Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 12/15 p. 19-20
  • Pinagtibay ng Korte Suprema ng Nigeria ang Kalayaan ng Relihiyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pinagtibay ng Korte Suprema ng Nigeria ang Kalayaan ng Relihiyon
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Nagpalipat-lipat ng Hukuman
  • Nagtagumpay ang Kalayaan ng Relihiyon
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 12/15 p. 19-20

Pinagtibay ng Korte Suprema ng Nigeria ang Kalayaan ng Relihiyon

PINAGNANAKAW ng mga taganayon ang ani ng isang magsasaka. Ang iba naman ay dumagsa sa isang tahanan ng isang enladrilyador at pinagsasamsam ang kaniyang mga gamit. Ang iba naman ay humadlang sa isang babae sa pamimili at pagbibili. Bakit may ganiyang pag-aabuso? Ito’y dahilan sa ang mga biktima, na pawang mga Saksi ni Jehova ay ayaw makibahagi sa mga asosasyon ng magkakaedad (age grade associations). ‘Sa ano?’ Marahil ay itatanong mo.

Ang isang asosasyon ng magkakaedad ay binubuo ng mga tao, na karaniwan na’y mga lalaki, na ipinanganak sa magkaparehong panahon at sa magkaparehong nayon. Ang mga grupo ng magkakaedad ay karaniwan sa silangang Nigeria. Sila’y nagtataguyod ng isang proyekto ng komunidad, ngunit sila’y gumagawa rin ng idolatrosong pagsamba at nagsasagawa ng espiritistikong mga ritwal upang ipakita na ang mga miyembro ay sumapit na sa hustong edad. Dahilan sa kinokondena ng Bibliya ang ganiyang mga kaugalian para sa tunay na mga Kristiyano, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nakikibahagi sa gayong mga grupo.​—1 Corinto 10:20, 21; 1 Juan 5:21.

Si Samuel Okogbue ay isang sastre sa Aba, Nigeria. Maaga noong 1978, ang mga miyembro ng Umunkalu Age Grade Association ng Alayi ay humiling na siya’y magbayad ng “buwis” upang makatulong sa pagtatayo ng isang pagamutan. Bilang isang tunay na Kristiyano, si Samuel ay nagpapagal upang tumulong sa ibang mga tao, subalit siya’y inudyukan ng kaniyang budhi na tumangging mapasangkot sa grupo ng magkakaedad. Noong Abril 22 ng taóng iyon, anim na miyembro ng grupo ang sadarating sa kaniyang sastreriya at sinamsam ang kaniyang makinang pantahi, na sinabi nilang hahawakan muna nila hanggang hindi siya nakababayad. Tumutol si Samuel na siya’y hindi obligadong magbayad nang anuman yamang hindi siya miyembro ng kanilang asosasyon. Nang hindi niya mabawi ang kaniyang makinang panahi, ang bagay na iyon ay dinala ni Samuel sa hukuman.

Nagpalipat-lipat ng Hukuman

Sa Punong Mahistradong Hukuman, ang grupong magkakaedad ay nangatuwiran na dahilan sa kaniyang edad, si Samuel ay kusang nagiging isa sa kanilang mga miyembro, na may pananagutang magbayad ng anumang buwis na kanilang ipinataw sa kanilang sarili. Isa pa, batay sa likas na kaugalian doon na kung ang isang miyembro ay hindi nagbayad ng buwis, ang kaniyang ari-arian ay sasamsamin hanggang sa siya ay magbayad.

Ang hukuman ay hindi sumang-ayon. Noong Pebrero 28, 1980, ito’y nagpasiya na si Samuel ay hindi mapipilit na maging miyembro ng isang grupo ng magkakaedad. Ang Punong Mahistrado ay nagsabi: “Ang isang kaugalian na nagkakait sa isang mamamayan ng malayang pagpili ng asosasyon ay labag sa S[eksiyon] 37 ng Konstitusyon ng Pederal na Republika ng Nigeria at samakatuwid hindi maaaring magkamit ng bisa ng Batas.”

Iniapela ng grupong magkakaedad ang hatol na ito sa Mataas na Hukuman at nanalo. Doon inutusan ng hukuman si Samuel na magbayad ng buwis, sinabi na iyon ay isa lamang paraan ng pag-aabuloy sa pag-unlad ng kaniyang katutubong komunidad.

Pagkatapos ay umapela si Samuel tungkol sa kaniyang inaakalang pang-aapi. Ang hatol ng Mataas na Hukuman ay binaligtad ng Hukuman sa paghahabol, na nagpasiya sa panig ni Samuel. Palibhasa’y ayaw tumanggap ng pagkatalo, ang grupong magkakaedad ay nagsampa ng kasong iyon sa Korte Suprema ng Nigeria.

Samantala, ang mga miyembro ng grupo ay abala sa nayon ni Samuel. Yamang ikinakatuwiran na ang mga Saksi ay laban sa lahat ng proyekto ng komunidad, kanilang nakumbinsi ang pinunò ng nayon na ipagbawal ang mga gawain ng mga Saksi ni Jehova sa lugar na iyon. Ang tagapag-anunsiyo sa bayan ay nagpatalastas na sinumang makikitungo sa mga Saksi ni Jehova ay pagmumultahin. Mga Saksi buhat sa karatig na mga bayan ang namagitan at kanilang nilinaw ang mga bagay na iyon para sa matatandang lalaki sa nayon. Kanilang ipinaliwanag na ang bayan ng Diyos sa anumang paraan ay hindi salungat sa pag-unlad ng komunidad. Sa katunayan, si Samuel ay nakapaglabas ng mga resibo sa hukuman na nagpapatunay na siya’y may naiabuloy sa mga proyekto ng komunidad na hindi tangkilik ng mga grupong magkakaedad. Ang ginawa ngayon ng matatanda sa nayon ay binaligtad ang kanilang desisyon na layuan ang mga Saksi.

Nagtagumpay ang Kalayaan ng Relihiyon

Noong Oktubre 21, 1991, limang mahistrado ng Korte Suprema ng Nigeria ang nagkaisa-isa sa desisyong panig kay Samuel. Bilang pagpapaliwanag sa nangungunang hatol ni Mahistrado Paul Nwokedi, si Mahistrado Abubakar Wali ay nagpahayag: “Hindi ang pagbabayad ng taripa [pinataw na buwis] ang tinututulan ng nakahabla [si Samuel] kundi ang pagmimiyembro ng anumang sosyedad, klub o grupong magkakaedad, yamang ito ay labag sa kaniyang relihiyosong paniniwala, dahil sa siya ay isang miyembro ng [mga] Saksi ni Jehova.”

Ang mahistrado ay nagpatuloy: “Ang 1963 Konstitusyon, seksiyon 24(1) ay gumarantiya sa kalayaan ng budhi, pag-iisip, at relihiyon ng lahat ng mamamayan ng Nigeria. Ang nakahabla ay may karapatan na manghawakan sa turo ng kaniyang relihiyon, kaisipan at budhi na nagbabawal sa kaniya ng pagsali sa grupong Magkakaedad. Anumang kaugalian na nagpapataw ng iba rito ay labag sa Konstitusyon at samakatuwid pinawawalang-saysay tungkol diyan.”

Bilang sumaryo, ang hukuman ay nagpasiya na walang sinumang tao na mapipilit ng batas na sumali sa grupong kaedad niya kahit na kung ang pagsapi ay isang kaugalian sa komunidad. Ipinasiya rin na walang taong mapipilit ng batas na magbayad ng mga dapat bayaran para sa pagpapaunlad sa komunidad. Samakatuwid sa waring maliit na detalyeng ito, ang kalayaan ng relihiyon para sa lahat ng mga taga-Nigeria ay napagtibay.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share