“Gaya ng Leong Umuungal”
IKAW ba ay naniniwala na umiiral si Satanas? Sa ngayon, marami ang hindi naniniwala. Waring ang kanilang paniwala sa gayong bagay ay “di-siyentipiko.” Kahit na noon pang 1911, sinabi ng Encyclopœdia Britannica: “Ipinaliwanag ng siyensiya ang marami sa mga proseso ng panlabas na kalikasan at ng panloob na buhay ng tao na anupat hindi nag-iiwan ng dako para mapasukan ni Satanas.” Nangangatuwiran ang mga teologo na si Satanas ay isa lamang simbolo, isang alamat. Sinasabi ng The World Book Encyclopedia: “Maraming modernong mga teologo ang may paniwala na ang Diyablo ay isang simbolo ng kapangyarihan ng masama, ng pinakamasasamang kalidad ng kalikasan ng tao.”
Ngunit, ano nga ba ang mga katotohanan tungkol dito? Kung ikaw ay naniniwala sa Bibliya, ikaw ay kailangang maniwala na si Satanas ay tunay. Si Jesus ay hindi lamang naniwala na ito’y umiral kundi tinawag din niya ito na “ang tagapamahala ng sanlibutan.” (Juan 14:30) Tinawag ni apostol Pablo si Satanas na “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (2 Corinto 4:4) At ang matanda nang apostol na si Juan ay nagsabi: “Ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng isang balakyot.”—1 Juan 5:19.
Kung hindi ka kaisa ni Juan ng paniwala, isip-isipin ang kamakailang kasaysayan. Isaalang-alang ang mga pangkat ng mga berdugo at ang paggamit ng mga pamahalaan ng parusang pagpapahirap. Alalahanin ang mga gera at mga lansakang pagpatay na nasasaksihan sa lahi nating ito. At kumusta naman ang buktot na mga krimen na napaulong-balita sa ating mga pahayagan—ang lansakang mga pagpatay, mga panggagahasa, ang sunud-sunod na patayan, ang seksuwal na pang-aabuso sa mga bata, na ilan lamang sa mga ito? Hindi ba maliwanag na si Satanas ang diyos ng sanlibutang ito?
Ang Kristiyanong apostol na si Pedro ay nagbabala: “Maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gagala-gala na gaya ng leong umuungal, humahanap ng masisila.” (1 Pedro 5:8) Kung ang isang leon ay nakakawala sa inyong kapaligiran, inyo pa bang pagtatalunan kung ito nga ba’y umiiral o hindi? O kayo’y tatakbo para magtago?
Kayo’y maniwala na si Satanas ay umiiral. Siya ay walang awa at pagkasama-sama, at siya’y mas malakas kaysa sa atin. Kaya upang maligtas ay tumakbo ka sa Isa na mas malakas. “Ang pangalan ni Jehova ay isang matibay na moog. Dito tumatakbo ang matuwid at binibigyan ng proteksiyon.” (Kawikaan 18:10) Kumanlong ka sa Diyos na Jehova, at alamin na hindi na magtatagal at ang sangkatauhan ay palalayain buhat sa impluwensiya ng isang masamang iyan, si Satanas. Magiging isang nakagagalak na kaginhawahan iyan!—Apocalipsis 20:1-3.