Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Nangangahulugan ba ang Mateo 28:17 na ang ilang mga apostol ay patuloy na nag-alinlangan nang matagal na panahon pagkatapos na magpakita sa kanila ang binuhay-muling si Jesus?
Hindi, hindi tayo manghihinuha ng ganiyan buhat sa Mateo 28:16, 17, na kababasahan: “Ang labing-isang alagad ay naparoon sa Galilea sa bundok na sa kanila’y itinuro ni Jesus, at nang siya’y kanilang makita ay nagpatirapa sila, subalit ang iba ay nag-alinlangan.”
Patiunang sinikap ni Jesus na tulungan ang mga alagad na maunawaang “kinakailangang siya’y pumaroon sa Jerusalem at magdusa ng maraming bagay sa nakatatandang mga lalaki at mga pangulong saserdote at mga eskriba, at siya’y patayin, at buhayin sa ikatlong araw.” (Mateo 16:21) Gayumpaman, ang kaniyang pagkadakip at pagkamatay ay sumira ng loob ng mga alagad at nakalito sa kanila. Ang kaniyang pagkabuhay-muli ay waring isang sorpresa. At nang siya’y magpakita sa anyong tao, sa simula ang iba ay “hindi makapaniwala dahil sa labis na kagalakan.” (Lucas 24:36-41) Ngunit, ang kaniyang pagpapakita matapos buhaying-muli ay tumulong sa kaniyang matalik na mga tagasunod na tanggapin ang katotohanan na siya’y binuhay-muli; maging si apostol Tomas man ay kumbinsido na si Jesus ay binuhay na.—Juan 20:24-29.
Pagkatapos niyan ang 11 tapat na mga apostol ay “naparoon sa Galilea.” (Mateo 28:16; Juan 21:1) Samantalang sila’y naroon, si Jesus ay “minsanang nagpakita sa mahigit na limandaang kapatid.” (1 Corinto 15:6) Sa ganitong tagpo binabanggit ng Mateo 28:17 na ang “iba ay nag-alinlangan.” Samakatuwid yaong mga nag-aalinlangan pa ay maaaring kabilang sa 500 tagasunod.
Pansinin ang interesanteng komento tungkol dito buhat kay C. T. Russell, unang presidente ng Watch Tower Society:
“Ang mga nag-alinlangan ay hindi natin makatuwirang maipagpapalagay na kabilang sa alinman sa labing-isang apostol, sapagkat sila’y lubusang nasiyahan, ganap na kumbinsido, at gayon na nga ang kanilang naipahayag na. Yaong mga nag-alinlangan, sa palagay namin, ay kabilang sa ‘limandaang kapatid’ na naroon sa itinakdang pagtitipong ito, na walang dating pakikipag-ugnayan sa kaniya magbuhat nang kaniyang pagkabuhay-muli, at ang ilan sa kanila, makatuwirang maipagpapalagay natin, ay mas mahihina sa pananampalataya kaysa mga apostol at sa natatanging mga kaibigan na nakausap na ni Jesus matapos na siya’y buhayin. Ang pangungusap na ‘ang iba’y nag-alinlangan’ ay isang patotoo ng pagkatahasang mangusap ng rekord ng Ebanghelista. Ipinakikita rin naman na ang mga tagasunod ng Panginoon ay hindi labis na mapaniwalain, kundi bagkus kanilang sinasala at pinagtitimbang-timbang ang iniharap na mga patotoo, at sa dakong huli ang sigasig, lakas at espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili niyaong mga sumampalataya ay nagbibigay sa atin ng saganang patotoo ng kataimtiman ng kanilang mga paniniwala tungkol sa pagkabuhay-muli ng ating Panginoon, na kanilang kinikilala at pati rin tayo’y kumikilala na ito ang mismong panukat ng ating pananampalataya sa kaniya. Kung si Kristo ay hindi binuhay ang ating pananampalataya ay walang kabuluhan at tayo’y narito pa sa ating mga kasalanan.—1 Cor. 15:17.”—Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence, Mayo 1, 1901D, pahina 152.
Tandaan din natin na ang paraan ng pagbanggit ni Mateo sa puntong ito ay nagbibigay sa atin ng isang patotoo ng pagkamapanghahawakan at ng pagiging totoo ng Bibliya. Kung ang isang tao ay umiimbento ng isang kuwento, siya’y magbibigay ng mga detalye na anupat ang kaniyang inimbentong kuwento ay magtitinging para bang kapani-paniwala; malamang na iisipin niya na ang hindi isinamang mga detalye o waring mga patlang ay lilikha ng pag-aalinlangan sa kaniyang inimbento. Kumusta naman si Mateo?
Hindi niya inakalang obligado siyang magbigay ng detalyadong paliwanag tungkol sa kaniyang sinabi na “ang iba ay nag-alinlangan.” Ang mga pag-uulat ni Marcos, Lucas, at Juan ay walang sinasabing anuman tungkol dito, kaya ang sinabi ni Mateo kung ito lamang ay waring nagsasangkot sa 11 apostol, na siya na ang isa roon. Gayunman, ginawa ni Mateo ang maikling pangungusap nang hindi nililinaw ito. Mga 14 na taon ang nakalipas, isinulat ni apostol Pablo ang aklat ng Unang Corinto. Sa liwanag ng detalye na kaniyang binanggit sa 1 Corinto 15:6, malamang na tayo’y makapanghihinuha na yaong mga nag-alinlangan ay hindi mga apostol kundi mga alagad sa Galilea na sa kanila’y hindi pa nagpapakita si Jesus. Sa gayon, ang sinabi ni Mateo na “ang iba ay nag-alinlangan” ay may taginting ng katotohanan; tunay na ito’y may taginting ng isang tapat na manunulat na naghaharap ng isang tunay na kasaysayan nang hindi sinisikap na ipaliwanag ang lahat ng detalye.