Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 3/1 p. 30-31
  • Mga Misyonero ng Micronesia

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Misyonero ng Micronesia
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 3/1 p. 30-31

Mga Misyonero ng Micronesia

BAGAMAN pinaghiwa-hiwalay ng malalawak na katubigan ng waring walang katapusang Karagatang Pasipiko, nagagawa pa rin ng mga misyonero ng Micronesia na magkatipon taun-taon para sa isang “reunyon ng pamilya.” At saan nagkakatipon ang lahat ng mga ebanghelisador na ito buhat sa layu-layong mga isla? Angkop na angkop, sa dako na pinanganlan ng lokal na pamahalaan na Jehovah Street​—ang direksiyon ng tanggapang sangay ng Guam na kanilang pinaglilingkuran.

Noong Hunyo 1992, 56 na misyonero ang nagkatipon sa sangay upang dumalo sa “Mga Tagapagdala ng Liwanag” na Pandistritong Kombensiyon. Ang buong palibot ay napuspos ng tawanan at masayang pag-uusap samantalang kanilang sinasariwa ang matagal nang mga pagkakaibigan at pinagyayaman naman ang mga bago. Gaya ng dati, sila’y pumuwesto sa hagdanan ng Kingdom Hall para sa panggrupong pagpaparitrato at pagkatapos ay naupo sa tatlong mahahabang pigingang hapag upang makibahagi sa taunang kainan para sa mga misyonero, na tinampukan sa taóng ito ng pagdalaw ni Albert Schroeder, isang kagawad ng Lupong Tagapamahala.

Para sa marami sa mga misyonero, ang taunang pagsasalu-salo sa Guam ang kanilang tanging pagkakataon na umalis sa kanilang mumunting mga tahanan sa tropiko. At maliliit nga ang mga ito. Ang Ebeye Island, isa sa Marshall Islands, ay mayroon lamang 32 ektarya. Ang tahanang misyonero sa Majuro sa Marshalls at ang tahanan sa Kiribati sa Gilbert Islands ay kapwa naroon sa mahahaba, makikitid na mga atoll na wala pang kalahating milya ang luwang. Kaya lubusang sinasamantala ng mga misyonero ang kanilang kawili-wiling biyahe sa Guam.

Samantalang ang idea ng pangangaral sa isang malayong isla sa tropiko ay may himig na romantiko, ang totoo’y isa itong hamon sa iilan na may kakayahang harapin. Kawili-wiling malaman, 7 lamang sa 56 na misyonero ang buhat sa Watchtower Bible School of Gilead. Karamihan ay nanggaling sa Hawaii o sa Pilipinas na kung saan sila’y mga ministrong payunir na sanay na sa pamumuhay sa tropiko, at sila’y tuwirang naparoon buhat sa kanilang sariling bansa tungo sa kanilang distinong misyonero.

Dahilan sa ang mga isla ng Micronesia ay totoong malapit sa equator, ang mga misyonero ay nakikibaka sa nakalalantang init at kahalumigmigan upang maihatid sa mga tagaroon ang mabuting balita. Ang komunikasyon ay maaaring maging isang malaking hamon. Bawat isla o grupo ng mga isla ay may kani-kaniyang wika​—ang ilan ay hindi kilala anupat kahit sa isang diksiyunaryo ay hindi makikita​—​at maaaring mga taon ang kakailanganin bago ang isang baguhan ay matatas na makapagsalita niyaon. Upang matulungan ang mga tao sa sari-saring kulturang mga islang ito na maintindihan ang Bibliya, ang sangay sa Guam ay naglilimbag ng literatura sa 11 wika, 9 sa mga ito ay dito lamang sa Micronesia ginagamit.

Ang ilang mga isla ay totoong liblib anupat iyon ay mararating lamang ng bangka. Ang tahanang misyonero sa Tol sa Chuuk (Truk) ay naroon sa gayong isla, at ang mga misyonero roon ay umaasa sa mga solar panel upang mapagkunan ng koryente sa loob ng mga ilang oras lamang sa araw-araw.

Sa kabuuan, may 14 na tahanang misyonero sa buong Micronesia na nakapalibot sa isang lugar na humigit-kumulang sinlaki ng kontinental na Estados Unidos. Sa mahigit na 400,000 katao na naninirahan sa rehiyon, 1,000 ay mga mamamahayag ng mabuting balita, organisado sa 20 kongregasyon at 3 nabubukod na grupo.

Bagaman karamihan ng mga tao sa Micronesia ay totoong palakaibigan, ang lokal na mga kaugaliang relihiyoso at panggigipit ng pamilya ang nakahahadlang sa marami sa pagtanggap sa katotohanan ng Kaharian ng Diyos. Kaya bagaman ang pangangaral ay umuunlad sa pangkalahatan (ang 1,000 mamamahayag ng Kaharian na iyon ay nagdaraos ng labis sa 2,000 pag-aaral sa Bibliya), ang ilang mga kongregasyon at grupo ay nananatiling maliit. Halimbawa, may 5 lamang na mamamahayag sa isla ng Tinian, 7 lamang mamamahayag sa isla ng Nauru, at ang mga kongregasyon sa Yap, Kosrae, at Rota ay may mababa sa 40 mamamahayag bawat isa. Gayumpaman, ang ilang mga misyonero ay nanatili sa kanilang atas sa loob ng 20 taon. Mapapansin, lahat ng anim na nasa isla ng Belau ay naroon na sa loob ng di-kukulangin sa 12 taon.

Para sa mga matiyaga, malaki ang gantimpala. Sa araw-araw ay may pagkakataon na hangaan ang kagandahan ng paglalang ni Jehova. Ang sagana sa pananim na mga isla ng Micronesia ay nakapangalat na mistulang luntiang maliliit na hiyas na nakasabog sa sanligang bughaw na karagatang Pasipiko. Milya-milyang malalawak na dalampasigan at mga bakuran ng korales na sagana sa magagandang isda ang nakaaakit sa mga maninisid na gumagamit ng snorkel at scuba upang magalugad ang ilan sa pinakamagagandang lugar ng mga maninisid sa daigdig. Sa pagtatapos ng bawat araw, nariyan ang nakabibighaning tanawin ng paglubog ng araw sa karagatan.

Gayunman, ang pinakadakilang gantimpala ay ang pribilehiyo na maglingkod kay Jehova sa pamamagitan ng pagbabalita sa iba tungkol sa kaniyang kahanga-hangang mga pangako para sa hinaharap. Sapagkat ang mga misyonero ng Micronesia ay nagsisikap na makamtan ang gantimpalang iyan, kanilang tinutupad ang mga salita ng Isaias 42:12: “Kanilang luwalhatiin si Jehova, at ipahayag ang kaniyang kapurihan sa mga isla.”

[Mapa/Larawan sa pahina 31]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon.)

Barrigada, Guam

Santa Rita, Guam

Koror, Belau

Chuuk (Truk) Islands

Tarawa, Kiribati

Kosrae

Ebeye

Marshall Islands

Majuro

Kolonia, Pohnpei

Songsong, Rota

Saipan

Yap

MICRONESIA

MELANESIA

CAROLINE ISLANDS

PACIFIC OCEAN

PHILIPPINES

NEW GUINEA

EQUATOR

[Larawan]

Nagkatipon sa Guam ang mga misyonero, Hunyo 1992

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share