Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Espirituwal na Pagpapalaya sa Colombia
MULA pa noong panahon ng mga mananakop na Kastila, ang Katolisismo ang relihiyon na namayani sa Timog Amerika. Sa Colombia ay malaon na itong opisyal na relihiyon ng Estado. Noong nakalipas na 105 taon, ang Batikano ay nakipagkasundo sa gobyerno ng Colombia na bigyan ng proteksiyon ang simbahan at pinagkalooban ito ng natatanging mga pribilehiyo sa larangan ng edukasyon at pag-aasawa.
Noong Disyembre 1990 ang mga mamamayan sa Colombia ay naghalal ng isang komisyon na bubuo ng isang bagong konstitusyon, na natupad noong kalagitnaan ng 1991. Ang bagong konstitusyon ang bumabago ng katayuan ng relihiyon sa Colombia. Lahat ng relihiyon ngayon ay may magkakapantay na karapatan sa harap ng batas, at ang relihiyosong instruksiyon ay hindi maaaring ipilit sa mga bata sa mga paaralang publiko. Ang pakikipagkasundo sa Batikano ay nakatakdang baguhin na ang sumasaisip ay ang mga pagbabagong ito sa konstitusyon.
Ang lalong malaking kalayaang ito sa relihiyon ay magbabawas sa impluwensiya ng Iglesya Katolika, anupat magiging mas madali para sa mga tapat-puso na magtamo ng mga kaalaman sa Bibliya at magkaroon ng espirituwal na kalayaan.
Samantalang inaasam-asam ang espirituwal na kalayaang ito, ang 51,000 Saksi ni Jehova sa bansa ay naghahanda upang asikasuhin ang espirituwal na mga takas. Ang kanilang bagong sangay na complex na may pinalawak na mga pasilidad, kasali na roon ang isang high-speed full-color na palimbagang offset, ay malapit nang matapos. Pansamantalang mga special pioneer ang ipinadala sa mas maliliit na mga bayan upang hanapin ang mga nawawalang tupa ni Jehova at makapagsagawa ng isang kahanga-hangang pagtuturo ng Bibliya. Sa 63 bayan na bawat isa’y may mga 10,000 naninirahan, 47 bagong mga kongregasyon at mga grupo ang naitatag.
Samantalang patuloy na pinakikilos ng espiritu ni Jehova ang tapat-pusong mga tao, maraming kabataan ang tumutugon din. Ang publikasyon na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas ay napatunayang isang walang kasinghalagang tulong kapuwa sa gayong mga kabataan at sa kanilang mga magulang. Samantalang nagbabahay-bahay, isang Saksi ang nakasalubong ng isang lalaking nakabasa na ng ilang bahagi ng aklat, na ipinahiram sa kaniya ng isang kapitbahay. Siya’y hangang-hanga sa praktikal na karunungan na ipinakita nito sa pagtalakay sa mga suliranin ng pamilya. Ang Kabanata 4, “Bakit Naghiwalay si Itay at si Inay?” ang lalo nang hinangaan niya, palibhasa siya at ang kaniyang asawa ay halos maghihiwalay na lamang. Sinabi niyang ang aklat ang nagligtas sa kaniya buhat sa isang malaking kapahamakan. Ngayon siya at ang kaniyang pamilya ay nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at dumadalo sa lahat ng mga pulong ng kongregasyon. Sila’y lubhang napasasalamat sa praktikal na karunungan na ibinibigay ni Jehova sa pamamagitan ng Bibliya at ng kaniyang organisasyon.
Ang karanasang ito’y nagpapakita ng espirituwal na pagpapalayang nagaganap sa Colombia samantalang tinutulungan ng mga Saksi ni Jehova ang mga nagugutom sa espirituwal upang maalaman ang tungkol sa kahanga-hangang mga layunin ni Jehova at sa kaniyang bagong sanlibutan, na ngayon ay malapit na.—2 Pedro 3:13.