Ang “Mga Tagapagbalita ng Kaharian” ay Paroo’t Parito sa Maraming Ilog ng Guyana
GUYANA.a Ang salitang ito na Amerindian ay nangangahulugang “lupain ng mga ilog.” Pagkaangkop-angkop ngang inilalarawan nito ang kalupaan ng tanging bansang ito sa Timog Amerika na ang wika ay Ingles. Sala-salabat sa lupain ang maraming ilog at ang kanilang mga sanga-sanga, na paliku-liko buhat sa Bulubundukin ng Guiana lagusan sa tropikal na gubat hanggang Karagatang Atlantiko. Ang mga ilog na ito ang bumubuo ng pinakabuhay ng maraming nayon at bukid na nakakalat sa kanilang pampang.
Natatanto ng mga Saksi ni Jehova sa Guyana na nang ihula ni Jesus na “ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa,” kasali na roon ang pangangaral ng mabuting balita sa mga taong naninirahan sa teritoryong ito sa mga tabi ng ilog. (Mateo 24:14) Sa gayon, sa loob ng mga taon, mga grupo ng mga Saksi, marami sa kanila ay mga payunir, ang gumamit ng mga bangka, malalaki at maliliit, upang magparoo’t parito sa mga ilog ng Guyana upang dalhin ang mabuting balita sa mga tao.
Upang makatulong sa gawain, ang Watch Tower Society sa Guyana ay may ipinagbibiyahe, hanggang sa ngayon, na limang sasakyang yari sa kahoy at tinatawag na Kingdom Proclaimer I hanggang Kingdom Proclaimer V. Ang mga ito ay 7 metro, bukás ang ibabaw, may korteng-V na ilalim, mga bangkang kahoy na tinatawag na balahoo, itinayo at minamantine ng isang pamilyang Saksi. Magiliw na tinutukoy ng lokal na mga Saksi bilang Proclaimers, ang unang dalawang bangka ay retirado na sa gawain pagkatapos gamitin sa paglilingkod nang ilang mga dekada. Subalit, ang Numero III, IV, at V ay nasa aktibong serbisyo pa rin sa mga ilog sa Pomeroon, Mahaica, at Demerara.
Sa Demerara
Sa Britanya at sa mga panig ng Europa, ang salitang “demerara” ay nagpapagunita ng isang ginintuang-kayumanggi, kristal na asukal-tubó, lalo na buhat sa mga plantasyon na nasa tabi ng ilog na ito na maputik at kargado ng banlík. Sa pampang sa gawing kanluran, ang daan buhat sa baybayin ay hanggang doon lamang sa kung saan nagtatapos ang taniman ng tubó. Lampas doon, ang mga Saksi ay dumidepende sa mga sasakyang Kingdom Proclaimer upang magdala ng matamis na pabalita ng Kaharian ni Jehova sa mga naninirahan sa tabing-ilog—mga Hindu, Muslim, at naturingang mga Kristiyano.
Ang mga kampanya ng pangangaral sa Demerara ay maaaring isang-araw na biyahe o maaaring tumagal ng ilang mga linggo, palipat-lipat sa mga pinaglulunsaran, mula umaga hanggang sa gumagabi na. Sa mga biyahe nang magdamagan, ang mga payunir ay hindi lamang nagluluto at kumakain sa bangka kundi doon din natutulog. Pagsapit ng gabi, ang Proclaimer ay itinatali sa isang punò ng bakawan o ipinupugal sa tabi ng isang piyer kung mayroon nito. Dalawa na 2.5 metrong poste ang itinatayo sa harap at sa likod. Isang lubid ang binabanat at itinatali sa ibabaw ng patindig na mga posteng ito, at isang malapad na layag ang ikinakabit upang magsilbing bubong, o habong. Malalapad na tabla ang nagsisilbing kama, at isang blangket at pangkumot ang ginagawang pinaka-kutson. Kahit na papaano, nakakatulog din matapos ang isang mahabang maghapon.
“Kayo ba ay naliligo sa maputik na tubig?” ang tanong sa mga payunir.
“Hindi kung maiiwasan namin iyon!” ang sagot. “Kailanma’t kami’y dumaraan sa isang sapa na may sariwang tubig, ang aming mga lalagyan ay pinupunô namin ng tubig para sa pagluluto, para mainom, at para ipaligo.”
Ang kanilang pagtitiis ay ginaganti sa pamamagitan ng maraming magandang karanasan. Minsan, isang lalaki ang dumating sa lunsaran, tumayo na magkalayo ang paa, nakapamaywang, at nagmasid sa amin na taglay ang matinding interes. “Kingdom Proclaimer V”! Kaniyang binasa nang malakas sa pangalan na nasa harap ng bangka. “Marahil kayo ay mga Saksi ni Jehova. Kayo lamang ang mga gumagamit ng salitang ‘kaharian’ sa ganitong paraan. Mayroon kayo ng inyong Kingdom Hall at ngayon ay ng Kingdom Proclaimer.”
Mula sa Gilead Hanggang sa Pomeroon
Ang paggawa sa Ilog Pomeroon ay medyo naiiba, gaya ng nagunita pa ni Frederick McAlman. Isang taon pagkatapos ng kaniyang gradwasyon sa Watchtower Bible School of Gilead noong 1970, siya’y dumating sa Charity, isang nayon sa tabing-ilog 34 kilometro paloob sa silangang pampang ng Pomeroon, na kung saan may isang grupo ng limang mamamahayag ng Kaharian.
“Pagkatapos ng limang mahahabang taon, nagkaroon kami ng ‘kaluguran’ ng paggaod sa Proclaimer II pabalik-balik sa Pomeroon bago kami nakakuha ng isang gamít-nang motor sa bangka na may lakas na anim na horsepower,” nagunita pa ni Brother McAlman. “Sa paggaod na paayon sa agos, kami’y magsisimulang mangaral sa silanganing pampang hanggang sa makarating kami sa Hackney, 11 kilometro mula sa wawa. Doon, kami’y natutulog nang maalwan sa bahay ni Sister DeCambra, ang komadrona na naglilingkuran sa lugar na iyon noon. Maaga kinabukasan, kami’y nagpapatuloy hanggang sa wawa ng ilog bago bumagtas patungo sa kanlurang pampang. Pagkatapos ay gagaod na kami pabalik sa Charity 34 kilometro ang layo.”
Ang motor na may lakas na anim na horsepower ay napakinabangan nilang mainam nang may sampung taon. Pagkatapos, noong 1986, iyon ay hinalinhan ng isang bago, 15-horsepower na modelo. Matapos maglingkod nang may katapatan sa Pomeroon sa loob ng mahigit na 21 taon, si Brother McAlman ay makalilingon taglay ang pagkadama na mayroon siyang nagawa may kaugnayan sa bagong katatayong Kingdom Hall sa Charity, ginagamit ngayon ng kongregasyon na may 43 mamamahayag na nagpaparoo’t parito sa ilog. Ang katamtamang dami ng dumadalo ay mahigit na 60, at sa 1992 Memoryal ng kamatayan ni Jesu-Kristo, may dumalong 190!
Paghahanap sa “Tauhan ng Watchtower”
Lunes ang araw ng pamilihan sa Charity. Kaya iyon ay isang magandang panahon para sa pangangaral ng mabuting balita, at ang mga Saksi ay naroon na taglay ang mga magasing Bantayan at Gumising! Isang araw nang may pasimula ng dekada ng 1970, si Monica Fitzallen mula sa Warimuri sa Moruka ay naparoon sa pamilihan at tumanggap ng dalawang magasin buhat kay Brother McAlman. Subalit nang siya’y makauwi na, ang mga magasin ay kaniyang inilagay sa may ilalim ng taguan ng kaniyang mga damit.
“May dalawang taon na naroon iyon nang hindi ko nababasa,” nagunita pa ni Monica. “Nang magkagayo’y nagkasakit ako at naparatay sa banig sa loob ng ilang panahon. Habang ako’y papagaling, sinimulan kong pakasuriin ang bawat artikulong mababasa sa bahay upang ako’y manatiling okupado. Sa wakas, naalaala ko ang dalawang magasin sa taguan ng mga damit at sinimulan ko na suriin ang mga iyon.” Kaniyang nakilala kaagad ang taginting ng katotohanan na taglay niyaon.
Nang gumaling na si Monica, kaniyang hiniling sa kaniyang kabiyak, si Eugene, na ihanap siya ng trabaho sa tabi ng Pomeroon upang kaniyang makita ang maginoo na nagbigay sa kaniya ng mga magasin. Si Eugene ay pumayag ngunit walang makuha kundi isang trabaho sa bukid malapit sa Pomeroon sa loob ng isang linggo, mula Lunes hanggang Sabado ng tanghali.
Nang sumapit ang Sabadong iyon, hindi pa rin natatagpuan ni Monica ang lalaking nagbigay sa kaniya ng mga magasin. Nang may katanghalian, itinanong niya sa kaniyang kabiyak kung ang agos ay paayon upang sila’y makagaod patungong Charity upang hanapin ang “tauhan ng Watchtower.” Kaagad pagkatapos ng kaniyang pagsasalita, sila’y nakarinig ng mga yabag sa daanan at nakita ang nakangiting mukha ng isang sister na papunta roon upang mag-alok ng pinakabagong sipi ng magasin. “Kayo ba ay isa sa mga tauhan ng Watchtower?” tanong ni Monica. Napakaraming mga tanong ang sumunod na anupat ang sister ay kinailangang bumalik sa bangka upang sumundô ng makakatulong. Sino nga iyon? Sino pa kundi si Brother McAlman!
Isang pag-aaral sa Bibliya sa pamamagitan ng pagsusulatan ang isinaayos. Makalipas ang maikling panahon, ang kaniyang liham ng pagbibitiw ay ipinadala ni Monica sa Iglesya Anglicana. Bilang tugon siya’y tumanggap ng isang nota buhat sa pari: “Huwag kang makinig sa mga JW. Sila’y may mababaw na pagkaunawa sa Bibliya. Ako’y papariyan upang talakayin ang bagay na iyan sa iyo.” Hanggang sa sandaling ito, ang pari ay hindi pa napakikita. Samantala, si Monica ay nabautismuhan noong 1975. Makalipas ang isang taon, ang kaniyang kabiyak, ngayo’y tinatawag ng mga kapatid na si Tiyo Eugene, ay nabautismuhan din pagkatapos na kaniyang maingat na masuri ang Kasulatan. (Gawa 17:10, 11) Bagaman sila’y doon nakatira sa lugar na gugugol ng 12 oras na biyahe sa bangka mula sa pinakamalapit na kongregasyon sa Charity, sila’y nananatiling aktibong mga mamamahayag ng Kaharian hanggang sa araw na ito.
Mga Paglalakbay Misyonero sa Interyor
Noong nakalipas na mga taon ang Watch Tower Society ay nagtataguyod ng regular na mga paglalakbay-misyonero hanggang sa kaloob-loobang interyor. Sakay ng mga bangkang de motor, naranasan ng kusang-loob na mga boluntaryo ang lubos na kagalakan ng pagdadala ng mabuting balita sa mga tao na naninirahan sa mga pamayanang Amerindian at sa liblib na mga komunidad sa pagtutroso at pagsasaka na nasa tabi ng ilan sa pinakaliblib na mga ilog sa malayong interyor. Palibhasa’y mga payunir ayon sa tunay na diwa ng salita, sila’y may pribilehiyo ng pagdadala sa nagliligtas-buhay na “pangalan ni Jehova” sa malalayong lugar na ito sa kauna-unahang pagkakataon. (Roma 10:13-15) Ang mga kapatid ay kailangang magtiis ng maraming kahirapan, kung minsan nagbibiyahe sa mga ilog nang hanggang sa tatlong maghapon upang marating ang ilan sa mga lugar na ito. Ngunit sulit naman.
Isang binata, na isang Pentecostal na naninirahan malapit sa komunidad sa pagtutroso ng Kwebanna sa Ilog Waini, ang natagpuan noong unang paglalakbay-misyonero sa lugar na iyon noong Hulyo 1991. Nang sumunod na dalaw noong Oktubre, nasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya. Sa unang pagkakataon, nakita niya buhat sa kaniyang sariling Bibliya na ang pangalan ng Diyos ay Jehova, na hindi si Jesus ang Makapangyarihan-sa-Lahat, at ang doktrina ng Trinidad ay hindi maka-Kasulatan. (Awit 83:18; 1 Corinto 11:3) Ganiyan na lamang ang kaniyang kasiglahan kung kaya, matapos lumisan ang mga kapatid, kaniyang tinipon ang ilang kapuwa mga Pentecostal at sinimulang ipakita sa kanila sa kanilang sariling mga Bibliya ang katotohanan tungkol sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. Nang ang karamihan ay tumanggi sa katotohanan, kaniyang ipinasiya na panahon na upang magbitiw at lumabas sa “Babilonyang Dakila.” (Apocalipsis 18:2, 4) Nang bumalik ang mga kapatid upang dalawin siya noong Pebrero 1992, kaniyang ibinalita sa kanila kung ano ang nangyari at isinusog pa: “Ibig kong sumama sa inyo. Ibig kong maging isa sa mga Saksi ni Jehova. Ibig kong turuan ang mga tao ng katotohanan!”
Mga karanasang katulad niyan ang tumutulong upang magpatuloy ang mga kapatid sa gawaing ito na nagsisilbing hamon. Yaong mga sumasama sa mga paglalakbay-misyonero ay kailangang isakripisyo ang mga kaginhawahan ng tahanan, mapahantad sa mga sakit gaya ng malaria, at magtiis sa mga panganib ng buhay sa gubat. Subalit yaong mga naiiwan sa tahanan ay may mga pagsasakripisyo rin. Ang mga may pamilya ay napapahiwalay sa kanilang mga mahal sa buhay, kung minsan ay sa loob ng ilang linggo. Ang mga kongregasyon naman ay kailangang magtiis na wala ang kanilang mga elder at iba pang mga kabataang lalaki sapagkat, sa ilang mga kaso, iisang kapatid na lalaki ang naiiwan upang mag-asikaso ng pangangailangan ng kongregasyon. Subalit, anong laking kagalakan at pampatibay-loob ang sumasakanila pagka narinig ng kongregasyon ang kanilang nakapagpapasiglang mga karanasan pagka sila’y nakabalik na! Kung ihahambing sa kagalakan, ang mga pagsasakripisyo ay waring walang anuman.
Ang mga tagapagbalita ng Kaharian na paroo’t parito sa maraming ilog ng Guyana taglay ang mabuting balita ay nagtatamasa ng isang tunay na pambihirang karanasan. Kasama ng kanilang mga kamanggagawa sa buong daigdig, sila’y may tibay ng loob at pagkukusa na “maghandog sa Diyos ng isang hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na nagpapahayag sa madla tungkol sa kaniyang pangalan.”—Hebreo 13:15.
[Talababa]
a Ang dating pangalan nito na British Guiana ay pinalitan ng Guyana matapos makamit ng bansa ang kasarinlan buhat sa Britanya noong 1966.
[Mga mapa sa pahina 24]
HONDURAS
NICARAGUA
COSTA RICA
PANAMA
VENEZUELA
COLOMBIA
GUYANA
SURINAME
FRENCH GUIANA
BRAZIL
BOLIVIA
ATLANTIC OCEAN
[Mga larawan sa pahina 26, 27]
Kaliwa: Pagpapatotoo kung araw ng pamilihan
Itaas: Pagtalakay sa mabuting balita sa Ilog Demerara
Itaas sa kanan: Grupo ng mga misyonero na sumasagwan pabalik sa tuluyan