Sila ay Nakasusumpong ng Tunay na Kaligayahan sa “Paraiso”
PARAISO! Iyan ang malimit na naaalaala pagka naisip ng mga tao ang Hawaii—at sa mabubuting dahilan. Ang umiiral dito ay katamtamang klima, kalangitang bughaw, umiindayog na mga punong palma, sariwang simoy ng hangin, at buhanginan sa tabing-dagat—mga bagay na maituturing ng marami na malaparaiso.
Ang mga katangiang ito ang nakaakit sa mga tao na tagamalayo at tagamalapit. Sila’y nanggaling sa Asia, sa Pasipiko, at sa Amerika, at maging sa mga lugar na katulad ng kapuluang Caribbeano at Europa. Marami ang lumipat dito dahil sa kaaya-ayang klima sa buong santaon. Ang iba naman ay naparito sa paghahanap ng katatagan sa kabuhayan—at kaligayahan, siyempre pa. Ang resulta ay mga taong nanggaling sa sari-saring bansa at mga angkan, na may sari-saring kultura at mga paniwala sa relihiyon.
Gayunman, may isa pang panig ang larawan. Tulad ng napakaraming magagandang lugar sa buong mundo, ang Hawaii ay sinasalot ng krimen, droga, mga taong delingkuwente, polusyon, at marami pang ibang mga problema na dumaragsa sa sangkatauhan saanman nakatira ang isang tao. Dahilan sa kapabayaan at kaimbutan ng tao, ang mga kapuluan ng Hawaii ay unti-unting hinuhubaran ng kanilang likas na kagandahan. Ang mga tao ay naghahangad ng isang paraiso, subalit hindi lahat ng naninirahan dito ay may sapat na pagmamalasakit upang gawin o panatilihin man lamang na isang paraiso ang mga islang ito. Hindi lamang magagandang tanawin at kaaya-ayang klima ang kailangan upang makagawa ng isang paraiso.
Gayunman, may isang lumalaking grupo ng mga tao na naninirahan dito at nagtatamasa ng tunay na kaligayahan sa malaparaisong lugar na ito. Sila ay mga taong tumatanggap sa katotohanan ng Bibliya at isinasapuso ang kahanga-hangang pangako ng Diyos: “Ako’y lumilikha ng mga bagong langit at ng isang bagong lupa; at ang dating mga bagay ay hindi na maaalaala, ni mapapasapuso man.” Ang mga taong ito ay maligayang nakatanaw sa hinaharap na ang isinasaisip ay ang mga salitang ito ni apostol Pedro: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na hinihintay natin ayon sa kaniyang pangako, at dito ay tatahan ang katuwiran.” (Isaias 65:17; 2 Pedro 3:13) Sino ba ang mga taong ito? Papaano nila nalaman ang kahanga-hangang pag-asang inihaharap ng Bibliya? At anong mga pagbabago ang naganap sa kanilang buhay?
Napagtagumpayan ang Pagkatakot sa Kamatayan
Si Isabel at ang kaniyang asawa, si George, ay lahing Pilipino. Si Isabel ay lumaki sa relihiyong Romano Katoliko ng kaniyang mga magulang, bagaman siya’y hindi pa nakababasa ng Bibliya. Itinuro kay Isabel na ang kaluluwa ng tao ay walang kamatayan. Papaano siya naapektuhan ng maling doktrinang ito? Buweno, siya’y natatakot pagka naiisip niya ang kamatayan sapagkat iniisip niya na ibabaon siyang buháy magpakailanman sa isang kabaong, ipinagpapalagay na hindi makatatakas ang kaniyang kaluluwa. Gayunman, noong 1973 ay nagsimula si Isabel na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Nang kaniyang mapag-alaman na may kamatayan pala ang kaluluwa ng tao at daraigin ng Diyos ang kamatayan sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli, labis-labis ang kaniyang kagalakan at siya’y nakadama ng malaking kaginhawahan. (Ezekiel 18:4, 20; Juan 5:28, 29) Ang katotohanan ng Bibliya ay napakintal nang malalim sa kaniya kung kaya siya’y mabilis na sumulong.
Kumusta naman si George? Siya man ay nakiupo samantalang tinatalakay ang Bibliya ngunit walang isinasaisip kundi patunayang mali ang mga Saksi. Gayunman, wala siyang makitang anumang kamalian sa mga bagay na itinuturo sa kanilang mag-asawa. Sa katunayan, di-nagtagal pagkatapos na sila’y magsimulang mag-aral, bumangon ang paksa tungkol sa dugo. Hanggang sa panahong iyan, si George ay mahilig sa mga pagkaing may kasamang dugo. Subalit nang kaniyang makita na malinaw na ibinabawal ng Bibliya ang pagkain ng dugo, siya’y hindi na rin kumain niyaon. (Genesis 9:3, 4; Levitico 17:10-12; Gawa 15:28, 29) Siya’y nagpatuloy ng pakikibahagi sa pag-aaral sa Bibliya at galak na galak nang sa wakas ay matagpuan niya ang katotohanan. Ngayon, si George, si Isabel, at ang kanilang apat na anak ay nagtatamasa ng tunay na kaligayahan sa pamumuhay nang ayon sa mga pamantayan ng Diyos.
Naakit ng Tunay na Pagka-Kristiyano
Isang Hapones na nagngangalang George at ang kaniyang maybahay na Portuges, si Lillian, ay lampas na sa kanilang ika-60 taon. Kapuwa sila ipinanganak at lumaki sa Hawaii. Palibhasa si George ay hindi naman tinuruan ng relihiyon ng kaniyang mga magulang, hindi niya dinibdib ang relihiyon. Gayunman, sa tuwina ay naniniwala siya sa Diyos. Sa kabilang dako naman, si Lillian ay pinalaki ng kaniyang mga magulang sa kanilang relihiyon, bilang isang Romano Katoliko.
Bagaman si George ay hindi isang mapusok na mambabasa ng Bibliya, siya’y may mga 30 taon nang nagbabasa ng mga magasing Ang Bantayan at Gumising! Kaya naman malaki ang kaalaman niya tungkol sa Bibliya. Gayunman, palibhasa’y isang pusakal na máninigarilyo at mánginginom, siya’y naging mabagal sa paggawa ng mga pagbabago sa kaniyang buhay. Habang lumilipas ang mga taon, si George ay nagpatuloy ng pagbabasa ng mga magasin at ng manaka-nakang pagdalo sa mga pulong Kristiyano sa Kingdom Hall. Bakit? Sapagkat, gaya ng kaniyang pagkasabi, “ang ibang mga relihiyon ay totoong mapagpaimbabaw” sa pagpapalampas sa maraming masasamang bagay na hinahatulan sa Bibliya. Kaniyang nakita na napapaiba ang mga Saksi ni Jehova.
Ano ang nakaakit sa tapat na asawa ni George, si Lillian, sa katotohanan ng Salita ng Diyos bagaman si Lillian ay totoong naimpluwensiyahan ng relihiyon ng kaniyang mga magulang? Buweno, ang kaniyang kapatid na babae sa laman ay nag-anyaya sa kaniya sa mga pulong sa Kingdom Hall. “Nagustuhan ko ang maligayang kapaligirang pampamilya at ang palakaibigang mga ngiti,” naalaala pa ni Lillian. Ang tunay na pag-iibigan na kaniyang nasaksihan sa gitna ng mga lingkod ni Jehova ay nakakumbinsi sa kaniya na ito ang katotohanan. (Juan 13:34, 35) Siya’y sumang-ayon na aralan ng Bibliya, hanggang sa wakas ay ialay ang kaniyang buhay sa Diyos na Jehova, at nabautismuhan mga ilang buwan matapos mabautismuhan ang kaniyang asawa.
Si George ay hindi na naninigarilyo o naglalasing, at itinapon ni Lillian ang lahat ng kaniyang relihiyosong mga idolo. Taglay ang pusong lipos ng pag-ibig, ang kanilang natutuhan ay ibinabahagi naman nila sa iba, kasali na ang kanilang 25 apo at 4 na apo-sa-tuhod. Masdan ang kanilang mga mukha, at tingnan kung gaano kasaya sina George at Lillian!
Nakamtan ang Kapayapaan at Kaligayahan
Si Patrick, isang Irlandes na nasa katamtamang edad, at ang kaniyang maybahay na Judio, si Nina, ay kapuwa lumipat sa Hawaii buhat sa timog-kanlurang Estados Unidos. Dati, sila ang nanguna sa umano’y malayang istilo ng pamumuhay sa mga droga, pag-eeksperimento sa relihiyon, at kaluwagan sa moral. Maraming taon din ang kanilang ginugol bilang mga miyembro ng isang kulto, na nagsisikap maabot ang nakatataas na kaalaman sa pamamagitan ng mga droga, pagbubulay-bulay, at kanilang sariling guru. Sa katagalan, hindi na natiis ni Patrick ang inggitan, pagtatalu-talo, at laging pagtataltalan ng mga miyembro ng kulto na nag-aangkin na sila’y nakarating na sa isang ‘nakatataas na antas ng kaalaman.’ Iniwan niya ang grupo at siya’y bumalik sa Hawaii, na naging tirahan niya noong nakaraan, sa pag-asang makasumpong ng kapayapaan ng isip. Pagkatapos nakumbinsi ni Patrick si Nina, na noon ay kaniyang nobya, na dumalaw. Sa wakas, sila’y napakasal at nanirahan sa Hawaii.
Bahagya man ay hindi batid ni Patrick at ni Nina na ang kanilang paghahanap ng kapayapaan at kaligayahan ay hahantong sa wakas sa pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Bagaman isang kompirmadong ateyista sa buong buhay niya, si Nina ay nagsimulang makasumpong ng nakasisiyang mga kasagutan ng Bibliya sa nakalilitong mga katanungan na gaya ng kung bakit umiiral ang kasamaan at kung bakit may nangyayaring masasamang bagay sa mabubuting tao. Ang sampung-taóng paghahanap ni Patrick ng katotohanan ay nagkaroon ng maligayang wakas. Di-nagtagal, ang kanilang natututuhan ni Nina sa Bibliya ang nagsimulang bumago sa kanilang pananaw sa moral. Pagkatapos ng isang matagal at mahirap na pakikipagpunyagi, napagtagumpayan ni Patrick ang matinding pagkasugapa sa paninigarilyo. Sa loob ng halos sampung taon na ngayon, silang mag-asawa ay namumuhay nang may kalinisan, malinis sa moral na ayon sa mga pamantayan ng Diyos. Taglay ang dalisay na mga puso at malilinis na budhi, kanilang tinatamasa ang kapayapaan na kanilang hinahangad.
Pagsasakripisyo at Kagantihan
“Puspusang magsumikap kayo na pumasok sa pintuang makipot, sapagkat sinasabi ko sa inyo na marami ang magtatangkang pumasok ngunit hindi makapapasok.” (Lucas 13:24) Malinaw na ipinakikita ng mga salitang iyan ni Jesu-Kristo na hindi madaling maglingkod sa Diyos at mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Kasulatan. Lahat ng nagnanasang gumawa ng gayon ay hindi lamang gagawa ng kailangang pagsusumikap kundi gagawa rin ng kinakailangang mga pagsasakripisyo. Tunay na ganiyan ang nangyari sa mga taong binanggit sa pag-uulat na ito. Subalit anong laki ng kanilang tinanggap na kagantihan!
Halimbawa, isaalang-alang si Patrick at si Nina, na kababanggit lamang. Sila’y gumawa ng malaking pagbabago buhat sa isang istilo ng pamumuhay na kanilang pinagkakakitaan nang malaki at inihalili roon ang buong-panahong ministeryong Kristiyano na tinutustusan ng manaka-nakang paghahanapbuhay. Gayunman, sila’y kumbinsido na ang espirituwal na kapakinabangan ay makapupong nakahihigit sa anumang materyal na pagsasakripisyong kanilang ginawa. At sila’y tunay na naliligayahan.
Dahilan sa kanilang edad, hindi madali ang pagbabago para kay George at kay Lillian. Ang pakikibahagi sa mga pulong Kristiyano at sa ministeryo ay nangangailangan ng panahon, atensiyon, at pisikal na pagsusumikap. Gayunman, sa laki ng kanilang katuwaan, ang kanilang kalusugan ay humusay pa, at ang buhay nila ngayon ay masasabing masigla, ganap, at maligaya.
Kung tungkol naman kay George at kay Isabel, ang pinakamalaking hamon sa kanila ay yaong pagsasanay sa kanilang mga anak at pagtulong sa mga ito upang makalakad sa daan ng buhay. Malaking panahon at pagpapagal ang kailangan upang ang apat na mga bata ay maihanda para sa pagdalo sa mga pulong Kristiyano o upang maisama sila sa ministeryong Kristiyano. Minsan ang patuluyang kagipitan na dinanas ni George at ni Isabel ay humila sa kanila na maging pabaya sa kanilang pananagutan bilang mga magulang. Subalit isang pahayag sa Bibliya na pinamagatang “Muling Binubuhay ang Espiritu ng Pagsasakripisyo-sa-Sarili” ang nagpakilos sa kanila na pag-ibayuhin ang kanilang pagsisikap na maibigay sa kanilang apat na anak ang lahat ng atensiyon at pagsasanay na kailangan upang ‘mapalaki sila sa disiplina at pangkaisipang payo ni Jehova.’ Mangyari pa, ang gayong pagpapagal ay ginaganti nang sagana.—Efeso 6:4.
Hindi ang magagandang tanawin, ang kaaya-ayang klima, o ang banayad na takbo ng buhay ang nagdadala ng tunay na kaligayahan sa mga taong ito at sa marami pang iba. Bagkus, iyon ay ang pagkaalam na kanilang ginagamit ang kanilang buhay ayon sa kalooban ng Diyos at namumuhay ayon sa mga pamantayan ng kaniyang Salita, ang Bibliya. (Eclesiastes 12:13) Gayundin, sa kanilang puso ay bumabalong ang tunay na kaligayahan samantalang kanilang ginuguniguni ang maligayang panahon na isang makalupang paraiso ang isasauli sa buong lupa.—Lucas 23:43.
[Larawan sa pahina 25]
Sina George, Isabel, at ang kanilang mga anak ay nakasumpong ng kasiyahan sa pagbabasa ng Bibliya
[Larawan sa pahina 26]
Nasumpungan nina George at Lillian ang kaligayahan sa ministeryong Kristiyano
[Larawan sa pahina 27]
Tinatamasa nina Patrick at Nina ang tunay na kapayapaan sa paglilingkod kay Jehova