Pagdadala ng Unawa sa Namibia
SA ILANG wika mo na ba narinig ang pananalitang “Hindi ko alam”? “Hi nokuzuva,” ang sabi ng babaing Herero, sa kaniyang kinaugaliang mahabang damit at isang pantakip sa ulo na korteng sungay. “Nghi udite ko,” ang tugon naman ng batang babae na Kwanyama, sabay ngiti. “Kandi uvite ko,” ang tugon ng taganayong Ndonga, sabay pagkikibit ng kaniyang mga balikat. “Kapi na kuzuvha,” ang sabat naman ng isang pastol ng mga kambing na Kwangali.
Lahat ng mga taong ito ay nagsasabing, “Hindi ko alam.” Isang magandang halimbawa ito ng kinakaharap ng mga Saksi ni Jehova sa Namibia kung tungkol sa mga suliranin sa wika na mahirap mapagtagumpayan pagka kanilang sinikap na marating ang 1,370,000 naninirahan sa malawak na teritoryong ito na humigit-kumulang 824,000 kilometro kuwadrado!
At hindi nga kataka-taka! Hindi lamang ang mga Herero at mga Nama kundi pati ang Ovambo, Kavango, Tswana, Caprivian, Himba, Bushman, at Damara ng Namibia ang may kani-kaniyang sariling wika. Ibang-iba naman, ang mga Saksi na nasasangkapan ng literatura sa Bibliya sa Ingles at Afrikaans lamang. Maliwanag, upang ang katotohanan ay maunawaan ng higit pang maraming tao, mahalaga ang gawaing pagsasalin. Ito’y nagsimula sa isang pagkaliit-liit na paraan maraming taon na ngayon sa Windhoek, ang kabiserang lunsod ng noon ay Timog-Kanlurang Aprika.
“Sa Windhoek, may mahigpit na pananalansang sa ating gawaing pagpapatotoo buhat sa simbahan at sa pulisya,” naalaala pa ni Dick Waldron. Kasama ang kaniyang maybahay, si Coralie, siya’y dumating sa bansang ito noong 1953 bilang isang nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead. “Kami’y hindi pinayagang pumasok sa mga lugar na kinatitirhan ng mga itim, at kung minsan kami ay tinatakot pagka nakikitang nakikipag-usap sa mga itim. Sa wakas kami’y nakasumpong ng isang lugar na kung saan kami ay hindi ginambala—ang natuyong lunas ng Ilog Gammans! Ito ay doon sa labas ng bayan. Kami’y nakakubli sa ilalim ng makapal na mga punong akasya, samantalang kami’y nagdaraos doon ng mga pag-aaral sa Bibliya.”
Doon din unang isinalin sa mga wika roon ang mga publikasyon ng Watch Tower. Kasali na rito ang ilang tract sa Kwanyama at ang pulyetong “Ang Mabuting Balitang Ito ng Kaharian” sa Nama. Nagugunita pa ni Brother Waldron ang isang nakatatawang karanasan tungkol sa pulyetong ito, na katulong sa pagsasalin ang isang taong interesado. Walang makitang katumbas sa Nama ng pangungusap na, “Si Adan ay isang sakdal na tao.” Kaya ang sabi ng lalaking interesado: “Basta isulat na si Adan ay gaya ng isang hinog na milokoton (peach). Mauunawaan ng mga nagsasalita ng Nama na siya ay sakdal.” Kung gayon, ganito nga nakapagpasimula ng pagpapaunawa ng Kasulatan sa marami sa katutubong mga taga-Namibia.—Ihambing ang Daniel 11:33.
Naganap ang Isang Makasaysayang Pangyayari
Isang makasaysayang pangyayari ang naganap noong pasimula ng dekada ng 1970 nang ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-hanggan ay isinalin sa Ndonga at Kwanyama. Ang mga ito ang dalawang pangunahing wika na ginagamit ng maraming taga-Namibia sa Ovamboland, mga 700 kilometro sa hilaga ng Windhoek. Isang tahanan para sa mga payunir ang noon ay itinatag sa Ondangwa, isang pamayanan ng Ovamboland. Upang tulungan ang mga taong interesado sa lugar na ito na makinabang sa lingguhang talakayan sa Bibliya na batay sa Ang Bantayan, ang mga special pioneer na naglilingkod sa Ovamboland ay inatasan na magsalin sa Ndonga at Kwanyama ng isang sumaryo ng pinag-aaralang mga artikulo sa Ingles.
Ang “opisina” sa pagsasalin ay isang pinartisyong sulok ng isang garahe na doon ginawa sa isang lumang makinang palimbagan ang mga sipi ng isinaling materyal sa Bantayan. Hindi madaling magbuhos ng isip sa gawaing ito na nangangailangan ng panahon, yamang ang mga kalagayan ay medyo atrasado at ang temperatura sa tag-init ay may aberids na nasa pagitan ng 38 at 44 na grado Celcius. Gayumpaman, dito isinalin ang mga bagong brosyur at ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa.
Habang natatatag ang mga kongregasyon sa Ovamboland at saanman sa Namibia, masigla ang tugon anupat mas malalaki at mas maiinam na kapaligiran ang kinakailangan. Isa pa, isang lugar na nasa sentro ang kinakailangan upang mabigyan ng atensiyon ang mga pangangailangan sa ibang panig ng bansa. Samantala, ang maling akala laban sa gawaing pangangaral ng Kaharian ay nabawasan. Kaya kumuha ng permiso na magpasimula ng pagtatayo sa isang malaking solar na donasyon ng isa sa mga Saksi ni Jehova sa Windhoek. Hindi nagtagal, mahigit na 40 boluntaryong manggagawa ang binigyan ng matutuluyan sa lugar na pinagtatayuan, at noong Disyembre 1990 ang mga tanggapan sa pagsasalin ay natapos.
Ngayon, sa komportableng mga tanggapan at mga kuwarto sa modernong gusaling ito, ang gawain na pagdadala ng unawa sa marami ay nagaganap nang mabilis. Mga bagong literatura ang patuloy na isinasalin sa Herero at Kwangali. Kung tungkol sa Ndonga at Kwanyama, isang dalawahang-wikang buwanang edisyon ng Ang Bantayan ang inilalathala na ngayon nang may kulay. Taglay nito ang lahat ng mga artikulong pinag-aaralan at gayundin ng iba pang mga materyal. Ito nga ay isang bagay na ibang-iba sa munting pasimula sa tuyong lunas ng ilog maraming taon na ngayon ang nakalilipas.
Ang “hindi ko alam” ay bihira nang marinig ngayon. Sa halip, mahigit na 600 Saksi ni Jehova sa Namibia ang lubhang nagpapasalamat sa kanilang makalangit na Ama, at ngayon ay masasabi na nila: “Ang mismong isinisiwalat ng iyong mga salita ay nagbibigay ng liwanag, nagpapaunawa sa mga walang karanasan.”—Awit 119:130.
[Mga larawan sa pahina 25]
Paghahayag ng mabuting balita sa mga Herero
Pagsasalin ng mga lathalaing Kristiyano upang makinabang ang mga taga-Namibia
Mga opisina sa pagsasalin sa Namibia