Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 10/15 p. 24-27
  • Binahaan ng Katotohanan ang Nayon ng Maraming Tubig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Binahaan ng Katotohanan ang Nayon ng Maraming Tubig
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Ang Nakaraan at Kasalukuyan ay Nagtatagpo sa Rahbeh
  • Ang Tubig ng Katotohanan ay Nakarating sa Rahbeh
  • Ang Pagsulong ay May Dalang Pagsalansang
  • Binahaan ng Katotohanan ang Rahbeh
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 10/15 p. 24-27

Binahaan ng Katotohanan ang Nayon ng Maraming Tubig

LUBHANG kataka-taka! Isang lupain na tanyag dahil sa kaniyang maraming tubig ang nasumpungan na nauuhaw! Isang matubig na rehiyon ang nasumpungang tuyo at kapos sa tubig! Ito ay isang pagkauhaw na maaaring masapatan lamang ng tubig ng katotohanan buhat sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Ito ang kuwento ng Rahbeh, isang munting nayon na may 2,200 naninirahan, na nakasalagmak sa kabundukan ng hilagang Lebanon, 130 kilometro ang layo sa Beirut.

Ang pangalang Rahbeh ay nangangahulugan na “isang maluwang na lugar” sa Arabiko, at galing ito sa isang ugat na Semitiko na ang ibig sabihin ay “malawak, maluwang.” Angkop naman, ang nayon ay nasa kalawakan sa pagitan ng dalawang malalaking burol mga 600 metro ang taas sa dagat. Kung taglamig at tagsibol, nakikita ang niyebe sa itaas ng kabundukan sa silangan, anupat ito’y nagbibigay rito ng kaningningan. Subalit, higit sa lahat, ang Rahbeh ay isang nayon ng maraming tubig. May 360 batis, malalaki at maliliit, sa lugar na iyan, na nagbibigay ng kinakailangang tubig sa matatabang taniman ng trigo, apricot, peras, milokoton, at ubas sa nakapalibot na mga libis.

Ang Nakaraan at Kasalukuyan ay Nagtatagpo sa Rahbeh

Sa maraming paraan ang mga bagay-bagay sa Rahbeh ay nanatili nang halos katulad din noong panahon ng Bibliya. Ang mga bahay sa nayon ay lapit-lapit. Ang mga kalye ay makikitid, paliku-liko, at siksik na siksik ang trapik​—ng mga asno at mga baka. Bagaman may ilang behikulong de motor, ang mga hayop ang may higit na karapatan sa kalye rito. Malimit na ang mga may-ari ay naglululan sa mga ito ng mga produkto sa bukid at pinauuwi nang sila lamang. Kanilang tinatalunton ang makikitid na kalye, labas-masok sila sa makikipot na puwang, at nakararating din sa kanilang tahanan. Ito nga kaya ang nasa isip ni Isaias nang kaniyang sabihin: “Nakikilala ng baka ang kaniyang panginoon, at ng asno ang pasabsaban ng may-ari sa kaniya”?​—Isaias 1:3.

Ang Rahbeh ay isang lugar din ng mga pagkakaiba. Dito ay may makikita kang mga nagtapos sa pamantasan at simpleng mga magbubukid na kailanman ay hindi pa nakararating sa isang siyudad. May mga nayon na napalilibutan ng mga halamanan, at may maliliit na kubo na may mga bakang patakbu-takbo sa palibot. May de kuryenteng mga kasangkapan na matatagpuan sa halos bawat tahanan, ngunit hindi laging makagagamit doon ng kuryente. Dahilan dito, maraming tahanan ang may generator. Ang malalaking kalye ng nayon ay aspaltado, bagaman karamihan ng landas na patungo sa mga bukid ay hindi aspaltado at baku-bako. Sa gayon, ang tanging paraan upang madala saanman ang mga produktong nanggagaling sa bukid ay sa pamamagitan ng pinagkakargahang mga hayop. Baka nga makakikita ka pa ng isang asno na may dalang generator ng kuryente sa bukid upang gamitin sa mga makina sa bukid, na ginagamit kaagapay ng mga pangkargadang hayop sa mga bukid.

Gayundin naman, ang buhay sa nayon ay walang gaanong ipinagbago. Kung ikaw ay matutulog ng isang gabi sa nayon, ikaw ay baka gisingin ng mga tandang na tumitilaok sa alas dos o alas tres ng mag-uumaga. Ang araw-araw na mga gawain ay nagsisimulang maaga, kaya huwag kang magtataka kung maririnig mo ang ingay ng mga taong nagsisigawan sa isa’t isa sa kadiliman samantalang inihahanda sa pagbibiyahe ang mga hayop. Sa pagbubukang-liwayway, makikita mo na ang maraming taganayon, may kargada na ang kanilang mga hayop, patungo sa bukid o kaya sa mga pamilihan na pinagbebentahan ng kanilang mga kalakal.

Habang lumilipas ang maghapon, naglalabasan naman ang mga bata, mga lalaki at mga babae, upang maglaro sa mga kalye at mga lugar pampubliko. Ang kanilang mga sigawan at tawanan ang maririnig, gaya sa sinaunang Jerusalem sa paglalarawan ni propeta Zacarias: “Ang mga lansangan ng bayan ay mapupuno ng mga batang lalaki at babae na naglalaro sa mga lansangan niyaon.” (Zacarias 8:5) Matatagpuan mo rin na ang mga taganayon ay totoong palakaibigan at mausisa. Inaasahang babatiin mo ang bawat taganayon na makasalubong mo, sapagkat ibig nilang maalaman kung sino ka, tagasaan ka, kung bakit ka naroon, at kung saan ka pupunta. Ang mga tagaroon ay matatalik na magkakakilala.

Ang Tubig ng Katotohanan ay Nakarating sa Rahbeh

Sa isang gayong komunidad na magkakalapit ang mga mamamayan, madaling kumalat ang balita. Ganito ang nangyari nang si Asaad Younis ay bumalik sa Rahbeh galing sa Estados Unidos noong 1923. Sa pananabik na malaman kung si Asaad ay yumaman sa Amerika, ang kaniyang kaibigang si Abdallah Blal ay napadalaw. Sa halip na makipag-usap tungkol sa salapi, binigyan siya ni Asaad ng isang kopya ng aklat na The Harp of God at sinabi sa kaniya: “Narito ang tunay na kayamanan.” Ang salig sa Bibliyang publikasyong ito ay binasa ni Abdallah, isang dating Protestante at siya’y lubhang humanga. Bagaman walang gaanong ginawa si Asaad tungkol sa impormasyon, si Abdallah naman ay tuwang-tuwa sa kaniyang natutuhan at hayagang inamin na kaniyang nasumpungan ang katotohanan.

Ilang panahon ang nakalipas, si Abdallah ay lumipat sa Tripoli, ang pangunahing siyudad sa hilagang Lebanon. Doon, kaniyang nakilala ang ilang Estudyante ng Bibliya, gaya ng pagkakilala sa mga Saksi ni Jehova noon, at siya’y sumulong pa sa kaniyang mga pag-aaral sa Bibliya. Nang malaunan ay bumalik siya sa Rahbeh upang ikalat ang mabuting balita na kaniyang natutuhan. Siya’y nakipagtalakayan sa mga kanayon niya sa mga paksang gaya ng Trinidad, kung mayroon bang kaluluwang walang kamatayan ang tao, apoy ng impiyerno, ang pagpapari, Misa, at ang paggamit ng imahen, na binabahaginan sila ng aktuwal na itinuturo ng Bibliya.

Ang ilan sa taganayon ay nagpakita ng interes. Tatlo o apat sa kanila ang sumama kay Abdallah sa pangangaral. Pagkatapos ay nagsimula silang magdaos ng mga pulong kung Linggo. Dito’y nakikinig sila sa isinaplakang sermon na pinatutugtog sa ponograpo o sa pagbabasa buhat sa Bibliya, na sinusundan ng talakayan ng kanilang karirinig-rinig lamang. Nang malaunan, gumamit na ng mga ilang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, kasali na ang mga aklat na The Harp of God, Riches, at “Let God Be True.” Ang dumadalo ay hindi lumalampas sa sampu katao, na karamihan ay nag-uusyoso lamang at hindi interesado. Ang iba naman ay waring nagpupunta lamang dahilan sa pagkaing isinisilbi pagkatapos ng bawat pulong.

Noong dekada ng 1940, si Abdallah Blal ay binigyan ng pananagutan ng pag-aasikaso sa grupo sa Rahbeh. Siya’y napatunayang isang masigasig at tapat na lingkod ni Jehova, na nagsilbing isang mabuting halimbawa para sa iba. Ang isa rito, si Brother Mattar, ay nakaaalaala pa kung papaano nila isinasagawa ang kanilang pangangaral: “Yamang wala pang mga auto noong mga araw na iyon, kami ni Brother Blal ay naglalakad upang magpatotoo sa karatig na mga nayon. Ako ang may dala ng ponograpo, samantalang si Brother Blal ang nangunguna sa pagsasalita. Kami ay karaniwan nang nangangaral nang dalawa o tatlong araw bago umuwi.” Si Brother Blal ay naglingkod na may katapatan kay Jehova hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1979 sa edad na 98.

Ang Pagsulong ay May Dalang Pagsalansang

Samantalang sumusulong ang gawain, nagsimula namang makaranas ng pagsalansang ang mga kapatid. Noong 1950, sa sulsol ng pari ng nayon, isang kampanya ng pag-uusig ang sinimulan laban sa mga kapatid sa Rahbeh. Inakusahan ng pari ang mga kapatid ng paglapastangan sa simbahan at ng kapaslangan. Ganiyan na lamang ang galit ng mga taganayon anupat kanilang pinagbabato ang mga kapatid, at ang ilang kapatid ay inaresto at ibinilanggo. Gayunman, ang sumunod na imbestigasyon ay nagpabulaan sa mga akusasyon. Nagkagayon man, ang mga kapatid ay hindi pa rin pinalaya nang mga ilang araw.

Isang mananalansang ang nagsikap na udyukan ang mga taganayon, bagaman ang ilan sa kanila ay hindi makabasang mabuti, na lumagda sa isang papeles na umaakusa sa mga kapatid ng maraming bagay, kasali na ang panggugulo sa bayan dahil sa walang puknat na pagdalaw sa kanilang mga tahanan. Upang higit pang mga tao ang lumagda sa papeles, sinabi niya sa kanila na iyon ay isang paghiling na isang manggagawa ang maibalik sa nayong iyon. Nang matuklasan ng mga mamamayan na iyon pala ay isang paratang laban sa mga Saksi, kanilang binura ang kanilang mga pirma. Ang mga insidenteng katulad nito ay nakatulong sa pagbibigay ng isang mabuting patotoo sa maraming opisyales sa lugar na iyon.

Bukod sa pakikitungo sa ganiyang tahasang pananalansang, ang mga kapatid ay napapaharap sa isa pang balakid. Sa isang munting nayon na kung saan magkakakilala ang lahat, “ang panginginig sa harap ng mga tao ang nagsisilbing silo,” gaya ng binabanggit ng Bibliya sa Kawikaan 29:25. Nangangailangan ng lakas ng loob upang ang mga kapatid ay makapangaral sa mga kapitbahay, kaibigan, at mga kamag-anak, na palaging namimintas at nanlilibak sa kanila. Nagkakaroon sa gayon ng tunay na kahulugan ang salita ni Jesus sa Mateo 10:36: “Ang magiging kaaway ng isang tao ay yaong mga nasa kaniyang sariling sambahayan.” Gayunman, gaya ng sabi pa ng kawikaan, “siyang nagtitiwala kay Jehova ay maliligtas.” Ang pananampalataya at pagtitiis ng mga kapatid ay nagbunga ng mahalagang mga resulta.

Binahaan ng Katotohanan ang Rahbeh

Sa paglakad ng mga taon nakita ng mga taganayon ang magandang asal ng mga Saksi ni Jehova, at marami ang nagsitanggap ng katotohanan. Ang mga kapatid ay labis na nagalak noong 1969 nang ang pangalawang kongregasyon ay matatag sa Rahbeh. Sila’y nagpatuloy ng puspusang pagpapagal. Marami ang pumasok sa buong-panahong ministeryo, ang iba ay lumipat pa nga sa ibang mga teritoryo, kasali na ang siyudad ng Beirut. Pinagpala naman ni Jehova ang kanilang pagpapagal, at ang pangatlong kongregasyon ay naitatag sa Rahbeh noong 1983. Samantala, maraming kapatid ang nandayuhan sa ibang lugar o lumipat sa mga siyudad. Gayumpaman, nagpatuloy ang paglago, at ang ikaapat na kongregasyon ay itinatag sa Rahbeh noong 1989, sinundan ng panlima noong 1990.

Nang panahong ito halos bawat pamilya sa nayon ay may kamag-anak o kaibigan na isang Saksi. Ang dating pagkapoot sa kanila ay naparam na. Ang mga tao ay nagkaroon ng lalong mainam na pagkakilala sa mga Saksi. Sa katunayan, ang pananalitang “matanda,” “payunir,” “tagapangasiwa ng sirkito,” “asamblea,” at “Armagedon” ay naging isang bahagi ng talasalitaan ng mga taganayon. Sa natatanging mga okasyon, tulad halimbawa ng pagdalaw ng tagapangasiwa ng sirkito o ng Memoryal, ang mga kalye ay bakante at ang mga Kingdom Hall naman ay punung-puno ng tao. Ang ibang mga kongregasyon ay naglalagay pa ng mga loudspeaker sa balkonahe para maging kombinyente para sa mga kapitbahay.

Ngayon ay may mahigit na 250 mamamahayag ng Kaharian sa Rahbeh. Iyan ay nangangahulugan na may 1 Saksi para sa mga 8 katao sa nayon! Isang kongregasyon ng 51 mamamahayag ang may teritoryong 76 na mga bahay, at kanilang nagagawa ito bawat linggo. Gunigunihin ang nangyari noong mga buwan ng Marso at Abril noong nakaraang taon nang 98 ng 250 mamamahayag ang nag-auxiliary pioneer, kasama ang 13 regular pioneer sa Rahbeh. Ang teritoryo ay nagawa maraming beses bawat sanlinggo. Karaniwan nang ang isang bahay ay nadadalaw ng dalawa o tatlong magkasamang mamamahayag sa isang araw o kahit sa parehong oras. Karamihan ng mga taganayon ay nahirati na sa mga pagdalaw. Subalit nang isang lalaki ang nagreklamo, isang mamamahayag ang tumugon: “Pagka tinanggap mo ang alok na pag-aaral sa Bibliya, ikaw ay dadalawin ng minsanan na lamang sa isang linggo.” Kanilang kinakausap din ang kanilang mga kakilala sa bukid​—mga taong nag-aararo, naghahasik, nagdidilig, o nakasakay sa isang asno.

Ang totoo, binahaan ng katotohanan sa Bibliya ang Rahbeh, ang nayon ng maraming tubig. Hindi lamang iyan. Kung papaano naging bukal ng sariwang tubig ang Rahbeh para sa nakapalibot na mga nayon, ito’y nagbigay rin sa kanila ng nagbibigay-buhay na tubig ng katotohanan sa Bibliya. Ang mga mamamahayag buhat sa Rahbeh ay naglalakad sa pagdalaw sa mga tao sa karatig na mga nayon at nag-oorganisa ng grupu-grupong mga kotse at nagbibiyahe kung araw upang mangaral sa mga nayon na malalayo. Ang ibang mga mamamahayag ay lumilipat upang maglingkod sa ibang mga siyudad. Sa pagpapala ni Jehova, magkakaroon ng higit pang pagsulong na magdudulot ng lalong maraming papuri sa makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova.

[Larawan sa pahina 26]

Isang tanawin sa kalye sa Rahbeh

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share