Mga Inilaang Tulong na Nagpapakita ng Pag-ibig Kristiyano
IBIGIN ang buong samahan ng magkakapatid,” ang payo ni apostol Pedro sa kaniyang mga kapwa Kristiyano. (1 Pedro 2:17) Ang gayong pag-ibig ay kailangang makapanaig sa mga hangganan ng lahi, lipunan, at bansa, anupat pinipisan ang mga tao sa tunay na pagkakapatiran. Nang bumangon ang materyal na pangangailangan sa gitna ng sinaunang mga Kristiyano, ang pag-ibig ang pumukaw sa marami upang mag-abuloy sa mga apostol para ipamahagi sa mga nangangailangan. Sinasabi ng ulat na “lahat ng bagay ay pag-aari ng lahat.”—Gawa 2:41-45; 4:32.
Ang gayong pag-ibig ay nahayag nang ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, sa katapusan ng 1991, ay nag-anyaya sa ilang sangay ng Watch Tower Society sa Kanlurang Europa upang maglaan ng pagkain at damit sa kanilang nangangailangang mga kapatid sa Silangang Europa, kasali na ang mga bahagi ng dating Unyong Sobyet. Aming ihaharap dito ang sunud-sunod na mga pag-uulat buhat sa ilang mga sangay na kasangkot.
Sweden
Noong Disyembre 5, 1991, isang liham na nagpapaliwanag ng pangangailangan ang ipinadala sa pamamagitan ng koreo sa lahat ng 348 kongregasyon sa Sweden. Agad na dumating ang tugon. Hindi lumipas ang mga ilang araw, ang unang semitrailer ay patungo na sa St. Petersburg, Russia, may dalang 15 tonelada ng harina, mantika, karneng de-lata, pulbos na gatas, at iba pa. Lokal na mga Saksi ni Jehova ang nagdiskarga sa trak at agad na ipinamahagi ang 750 balutan sa mga nangangailangan. Nang malaunan, dalawa pang semitrailer ang naghatid ng pagkain sa Russia. Lahat-lahat, mahigit na 51.5 tonelada ang naipadala galing sa Sweden.
Ang pagkabukas-palad sa pag-aabuloy ng mga damit at sapatos ay nakahihigit sa lahat ng inaasahan. Ang balutan ng mga damit ay mabilis na napatalaksan sa mga Kingdom Hall. Maraming Kristiyano ang nag-abuloy ng kanilang sariling mga damit. Ang iba naman ay bumili ng mga bagong damit. Isang kapatid ang bumili ng limang terno. Nang mapag-alaman ng nagtatakang may-ari ng tindahan ang layunin niyaon, siya’y nag-abuloy ng lima pang mga terno. Isang kapatid ang bumili ng isang kahon ng medyas, guwantes, at mga bandana. Nang kaniyang ipaliwanag ang layunin niyaon, ang may-ari ay nag-alok sa kaniya ng 30 bagong terno sa halaga ng dalawa. Isang maytindahan ng mga gamit sa laro ang nag-abuloy ng 100 pares ng mga bagong sapatos at mga bota.
Lahat ng materyales na ito ay pagkatapos dinala sa sangay upang pagbukdin-bukdin, muling maimpake, at maikarga. Ang mga damit—katumbas ng mailululan sa 40 semitrailer—ang umukupa sa malaking bahagi ng sangay! Mga kapatid na lalaki at babae ang nagtrabaho nang ilang mga linggo sa pagbubukud-bukod niyaon para sa mga lalaki, mga babae, at mga bata at pag-iimpake niyaon sa mga kahon na karton. Labinlimang iba’t ibang semitrailer ang ginamit upang ang mga damit ay maihatid nang ligtas sa Russia, Ukraine, at Estonia.
Isang kapatid na nagmaneho ng isa sa mga trak ng Samahan nang makawalong beses sa dating Unyong Sobyet ang nagsabing: “Ang pagtanggap sa amin ng ating mga kapatid sa mga lugar na pupuntahan namin ay isang malaking gantimpala. Kami’y kanilang niyakap at hinagkan, at bagaman kakaunti ang kanilang mga ari-arian, kami ay binigyan ng isang mainam na aral sa pagkabukas-palad bilang mga Kristiyano.”
Pinlandiya
Sa kabila ng matinding krisis sa Pinlandiya, laganap na kawalang-hanapbuhay, at mga suliraning pangkabuhayan, malaki ang pananabik ng humigit-kumulang 18,000 kapatid sa Pinlandiya na tumulong sa kanilang mga kapatid sa dating Unyong Sobyet. Sila’y nagpadala ng mahigit na 58 tonelada ng pagkain na nasa 4,850 kahon na karton sa St. Petersburg, Estonia, Latvia, Lithuania, at Kaliningrad. Ang mga bakanteng espasyo sa mga trak ay kanila ring pinunô ng 12 metro kubiko ng mga damit. Mayroon ding mga 25 gamit nang mga kotse at mga van na ibinigay bilang donasyon para gamitin sa gawaing pang-Kaharian.
Ang ilan sa mga kahon ng pagkain ay nakarating sa isang kongregasyon na may 14 na mamamahayag sa Slanti sa sakop ng St. Petersburg. Sila’y nagpahayag ng malaking pagpapasalamat sa pamamagitan ng isang liham. “Kami’y may sampung matatanda nang kapatid na babae sa aming kongregasyon. Marami sa amin ang may malubhang karamdaman at hindi na makapila nang matagal upang makakuha ng pagkain. Gayunman, ang ating Ama sa langit, ay hindi nagbibigay sa atin ng dahilan na masiraan ng loob sa mahirap na mga panahong ito kundi sa halip ay pinúpunô ang ating mga puso ng kagalakan. Kami’y nagdaraos ng 43 pantahanang pag-aaral sa Bibliya.” Nang tanggapin ng isang kapatid na babae sa St. Petersburg ang kaniyang balutan ng mga pangangailangan, ang kaniyang damdamin ay lubhang naantig na anupat siya’y nag-iiyak nang may dalawang oras bago binuksan iyon.
Denmarka
Sa munting bansang ito sa may entrada ng Dagat Baltico, mga 16,000 Saksi ni Jehova ang nagsama-sama at nagpadala sa Ukraine ng 19 na trak na may dalang 64 tonelada ng pagkain na nasa 4,200 kahon; 4,600 kahon ng mahuhusay na klaseng damit; at 2,269 na pares ng bagong mga sapatos. Ang sangay ay pinayagan ng isang kapatid sa Alemanya na gamitin ang limang trak, na pagkatapos ay kaniyang ibinigay na donasyon sa mga kapatid sa Ukraine. Sa pag-uwi, isa sa mga tsuper ay nagsabi: “Ating natuklasan na higit pa ang ating iniuwi kaysa dala natin. Ang pag-ibig at ang espiritu ng pagsasakripisyo na ipinakita ng ating mga kapatid sa Ukraine ay totoong nagpalakas ng ating pananampalataya.”
Ang mga tsuper ay kinailangang maging listo ng pagmamasid kung may mga magnanakaw sa kahabaan ng mga lansangan sa dating Unyong Sobyet. Mga ilang araw bago ang isa sa mga trak na galing sa Denmarka ay dumaan doon, isang nakawan ang naganap sa rutang iyon. Limang sunud-sunod na trak na may dalang pagkain buhat sa ibang organisasyon ng pagkakawang-gawa ang pinahinto ng mga magnanakaw na gumagamit ng mga helicopter at submachine gun. Kanilang kinuha ang lahat ng limang trak, at iniwan sa tabing daan ang mga tsuper. Sa kabila ng ganiyang panganib, lahat ng panustos na galing sa sangay sa Denmarka ay nakarating nang ligtas sa mga kapatid. Sa pagbabalik, kanilang ipinauwi sa isang tsuper ang sumusunod na kalatas, na isinulat nang may kahirapan sa Ingles: “Mahal na mga kapatid sa Denmarka: Tinanggap na namin ang inyong tulong. Kayo’y gagantihin ni Jehova.”
Ang Netherlands
Ang sangay sa Netherlands ay nagpadala ng 52 tonelada ng pagkain sa 2,600 balutan. Ang mga ito ay dinala sa Ukraine ng dalawang magkahiwalay na convoy. Sa tuwina ang anim na trak ay naiiwan sapagkat iyon ay donasyon ng mga kapatid sa Alemanya para sa gawaing pang-Kaharian sa Silangan. Ang ginawa ng mga kapatid sa Ukraine ay ipinadala ang karamihan ng pagkain sa Moscow, Siberia, at iba pang mga lugar na mayroong malaking pangangailangan. Bukod dito, 736 metro kubiko ng mga damit at sapatos ang donasyon ng mga kapatid na Olandes. Ang mga ito ay dinala sa Lviv sa Ukraine sa 11 trak sa isang convoy kasama ang isang pribadong kotse.
Pagkatapos ng isang mahabang biyahe na dumaraan sa Alemanya at Polandiya, ang convoy ay mabilis na nakalampas sa aduwana sa Ukraine, at nakarating na sa may hangganan ng Lviv noong ika-3:00 n.u. Ang mga tsuper ay nag-ulat: “Sa sandaling panahon, naroon ang 140 na mga kapatid na magbababa ng mga kargada ng mga trak. Bago nagsimulang gumawa, ang mapagpakumbabang mga kapatid na ito ay nagpakita ng kanilang pagtitiwala kay Jehova, naghandog ng isang nagkakaisang panalangin. Nang matapos ang trabaho, sila ay nagtipong muli para sa isang panalangin ng pasasalamat kay Jehova. Pagkatapos na tamasahin ang kasiyahan sa ipinakitang kagandahang-loob ng lokal na mga kapatid, na saganang nagbigay ng munting nakayanan nila, kami’y sinamahan patungo sa malaking kalye, na kung saan sila’y naghandog ng isang panalangin sa tabing-daan bago kami lisanin.
“Samantalang nagbibiyahe kami pauwi, malaki ang dapat naming pag-isipan—ang kagandahang-loob ng mga kapatid sa Alemanya at Polandiya, at pati ng aming mga kapatid sa Lviv; ang kanilang matibay na pananampalataya at pagpapahalaga sa panalangin; ang kanilang kagandahang-loob sa paghahanda ng mga matutuluyan at ng pagkain bagaman sila’y mga dukha; ang kanilang ipinakitang pagkakaisa at matalik na pagsasamahan; at ang kanilang pagtanaw ng utang na loob. Amin ding napag-isipan ang mga kapatid na mga kababayan namin, na totoong bukas-palad sa pagbibigay.”
Switzerland
Ang ulat ng sangay sa Switzerland ay nagsisimula sa siniping teksto sa Santiago 2:15, 16: “Kung ang isang kapatid na babae o lalaki ay hubad at walang sapat na makain para sa araw na iyon, gayunma’y isa sa inyo ay magsabi sa kaniya: ‘Humayo ka na, magpakainit ka at magpakabusog,’ ngunit hindi naman ninyo binibigyan sila ng kanilang mga kailangan sa buhay, ano ang kabuluhan nito?” Pagkatapos ay nagpapatuloy ang pag-uulat: “Ang Kasulatang ito ay sumaisip nang ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay mag-anyaya sa amin na magbigay ng materyal na tulong sa aming nangangailangang mga kapatid.
“Kapagdaka’y naging abala ang lahat! Sa loob ng dalawang araw lamang, 12 tonelada ng pagkain na nasa 600 balutan ang ipinadala sa Ukraine kasama ang tatlong trak buhat sa Alemanya, na ibibigay na donasyon sa gawain doon. Ang balita na lahat ay nakarating na ligtas ang nagdulot ng malaking kagalakan sa gitna ng ating mga kapatid dito. Samantala, ang mga kongregasyon nama’y nagtipon ng mga damit, at hindi nagtagal ang aming sangay ay binahaan na ng mga kahon na karton, mga maleta, at mga bag! Yaong may mga damit para sa mga bata ay may kasama pang mga laruan na galing sa mga batang Suiso para sa hindi pa nila nakikilalang mga kaibigan sa malayong Hilaga. Maraming mga kending tsokolate ang isiningit naman sa pagitan ng mga damit.”
Papaano kaya ihahatid ang lahat ng ito? Ang ulat ay nagsasabi: “Ang sangay sa Pransiya ang tumulong sa amin nang magpadala ng dalawang semitrailer at apat na tsuper para magmaneho. Bukod dito, isang trak buhat sa aming sangay at apat pa na pag-aari ng lokal na mga kapatid ang kinailangan para maihatid ang 72 tonelada sa Ukraine.” Ang convoy, 150 metro ang haba, ay nakarating nang ligtas sa bodega sa Lviv, na kung saan mga isandaang lokal na mga kapatid ang naghihintay upang idiskarga ang mga kargada ng mga trak. Iniulat ng mga tsuper na hindi naging balakid ang wika sapagkat nahalata sa kanilang mga mukha ang matinding pagpapahalaga.
Austria
Ang mga kapatid sa Austria ay nagpadala ng 48.5 tonelada ng pagkain, 5,114 mga kahon ng damit, at 6,700 pares ng sapatos sa Lviv at Uzhgorod sa Ukraine. Sila’y nagpadala rin ng 7 tonelada ng pagkain, 1,418 kahon ng mga damit, at 465 pares ng sapatos sa Belgrade, Mostar, Osijek, Sarajevo, at Zagreb sa dating Yugoslavia. Ang sangay ay nag-uulat: “Kami’y may 12 semitrailer na may lulang mga kargada, nagbibiyahe ng 34,000 kilometro. Karamihan ng pagbibiyaheng ito ay ginawa ng isang kapatid at ng kaniyang anak na lalaki na may negosyong trucking.”
Kung tungkol naman sa donasyong mga damit, nagpapatuloy ang pag-uulat: “Aming ginamit ang isang Assembly Hall bilang pinakasentrong bodegahan. Mga trak na punung-punô ng mga kargada ang patuloy na dumagsa, hanggang sa wala nang mapagsidlan ng mga dala. Tulad noong mga kaarawan ni Moises, ang mga tao ay kinailangang pahintuin na ng pagbibigay. (Exodo 36:6) Kahit na mga taong hindi naman mga Saksi ni Jehova ay nag-abuloy ng salapi, ‘sapagkat,’ kanilang sinabi, ‘sa ganitong paraan ay batid namin na ang mga taong nangangailangan ang tatanggap nito.’ Kami’y nakakuha rin ng lubhang kailangang libreng basyong mga kahon sa makasanlibutang mga bahay-kalakal.” Ang mga kapatid na nagbukud-bukod at nag-impake ng lahat ay mula sa edad na 9 hanggang 80 anyos. Sinikap pa man din nila na ibagay ang tamang kurbata at kamisadentro sa bawat terno.
Ang ulat ay nagsasabi: “Ang mga awtoridad sa Austria at sa mga hangganan ay totoong matulungin upang magtagumpay ang pagsasaayos ng mga sasakyan na maghahatid ng mga pantulong at sa pagbibigay ng kinakailangang mga papeles upang mapadali ang paghahatid.”
Italya
Buhat sa Roma hanggang sa 188 tonelada ng pagkain ang ipinadala lulan ng dalawang malalaking trak na magkaagapay ng pagtawid sa Austria, Czechoslovakia, at Polandiya patungo sa dating Unyong Sobyet. Ang bawat convoy ay binubuo ng anim na tsuper, isang mekaniko, isang elektrisyan sa awto, isang interpreter, isang forwarding agent, isang kusinero, isang doktor, isang convoy lider na sakay ng isang jeep, at isang kapatid na may camper.
Ang pagkain ay kinuha sa pitong suplayer. Nag-uulat ang sangay: “Nang mabalitaan ng mga suplayer namin ang dahilan ng pagkukusa, nais ng iba sa kanila na makibahagi. Daan-daang kilo ng pasta at bigas, gayundin mga kahon para sa pag-iimpake, ang donasyon ng makasanlibutang mga kompanya. Ang iba ay nag-abuloy ng pantagyelong mga gulong para sa mga trak o nag-alok na mag-aabuloy ng salapi.
“Ang mga kapatid sa Italya ay nagpahalaga sa pagkakataong ito na tumulong. Nais ng mga bata na mag-abuloy rin. Isang limang-taóng-gulang na batang lalaki ang nagpadala ng isang maliit na abuloy na kaniyang inaasahang makabibili ng ‘isang lata ng tuna na kasintaas ng langit para sa mga kapatid sa Russia.’ Dahil sa mabubuting marka na nakuha niya sa paaralan, isang munting batang babae ang binigyan ng pera ng kaniyang mga nuno upang bumili ng regalo para sa kaniyang mga magulang. ‘Pero,’ kaniyang isinulat, ‘nang malaman ko na marami sa ating mga kapatid ang wala ng lahat ng mabubuting bagay na makakain na mayroon naman ako, naisip ko na ang pinakamagaling na regalo na mabibili ko para sa aking mga magulang ay tulungan ang mga kapatid na yaon.’ Siya ay naghulog ng malaki-laking halaga sa kahon ng abuloy. ‘Ako’y umaasang patuloy na magkakamit ng matataas na marka, upang makapagpadala ako ng mas maraming pera,’ ang sabi niya.” Ang ulat ng sangay ay nagtatapos sa pagsasabi na ang mga liham ng mainit na pagpapahalaga buhat sa mga kapatid sa Ukraine, ang maraming salitang pagpapahalaga ng mga kapatid na Italyano, at ang maiinam na karanasan sa paghahanda at paghahatid ng mga suplay ay nakapupukaw ng loob, nakapagpapatibay, at tagapagkaisa.
Pagkain Para sa Libu-libong Delegado
Ang unang internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa dating Unyong Sobyet ay ginanap sa Kirov Stadium sa St. Petersburg sa Russia, Hunyo 28-30, 1992. Ang mahalagang kombensiyong ito, na may temang “Mga Tagapagdala ng Liwanag,” ay dinaluhan ng mahigit na 46,200 delegado buhat sa 28 bansa. Ito’y nagbigay ng isa pang pagkakataon na magpakita ng pag-ibig Kristiyano “para sa buong samahan ng mga kapatid.”—1 Pedro 2:17.
Tone-toneladang pagkain buhat sa Denmarka, Pinlandiya, Sweden, at iba pang mga lupain sa Kanlurang Europa ang ipinamahagi nang walang bayad sa libu-libong delegado sa kombensiyon buhat sa dating U.S.S.R., upang kanin sa panahon ng kombensiyon. Sa kanilang paglisan sa kombensiyon pagkatapos ng katapusang sesyon, sila’y binigyan din ng tig-iisang balutan ng pagkain para kanilang kanin sa kanilang paglalakbay pauwi.
Ang mga ulat na binanggit dito ay nagpapakita na ang pagbibigay ay hindi naganap nang iisang direksiyon—pasilangan—lamang. Nagkaroon ng palitan ng pagbibigayan. Ang pagkain at mga damit ay pasilangan, oo, subalit pakanluran ang di-mabilang na nakapagpapasigla-ng-pusong mga kapahayagan ng pag-ibig at mga karanasan ng nagbibigay-inspirasyong pananampalataya na nagpapakita ng pagtitiyaga at katapatan ng libu-libong mananamba kay Jehova sa maraming taon ng panggigipit at kahirapan. Sa gayon, ang magkabilang panig ay nakaranas ng katotohanan ng mga salita ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
[Dayagram/Larawan sa pahina 21]
1. Buhat sa Pinlandiya: St. Petersburg, Russia; Tallinn at Tartu, Estonia; Riga, Latvia; Vilnius at Kaunas, Lithuania; Kaliningrad, Russia; Petrozavodsk, Karelia
2. Buhat sa Netherlands: Lviv, Ukraine
3. Buhat sa Sweden: St. Petersburg, Russia; Lviv, Ukraine; Nevinnomyssk, Russia
4. Buhat sa Denmarka: St. Petersburg, Russia; Lviv, Ukraine
5. Buhat sa Austria: Lviv, Ukraine; Belgrade, Mostar, Osijek, Sarajevo, Zagreb (sa dating Yugoslavia)
6. Buhat sa Switzerland: Lviv, Ukraine
7. Buhat sa Italya: Lviv, Ukraine
[Mga larawan sa pahina 23]
Mga Kahon ng mga damit sa sangay sa Sweden
Pagkakarga ng mga inilaang tulong
Iba’t ibang mga pagkain sa iisang balutan
Tusino at hamon buhat sa Denmarka
Convoy ng 11 trak at 1 kotse
Mga balutan at mga maleta sa sangay sa Austria
Pagdidiskarga ng kargada ng trak sa Lviv, Ukraine