Sino ang Humalili kay Judas Iscariote Bilang ang Ikalabindalawang Apostol?
Dahilan sa paglililo ni Judas Iscariote, na namatay na di-tapat, may 11 lamang apostol na natira, at sa loob ng 40 araw mula nang mabuhay-muli si Jesus hanggang sa pag-akyat sa langit ay hindi siya humirang ng isang makakahalili. Sa loob ng sampung araw sa pagitan ng pag-akyat ni Jesus at ng araw ng Pentecostes ay inakala na kailangang pumili ng isang ilalagay sa bakanteng iniwan ni Judas, hindi lamang dahil sa kaniyang kamatayan kundi dahil din sa kaniyang ubod-samang paglililo, gaya ng ipinakikita ng Kasulatan na sinipi ni Pedro. (Gawa 1:15-22; Awit 69:25; 109:8; ihambing ang Apocalipsis 3:11.) Ibang-iba rito, nang paslangin ang tapat na apostol na si Santiago, walang iniulat na anumang pagkabahala na humirang ng hahalili sa kaniya sa pagkaapostol.—Gawa 12:2.
Maliwanag buhat sa mga pangungusap ni Pedro na itinuturing noon na sinumang nasa puwesto ng isang apostol ni Jesu-Kristo ay kailangang magkaroon ng kuwalipikasyon na personal na nakikilala siya, isang saksi na nakakita sa kaniyang mga gawa, mga himala, at lalo na ng kaniyang pagkabuhay-muli. Sa liwanag nito ay makikita na sa paglipas ng panahon magiging imposible na magkaroon ng kahalili ang mga apostol, maliban kung ang Diyos na rin ang magkakaloob ng mga katangiang ito sa bawat indibiduwal na kaso. Gayunman, sa naturang panahong iyon bago sumapit ang Pentecostes ay may mga lalaking nakatutugon sa mga kahilingang ito, at dalawa ang iniharap bilang nababagay na humalili sa di-tapat na si Judas. Marahil ang isinasaisip ay ang Kawikaan 16:33, dinaan iyon sa pagpapalabunutan, at si Matias ang napili at pagkatapos ay “ibinilang na kasama ng labing-isang apostol.” (Gawa 1:23-26) Kaya siya ay nakasali sa “labindalawa” na lumutas sa suliranin tungkol sa mga alagad na Griego ang wika (Gawa 6:1, 2), at maliwanag na siya’y isinali ni Pablo nang tukuyin “ang labindalawa” tungkol sa pagpapakita ni Jesus pagkatapos buhaying-muli sa 1 Corinto 15:4-8. Kaya, nang sumapit ang Pentecostes may 12 apostol na mga saligan ng espirituwal na Israel.
Pagkaapostol sa Kongregasyon
Si Matias ay hindi lamang isang apostol ng kongregasyon sa Jerusalem, tulad din ng natitirang 11 apostol. Ang kaniyang pagkaapostol ay naiiba sa Levitang si Jose Bernabe na naging isang apostol ng kongregasyon ng Antioquia, Syria. (Gawa 13:1-4; 14:4, 14; 1 Corinto 9:4-6) Ang ibang mga lalaki ay tinutukoy rin na “mga apostol ng mga kongregasyon” sa diwa na sila’y isinugo ng gayong mga kongregasyon upang kumatawan sa kanila. (2 Corinto 8:23) At, sa pagsulat sa mga taga-Filipos, binanggit ni Pablo si Epafrodito bilang “inyong sugo [a·poʹstolon] at sariling lingkod ukol sa aking pangangailangan.” (Filipos 2:25) Ang pagkaapostol ng mga lalaking ito ay maliwanag na hindi dahil sa may kailangang halinhang apostol ni ang mga ito man ay bumubuo ng bahagi ng “labindalawa” na gaya ni Matias.
Ang pagkaunawa sa mas malawak na pagkakapit ng terminong “apostol” ay makatutulong upang linawin ang anumang waring di-pagkakasuwato ng Gawa 9:26, 27 at Galacia 1:17-19, pagka ikinapit sa iisang okasyon. Ang unang ulat ay nagsasabi na si Pablo, pagdating sa Jerusalem, ay dinala ni Bernabe “sa mga apostol.” Subalit, sa ulat sa Galacia ay sinasabi ni Pablo na siya’y dumalaw kay Pedro at isinusog: “Ngunit wala akong nakita sa ibang mga apostol, maliban kay Santiago na kapatid ng Panginoon.” Si Santiago (hindi ang orihinal na apostol na si Santiago na anak ni Zebedeo ni si Santiago na anak ni Alfeo, kundi ang kapatid ni Jesus sa ina) ay maliwanag na itinuturing na isang “apostol” sa mas malawak na diwa, samakatuwid nga, bilang “isang sinugo” ng kongregasyon sa Jerusalem. Ito’y magpapahintulot para sa ulat sa Gawa na gamitin sa pangmaramihan ang titulo sa pagsasabing si Pablo ay dinala “sa mga apostol” (alalaong baga, si Pedro at si Santiago).—Ihambing ang 1 Corinto 15:57; Galacia 2:9.
Ang Pagpili kay Pablo
Marahil noong mga taóng 34 C.E., si Saulo ng Tarso ay nakumberte at nang bandang huli ay tinukoy na Pablo. Siya’y naging isang tunay na apostol ni Jesu-Kristo at tuwirang pinili ng binuhay-muli at nakaakyat na sa langit na si Jesu-Kristo. (Gawa 9:1-22; 22:6-21; 26:12-23; 13:9) Kaniyang ipinangatuwiran ang kaniyang pagkaapostol at iniharap bilang kaniyang kuwalipikasyon ang bagay na kaniyang nakita ang binuhay-muli na Panginoong Jesu-Kristo, na siya’y gumawa ng mga himala, at na siya’y nagsilbing alulod para sa pagbubuhos ng banal na espiritu sa nabautismuhang mga mananampalataya. (1 Corinto 9:1, 2; 15:9, 10; 2 Corinto 12:12; 2 Timoteo 1:1, 11; Roma 1:1; 11:13; Gawa 19:5, 6) Yamang ang apostol Santiago (na kapatid ni Juan) ay hindi pinaslang kundi noong mga taóng 44 C.E., “ang labindalawa” ay buháy pa nang si Pablo ay maging isang apostol. Saanman ay walang makikitang kaniyang isinali ang kaniyang sarili sa gayong “labindalawa,” samantalang kasabay rin nito kaniyang kinikilala na hindi mababa ang kaniyang pagkaapostol kung ihahambing sa taglay ng gayong mga tao.—Galacia 2:6-9.
Ang pagkaapostol ni Matias at ni Pablo ay kapuwa makatuwiran para sa layunin na ‘pinagsuguan’ sa mga lalaking iyon, bagaman nang makita ni apostol Juan ang pangitain ng makalangit na Bagong Jerusalem sa Apocalipsis (ibinigay noong mga 96 C.E.) kaniyang nakita ang 12 lamang na mga saligang bato at kinasusulatan ng “labindalawang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero.” (Apocalipsis 21:14) Ang patotoo ng Banal na Kasulatan ay malinaw na nagpapakitang si apostol Pablo ay hindi kailanman tinukoy na isa sa “labindalawa.” Samakatuwid, makatuwirang masasabi na isa sa “labindalawang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero” na nakasulat sa mga batong saligan ng Bagong Jerusalem ay yaong kay Matias at hindi yaong kay Pablo. Ito’y nangangahulugan na ang pangitain ni apostol Juan ay kababanaagan ng umiral na kalagayan sa pasimula ng kongregasyong Kristiyano noong araw ng Pentecostes sa taóng 33 C.E.