Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 5/15 p. 24-27
  • Ang mga Goajirong Indian ay may Magandang Pagtugon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Goajirong Indian ay may Magandang Pagtugon
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Mga Unang Impresyon
  • Sa Paghahanap ng mga Bahay
  • Kaharap Na Namin ang mga Goajiro
  • Di-Inaasahang Dami ng Dumalo
  • Isang Matagumpay na Kinalabasan
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 5/15 p. 24-27

Ang mga Goajirong Indian ay may Magandang Pagtugon

SAMANTALANG nakaupo sa lilim ng isang malaking punungkahoy at nakadamit ng itim na abot-sahig, ang may edad nang babae ay waring tagaibang daigdig. Siya’y nangungusap din sa isang wikang kakatwa sa aming pandinig. “Bumalik muli kayo,” aniya nang may kasiglahan. Habang nakaturo sa 50 pang katao na kaniyang mga kalahi na nakapalibot sa kaniya, isinusog niya: “Ibig naming lahat na kayo’y bumalik muli. Pumarito kayo bawat sanlinggo!”

Sino ba ang mga taong ito? Bakit sila sabik na sabik na kami’y bumalik, gayong ngayon lamang nila kami nakilala? Payagan ninyo akong magkuwento sa inyo tungkol sa isang araw na kasa-kasama namin ang mga Goajirong Indian na naninirahan sa La Guajira Peninsula sa hilagang-silangang Colombia at sa karatig na hilagang-kanlurang Venezuela.

Mga Unang Impresyon

Matapos magsimula ng paglalakbay buhat sa kabisera ng Venezuela, ang Caracas, ang unang hinintuan namin ay Maracaibo. Nang kami’y pumasok sa bayan, aming napansin ang tatlong kabataang babae na naglalakad sa daan na nakasuot ng mahahabang kasuutang may sari-saring kulay. Ang kanilang hitsura ay naiiba sa karaniwang mga taga-Venezuela​—butuhan ang pisngi, kayumanggi, unat ang maitim na buhok. Napansin namin ang kanilang mabagal, at magandang paglakad, napukaw ang aming pananabik nang unang masilayan namin ang mga Goajirong Indian.

Nang araw ng aming paglalakbay sa La Guajira Peninsula maaliwalas at tahimik ang panahon. Bago naging labis na mainit ang araw sa umaga, 50 sa amin ang sumakay sa isang bus, tuwang-tuwa sa pagkakaroon ng bahagi sa pantanging pambuong-bansang kampanya sa pagdadala ng mensahe ng Bibliya sa liblib na mga lugar dito sa Venezuela. Kami’y patungo sa bayan ng Paraguachón, sa may hangganan ng Colombia.

Pagkatapos lisanin ang siyudad ng Maracaibo, kami’y dumaan sa maraming maliliit na bayan at mga nayon, bawat isa’y may palengke at ilang mga talipapa na may tindang nilalang mga sandalyas at mahahaba, sari-saring kulay na tinatawag na mga manta. Bawat nayon ay may isang malinis na plasa sa gitna at isang simbahan na may mga kulay na pastel, anupat ang buong tanawin ay may kaakit-akit na kulay. Lahat ng mga tao roon ay mga tipong Indian. Bagaman sila’y ibang-iba sa amin ang hitsura, aming pinaalalahanan ang aming sarili na ang mga ito ay ilan sa mga katutubong taga-Venezuela.

Sa Paghahanap ng mga Bahay

Sa wakas ay dumating kami sa aming pupuntahan. Ang aming bus ay namaybay sa tabi ng daan at huminto sa may mababang pader sa lilim ng isang punungkahoy na totoong mayabong. Sa kabilang tabi ng pader ay naroon ang lokal na paaralan ng nayon​—sarado sapagkat Linggo noon.

Pagkatapos na maghati sa dalawang grupo, kami’y humayo sa magkabilaang direksiyon sa paghanap ng mga bahay. Ang pakay namin ay anyayahan ang lahat sa isang pahayag sa Bibliya na bibigkasin sa wikang Goajiro sa ganap na alas tres ng hapong iyon sa looban ng paaralan. Si Evelinda, isang katutubong Goajirong Indian, ang kasama namin. Inaasahan namin na ito’y makatutulong upang kami’y madaling tanggapin, sapagkat bagaman kami’y nakapagsasalita ng Kastila, wala kaming alam na anuman sa wikang Goajiro.

Nang makalabas na kami sa nayon, kami’y maraming paglalakad na ginawa sa pagitan ng mga bahay. Sa aming paglalakad sa isang mahaba, deretsong daan na may makapal na mga halamang tumutubo sa magkabilang panig, isang munting batang lalaki na mga sampung taóng gulang ang sumabay sa amin at pinagmasdan kami na parang nag-uusyoso. Siya’y nginitian ni Evelinda at ipinaliwanag sa wikang Goajiro ang layunin ng aming pagdalaw sa lugar na iyon. Ang kaniyang pangalan ay Omar, at siya’y kumaripas ng takbo pagkatapos na anyayahan namin siya sa pahayag.

Sa kasangay na daan, tinalunton namin ang isang daang hindi aspaltado na basang-basa pa dahil sa kamakailang pag-ulan. Aming napag-alaman na ang mga ito ay dinaraanan ng mga tagapuslit ng ilegal na mga kalakal sa pagitan ng Colombia at Venezuela. Nangangamoy na ang makapal na mga tanim. Bagaman ang mahalumigmig na init ay medyo masakit ang dating, hindi nanlamig ang aming sigla. Anuman ang nangyari, lahat ng hirap ay nakalimutan samantalang ang landas na lagusan sa makapal na luntiang mga halaman sa tropiko ay biglang humahantong sa isang malaking hinawang lugar​—isang karaniwang bahayan ng mga Goajiro.

Kaharap Na Namin ang mga Goajiro

Mga isang dosenang kambing, na may magagandang puti, itim, at kulay-katad na mga marka ang nagpapahingalay sa lilim, kontentong ngunguya-nguya. Samantalang nakahiga sa isang duyan na nakabitin sa pagitan ng dalawang punungkahoy, ang isang babae ay nagpapasuso ng kaniyang sanggol. Dalawang maliliit na bata ang naglalaro sa malapit. Siya’y nasa labas ng isang kahoy-at-alambremg bakuran na nakapalibot sa isang putik-at-tambong bahay na may inatipang bubong. May ilang simpleng mga kayarian sa lugar na iyon. Isa na marahil doon ang kusina, na kung saan kahoy na nag-aapoy ang nasa lupa sa gitna ng ilang malalaking palayok na tulad ng malalaking kawa. Mga balat ng kambing ang nakabitin sa malapit upang matuyo.

Nang makita kaming papalapit, isang lalaking nakatayo sa tabi ng tarangkahan ang tumakbong papunta sa amin at naglagay ng dalawang bangko para sa amin malapit sa babae na nasa duyan. Binati ni Evelinda ang lalaki at ang babae sa kanilang wika at ipinaliwanag ang maka-Kasulatang pag-asa sa hinaharap na ginagamit ang may mga larawang brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! Ang mapayapang mga kalagayan sa lugar na iyon ay nagpahiwatig sa amin na ang pandaigdig na mga krisis o ang pagdami ng siksikang mga pamayanan ng mahihirap na pinamumugaran ng masasamang loob ay hindi angkop na mga tema rito. Isang Saksi sa grupo ang nagpaliwanag na yamang ang mga Goajirong Indian ay medyo likas na mahiyain, mahalaga na sa simula pa lamang ay magpakita ng sigla at tunay na personal na interes sa kanila. “Malimit na kami’y nangungumusta tungkol sa kalusugan ng pamilya, tungkol sa ani, kung umulan kamakailan, at iba pa,” ang sabi niya. “Ito’y nagbukas ng daan upang ibalita namin sa kanila ang Kaharian ng Diyos at ipakita sa kanila na hindi na magtatagal at aalisin ni Jehova ang lahat ng paghihirap at si Satanas na Diyablo, na kanilang lalo nang higit na kinatatakutan.”

Habang nagsasalita si Evelinda, sumasang-ayon naman ang kaniyang mga tagapakinig, at hindi nagtagal sa amin ay may nakisama pang isang babae at kung ilang mga bata. Napag-alaman namin noon pa na pinahihintulutan ng batas Goajiro na ang isang lalaki’y makapag-asawa nang higit kaysa isa. Ganoon kaya rito? Naisip tuloy namin si Yenny, isang kaakit-akit na 21-anyos na Goajiro na naninirahan sa Maracaibo. Isang mayamang lalaking Goajiro ang nag-alok ng isang malaking dote para sa kaniya. Subalit ang kaisipan ng kaniyang mga magulang na hindi mga Saksi ni Jehova, ay hindi nagkakaisa. Bagaman ang kaniyang ina ay sang-ayon sa pag-aasawang iyon, ang ama ni Yenny ay hindi sumang-ayon. Ang manliligaw ay kasal na noon sa kapatid ni Yenny!

Nang matapos ni Evelinda ang kaniyang presentasyon, kumuha ang lalaki ng isang brosyur. Ang babaing nakatayo sa likod niya ay humingi rin naman ng isa, at kami’y natutuwang ibinigay ang kaniyang hiniling. Nang mga sandaling iyon ang natitira naming mga kaibigan ay hindi na naghintay sa amin. Kaya inanyayahan namin ang pamilya sa pahayag sa hapon at lumisan kami, yamang ayaw naming maligaw sa di pa namin kabisadong kanayunan.

Isang Saksi sa grupo ang nagkuwento ng nangyari sa kaniya. Isang lalaki na nasa duyan ang puspusang nakikinig habang ang kaniyang maybahay ay kumukuha naman ng kaunting pampalamig​—dalawang baso ng chicha, na giniling na mais. Magalang na tinanggap iyon ng aming kapatid at ininom iyon. Matapos iyon, ang kaniyang kasamang Goajiro, si Magaly, ay nagpaliwanag kung papaano ginagawa ang inuming iyon. Karaniwan na, ang mais ay ginigiling ng ngipin! Ang asawang babae ay hindi nakapigil sa paghalakhak habang kaniyang pinagmamasdan siya na putlang-putla.

Isa pang Indian na maginoo, palibhasa’y humanga sa pagsisikap ng kapatid na makarating sa kaniyang tahanan upang madalhan siya ng mensahe ng Bibliya, ay bumaba sa kaniyang duyan. Pagkatapos magsuot ng isang kamisadentro, kaniyang pinangunahan sila patungo sa isang nakukubling bahayan na nakaligtaan nila.

Sa pagdaraan sa isa pang hinawang lugar na doon ang ilan sa aming mga kaibigan ay nakikipag-usap sa mga adulto sa pamilya, may nakita kaming isang grupo ng maliliit na batang hubad at may malalaking tiyan na tahimik na nakatayo sa lilim ng isang punungkahoy. Napag-alaman namin na ang ganitong kalagayan ay dahilan sa malnutrisyon at mga parasito. Marami sa mga taong ito ay walang tubig-gripo at elektrisidad. Mangyari pa, ito’y nangangahulugan na walang mga refrigerator, bentilador, o mga ilaw.

Di-Inaasahang Dami ng Dumalo

Napakabilis na lumipas ang umaga. Samantalang kami’y pabalik sa bus upang kumain ng pananghalian, naisip namin kung ilan kaya sa mga inanyayahang iyon ang dadalo sa pahayag sa Bibliya sa hapon.

Nang ganap na 2:45 n.h., naisip namin kung ang grupo ng mga taong nagpunta roon sa bus ang tanging makikinig sa aming kapatid na Goajiro, na naghanda ng isang 45-minutong pahayag sa lokal na wika. Subalit hindi! Ang unang munting pamilya ay nahihiya pang dumating sa looban ng paaralan. Tiyak na sila’y namangha sapagkat lahat doon ay bumabati sa kanila. Nang sumunod na mga minuto, marami pa ang dumating, ang iba marahil ay malayo ang nilakad. Ang pamilya na nakatira sa lugar na hinawan at may isang dosenang kambing ay naroon din! Ibang-iba ang hitsura ng ginang na nasa duyan na nakasuot ng kaniyang makisig, initimang manta! Maging ang munting si Omar, na aming nakausap sa daan, ay naroon din, marahil ay nag-iisa siya. Samantalang nagdaratingan ang iba, ang kaisa-isang mahaba, konkretong tapakan sa looban ng paaralan na nagsilbing upuan ay napuno. Kaya ang aming palakaibigang tsuper ng bus ay nagsimulang hilahin ang mga upuan sa bus para upuan ng mga tao habang nakikinig sa pahayag.

Lahat-lahat ay 55 Goajirong Indian ang nagsiupo at nakinig sa pahayag ni Eduardo sa Bibliya. Ngunit, sila’y hindi naupong tahimik na tahimik. Kung sila’y sang-ayon sa isang puntong binanggit ng tagapagpahayag, maririnig ang mga higing at bahagyang pagkakaingay ng pagsang-ayon. Nang kaniyang banggitin ang napipintong wakas ng kabalakyutan, ang may edad nang ginang na binanggit sa pasimula pa lamang ay nakisali na. “Oo, napakaraming masasama,” aniya, na malakas anupat narinig ng lahat. “Ang totoo, may ilan ditong masasamang tao na nakaupo sa mga sandaling ito. Kaya inaasahan kong sila’y nakikinig!” May taktikang inayunan ni Brother Eduardo ang sinabing iyon at nagpatuloy sa kaniyang pahayag.

Pagkatapos ng pahayag, kumuha ng litrato ang isang kasama namin sa aming grupo. Nagustuhan iyan ng mga Goajiro at nagtanong kung dapat nilang hawakan at itaas ang kanilang mga brosyur na Tamasahin ang Buhay para sa susunod na kuha. Pagkatapos ang iba ay unti-unti nang nag-alisan, ngunit mga kalahati pa ang nanatili at pinanood kami sa aming pagsakay sa bus. Kami’y pinapangako na babalik, at hindi sila nag-alisan kundi noon lamang hindi na nila makita ang bus.

Sa aming pag-uwi, talagang nadama namin na isang pribilehiyo na dalhin sa mga taong ito ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Para sa marami ay noon lamang nila narinig iyon. Ang mga Saksi sa Maracaibo ay nag-uusap-usap na tungkol sa kanilang susunod na dalaw. May ibubunga ba ang kuwentong ito?

Isang Matagumpay na Kinalabasan

Ang mga kapatid ay bumalik makalipas ang dalawang linggo. Maraming literatura sa Bibliya ang naipasakamay, gumawa ng mga pagdalaw-muli sa mga interesado, at nagpasimula ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Isa pa, 79 na Indian ang dumalo sa ikalawang miting publiko sa labas. Noon ay ipinaliwanag ng mga kapatid na sila’y babalik makalipas ang tatlong linggo sa halip na dalawa dahilan sa isang pansirkitong asamblea. Ang mga Indian ay nabahala. “Baka kami mamatay bago sumapit iyan!” sabi ng isa sa kanila. Kanilang itinanong kung ano ang pansirkitong asamblea. Iyon ay napakagandang pakinggan kaya naisip nila na ibig din nilang dumalo roon! Gumawa ng mga kaayusan, at 34 sa kanila ang nakadalo sa asamblea sa Maracaibo, kung saan mga kapatid na gumagamit ng wikang Goajiro ang tumulong sa kanila na makaunawa sa programa sa Kastila.

Kalooban ni Jehova na “lahat ng uri ng tao ay . . . magkaroon ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:3, 4) Anong laking kagalakan na makita ang gayong magandang pagtugon nitong mga humahanap-ng-katotohanang mga Indian sa La Guajira Peninsula!

[Kahon sa pahina 26]

Mga Buhay na Pinayaman ng Katotohanan ng Bibliya

Sina Iris at Margarita, dalawang tin-edyer na Goajiro, ay natuwa nang makita ang brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! Subalit sila’y may suliranin. Hindi sila marunong bumasa. Ang Saksi na dumalaw ay nag-alok na tutulungan sila sa pamamagitan ng pulyetong Learn to Read and Write. Hindi nagtagal, ang mga batang ito ay galak na galak na isulat at bigkasin nang tama ang pangalang Jehova.

Habang sila’y sumusulong, sila’y namamangha sa kahanga-hangang pag-asang ibinibigay ng Bibliya. Ang lalo nang nakaantig sa kanilang damdamin ay ang pangako na lahat ng tao ay magtatamasa ng kalayaan. “Ang buhay rito ay napakalungkot para sa aming mga tin-edyer,” sabi nila. “Kadalasan kami ay ipinakakasal sa isang ipinagkasundo sa amin sa napakaagang edad, at ang panggagahasa ay palaging pinangangambahan.”

Ang isang tampok na karanasan para kay Iris at Margarita ay ang kanilang pagdalo sa isang pansirkitong asamblea sa Maracaibo. Sa kanilang mga mukha ay mababanaag ang kagalakan na nadama nila sa kanilang puso, lalo na sa pag-aawitan. Sila’y laging sabik na naghihintay sa may pintuan pagka pupunta roon ang Saksi para sa kanilang pag-aaral sa Bibliya, at hindi sila pumapalya minsan man sa pahayag pangmadla sa kanilang nayon. Nadarama ng mga dalagitang ito na talaga namang napayaman ang kanilang buhay ng pagkakilala sa Diyos na Jehova at sa kaniyang layunin.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share