Isang Naiibang Uri ng Tuklas sa Bahamas
MISTULANG mga batong-tuntungan sa magkabilang panig ng kulay-asul na karagatan sa pagitan ng Florida at Cuba, ang Bahamas ay tumanggap ng wala pang katulad na atensiyon sa larangan ng pandaigdig na pamamahayag noong 1992. Bakit? Sapagkat itinuturing ng karamihan ng awtoridad na ang Bahamas ang unang lupain na natanaw ni Christopher Columbus sa kaniyang makasaysayang paglalakbay noong 1492, nang kaniyang matuklasan ang Amerikas. Ang kinsentenaryo, o ika-500 anibersaryo, ng paglunsad ni Columbus noong Oktubre 12 ay tumawag ng pansin ng buong daigdig.
Gayunpaman, ang sigasig tungkol sa kinsentenaryo ay may mga kalaban. Sa pagtatalumpati sa ika-23 National Conference of Black Lawyers, si John Carew (isang propesor ng internasyonal na mga pag-aaral) ay iniulat na nagsabing si Columbus ay “nagpakawala ng isang daluyong ng kamatayan sa maraming naninirahan sa Kapuluán ng Caribbean.”—The Nassau Guardian.
Sa ngayon, wala isa man sa 250,000 katutubong populasyon ng Bahamas ang makatutunton ng pagiging kamag-anak ng mapayapang mga katutubong tagaroon na nakilala ni Columbus at inilarawan na “malulusog na mamamayan, may magagandang pangangatawan at kaakit-akit na mga mukha.” Ano ba ang nangyari sa mga tagaislang ito? Sumasagot ang A History of the Bahamas: “Sa pagitan ng 1500 at 1520 ang buong populasyon ng Bahamas, marahil mga 20,000 Lucayano, ay puwersahang hinakot” upang gawing mga alipin na magtatrabaho sa mga minahan ng ginto ng mga Kastila sa Hispaniola.
Sa ganoong pagkaubos ng mga mamamayan, ang Bahamas ay “muling natuklasan” una muna ng mga Britano at nang malaunan ng malalaking grupo ng “loyalista.” Itong huli ay karamihan mga may-ari ng plantasyon buhat sa mga kolonya ng Amerika. Palibhasa’y tapat sa monarkiyang Britano, kanilang tinakasan ang digmaan ng independensiya na noon ay nagbabanta na sa kontinente. Sa ngayon ang mga taga-Bahamas ay karamihan mga inapo ng mga dayuhang ito at ng kanilang mga alipin. Nang sila’y palayain na, marami sa mga alipin ang nagpatuloy na taglay ang mga pangalan ng kanilang dating panginoon.
Isang Naiibang Uri ng Tuklas
Halos tiyak nang nakita ni Columbus ang kaniyang sarili na tila isang misyonero. Ayon sa ulat ay sinabi niya: “Ginawa ako ng Diyos na mensahero ng bagong langit at ng bagong lupa. . . . Kaniyang ipinakita sa akin kung saan masusumpungan iyon.” Gayunman, ang pinsalang ibinunga ay nagpatunay ng kabaligtaran. Ang matuwid na ‘mga bagong langit at bagong lupa’ na ipinangako ng Diyos ay kinailangang maghintay ng isang naiibang uri ng pagtuklas.—2 Pedro 3:13.
Noong 1926, si Edward McKenzie at ang kaniyang maybahay ay dumating sa Bahamas. Di-tulad ng mga manunuklas na nauna sa kanila, ang mapagpakumbabang mag-asawang ito na taga-Jamaica ay dumating upang hanapin ang tapat-pusong mga tao na kanilang mapagkakalooban ng isang kayamanan. Sila ang unang nagdala sa Bahamas ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 13:44; 24:14) Nang may dakong huli ng taóng iyon sumama sa kanila ang dalawa pang taga-Jamaica, si Clarence Walters at si Rachel Gregory. Noong 1928 ay may pitong mamamahayag ng Kaharian sa Bahamas. May apat na taon na sila’y puspusang nagpagal sa pangangaral ng mabuting balita sa mga tagaisla.
Saka dumating si E. P. Roberts, isang dinamikong tagapagpahayag na taga-Trinidad. Ang kaniyang pangmadlang mga pahayag sa popular na pinagmimitingan na mga bulwagan ay malaki ang nagawa upang mapabunyag ang maling mga paniwala at mapukaw ang puso ng marami sa mga katotohanan ng Bibliya. Ang isa na puspusang nakikinig noon sa isa sa mga miting na iyon ay si Donald Oscar Murray, na nang malaunan magiliw na nakilala sa tawag na D. O. Nang bandang huli ay siya ang nanguna sa gawain.
Tandang-tanda pa ng misyonerang si Nancy Porter kung papaano binanggit ni D. O. Murray sa kaniyang taimtim na mga panalangin ang paghingi ng tulong para sa gawaing pangangaral. Noong 1947, si Nancy at ang kaniyang asawa, si George, kasama ang dalawa pa, ay naging unang mga misyonero na idinistino sa Bahamas ng Watch Tower Society. Nagugunita pa niya: “Ang unang miting na dinaluhan namin ay inaakala kong hindi namin makalilimutan kailanman. Mga siyam o sampu ang dumalo. Si Brother Murray ang chairman at pinasimulan iyon ng isang panalangin, na pinasasalamatan si Jehova sa pagdating ng mga misyonero. Kinailangan ang tulong, aniya, at ‘kami ay matagal nang nanalangin na tulungan kami.’ Ang Samahan ay nangakong magpapadala ng tulong, at ngayon kami ay narito. Ang panalangin ay totoong makabagbag-damdamin anupat ibig naming mamalagi na roon at hindi na umalis.” Ngayon, mga 45 taon ang nakalipas at sa kabila ng pagkamatay ng kaniyang asawa, si Sister Porter ay nagdadala pa rin ng nakaaaliw na pabalita ng Kaharian sa mga tagaisla.
Lalo na sapol noong 1947 malaki ang pakinabang na naidulot ng pangangaral ng Kaharian sa Bahamas ng buong-panahong mga ministro at iba pa na dumalaw sa mga isla sakay ng bangka. Malimit na sila’y kailangang maglayag malapit sa mapanganib na mga bunton ng buhangin sa dalampasigan at mabababaw na katubigan at pagkatapos ay lumusong patungo sa dalampasigan upang dalhin ang mabuting balita sa malalayong pamayanan. Ang mga unang pagsisikap na iyon ay nagbubunga hanggang sa araw na ito.
Isang makasaysayang pangyayari ang naganap noong 1950. Noong Disyembre ng taóng iyon, si Nathan H. Knorr, pangulo noon ng Watch Tower Society, at ang kaniyang kalihim, si Milton G. Henschel, ay dumalaw sa Bahamas sa kauna-unahang pagkakataon. Si Knorr ay nagpahayag sa 312 katao na siksik na siksik sa Mother’s Club Hall, isang munting gusaling kahoy sa Jail Alley. May ilang kilalang tao na dumalo, kasali na ang isang kagawad ng parliamento at ang editor ng isang pang-araw-araw na pahayagan. Nang gabing iyon, ipinatalastas ni Brother Knorr ang pagtatayo ng isang tanggapang sangay ng Samahan sa Bahamas.
Palakaibigang Tugon ng mga Tagaisla
Ang palakaibigang mga mamamayan ng Bahamas ay karaniwan nang nakikinig sa mensahe ng Kaharian. Gayunman, isang hamon ang napapaharap upang marating ang lahat sa kanila. Bakit nga gayon? Bueno, bagaman karamihan ng mga mamamayan ay doon naninirahan sa kabisera, ang Nassau, at sa karatig na Grand Bahama, ang iba ay nakakalat sa 15 mas malalaking isla at sa ilan sa 700 na maliit na isla at mga atoll na bahagi ng grupong ito ng mga isla.
Sa pagkakita sa pangangailangan, dumaraming lokal na mga Saksi at marami na galing sa ibang mga dako ang lumipat sa mga pamayanan ng maliliit na isla upang tumulong sa pangangaral. Kapuri-puri, ginawa nila iyon taglay ang malaking pagsasakripisyo at gastos. Subalit ang kanilang mga pagpapagal ay sapat-sapat na ginantimpalaan.
Isang kabataang mag-asawa ang lumipat sa malaking isla ng Andros. Samantalang nangangaral sa bahay-bahay isang araw, may nakilala silang isang dayuhan buhat sa Haiti. May libu-libo ng ganitong mga tao sa Bahamas. Ang lalaki ay agad pumayag sa isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ang pag-aaral ay pinasimulan nang mismong gabing iyon, na ginagamit ang mga kopyang Ingles at Pranses ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Nang sumunod na gabi, siya’y dumalo sa kaniyang kauna-unahang pagpupulong Kristiyano. Hindi nagtagal, ang lalaki ay huminto na sa paninigarilyo, mabilis na sumulong, at nagsimulang makibahagi sa pangangaral.
Nang umaga ng araw na babautismuhan ang lalaking ito, siya’y tumanggap ng isang tape recording buhat sa kaniyang pamilya sa Haiti, bagaman siya ay may limang taon nang walang balita buhat sa kanila. Ano ba ang kanilang sinabi? Kanilang ibinida kung papaano sila naging mga Saksi ni Jehova. Kanilang ipinaliwanag na ang kaniyang kapatid na babae ay isang regular pioneer, o buong-panahong mangangaral, at kanilang ipinakiusap sa kaniya na hanapin ang mga Saksi at makipag-aral sa kanila ng Bibliya. Kalabisan nang sabihin, ang lalaki ay nabautismuhan nang araw ding iyon na taglay ang buong pagtitiwala na ang ginagawa niya ay matuwid.
Masiglang mga pagtugon na katulad nito ang nagpasigla sa puso ng mga Saksi roon. Parami nang parami sa kanila ang pumapasok sa gawain bilang buong-panahong ebanghelisador, at ito’y nakatulong sa pagpapalawak. Kaya naman noong 1988 ang bilang ng mga tagapagbalita ng Kaharian sa Bahamas ay umabot sa 1,000. Sa ngayon, sa 19 na kongregasyon, may humigit-kumulang 1,300 mamamahayag ng Kaharian, sa halos lahat ng malalaking isla.
Handa Para sa Hinaharap
Dahilan sa kanilang patuloy na pagdami, ang mga Saksi ay nahihirapang makatagpo ng makakayanan nilang upahang mga pasilidad na may sapat na laki para sa kanilang taunang mga kombensiyon. Dalawang kombensiyon ang kinailangang idaos sa magkahiwalay na isla upang maasikaso ang mga kombensiyonista. Sa gayon, gumawa ng mga plano upang makapagtayo ng isang Assembly Hall at ng isang bagong tanggapang sangay. Nagsimula ang trabaho noong Disyembre 1989. Daan-daang internasyonal at lokal na boluntaryo ang nagtrabaho sa proyekto nang “buong-kaluluwa na gaya kay Jehova” ginagawa iyon.—Colosas 3:23.
Walang alinlangan, ang pinakamalaki at pinakamaligayang pagtitipon ng mga Saksi sa Bahamas hanggang sa petsang ito ay naganap noong ialay ang bagong tanggapang sangay at Assembly Hall noong Pebrero 8 at 9, 1992. Masiglang pananabik ang patuloy na umiral samantalang ang mga kapatid sa lahat ng panig ng mga isla ay nagsisipaghanda para sa okasyon. May pambihirang kalamigan noon, at umulan noong gabi bago idaos ang programa ng pag-aalay. Subalit walang anuman ang nakapigil sa kagalakan ng masayang pulutong ng 2,714 katao samantalang si John E. Barr, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ay nagpahayag tungkol sa pag-aalay, na pinamagatang “Ang Awit ng Pagsulong ng Teokrasya.”
Ang mga puso ay nag-umapaw sa matinding pasasalamat sa Ama sa langit, si Jehovang Diyos, ukol sa okasyon ng gayong kagalakan at kasiyahan. Ang mga dumalo ay lalong desidido na gamitin ang kanilang buong lakas sa espirituwal na gawaing pagtuturo anupat nangailangan ng pisikal na pagpapalawak.
Patuloy na pagtatalunan kung baga ang pagkatuklas ni Columbus ang pasimula ng malaking pagbabago tungo sa pag-unlad ng mga islang ito. Gayunman, ang mga Saksi ni Jehova sa Bahamas ay nagkakaisa sa kanilang pasasalamat sa Diyos sa paglalaan ng mga tagapagbalita ng Kaharian na may espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili na nag-udyok sa kanila na harapin ang hamon at dalhin ang maluwalhating mabuting balita sa mga lugar na kung saan hindi nila alam doon ang espirituwal na kalagayan. Ang kanilang gawain at ‘panunuklas’ ay nagbunga ng espirituwal na kayamanan na walang katulad para sa lahat ng humahanap ng katotohanan sa Bahamas.
[Mapa/Mga Larawan sa pahina 24, 25]
Grand Bahama
Abaco
Andros
New Providence
Nassau
Eleuthera
Cat Island
Great Exuma
Rum Cay
San Salvador
Long Island
Crooked Island
Acklins Island
Mayaguana
Little Inagua
Great Inagua
CARIBBEAN SEA
FLORIDA
CUBA
[Mga larawan]
Pangangaral sa Pamilihan ng Dayami
Paglusong sa dalampasigan upang ibahagi ang mabuting balita
Ang tanggapang sangay ay naroroon sa isang burol na nakapanunghay sa Assembly Hall