Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 7/22 p. 3-5
  • Ang Makasaysayang Pagbabago ng Kalayaan sa Pananalita

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Makasaysayang Pagbabago ng Kalayaan sa Pananalita
  • Gumising!—1996
  • Kaparehong Materyal
  • Ano Ang Kahulugan sa Iyo ng Kalayaan ng Relihiyon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Isang Bayang Malaya Ngunit may Pananagutan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Kalayaan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Huwag Waling Kabuluhan ang Layunin ng Bigay-Diyos na Kalayaan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 7/22 p. 3-5

Ang Makasaysayang Pagbabago ng Kalayaan sa Pananalita

SA BUONG kasaysayan ang mga tao ay nakipagbaka para sa kalayaan sa pananalita. Ang mga batas ay ipinasa, mga digmaan ay ipinakipaglaban, at mga buhay ay ibinuwis dahil sa karapatang magpahayag ng isang idea nang hayagan.

Bakit ba ang gayong tila likas na karapatan ay nagsulsol ng alitan, hanggang sa magdanak pa nga ng dugo? Bakit nasumpungan ng mga lipunan, noon at sa kasalukuyan, na kailangang higpitan o ipagbawal pa nga ang pagsasagawa ng karapatang ito?

Ang mga saloobin tungkol sa kalayaan sa pananalita para sa mga tao ay nagpalipat-lipat mula sa isang sukdulan tungo sa kabilang sukdulan na parang pendulo sa orasan ng panahon. Kung minsan ang kalayaan sa pananalita ay minalas bilang isang pribilehiyo na dapat tamasahin. Kung minsan naman ito ay itinuring na isang problemang dapat pakitunguhan ng mga pamahalaan o mga relihiyon.

Yamang ang kasaysayan ay punô ng mga ulat tungkol sa mga nagpunyagi para sa karapatang magpahayag ng isang opinyon nang hayagan, na madalas humantong sa marahas na pag-uusig o pagpatay sa kanila, isang pagrerepaso ng ilan sa mga pangyayaring ito ay dapat na magbigay sa atin ng matalinong unawa sa problema.

Malamang na nagugunita pa nga ng mga estudyante ng kasaysayan ang pilosopong Griego na si Socrates (470-399 B.C.E.), na ang mga pangmalas at mga turo ay itinuring bilang isang nagpapasamang impluwensiya sa mga moral ng mga kabataan ng Atenas. Ito ang naging dahilan ng malaking panghihilakbot sa gitna ng pulitikal at relihiyosong mga lider ng Griegong herarkiya at umakay sa kaniyang kamatayan. Ang samo niya sa hurado na sa wakas ay humatol sa kaniya ay nananatiling isa sa pinakamagaling na depensa ng kalayaan sa pananalita: “Kung aalukin ninyo ako na huminto na sa pagkakataong ito sa kondisyon na hindi ko na sasabihin kung ano ang nasa aking isipan sa paghahanap na ito ng karunungan, at kung ako’y mahuli na gumagawa nito minsan pa ako’y mamamatay, sasabihin ko sa inyo, ‘Mga lalaki ng Atenas, susundin ko ang Diyos sa halip na kayo. Habang ako’y may buhay at lakas hindi ako kailanman hihinto na sundin ang pilosopiya at payuhan at hikayatin ang sinuman sa inyo na makilala ko. Sa bagay na ito, tiyak na ito ang utos ng Diyos . . . ’ At, mga taga-Atenas, patuloy kong sasabihin, ‘Alin sa pawalang-sala ninyo ako o hindi; subalit unawain ninyo na hindi ako kailanman kikilos nang naiiba, kahit na ikamatay ko ito nang maraming ulit.’ ”

Habang lumalakad ang panahon, nakita ng sinaunang kasaysayan ng Roma ang pendulo na umuugoy tungo sa mas kaunting mga paghihigpit, upang umugoy lamang na pabalik sa higit na mga paghihigpit habang lumalawak ang imperyo. Ito ang naging tanda ng pasimula ng pinakamadilim na yugto para sa kalayaan sa pananalita. Noong panahon ng paghahari ni Tiberio (14-37 C.E.), hindi pinahihintulutan yaong mga nagsasalita laban sa pamahalaan o sa mga patakaran nito. At hindi lamang ang Roma ang sumalansang sa kalayaan sa pananalita; noong panahon ding ito pinilit ng mga lider na Judio si Poncio Pilato na ipapatay si Jesus dahil sa kaniyang turo at ipinag-utos din niya sa kaniyang mga alagad na huminto na sa pangangaral. Sila man ay handang mamatay kaysa sa huminto.​—Gawa 5:28, 29.

Sa kalakhang yugto ng panahon sa kasaysayan, ang mga karapatang sibil na ipinagkaloob ng mga pamahalaan ay kadalasang kusang binago o binawi, na humantong sa patuloy na mga pagpupunyagi para sa kalayaan sa pananalita. Nagsimula noong mga Edad Medya, ang ilang tao ay humiling ng isang nasusulat na pahayag na nagpapaliwanag sa kanilang mga karapatan, na may mga limitasyong inilagay sa pangangasiwa ng pamahalaan sa mga karapatang ito. Bunga nito, sinimulang gawin ang katipunan ng mga karapatan. Kabilang dito ang Magna Carta, isang mahalagang pangyayari sa larangan ng mga karapatang pantao. Pagkatapos ay dumating ang Katipunan ng mga Karapatang Ingles (1689), ang Deklarasyon ng mga Karapatan sa Virginia (1776), ang Pranses na Deklarasyon ng mga Karapatan ng Tao (1789), at ang Katipunan ng mga Karapatan sa Estados Unidos (1791).

Narinig ng ika-17, ika-18, at ika-19 na mga siglo ang mga tinig ng kilalang mga tauhan sa kasaysayan na nagsalita na pabor sa kalayaan sa pagpapahayag. Noong 1644, isinulat ng makatang Ingles na si John Milton, na maaaring kilalang-kilala dahil sa Paradise Lost, ang bantog na pampleta na Areopagitica bilang isang argumento laban sa mga paghihigpit sa kalayaan sa pamamahayag.

Nasaksihan noong ika-18 siglo ang paglago ng kalayaan sa pananalita sa Inglatera, bagaman nanatili ang mga paghihigpit. Sa Amerika iginigiit ng mga kolonya ang karapatan sa kalayaan sa pananalita, kapuwa sa bibigan at inilimbag na anyo. Halimbawa, ganito ang sinasabi sa bahagi ng Konstitusyon ng Commonwealth ng Pennsylvania, noong Setyembre 28, 1776: “Na ang mga tao ay may karapatan sa kalayaan sa pananalita, at sa pagsulat, at sa paglalathala ng kanilang mga damdamin, kaya ang kalayaan ng pamamahayag ay hindi dapat pigilan.”

Ang pananalitang ito ay isang inspirasyon para sa Unang Susog sa Konstitusyon ng E.U. noong 1791, na nagpapahayag sa pag-iisip ng mga tagapagtatag ng Konstitusyon ng Amerika tungkol sa pinakahahangad na mga karapatan ng mga tao: “Ang Kongreso ay hindi gagawa ng batas tungkol sa pagtatatag ng relihiyon, o sa pagbabawal sa malayang pagsasagawa nito; o sa pagbabawas ng kalayaan sa pananalita, o sa pamamahayag; o sa karapatan ng mga tao na mapayapang magkatipon, at humiling sa Pamahalaan na lunasan ang mga hinanakit.”

Isang pilosopong Ingles noong ikalabinsiyam na siglo na si John Stuart Mill ay naglathala ng kaniyang sanaysay na “Tungkol sa Kalayaan” noong 1859. Ito’y madalas sipiin at tinukoy bilang isa sa pinakadakila sa lahat ng mga pananalita sa layon na magkaroon ng laya sa pananalita.

Subalit, ang mga labanan para sa karapatang magsalita nang malaya sa publiko ay hindi nagtapos sa pagdating ng sinasabing mga taon ng kaliwanagan ng ika-20 siglong ito. Halimbawa, dahil sa mga pagsisikap na higpitan ang kalayaan sa pananalita sa Amerika, ang mga proklamasyon na nagtatanggol sa kalayaang iyon ay umalingawngaw sa mga bulwagan ng katarungan, kapuwa sa mababang mga hukuman at sa Korte Suprema ng Estados Unidos.

Binanggit ni Hukom Oliver Wendell Holmes, Jr., ng Korte Suprema ng E.U., ang kaniyang paniniwala sa malayang pananalita sa maraming desisyon ng korte. Inilalarawan ang pagsubok sa malayang pananalita, sinabi niya: “Kung may anumang simulain sa Konstitusyon na higit na nangangailangan ng katapatan kaysa iba pa ito ang simulain ng malayang kaisipan​—hindi malayang kaisipan para sa sumasang-ayon sa atin kundi kalayaan para sa kaisipan na kinapopootan natin.”​—United States v. Schwimmer, 1928.

Ang pagwawalang-bahala sa simulaing ito ang siyang nagsulsol sa mga labanan sa korte na nagpangyari sa pendulo na umugoy sa pagitan ng kalayaan at pagpuwersa. Kadalasan ang idea ay, “Kalayaang magsalita para sa akin​—subalit hindi para sa iyo.” Sa kaniyang aklat na may ganitong pangalan, binabanggit ni Nat Hentoff ang mga pagkakataon kung saan ang masugid na mga tagapagtanggol ng Unang Susog ay umuugoy sa pendulo mula sa kanan pakaliwa ayon sa kanilang pangmalas. Binanggit niya ang mga kaso kung saan binaligtad ng Korte Suprema ng E.U. ang ilan sa sarili nitong pasiya, kasali ang ilan na may kinalaman sa mga kasong kinasasangkutan ng mga Saksi ni Jehova at ng kanilang mga taon ng pakikipagbaka para sa karapatang magsalita nang malaya tungkol sa kanilang relihiyosong mga paniniwala. Tungkol sa kanila, siya’y sumulat: “Ang mga miyembro ng relihiyong iyan ay malaki ang naitulong sa nakalipas na mga dekada tungo sa pagpapalawak ng kalayaan ng budhi sa pamamagitan ng mga asuntong pangkonstitusyon.”

Maraming legal na tagaanalisa at modernong mga mananalaysay ang sumulat nang husto tungkol sa maraming labanan sa korte upang pangalagaan ang kalayaan sa pananalita sa dakong huli ng ika-20 siglong ito, hindi lamang sa Amerika kundi sa ibang bansa rin naman. Ang kalayaan sa pananalita ay hindi kailanman iginagarantiya. Bagaman maaaring ipagmalaki ng mga pamahalaan ang kalayaan na ibinibigay nila sa kanilang bayan, ito’y maaaring mawala sa pagpapalit ng pamahalaan o ng mga hukom, gaya ng ipinakikita ng karanasan. Ang mga Saksi ni Jehova ang nasa unahan sa pakikipagbaka para sa pinahahalagahang kalayaang ito.

Sa kaniyang aklat na These Also Believe, ganito ang sulat ni Propesor C. S. Braden: “Sila’y [mga Saksi ni Jehova] nagsagawa ng isang pantanging paglilingkod sa demokrasya sa pamamagitan ng kanilang pakikipaglaban upang ingatan ang kanilang mga karapatang sibil, sapagkat sa kanilang pakikipaglaban malaki ang nagawa nila upang makamit ang mga karapatang iyon para sa bawat grupong minorya sa Amerika. Kapag sinalakay ang mga karapatang sibil ng anumang grupo, hindi ligtas ang karapatan ng anumang grupo. Sila samakatuwid ay nakatulong sa pag-iingat ng ilan sa pinakamahalagang bagay sa ating demokrasya.”

Mahirap maunawaan ng mga taong maibigin sa kalayaan kung bakit ipagkakait ng ilang pamahalaan at mga relihiyon ang kalayaang ito sa kanilang mga tao. Ito’y pagkakait ng mahalagang karapatang pantao, at maraming tao sa buong daigdig ang nagdurusa sa ilalim ng paniniil ng kalayaang ito. Patuloy kayang uugoy na parang pendulo ang saloobin sa kalayaan sa pananalita, kahit na sa mga bansang nagtatamasa ng mahalagang karapatang ito? Mabibigyan-matuwid kaya ng idea ng kalayaan sa pananalita ang imoral o mahalay na pananalita? Ang mga hukuman ay nakikipagpunyagi na sa kontrobersiya.

[Larawan sa pahina 3]

Si Socrates ay nakipagtalo para sa kalayaan sa pananalita

[Credit Line]

Musei Capitolini, Roma

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share