Nararating ang “Lahat ng Uri ng mga Tao” sa Belgium
ANG kaniyang kapuwa pinahirang mga Kristiyano ay pinaalalahanan ni apostol Pablo tungkol sa kalooban ng Diyos na “lahat ng uri ng mga tao ay dapat maligtas at makarating sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” Ukol dito sila ay kailangang manalangin na pagkalooban sila ng “isang matiwasay at tahimik na buhay” upang kanilang maihayag ang mabuting balita ng Kaharian sa lahat ng makikinig.—1 Timoteo 2:1-4.
Sa ngayon, ang pagpapaabót ng mabuting balita sa “lahat ng uri ng mga tao” ay may pantanging kahulugan para sa mga Saksi ni Jehova sa Belgium. Sapol nang matapos ang Digmaang Pandaigdig II, ang munting bansang ito, na sapat-sapat magkahusto sa Lake Tanganyika o sa kalahati ng Lake Michigan, ay dumanas ng malaking pagbabago sa kaniyang panlahi at pangkulturang mga kaayusan. Bukod sa kaniyang tatlong tradisyunal na komunidad—ang Flemish (Olandes), Pranses, at Aleman—mayroon na ngayon sa Belgium na sari-saring linguistiko at kultural na mga grupo. May Arabiko, Turko, Indian, Intsik, Pilipino, Aprikano, at mga Amerikano, bilang ilan lamang. Tinataya na 1 sa bawat 10 katao sa Belgium ang may mga ninunong banyaga.
Sa gayon, ang mga Saksi sa Belgium, tulad ng kanilang kapuwa mga Kristiyano sa buong daigdig, ay nakaharap sa hamon upang madalhan ng mabuting balita ang “lahat ng uri ng mga tao.” Ano ba ang nakakatulad ng pangangaral sa gitna ng gayong mga tao na may sari-saring bansang pinagmulan? Papaano lalapitan ang mga taong may lubusang naiibang kultura at relihiyon? At ano ang kanilang tugon sa mensahe ng Bibliya?
Ang Pagkukusa ay Nagbubunga
Ang pakikipag-usap sa “lahat ng uri ng mga tao” tungkol sa mabuting balita ng Kaharian ay isang maligaya at nakatutuwang karanasan. Sa mataong mga kalye, sa mga palengke, sa pampublikong sasakyan, sa bahay-bahay, matatagpuan doon ang mga tao buhat sa lahat ng kontinente. Sa pamamagitan lamang ng bahagyang pagkukusa, ang mamamahayag ng Kaharian ay dagling makapagsisimula ng isang usapan, at malimit na ito’y humahantong sa kapaki-pakinabang na mga resulta.
Sa isang hintuan ng bus, isang Saksi ang nagsimula ng pakikipag-usap sa isang ginang na Aprikano sa pamamagitan lamang ng isang matamis na ngiti. Hindi nagtagal at ipinahayag ng ginang ang kaniyang kagalakan sa pagkarinig ng tungkol sa Kaharian ng Diyos, at nais niyang makaalam nang higit pa tungkol sa Bibliya. Kaniyang tinanggap ang mga magasing Bantayan at Gumising! at ibinigay sa Saksi ang direksiyon ng kaniyang tirahan. Nang sabihin ng Saksi na kaniyang dadalawin ito sa pinakamadaling panahon, ang ginang ay tumutol. “Huwag! Huwag! Magtakda tayo ng tiyakang oras ng iyong pagdalaw upang matiyak na ako ay nasa tahanan pagpunta mo.”
Makalipas ang tatlong araw, nang dadalaw na ang Saksi, natuklasan niya na naiwala pala niya ang direksiyon ng babae. Subalit yamang natatandaan pa niya ang pangalan ng kalye, siya’y naparoon at inisa-isa ang mga bahay upang alamin kung makatatagpo siya ng isang pangalang Aprikano. Dumating siya sa dulo ng kalye nang hindi nasusumpungan ang kaniyang hinahanap. Anong laking pagkabigo! Samantalang siya’y naghahanda upang umalis, biglang-bigla, para bang nanggaling sa kung saan, nakatayo na sa harap niya ang mismong ginang na kaniyang hinahanap, at iyan ay sa eksaktong oras na kanilang pinagkasunduang dadalaw siya! Sinimulan ang isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
Kumusta naman ang iba’t ibang kostumbre, mga paniniwala, at mga tradisyon? Halimbawa, kumusta naman ang mga paniniwalang Hindu? Buweno, isang payunir ang nakaalaala ng kaniyang nabasa sa aklat na Nangangatuwiran Buhat sa Kasulatan. Sinasabi nito: “Sa halip na makitungo sa mga kahiwagaan ng pilosopyang Hindu, iharap ang nakasisiyang mga katotohanan na nasa Banal na Bibliya. . . . Ang malinaw na mga katotohanan sa kaniyang Salita ay makararating sa puso ng mga taong nagugutom at nauuhaw sa katuwiran.”
Ganiyang-ganiyan ang ginawa ng payunir nang kaniyang makilala si Kashi, isang babaing taga-India na tumanggap ng isang pag-aaral sa Bibliya. Si Kashi ay patuloy na sumulong, at hindi nagtagal siya ay nakikipag-usap na sa lahat ng kaniyang mga kaibigan tungkol sa kaniyang natututuhan. Isang araw ang payunir ay nakatagpo ng maybahay ng isang embahador, na nagtanong: “Ikaw ba ang nagtuturo ng Bibliya kay Kashi?” Anong laki ng pagtataka ng payunir nang sabihin ng ginang: “Anong husay niyang magturo! Ako’y kaniyang nakumbinsi sa maraming punto. Gunigunihin, siya, isang Hindu, tinuturuan ako ng Bibliya na isang Katoliko!”
Pagka iyong nakilala ang mga Pilipino, agad mong matatanto na karamihan sa kanila ay mahilig sa Bibliya. Sila ay masisigla at mapagpatuloy, at napakadaling makapagpasimula ng pakikipag-usap sa kanila. Isang ginang na Pilipino ang agad tumanggap ng dalawang magasin, subalit palibhasa’y isang Katoliko, kaniyang itinapong lahat ang mga iyon. Mga ilang linggo ang lumipas muli na naman siyang tumanggap ng dalawang magasin, na kaniyang iniwan sa kaniyang handbag. Isang gabi naisip niya na gusto niyang magbasa. Pagkatapos maghanap ng interesanteng mababasa, kaniyang nakita ang mga magasin. Bagaman nag-aatubili, nagsimula siyang magbasa, at ang kaniyang interes ay lumago. Di-nagtagal pagkatapos, isang Saksi ang dumalaw sa kaniyang tahanan, at ang ginang ay nagharap ng maraming katanungan. Ito ang unang pagkakataon na kaniyang pinaghambing ang kaniyang paniniwalang Katoliko at ang sinasabi ng Bibliya. Ang makatuwiran, maka-Kasulatang presentasyon ang kumumbinsi sa kaniya na sa wakas ay kaniyang nasumpungan na ang katotohanan.
“Ihasik Mo ang Iyong Tinapay”
Marami sa mga banyagang naninirahan sa Belgium ay naroroon dahil sa negosyo o upang magtrabaho sa isa sa 150 akreditong embahada o sa European Community Commission. Karamihan sa kanila ay lumalagi roon nang mga ilang taon lamang. Ang pagpapatotoo at pakikipag-aral sa kanila ng Bibliya ay tila walang kabuluhan sa pasimula. Subalit ipinaaalaala sa atin ng Bibliya: “Ihasik mo ang iyong tinapay sa tubigan, sapagkat masusumpungan mo uli pagkaraan ng maraming araw.” (Eclesiastes 11:1) Nakapagtataka na malimit na ang mga resulta’y kasiya-siya.
Ganito ang nangyari sa isang Amerikana na regular na tumatanggap ng mga magasin buhat sa isang Saksi. Sa kalaunan binanggit ng Saksi ang kapakinabangan ng regular na pag-aaral ng Bibliya, at ito’y nag-alok na makipag-aral sa kaniya. Tinanggap ng babae ang alok na iyon at mabilis na sumulong. Hindi nagtagal at kaniyang nakita ang pagkakaiba ng tunay na relihiyon at ng di-tunay. Kaya inalis niya sa kaniyang bahay ang lahat ng mga imaheng relihiyoso. At dumating ang panahon ng kaniyang pagbalik sa Estados Unidos. Ibig bang sabihin na katapusan na iyon ng kaniyang espirituwal na pagsulong? Gunigunihin ang kagalakan at sorpresa ng Saksi nang siya’y tumanggap ng tawag sa telepono buhat sa isang Saksi sa Estados Unidos na nagsasabi na ang ginang ay nagpatuloy sa kaniyang pag-aaral, at nag-alay ng kaniyang buhay sa Diyos na Jehova, at nabautismuhan na! Sa katunayan, siya’y naglilingkod na bilang isang auxiliary pioneer na ministro.
Gayundin kung tungkol kay Kashi, ang babaing taga-India, at sa ginang na Pilipinong binanggit na. Nang si Kashi ay bumalik sa India, siya at ang kaniyang asawa ay muling nagpatuloy sa kanilang pag-aaral ng Bibliya. Sa wakas kapuwa nila inialay ang kanilang sarili kay Jehova at nakibahagi sa pangangaral. Yamang sila’y nakatira sa isang lugar na walang ibang mga Saksi, kanilang inialok ang kanilang tahanan para sa Pag-aaral ng Aklat sa Kongregasyon. Si Kashi ay naglingkod bilang isang auxiliary pioneer hanggang sa nakayanan ng kaniyang kalusugan, at siya’y may idinaraos na anim na pantahanang pag-aaral sa Bibliya, lahat-lahat ay may kabuuang 31 katao. Gayundin, sa kalaunan ang babaing Pilipino ay lumipat sa Estados Unidos, sumulong sa pag-aalay at sa bautismo, at naging isang regular pioneer. Ang ganiyang maliligayang resulta ay kabilang sa marami na natamasa ng mga mamamahayag sa Belgium samantalang sila’y nagpapatuloy na mangaral sa mga tao sa kanilang teritoryo.
Ang Hamon ng mga Wika
Upang magampanan ang gawaing pangangaral sa “lahat ng uri ng mga tao,” ang tanggapang pansangay ay kailangang may literatura sa Bibliya sa mahigit na isandaang wika. Mayroon na ngayong mga kongregasyon sa Belgium sa sampung wika. Sa 341 kongregasyon, 61 ang nasa mga wikang banyaga, at sa 26,000 mamamahayag ng Kaharian, 5,000 ang tagaibang bansa. Sa isang kongregasyon ay may mga lalaki at babae buhat sa 25 iba’t ibang bansa. Gunigunihin ang kulay at pagkasari-sari ng iba’t ibang taong dumadalo sa kanilang mga pulong! Gayunman ang pag-iibigan at pagkakaisa sa gitna ng mga magkakapatid ay isang mabisang patotoo sa tunay na pagkaalagad Kristiyano.—Juan 13:34, 35.
Yamang napakaraming residente sa Belgium na nangangailangang makarinig ng mabuting balita sa mga wikang banyaga, ang ilang mamamahayag ay tumanggap sa hamon na matuto ng mahihirap na mga wika, tulad halimbawa ng wikang Turko, Arabiko, at Intsik. Ang kanilang mga pagsisikap ay saganang ginanti.
Napansin ng mga nagtatrabaho na kahalubilo ng populasyong Arabiko na malimit nilang napaniningas ang interes sa Bibliya sa pamamagitan ng pagtatampok sa praktikal na pakinabang dito. Isang mamamahayag ng Kaharian ang nagkaroon ng interesanteng pakikipagtalakayan sa isang propesor na Arabiko, pagkatapos noon ay hindi na niya muling matagpuan ang propesor sa loob ng tatlong taon. Palibhasa’y hindi madaling masiraan ng loob, ipinasiya ng mamamahayag na mag-iwan ng nota na may ilang katanungan sa Bibliya para sa propesor. Ito’y lubhang nakaintriga sa kaniya anupat siya’y handang gumawa ng isang walang pagkiling na pagsusuri sa Bibliya. Ganiyan na lamang ang kaniyang pagkamangha sa kaniyang nasumpungan kung kaya siya at ang kaniyang maybahay, kapuwa mga Muslim, ay nagtakda ng ilang gabi upang kanilang basahin ang Bibliya nang magkasama.
Yaong mga nagsisikap tumulong sa malaking populasyong Intsik sa mga pangunahing siyudad ay may ibang balakid na dapat mapagtagumpayan bukod sa wika na nagsisilbing hadlang. Karamihan sa mga Intsik ay hindi naniniwala sa Diyos bilang ang Maylikha o sa Bibliya bilang Salita ng Diyos. Gayunman, sila ay mausisa at ibig nilang malaman kung ano nga ba ang sinasabi nito. Sila’y masusugid na mga mambabasa rin. Karaniwan nang tinatapos nilang basahin ang anumang literatura sa Bibliya na iniiwan sa kanila, o maging ang kalakhang bahagi ng Bibliya, sa loob ng ilang araw lamang. Kung ang kanilang puso ay matuwid, sila’y napupukaw ng bisa ng Salita ng Diyos.
Isang ginang na Intsik ang lubhang nahirapan na tanggapin ang idea ng isang Manlilikha. Subalit nang ikalawang pag-aaral, siya’y napaluha nang kaniyang sabihin: “Ngayon ako’y naniniwala na sa Diyos na Jehova, sapagkat kung ang Bibliya ay nasulat sa loob ng 1,600 taon ng 40 iba’t ibang tao at gayunman ay lubusang nagkakasuwato ito sa iisang tema, tiyak na ang Diyos na Jehova ang pumatnubay sa pagsulat nito. Iyan ay totoong makatuwiran!”
Isa pang ginang na Intsik ang nilapitan ng isang Saksi sa trambiya. “Ikaw ba’y isang Kristiyano?” ang tanong niya sa Saksi. Pagkatapos ay sinabi niya na siya’y bigung-bigo nang makitang napakaraming pagkakasalungatan sa gitna ng mga nagpapanggap na Kristiyano. Sumang-ayon ang Saksi sa kaniyang sinabi ngunit ipinaliwanag na hindi naman nagkakasalungatan ang Bibliya sa ganang sarili. Walang anu-ano ang ginang ay kailangan nang bumaba sa trambiya. Kaniyang ibinigay sa Saksi ang direksiyon ng kaniyang tirahan, at nang ito’y dumalaw sa kaniya, ang ginang ay bumulalas: “Kung alam ko lamang, sana’y noong isang taon pa ako nagtrambiya!” Nang tanungin kung ano ang ibig niyang sabihin, ipinaliwanag ng ginang: “Iyon ang unang pagsakay ko sa trambiya sa pagpunta ko sa pamantasan. Akalain mo ba naman? Isang taon ang sinayang ko!” Tuwang-tuwa siya na makapag-aral ng Bibliya kahit sa loob lamang ng ilang buwan bago bumalik sa Tsina.
Ang mga karanasang gaya nito ay nagturo sa mga Saksi sa Belgium ng isang aral. “Ihasik mo sa umaga ang iyong binhi at huwag mong iurong ang iyong kamay sa hapon,” ang sabi ng Bibliya, “sapagkat hindi mo nalalaman kung alin ang tutubo, kung ito o yaon, o kung kapuwa magiging mabuti.” (Eclesiastes 11:6) Ang pagsisikap na mapagtagumpayan ang mga balakid na likha ng wika, kaugalian, at tradisyon ay sulit dahil sa nagiging resulta. Ang nakagagalak-pusong mga pagtugon ay nagpapatunay, higit sa lahat, na ang Diyos ay “hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang taong natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kalugud-lugod sa kaniya.”—Gawa 10:34, 35.