Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 10/22 p. 24-27
  • Ang Konstitusyon ng Estados Unidos at ang mga Saksi ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Konstitusyon ng Estados Unidos at ang mga Saksi ni Jehova
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagtatamo ng Indibiduwal na mga Karapatan
  • Mga Mangangaral o mga Maglalako?
  • Ang Pagsaludo sa Bandila
  • Ang Kontribusyon ng mga Saksi
  • Isang Pagmamasid sa Bagong Konstitusyon ng Canada
    Gumising!—1985
  • Ang Katipunan ng mga Karapatan—Bakit Ito Kinailangan?
    Gumising!—1991
  • ‘Pagtatanggol at Legal na Pagtatatag ng Mabuting Balita’
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Ang Makasaysayang Pagbabago ng Kalayaan sa Pananalita
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 10/22 p. 24-27

Ang Konstitusyon ng Estados Unidos at ang mga Saksi ni Jehova

Ang taóng 1987 ang ika-200 anibersaryo ng Konstitusyon ng Estados Unidos. Dahilan sa atensiyon na inuukol sa ikadalawang daang taon nito, ang mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos at sa buong daigdig ay napaaalalahanan ng kanilang pagpupunyagi sa bansang iyon na ipagtanggol at legal na itatag ang kanilang karapatan na ipalaganap ang kanilang relihiyosong mga palagay.

ANO ang kahulugan sa iyo ng Konstitusyon? Upang ilarawan, ipagpalagay nang sa inyong pamayanan ay nais mong mamahagi sa mga lansangan at sa bahay-bahay ng inilimbag na impormasyon na inaakala mong mahalaga sa mga tao. Subalit ano kung malaman mo na ang pamamahagi ng gayong mga materyal ay isang paglabag sa mga batas na idinisenyo upang tiyakin ang kapayapaan at kaayusan ng madla? O ano kung kailangan mo pang kumuha ng permiso upang gawin ang gayon, at ang mga opisyal ay ayaw magbigay ng permiso? O kailangan mo pang bumili ng isang lisensiya at ang paggawa ng gayon ay magiging isang pabigat sa iyong kabuhayan?

Ito ang katayuan ng mga Saksi ni Jehova noong 1930’s at 1940’s. Nais nilang mamahagi ng inilimbag na bagay na naglalaman ng kanilang relihiyosong mga palagay. Gayunman, sa maraming pamayanan ang lokal na mga batas at mga ordinansa ay ginamit upang hadlangan sila. Kaya, nagsagawa ng mga pag-apela salig sa Konstitusyon ng E.U., na gumagarantiya ng kalayaan sa pananalita at pamahayagan (press). Subalit upang makuha ang konstitusyonal na mga karapatang ito, kailangan nilang dalhin ang gayong mga bagay sa korte. Tingnan natin kung paano ginagarantiya ng Konstitusyon ang mga karapatan ng indibiduwal.

Pagtatamo ng Indibiduwal na mga Karapatan

Gaya ng anumang plano, inilalagay ng isang konstitusyon ang isang disenyo para sa pagsasakatuparan ng isang layunin​—sa kasong ito ang pamahalaan ng isang bayan. Gaya ng sinasabi sa Deklarasyon ng Kalayaan ng Estados Unidos, ang mga pamahalaan ay itinatayo sa gitna ng mga tao upang magtamo ng ilang “hindi maiaalis na Karapatan” sa mga sakop nito.

Ang Preambulo ng Konstitusyon ng E.U. ay pinili ang temang ito at binabanggit na ang Konstitusyon ay nilagdaan at itinatag upang matamo “ang mga Pagpapala ng Kalayaan” para sa bayan. Ang pangwakas na balangkas ng Konstitusyon ay nakompleto sa Independence Hall sa Philadelphia, Pennsylvania, noong Setyembre 17, 1787. Ang Konstitusyong ito ay pambihira sapagkat ito ang pinakamatandang nasusulat na konstitusyon na ipinatutupad pa.

Ang Konstitusyon ng E.U. ay kilala sa di-pagtitiwala nito sa masyadong malakas na pamahalaan at sa pagtataas ng indibiduwal na kalayaan anupa’t ito’y hindi maaaring panghimasukan ng pamahalaan. Kabilang sa kilalang mga tampok ng Konstitusyon ay ang mga garantiya nito sa kalayaan sa relihiyon, kalayaan sa pananalita, at kalayaan sa pamahayagan. Ang mga kalayaang ito ay hindi binabanggit sa Konstitusyon gaya ng unang ibinalangkas at pinagtibay. Ang mga ito ay idinagdag noong 1791 bilang una sa sampung panimulang mga susog, na kilala bilang Bill of Rights.

Ang mga kalayaang binabanggit sa Bill of Rights ay nauukol sa mga indibiduwal at hindi nasasalig sa kapahintulutan ng pamahalaan ni maaari man itong alisin ng pamahalaan. Bakit, kung gayon, dapat pang ipakipaglaban ng mga tao ang kanilang mga karapatan sa mga korte? Sapagkat kung minsan ang mga mambabatas, na kumikilos sa inaakala nilang kapakanan ng nakararami, ay nagpapasa ng mga batas na nagtatakda sa mga karapatang iyon.

Gaya ng sabi ng isang korte pederal sa Estados Unidos: “Ang paniniil ng mga nakararami sa mga karapatan ng mga indibiduwal o kaawa-awang mga minoridad ay lagi nang kinikilala bilang isa sa pinakamalaking panganib sa pamahalaan ng bayan.” Gayong paniniil ang nakaharap ng mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos noong 1930’s at 1940’s.

Mga Mangangaral o mga Maglalako?

Habang papalapit ang ikalawang digmaang pandaigdig, ang gawaing pangangaral sa madla ng mga Saksi ni Jehova ang tudlaan ng maraming pagsalansang. Mga ordinansang pambayan na humihiling sa mga mangingilak o mga maglalako na kumuha ng mga pahintulot ay may kamaliang ikinapit sa gawaing pangangaral ng mga Saksi. Natatalos na ang pagkakapit na ito ng gayong mga batas ay labag sa kanilang konstitusyonal na mga karapatan, hinamon ng mga Saksi ang mga ordinansang ito sa pagpapatuloy sa kanilang gawaing pangangaral nang hindi muna kumukuha ng mga pahintulot. (Marcos 13:10; Gawa 4:19, 20) Bunga nito, maraming Saksi ang inaresto.

Kapag ang nakabababang mga hukuman ay nagpapasiya laban sa kanila, ang mga Saksi ay hindi nagbabayad ng multa kundi sa halip ay nagtutungo sa bilangguan. Patuloy nilang inaapela ang mga kaso hanggang sa mataas na hukuman upang magtayo ng isang tanggulan ng paborableng mga pasiya na susugpô sa hindi makakonstitusyong pakikialam na ito sa kanilang gawain. Sa paglipas ng panahon, paulit-ulit na inaalis ng Korte Suprema ng E.U. ang mga ordinansang ito alin sa ito ay hindi ayon sa konstitusyon sa ganang sarili o sa pagkakapit nito, at ang mga hatol sa mga Saksi ni Jehova ay binaligtad.

Bukod pa sa mga ordinansa sa pagkuha ng pahintulot, ang mga batas tungkol sa buwis ng lisensiya ay ginamit upang ipagbawal ang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova. Minamalas ang gayong buwis bilang isang pansamantalang pagbabawal sa banal na atas na gawaing pangangaral, ang mga Saksi ni Jehova ay tumangging magbayad nito. Minsan pa, ang mga Saksi ay inaresto, at minsan pa, ang Korte Suprema ay nagpasiya na pabor sa mga kalayaan sa pananalita at pagsamba.

Binanggit ng Korte na ang pribilehiyo na malayang ibahagi ang relihiyosong mga turo sa pamamagitan ng nilimbag na pahina “ay hiwalay sa awtoridad ng estado. Ito ay iginagarantiya sa mga tao ng pederal na konstitusyon.” Sa madaling sabi, hindi maaaring alisin ng Estado kung ano ang ibinigay na ng Konstitusyon.

Ang Pagsaludo sa Bandila

Ang mga Saksi ni Jehova sa tuwina’y mga mamamayang masunurin-sa-batas na walang balak na magpakita ng disrespeto sa kanilang pagtangging sumaludo sa bandila ng anumang bansa. Ang mga Saksi ay naniniwala na ang kanilang pinakamahalagang tungkulin at katapatan ay nauukol sa kanilang Diyos at Maylikha, ang Diyos na Jehova. (Lucas 4:8) Ang manumpa ng lubusang katapatan sa anumang makalupang awtoridad ay ang paglalagay sa makalupang mga kapakanan na una sa espirituwal na mga kapakanan. (Gawa 5:29) Sa kabila ng taimtim na motibong ito, ang pagtanggi ng mga Saksi na sumaludo sa bandila ay kadalasang hindi nauunawaan at ginagamit na isang saligan sa pag-uusig.

Samantalang papalapit ang ikalawang digmaang pandaigdig, nagproklamá ang lokal na mga lupon ng paaralan at mga batasan ng estado sa Estados Unidos ng sapilitang mga seremonya sa pagsaludo sa bandila upang itaguyod ang pambansang pagkakaisa at seguridad. Sa kabila ng takbo ng kuru-kuro ng madla bilang pagsuporta sa mga kahilingang ito sa pagsaludo sa bandila, matatag na tinanggihan ng mga Saksi ni Jehova na ikompromiso ang kanilang salig-Bibliyang mga simulain.

Sa pagrirepaso sa suliraning ito ng estado, kinilala ng Korte Suprema ng E.U. na bagaman ang mga lupon ng paaralan ay walang alinlangang may mahalaga at lubhang maselang mga tungkulin, ang mga tungkuling ito ay dapat na isagawa sa loob ng saklaw ng Konstitusyon. Ang lupon ng paaralan ay walang layang makialam sa pundamental na konstitusyonal na karapatan na iginagarantiya sa indibiduwal. Naniniwala ang Korte Suprema na ang palagay ng lupon ng paaralan tungkol sa mga paraan ng pagkikintal ng pagpapahalaga sa bandila at sa pambansang pamana ay hindi nagpapawalang-halaga sa konstitusyonal na karapatan ng isang estudyante sa kalayaan ng budhi sa mga bagay na may kaugnayan sa relihiyon.

Batid ng Korte Suprema ang bigat ng pasiya nito dahilan sa tumitinding pagsisikap sa pambansang digmaan. Subalit hindi iniwasan ng Korte ang tungkulin nito at ipinaliwanag na sa ilalim ng Konstitusyon ng E.U., ang “kalayaan na mapaiba ay hindi natatakdaan sa mga bagay na walang halaga. Iyan ay anino lamang ng kalayaan. Ang pagsubok sa halaga nito ay ang karapatan na mapaiba kung tungkol sa mga bagay na mahalaga o pinakasaligan ng umiiral na kaayusan.”

Winakasan ng Korte Suprema ang opinyon nito tungkol sa pagsaludo sa bandila sa sumusunod na pananalita: “Kung mayroon mang di-nakikilos na bituin sa konstilasyon ng ating konstitusyon, ito’y ang bagay na walang opisyal, mataas man o mababa, ang makapag-uutos kung ano ang tinatanggap sa pulitika, nasyonalismo, relihiyon, o iba pang opinyon o puwersahin ang mamamayan na ipagtapat sa pamamagitan ng salita o kilos ang kanilang pananampalataya.”

Ang Kontribusyon ng mga Saksi

Sa lahat, ang mga Saksi ni Jehova ay naging matagumpay sa 23 mga pag-apela sa Korte Suprema ng E.U. Gumawa sila ng maraming kontribusyon sa konstitusyonal na hurisprudensiya ng Estados Unidos, gaya ng napansin ng maraming iskolar tungkol sa batas. At ito’y imposible kung ang mga Saksi ni Jehova ay hindi handang magtiis ng mga paghamak, mga paghampas, at mga pagkabilanggo sa kanilang pagsisikap na maging masunurin sa kanilang Diyos.

Na ang konstitusyonal na mga karapatan ng kalayaan sa relihiyon, kalayaan sa pananalita, at kalayaan sa pamahayagan ay napasulong at higit na naging malinaw dahilan sa pagtitiis ng mga Saksi ay talagang kakambal-na-produkto lamang ng mas mataas na layunin ng mga Saksi na paglingkuran si Jehova na kasuwato ng kaniyang Banal na Salita.

Ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapasalamat sa pribilehiyo na paglingkuran ang Soberano ng Sansinukob, ang Diyos na Jehova, at ginamit nila ang maraming pamamaraan, pati na ang mga proteksiyon na ibinibigay ng 200-taóng-gulang na Konstitusyon ng E.U., upang isakatuparan ang layuning iyan.

[Kahon sa pahina 27]

Muling Itinataguyod ng Konstitusyon ang mga Saksi

Noong Hunyo 10, 1987, minsan pang nagpasiya ang mga korte na pabor sa relihiyosong kalayaan ng mga Saksi ni Jehova sa mga kadahilanang konstitusyonal. Gaya ng iniulat sa “The New York Times,” ang Court of Appeals for the Ninth Circuit ng E.U. ay nagpasiya na ang kalayaan na kumilos kasuwato ng kanilang relihiyosong paniniwala ay “dapat na ipahintulot ng lipunan, sa ilalim ng Konstitusyon, ‘bilang isang halaga na sulit bayaran upang ingatan ang karapatan ng relihiyosong pagkakaiba na tinatamasa ng lahat ng mga mamamayan.’” Ang kaso ay may kaugnayan sa karapatan ng mga Saksi na sundin ang utos ng Bibliya na ‘huwag tanggapin sa inyong mga tahanan o batiin’ yaong “hindi nananatili sa turo ng Kristo.”​—2 Juan 9-11.

[Larawan sa pahina 25]

Ang Independence Hall, sa Philadelphia, kung saan ibinalangkas ang Konstitusyon

[Credit Line]

Philadelphia Convention and Visitors Bureau

[Larawan sa pahina 26]

Ang orihinal na Konstitusyon ay iniingatan sa National Archives

[Credit Line]

U.S. National Archives

[Picture Credit Line sa pahina 24]

Arkitekto ng Kapitolyo, Washington, D.C.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share