab sa Persian Gulf. Kaniyang ipinanata na kung sakaling siya’y mananatiling buháy, kaniyang hahanapin ang Diyos. Siya’y nakaligtas naman. Nang makilala ng mga payunir nang malaunan sa Rotterdam, nais niyang kunin ang lahat ng literaturang Koreano na maibibigay nila sa kaniya.
Karamihan ng mga barko ay kung ilang mga araw humihimpil sa pantalan. Kaya naman ang mga payunir ay nakababalik nang dalawa, tatlo, o higit pang beses upang ipagpatuloy ang kanilang pakikipagtalakayan sa Bibliya pagkatapos ng mga oras ng trabaho. Subalit, pagka ang isang barko ay nasiraan ng makina, ito’y maaaring manatili roon nang tatlong linggo. “Kalugihan iyan ng kompanya,” anang isang nakatawang payunir, “pero mabuti naman para sa ating gawain.” Pagkatapos bukod sa pagpapatuloy sa mga talakayan sa Bibliya, ang mga payunir ay nagsasaayos din na magpalabas ng isa sa mga slide program ng Samahan, “Ang Bibliya—Isang Aklat Para sa Salinlahing Ito,” sa silid-kainan. May mga marino rin na dumadalo sa mga pulong ng maraming banyagang-wikang mga grupo ng mga Saksi ni Jehova sa Rotterdam. Ito’y tumatagal hanggang sa umandar na muli ang makina. Kung magkagayon ay kailangang isarado na ang mga Bibliya. Kinakalag na ang mga nakataling lubid, at ang barko’y napaparam sa pantalan—ngunit hindi sa isip ng mga payunir.
Nakagaganyak na mga Kuwento ng Marino
Sa pamamagitan ng mga talâ sa pahayagan o ng pampublikong sistema ng computer ng pangasiwaan ng pantalan, nasusubaybayan ng mga payunir sa pantalan ang iskedyul ng pagdating at pag-alis ng mga barkong kanilang dinalaw. Oras na dumaong ang isa sa mga ito, ang mga payunir ay sabik na dumalaw sa mga marino upang alamin kung ano na ang nangyari sapol noong huling pagdalaw. Anong nakagaganyak na mga kuwento ang ibinibida ng mga marino!
Isang marino ang namahagi ng mga aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa sa lima sa kaniyang mga kasamahan pagkatapos na ang kaniyang barko’y lumisan patungo sa pagbibiyahe, at anim sa kanila ang napagtatagan ng pag-aaral sa Bibliya. Kaniya ring inirekord ang kabanata tungkol sa buhay pampamilya sa isang audiocassette at pinatugtog iyon upang mapakinggan sa silid-kainan para sa kapakinabangan ng lahat ng tripulante. Sa isa pang barko, isang marino na nakadalaw sa Kingdom Hall sa karatig-daungan ng Antwerp ang nagpaskil sa dingding ng silid-kainan ng isang karatulang “Kingdom Hall of Jehovah’s Witnesses” sa malalaking letra. Pagkatapos ay inanyayahan niya ang mga tripulante na pumunta roon pagka siya’y nagdaraos ng isang miting sa Bibliya. Bago alisin ang karatula, inanyayahan niya ang mga tripulante sa susunod na miting. Nang sumunod na linggo, nakapaskil na naman ang karatula at naroroon din ang mga tripulante.
Nakita rin ng mga payunir na laging dala ng ibang mga marino ang kanilang mga aklat. “Nang kami’y pumaroon sa kamarote ni Isaac, isang opisyal sa radyo na taga-West Aprika, mahirap makakita ng upuan,” ani Meinard. “Ang mga magasin, aklat, at concordance ng Samahan ay nasa lahat ng dako—at nakabukas.” Si Isaac ay naghanda rin ng isang listahan ng mga katanungan sa Bibliya, palibhasa’y hinihintay niya ang muling pagbabalik ng mga payunir.
Pero, may mga marino na hindi na makapaghintay sa mga payunir. Isang gabi ay tumunog ang telepono ni Geert habang siya’y natutulog.
“Sino kaya ito?” ang bulong sa sarili ni Geert samantalang kinakapa ang telepono.
“Hello, ito ang iyong kaibigan!” ang sabi ng isang masayang tinig.
Si Geert ay nag-isip kung sino nga kaya iyon.
“Ang kaibigan mo sa barko,” sabi muli ng tinig.
“Alas tres ng madaling araw!” ani Geert.
“Oo, pero sinabi mo sa akin na tawagan ka oras na dumating muli sa Rotterdam ang aking barko. Bueno, narito na ako!” Di-nagtagal pagkatapos, patungo na si Geert sa pagsalubong sa kaibigang ito na interesado sa Salita ng Diyos.
“Ihasik Mo ang Iyong Tinapay”
Ang pagpapahalaga sa literatura sa Bibliya ay ipinahahayag din sa mga liham sa mga payunir buhat sa mga marino. Narito ang ilang mga sinipi:
‘Sinimulan ko nang basahin ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa . . . Ngayon ay naiintindihan ko na ang maraming bagay na dati’y hindi ko naiintindihan. Umaasa akong ang aming barko ay makababalik sa Rotterdam.’—Angelo.
‘Binasa ko ang aklat, at may padala akong tanong sa iyo upang iyong sagutin ito sa iyong mga liham.’—Alberta.
‘Ngayon ay nagbabasa na ako ng Bibliya araw-araw. Ako’y nalulugod na maging kaibigan mo. Ang pagkasumpong ng mga kaibigan na umaakay sa akin sa Diyos ang pinakamabuting bagay na nangyari sa aking buhay.’—Nickey.
Ang ganiyang nakagagalak na mga liham ay nagpapagunita sa mga payunir ng sinasabi ng Bibliya sa Eclesiastes 11:1: “Ihasik mo ang iyong tinapay sa tubigan, sapagkat iyong masusumpungan pagkaraan ng maraming araw.” Sila’y lalong higit na nagagalak pagka nalaman nila na may mga marino na nanindigan sa panig ni Jehova.
Ang marinong Polako na si Stanislav, halimbawa, ay galak na galak sa kaniyang natutuhan buhat sa mga aklat ng Samahan. Agad siyang bumuo ng isang munting aklatan ng mga literatura sa Bibliya at, habang nasa karagatan, kaniyang pinag-aralan ang lahat ng iyon. “Ang huling nabalitaan ko sa kaniya,” ani Meinard, “siya’y sumulat na siya’y nabautismuhan na.”
Si Folkert, isang kapitan sa isang maliit na kompanya ng barko, ang unang nakarinig ng balita ng Kaharian sa Rotterdam. Tuwing dalawang buwan siya’y dumaraong sa puwerto nang isang linggo at nag-aaral ng Bibliya nang pitong araw na sunud-sunod. Pagkatapos, bago siya lumisan para sa isa na namang dalawang-buwang biyahe, ang mga payunir ay nagbibigay sa kaniya ng isang listahan ng mga direksiyon ng mga Kingdom Hall sa ruta ng kaniyang barko. Si Folkert ay dumadalaw sa mga hall at siya’y napupukaw ng mainit na pagtanggap sa kaniya. Hindi nagtagal, ang kapitang ito ay nagpabautismo at ngayon ay masigasig na naglilingkod kay Jehova.
Si Mike, isang opisyal sa hukbong dagat ng Britanya, ay may nakilala nang mga Saksi at nag-aral ng Bibliya habang nagbibiyahe sa karagatan. Minsan, nang ang barkong kaniyang pinagtatrabahuhan ay dumaong sa Rotterdam, kaniyang ginamit ang kaniyang bisikletang de tiklop upang makapunta sa isang Kingdom Hall. Siya’y humanga sa pag-iibigan at pagkakaisa na kaniyang nasaksihan at sinabi niya sa mga kaibigan na ipinasiya niyang huminto na sa kaniyang trabaho. Bagaman siya’y may natitira na lamang apat na taon bago tumanggap ng isang malaki-laking pensiyon, siya’y nagpatuloy sa kaniyang pasiya at nang malaunan ay nabautismuhan.
Ang sabi ni Meinard: “Ang kasabikan ni Mike, Stanislav, Folkert, at ng mga iba pa na maglingkod kay Jehova ay pumupukaw sa amin na patuloy na hanapin sa daungan ang mga marino na kagaya nila.”
Ikaw ba’y Maaaring Magkaroon ng Bahagi?
Sa paglingon sa nakalipas na halos sampung taóng pangangaral sa isa sa pinakamalaking daungan sa daigdig, ang anim na “mga misyonero sa daungan” ay buong-pusong sumasang-ayon—ang kanilang atas ay isang hamon ngunit kapaki-pakinabang. “Pagkaraan ng bawat araw ng pangangaral,” ang sabi ni Meinard sa kabuuan, “kami’y namimisikletang pauwi na naniniwalang ang iba sa mga marinong iyon ay naghihintay sa aming pagdalaw.”
Mayroon kayang mga marino na naghihintay na dalawin sa isang daungan sa inyong lugar? Maaaring ang matatanda sa inyong kongregasyon ay makagawa ng mga kaayusan upang ikaw ay magkaroon ng bahagi sa naghahamong trabahong ito ngunit kapaki-pakinabang.
[Kahon sa pahina 20]
PAGTATANGKANG MAKAABOT SA BAWAL NA MGA TERITORYO
Sa kalilipas na isang taon, mahigit na 2,500 barko buhat sa mga bansang ibinabawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ang dumaong sa Rotterdam. At nakita ng mga payunir sa pantalan na iyon ay isang pagkakataon na upang ang balita ng Bibliya ay maiparating sa mga teritoryong ito.
Sa isa sa unang mga barko sa Asia na kanilang dinalaw, ang kanilang buong suplay ng 23 aklat ay naipasakamay ng mga payunir, anupa’t ang ibang mga tripulante ay nagdamdam sapagkat hindi sila nakakuha ng kanilang kopya. Isang nagsisilbi sa kusina ng isa pang barkong Asiano ang totoong maingat. Pagkatapos tanggapin ang isang aklat sa isang payunir, kaniyang ibinalik iyon na nakabalot sa papel na may direksiyong nakasulat doon. Naintindihan ng payunir ang ibig sabihin. Totoong mapanganib na iyon ay dala-dalahin ng bata. Nang araw ring iyon ay ipinadala iyon sa koreo sa Dulong Silangan.
Sakay ng isang barko galing sa Aprika ang isang marino na may dalang listahan ng mga aklat na bilin sa kaniya ng mga Saksi sa kanila. Mula noon, tuwing uuwi sa kanila ang marino, ang kaniyang maleta ay punô ng literatura. Isang marino buhat sa isa pang bansa sa Aprika ang lubhang nalungkot nang ang payunir na nakikipag-aral sa kaniya ay nakapag-alok sa kaniya ng tatlo lamang kopya ng aklat na Pinaliligaya ang Inyong Buhay Pampamilya. “Bale wala iyan!” ang bulalas ng marino, kasabay ng pagkumpas dahil sa pagkabigo. “Ang mga kapatid sa amin ay nangangailangan ng 1,000!” Sa kaniyang sariling ikaliligtas, siya’y nahikayat ng mga payunir na kumuha ng 20 sipi lamang sa isang biyahe.
Marahil ang totoong nakababagbag-damdamin ay nang mabalitaan ng mga payunir na isang barko ang dumaong galing sa isang bansa na kung saan ang mga Saksi ay pinag-uusig dahilan sa kanilang mga paniwala, at marami ang nawalan ng kanilang mga trabaho at ari-arian. Nang kanilang makita na ang mayordomo sa barkong iyon ay isang Saksi, sila’y lumapit sa kapitan at humingi ng pahintulot na makapagpadala ng mga tulong na ikakarga sa barkong ito. Pumayag naman ang kapitan, at pagkaraan ng ilang araw, isandaang malalaking sako ng mga damit, sapatos, at iba pang mga gamit ang patungo na sa mga Saksi sa bansang iyon.
[Kahon sa pahina 21]
ANG PAGPAPALIPAT-LIPAT SA MGA BARKO SA PANGANGARAL—ANG PANGMALAS NG ISANG BABAE
“Sa una, ako’y atubili na sumama kay Peter,” ang sabi ni Karin, ang nag-iisang babae na kasama ng mga payunir, “sapagkat ako’y nakabalita na ang mga marino ay kalimitan magagaspang at laging lasing. Subalit, natuklasan ko na karamihan ay magagalang. Malimit, pagka nalaman ng isang marino na kami ay mag-asawa, kaniyang ilalabas ang isang larawan ng kaniyang asawa at mga anak at magsisimula nang makipagkuwentuhan tungkol sa kaniyang pamilya. Sa ganiyang paraan, kami’y nakapagpapasakamay ng napakaraming sipi ng aklat na Pinaliligaya ang Inyong Buhay Pampamilya.”
Ang pagdalaw sa mga barko na magkasama ang mag-asawa ay isang paraan din upang mas madaling makausap ang mga babaing asawa ng mga tripulante at ang iba pang mga babae na kung minsan nagtatrabaho bilang mga nars. “Karaniwan nang sila’y mahiyain sa mga taong di-kakilala,” ang sabi ni Karin, “pero pagka kanilang napansin ako, sila’y nakikipag-usap na.”
Ano ang pinakamalaking hamon sa kaniyang paggawa? “Mga hagdang lubid,” ang sagot ni Karin. “Nayayamot ako sa gayong delikadong mga bagay.” Kaniya bang nadaig ang kaniyang takot? “Oo. Minsan nang ayaw kong umakyat doon, isang grupo ng mga marino na taga-Paraguay ang tumingin at sumigaw: ‘Makaaakyat ka riyan. Basta magtiwala ka sa Diyos.’ Siyempre pa,” ang sabi ni Karin na kasabay ng pagtawa, “pagkatapos ng gayong sabi sa akin, wala akong magagawa kundi ang umakyat.” Ang sabi ng kaniyang humahangang asawang lalaki: “Makalipas ang apat na taon at ng katakut-takot na mga hagdang lubid, siya ngayon ay mistulang isang marino kung akyatin niya ang mga iyan.”
Si Karin at ang kaniyang asawa, si Peter, ay kabilang sa ika-89 na klase ng Watchtower Bible School of Gilead sa Estados Unidos. Noong Setyembre 28, 1990, sila’y tumulak patungo sa kanilang bagong atas, ang Ecuador, isang bansa na may daungan. Sila’y hindi na maninibago.
[Kahon sa pahina 22]
IKAW BA AY ISANG MARINO?
Ibig mo bang dumalo sa isang miting ng mga Saksi ni Jehova sa wikang Ingles samantalang ang iyong barko ay nakapondo sa isa sa mga pangunahing daungan ng daigdig? Kung gayon ay ingatan mo itong listahan ng kasalukuyang mga direksiyon ng mga Kingdom Hall at oras ng mga pulong:
Hamburg, Schellingstr. 7-9; Sabado, 4:00 n.h.; telepono: 040-4208413
Hong Kong, 26 Leighton Road; Linggo, 9:00 n.u.; telepono: 5774159
Le Havre, 65 rue de Trouville; Linggo, 2:30 n.h.; telepono: 35 44 54 27
Marseilles, 5 Bis, rue Antoine Maille; Linggo, 10:00 n.u.; telepono: 91 78 27 89
Naples, Castel Volturno (40 km gawing hilaga ng Naples) Via Napoli, corner of Via Salerno, Parco Compania; Linggo, 2:45 n.h.; telepono: 081/5097292
New York, 512 W. 20 Street; Linggo, 10:00 n.u.; telepono: 212 627-2873
Rotterdam, Putsestraat 20; Linggo, 10:00 n.u.; telepono: 010-41 65 653
Tokyo, 5-5-8 Mita, Minato-ku; Linggo, 4:00 n.h.; telepono: 03-3453-0404
Vancouver, 1526 Robson Street; Linggo, 10:00 n.u.; telepono: 604-689-9796