Pangangaral sa Maputo—Ang Nakabibighaning Kabisera ng Mozambique!
Noong 1991, ang mga Saksi ni Jehova ay legal na kinilala ng Mozambique. Buhat noon ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay gumagawa ng kahima-himalang pagsulong sa tropikal na bansang ito sa timog-silangang baybayin ng Aprika. Ang sumusunod ay paglalahad kung papaano isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pagtuturo ng Bibliya sa Mozambique, lalo na sa palibot ng Maputo, ang kabisera.
PALIBHASA apektado ang lagay ng panahong ito ng mainit na Indian Ocean, ang Mozambique ay may kaaya-ayang klima. Kaakit-akit na mga dalampasigang may mga palma sa tabi at mga bahura ng korales ang saganang makikita sa baybayin. Isang malaking loók na may protektadong katubigan ang nasa gawing timog ng bansa—isang mainam na lokasyon para sa kabisera nito, ang Maputo.
Gayunman, dahilan sa kagandahan at katahimikan ng lupaing ito ay mahirap paniwalaan ang karahasan ng kasaysayan nito. Sa loob ng daan-daang taon ay nakipagpunyagi ito sa pagdomina rito ng mga banyaga, una ay ng mga Arabo at pagkatapos ay ng mga Portuges. Itong huli ay may lubos na pagpapala ng Iglesya Katolika upang pagsamantalahan ang lupain ng kaniyang kayamanan—garing, ginto, at mga alipin. Sa wakas, makalipas ang daan-daang taon ng kolonyal na paniniil, isang mapait na panloob na pakikihamok ang naganap na umakay sa pagtatamo ng kasarinlan noong 1975. Nakalulungkot, ang pagbabago ay hindi umakay upang maging lalong matiwasay ang buhay, samantalang ang bansa ay dumaranas ng gera sibil, na nagbunga ng malaking pagdurusa para sa mga mamamayan, unang-una para sa walang-malay na mga tagabukid.
Maputo, ang Kabisera
Noong huling dekada, libu-libong taga-Mozambique ang tumakas tungo sa medyo ligtas na mga bayan at mga siyudad. Ito’y lalung-lalo nang kapuna-puna sa Maputo, na kung saan may haluang aktibong arkitekturang Portuges at ang makulay na Aprika ay nagbibigay ng masiglang kapaligiran sa siyudad. Kung mamamasyal ka sa maluluwang, may hanay ng mga punungkahoy na mga kalye ng Maputo ngayon, ang unang mapapansin mo ay ang lubhang karamihang mga tao na nasa kanilang araw-araw na gawain. Subalit may isang pagkakaiba. “Sa kabila ng kasikipan at kahirapan ng araw-araw na pamumuhay, ang mga tao ay nakahanda ng pagngiti,” ang napuna ni Rodrigo, isang misyonero sa Maputo. “Halos wala kang makikitang mga taong magagaspang ang asal!” Oo, ang mga taga-Mozambique ay kilala sa pagiging palabati at palakaibigan.
Sabihin pa, gaya ng totoo sa kalakhang bahagi ng Aprika, ang natural na lugar na katatagpuan sa mga tao ay sa palengke. Upang makarating doon kailangang sumakay ka sa isang Chapa 100, ang tawag doon sa maraming pickup truck na ginagamit na sasakyang pampubliko. Gaya ng dati, lalong maraming tao ang waring nakabitin sa labas ng trak kaysa roon sa loob. Marahil ay mas mabuti pang maglakad.
Ang mga taga-Mozambique ay hindi na mapipigil sa pangangalakal. Ang isang bisita sa Maputo ay tiyak na makapapansin kung gaano karami ang may sariling hanapbuhay sa paglalagay ng maliliit na puwesto sa mga bangketa at mga kanto. Gusto mo bang bumili ng sariwang prutas, mga gulay, mga damu-damo, o mga pampalasa? Marami niyan. Kumusta naman ang buháy na manok, buto ng kasoy, o tambo na magagamit sa pagtatayo ng inyong bahay? Walang gaanong hirap, at lahat ay ginagawa sa espiritu ng pagkakaibigan. Mayroon din doon na mga serbisyo na gaya ng pagpapakintab ng iyong sapatos o paghuhugas ng iyong kotse. Sa pamamagitan ng paggamit ng nagbabagang piraso ng bakal at ng isang pilyego ng plastik, ang isang bata ay maaari pang mag-laminate ng iyong mahalagang mga dokumento.
Ang totoo, hindi lahat ng pagtitinda sa kalye ay talagang legal. Subalit ginagawa ito sa anumang paraan. Ang ilegal na mga tindero ay tinatawag na dumba nenge, na ang ibig sabihin ay “umasa sa iyong mga paa.” Ito walang-alinlangan ay dahilan sa pagdating ng mga autoridad upang mag-inspeksiyon, ang abilidad na tumakbo nang mabilis ay kailangan para mailigtas ang kanilang nanganganib na hanapbuhay.
Sa naaamoy natin, tiyak na tayo’y malapit na sa pamilihan ng mga isda! Sa kinahapunan araw-araw, sa tabing-dagat ng Costa do Sol, maraming nagkukulumpunan sa mga bangkang pangisda samantalang ibinababa ang kanilang huli sa araw na iyon. Bukod sa mga isda na may sari-saring hugis at laki, may mga alimasag, ulang, at mangyari pa, ang tanyag na mga sugpo mula sa Mozambique. Gayunman, ikaw ay baka interesado sa isa pang uri ng pangingisda na nagaganap sa Maputo at sa palibot.
“Mga Mamamalakaya ng mga Tao”
Buhat nang sila’y kilalaning legal sa Mozambique, ang mga Saksi ni Jehova ay tumanggap ng mainam na tugon buhat sa publiko. Isang lalaki ang nagpahayag ng kaniyang pagpapahalaga sa pamamagitan ng pagsasabi: “Sa London nakita ko ang marami sa inyo sa lansangan. Ang totoo, saanman ako pumaroon, ako’y may nakikitang mga Saksi ni Jehova. Ngayon ay natutuwa akong makita rin naman kayo rito.”
Kung ang pagtanggap sa mga Bibliya at literaturang salig-Bibliya sa Portuges at Tsonga, ang lokal na mga wika, ay may ibinabadya, masasabi nga na ito’y isang bayan na mahilig sa espirituwal. Si Paula, isa pang misyonera, ay nag-uulat na sa karaniwang Sabado ng umaga, malaki ang posibilidad na magpasakamay ng mahigit na 50 magasin sa basar, o central market. Ang aklat na Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas ay totoong popular. Maraming kabataan ang nabago ang pamumuhay o naulila dahilan sa gera, at waring pinahahalagahan nila ang mga pamantayan at patnubay na ibinibigay ng aklat na ito.
Sa isang karaniwang kaugaliang Aprikano, malalaking grupo ng mga taong interesado ang nagtitipon sa palibot ng misyonero upang pakinggan ang sinasabi. Ang gayong mga pagtitipon sa bangketa ay malimit na napapauwi sa masisiglang mga talakayan sa Kasulatan. Naaalaala pa ng isang sister ang isang kawili-wiling karanasan.
“Samantalang nagpapatotoo ako minsan sa lansangan, nangilabot ako nang isang jeep ng militar ang biglang huminto malapit sa akin. Ang ilan sa mga nakatayo roon ay sinigawan ng isang kabataang sundalo: ‘Hoy, kayo riyan, sabihin ninyo sa babaing iyan na pumarito.’ Nang ako’y pumaroon nga sa kaniya, ang sundalo ay masayang ngumiti kasabay ng pagsasabi: ‘Kayo’y mabubuting tao. Kami’y natutuwa na makita kayo rito. Ako’y naniniwala na mayroon kayong aklat tungkol sa mga kabataan. Ibig ko ring magkaroon ng isa.’ Ang sabi ko’y wala akong dala, subalit tiniyak ko sa kaniya na oras na magkaroon niyaon, dadalhan ko siya ng isa sa kaniyang tahanan.”
Paghahatid sa Bodega
Upang matugunan ang lumalaking pangangailangan sa literatura, ang tanggapang sangay ng Watch Tower Society sa Timog Aprika ay naghahatid ng suplay ng literatura sa isang bodega sa Maputo tuwing dalawang linggo. Si Manuel, isang misyonero, ang nangangalaga sa bodega at nag-oorganisa ng pamamahagi ng literatura.
Isang umaga isang namamasyal na lalaking nasa katanghaliang-edad ang pumasok at nagtanong kung sa ano ginagamit ang lugar na ito. Sumagot si Manuel at sinabing ito ay isang bodega para sa mga literatura sa Bibliya. Ang lalaki ay lumabas, subalit hindi lumampas ang isang minuto ay nagbalik siya.
“Sabi mo eh mga aklat ito sa Bibliya, di ba?” ang tanong niya.
“Opo, tama po iyon,” ang tugon ni Manuel.
“Para sa anong organisasyon ito?” ang tanong ng lalaki.
“Sa mga Saksi ni Jehova po,” ang tugon ni Manuel, na isinusog pa, “Ang aming lokal na mga kongregasyon ay patuloy na sinusuplayan namin ng literaturang ito.”
“Ah, mga Saksi ni Jehova!” ang mukha ng lalaki ay sumaya. “Napakaraming nagugustuhan ako sa inyo. Pero gayundin naman, may mga bagay na hindi ko gusto tungkol sa inyo.”
“Bueno, ano po ang nagugustuhan ninyo tungkol sa amin?” ang mataktikang tanong ni Manuel.
“Ibig ko ng interesante at edukasyonal na mga aklat na ginagawa ninyo,” ang sabi ng lalaki. “Ang ayaw ko naman ay yaong bagay na hindi ako makakuha ng sapat na dami ng mga aklat na iyan. Hindi kayo maniniwala na gustung-gusto namin na magkaroon ng literatura na katulad ng sa inyo dito sa Maputo.” Pagkatapos ay inilabas niya ang isang nakasulat na listahan ng lathalain ng Watch Tower Society, kasali na ang maraming mga luma nang labas ng mga magasing Bantayan at Gumising!, na wala siya.
“Dala-dala kong lagi ang listahang ito,” sabi niya kay Manuel. “Kailanman at may nakita akong mga Saksi ni Jehova, kumukuha ako ng anumang lathalaing mayroon sila. Kung matutulungan mo ako na makuha itong narito sa aking listahan, handa akong bayaran iyon nang mahal.”
Nagkuwentuhan na sila. Napag-alaman ni Manuel na ang taong iyon ay unang nakipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova noong dekada ng 1950 nang kaniyang basahin ang aklat na Creation. Subalit yamang ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay ibinawal sa ilalim ng pamahalaang Portuges, may bahagya lamang na pag-unlad.
Nang siya pagkatapos ay dumalaw sa lalaking iyon sa kaniyang opisina, napansin ni Manuel na lahat ng lathalain ng Watchtower na mayroon siya ay nakabalot ng plastik at maayos na nakasalansan. Ang taong iyon ay nasuplayan ni Manuel ng mga lathalain na kailangan upang makumpleto ang kaniyang koleksiyon, at siya’y nagsaayos na magdaos ng isang pag-aaral sa Bibliya sa taong iyon at sa kaniyang pamilya.
Lahat ng espirituwal na pagtatanim at pagdidilig na ito ay nagsisimulang magbunga nang sagana samantalang patuloy na “pinalalago iyon” ng Diyos. May mga palatandaan na ang pag-aani sa tapat-pusong mga tao ay magbibigay ng saganang ani sa Mozambique!—1 Corinto 3:6; Juan 4:36.
Teokratikong Pagsulong sa Kabila ng mga Balakid
Sa ngayon, may mahigit na 50 kongregasyon sa loob at sa palibot ng siyudad ng Maputo. Gayunman, wala raw doon na kahit na isang Kingdom Hall of Jehovah’s Witnesses. Bakit nga gayon? Dahilan sa mahirap na pamumuhay roon, ang mga kongregasyon ay walang kayang magpatayo kahit na ang ilan ay may pag-aaring lupa sa loob ng marami nang mga taon.a
Gayunman, ang gayong mga balakid ay hindi nakahahadlang sa pag-unlad. Sa kasalukuyan, mayroon mahigit na 5,000 pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya na idinaraos sa timugang bahagi ng Mozambique. Ganiyan na lang karami ang humihiling ng mga pag-aaral kung kaya kailangang gumawa ng mga ilang prioridad. Kung may humihiling ng pag-aaral, karaniwan nang ipinalalagay na siya’y dadalo sa lahat ng mga pulong ng kongregasyon.
Isang kongregasyon na naroroon sa lugar ng mga iskuwater ang kamakailan may bilang na 189 ang dumalo sa mga pulong kung Linggo bagaman mayroon lamang doon na 71 mamamahayag ng mabuting balita. Ang malaking grupong ito ay doon nagpupulong sa labas sa looban ng isang tahanan. Ang lugar ay nakukubli sa madla sa pamamagitan ng bakod na yero at tambo. Bago magsimula ang bawat pulong, ang lugar ay winawalis, at ang malaking bahagi ng mga dumalo, kasali na ang maraming mga adulto, ay umuupo sa banig na tambo na nakalatag sa lupa. Sila’y bigay na bigay ng pakikinig sa programa! Yamang maraming mga baguhan ang walang sipi ng Ang Bantayan upang masubaybayan ang pag-aaral, sila’y natututo na makinig na mabuti pagka binabasa ang mga parapo, at karamihan ng kamay ay nakataas upang sagutin ang mga tanong na binabasa ng konduktor.
Isa pang kongregasyon na may 59 na mamamahayag ang palagiang may mahigit na 140 dumadalo. Sila’y karaniwang nagpupulong sa isang walang bakod na loteng pinaghagdan-hagdan. Subalit kung panahon ng ulan, ang kongregasyon ay nagsisiksikan na lamang sa dalawang kuwarto ng isang maliit na apartment. Ang mga tagapakinig ay umaabot hanggang doon sa pasilyo, sa kusina, at sa balkonahe. Muli, hindi maaaring hindi mapansin ninuman ang pagpapahalaga at matamang pakikinig ng lahat, kasali na ang maraming kabataan, sa kanilang pagsubaybay nang puspusan sa programa.
Ang potensiyal para sa hinaharap na pagsulong sa Mozambique ay lalong higit na makikita sa mga asamblea. Kamakailan isang pansirkitong asamblea ang ginanap sa dating tanghalan ng bullfight sa sentro ng siyudad. Maguguniguni mo ba ang pagkamangha ng humigit-kumulang 3,000 mamamahayag nang mahigit na 10,000 ang dumalo sa mga sesyon?
“Ang Aanihin ay Marami”
Ang ganiyang mga karanasan ay malinaw na nagpapakitang may marami pang gawain sa Mozambique. Ang ilang kongregasyon ay kamakailan lamang unang dinalaw ng naglalakbay na tagapangasiwa na ipinadala roon ng tanggapang pansangay. Sila’y tumatanggap ng lubhang kinakailangang tulong upang maikapit ang tumpak na mga pamamaraang pang-organisasyon sa mga kongregasyon.
Ang mga kongregasyon ay lubhang nagpapahalaga rin sa kararating na mga misyonero ng Gilead. Si Francisco, isang matanda sa Maputo, ay may ganitong puna: “Ito ay isang malaking hakbang na pasulong para sa atin. Mayroon tayong sigasig. Mayroon tayong pag-ibig. Gayunman, kulang tayo ng pinakabagong impormasyon tungkol sa maraming bagay na pang-organisasyon. Ang talagang kailangan natin ay isa na may aktuwal na karanasan upang magturo sa atin kung papaano gagawin ang mga bagay-bagay. Ngayon, tayo’y maligayang-maligaya na narito sa atin ang mga misyonero.”
Ang mga misyonero naman, sa panig nila, ay nagagalak na makapaglingkod sa kanilang mga kapatid. Si Hans, na kamakailan naatasan sa Mozambique pagkatapos na maglingkod ng 20 taon sa Brazil, ay ganito ang sabi bilang kabuuan: “Ang paggawa sa larangan ng Mozambique ay isang malaking pribilehiyo! Ating nadarama na tayo’y nasa bingit na ng isang malawakang pagsulong dito. Napakaraming gawain dito. Puwede tayong gumamit ng isa pang 10 o 20 misyonero rito sa Maputo lamang.”
Ang teokratikong pagsulong na ngayo’y patuloy na lumalawak sa Mozambique ay nagpapagunita sa apurahang pananalita ni Jesus: “Ang aanihin ay marami, ngunit kakaunti ang mga manggagawa. Idalangin nga ninyo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin.” (Mateo 9:37, 38) May lahat ng dahilan na maniwalang sasagutin ni Jehova ang apurahang panawagang iyan alang-alang sa kaniyang mga lingkod sa Mozambique.
Libu-libong mga Saksi ni Jehova ang gumugugol ng 12 taon o higit pa sa mga detention center sa hilagang-kanlurang Mozambique. Nang ang iba sa kanila ay bumalik kamakailan sa Maputo, ang tanging materyal na ari-ariang taglay nila ay isang pirasong damit na pantapi sa kanilang mga balakang. Ang saganang taglay nila ay pananampalataya! Ang bukas-palad na pag-aabuloy ng pagkain at damit buhat sa kanilang mga kapuwa Saksi sa karatig na mga bansa ang tumulong sa kanila na magsimula ng panibagong buhay.
[Talababa]
a Kung ang isang tao ay nagkapalad na makatagpo ng trabaho rito, ang katamtamang kita ay mula $20 hanggang $30 sa isang buwan.
[Larawan sa pahina 23]
Ang mga kongregasyon ay nagtatamasa ng isang mainam na pagtangkilik sa Kristiyanong pagpapatotoo kung Sabado ng umaga
[Mga larawan sa pahina 24]
Makipagkilala sa 5-anyos na si Jaimito. Siya’y isinilang sa isang detention camp. Sa ngayon, ang mga magulang ni Jaimito ay nagagalak na makabalik sa Maputo. Bawat linggo tinitipon ni Francisco, ama ni Jaimito, ang buong pamilya para sa isang pag-aaral ng Bibliya. Ang kapuwa mga magulang ay gumugugol ng malaking panahon sa pagsasanay sa kanilang mga anak upang maging epektibong mga tagapagturo sa paglilingkod sa larangan. Si Jaimito ay natutuwang magpasakamay ng literatura sa lugar ng central market
[Larawan sa pahina 25]
Hindi dahil sa walang sariling mga Kingdom Hall ang mga kongregasyon ay napapahinto na sa kanilang pagsulong. Sa karamihan ng kaso, mahigit na doble ng bilang ng mamamahayag ang dumadalo sa mga pulong