Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 5/15 p. 23-26
  • Pagkatuklas ng Tunay na Kayamanan sa Hong Kong

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagkatuklas ng Tunay na Kayamanan sa Hong Kong
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Sila’y Nakatuklas ng Espirituwal na Kayamanan
  • Ang Pagiging Mayaman sa Diyos
  • Ang Pagtulong sa Marami Pang Iba na Makasumpong ng Tunay na Kayamanan
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 5/15 p. 23-26

Pagkatuklas ng Tunay na Kayamanan sa Hong Kong

ANG Hong Kong ay isang lugar na kung saan kikita ka ng salapi nang madalian​—kung lahat ng salik ay pabor sa iyo. Noong nakalipas na 40 taon humigit kumulang, ang kolonyang Britano ay lumago buhat sa isang daungang walang gaanong aktibidad tungo sa pagiging totoong importante hindi lamang sa Timog Silangang Asia kundi rin naman sa pambuong daigdig na kalakalan.

Dahil sa mababang singil ng buwis, ang mga banyagang namumuhunan ay naaakit at nagsisilbing pang-akit sa masisipag na manggagawang kabilang sa anim na milyong naninirahan sa Hong Kong. Nagbibigay din ng bentaha ang kinaroroonang lugar nito bilang ang pintuan sa pagitan ng timog Tsina at rehiyon ng Asia-Pasipiko at lampas pa roon. Dahil sa modernong mga sistema ng transportasyon at komunikasyon at isang maunlad na negosyong lansakan at tingian, ang Hong Kong ay dagling nakatutugon sa mga kahilingan ng pandaigdig na kalakalan.

Ang pag-unlad ng ekonomiya ang nagbigay sa Hong Kong ng isa sa pinakamataas na mga pamantayan ng pamumuhay sa daigdig. Subalit, lahat ba ng materyal na kaunlaran ay nagdala ng kasiyahan at walang-hanggang kaligayahan sa mga mamamayan ng Hong Kong? Hindi, kundi ang ilan ay humanap at nakasumpong ng kayamanan na lalong mabuti.

Sila’y Nakatuklas ng Espirituwal na Kayamanan

Isa sa nakasumpong ng walang katumbas na espirituwal na kayamanan ay si Alfred na isinilang sa Hong Kong. Siya’y matagumpay bilang isang direktor ng isang internasyonal na grupo ng mga kompanya sa negosyo na may punong-tanggapan sa Britanya. Tulad ng maraming nasa Hong Kong, ang tunguhin niya sa buhay ay kumita ng maraming salapi, magkaroon ng kaniyang sariling bahay, kumain ng masarap, at magkaroon ng mahusay na pamumuhay. Sa kaniyang posisyon at kita, waring nakamit na niya ang lahat ng iyan. Subalit siya ba’y maligaya? “Natutuhan ko sa aking karanasan na ang salapi ay talagang may mga hangganan,” ang hinanakit ni Alfred. Laging nag-aalala siya kung hanggang kailan tatagal ang kaniyang mga naimpok kung sakaling mawalan siya ng trabaho. Nang siya’y gumamit ng higit na panahon sa kaniyang trabaho, nagsimulang nagkaroon sila ng mga suliranin sa pamilya. Ang kaniyang maybahay, si Emily, ay lubhang nagdusa nang biglang mamatay ang kanilang anak na lalaki. “Noon ay nais kong malaman kung nasaan siya upang matulungan ko siya,” aniya. Palibhasa’y wala siyang magawâ, siya’y totoong nanlumo.

Si Justina ay naulila sa kaniyang ama sa maagang edad. Subalit sa pamamagitan ng sariling sikap siya ay nakatapos sa kilalang Pamantasan ng Hong Kong. Kaya nakakuha siya ng trabaho sa gobyerno. Sa Cantonese ito ay tinatawag na gum fan woon, isang gintong tasa ng kanin​—siguradong trabaho at malaking kita. Gayunman, si Justina ay hindi maligaya ni nasisiyahan man. Malimit na pinag-iisipan niya kung ano nga ba ang layunin ng buhay at ano ang nakalaan sa kinabukasan. Ang kaniyang asawa, si Francis, ay may paniwala rin na walang layunin ang buhay. Siya’y mistulang isang maliit at di-mahalagang bahagi ng isang dambuhalang makinarya, isang walang kabuluhan, na nahuli sa isang walang-katapusang rutina.

At nariyan si Ricky, ang manedyer ng isang negosyo. Bagaman siya’y kumikita ng maraming salapi, kaniyang nakita ang isa pang panig ng buhay​—ang walang-patumanggang kompetisyon sa gitna ng mga manggagawa at mga suliranin sa kaniyang pag-aasawa. Walang magagawa ang salapi upang tulungan siyang malutas ang mga suliraning ito. Sa paraan ng pag-iisip ng kaniyang maybahay, si Wendy, ang isang respetableng karera, maraming salapi, at pamumuhay sa isang matatag na lipunan ang nagdudulot ng kasiguruhan. Subalit gaano ang itatagal ng kaniyang waring matatag na pamumuhay? Ito ang lumigalig sa kaniya, sapagkat ang pagiging tunay ng kamatayan ang nagbigay sa kaniya ng kaisipan na ang kaniyang buhay ay walang kabuluhan at walang layunin.

Si David ay may kaniyang kuwentong masasabi. Dahil sa kaniyang edukasyon sa pamantasan ay nakakuha siya ng isang mahusay na trabaho at nagdulot ng katatagan ng kabuhayan, ngunit hindi siya nakasumpong ng kasiyahan. Bakit? Siya’y babad na sa ebolusyon at pilosopiya, at naniniwala siya na hanggang dito na lamang ang buhay. May paniwala si David na wala siyang anumang maaasahan sa hinaharap, at lahat ng kaniyang materyal na kayamanan ay hindi nakahadlang sa kaniyang panghihina.

Bagaman ang mga ito ay may iba’t ibang karanasan, may isang bagay na karaniwan sa kanilang lahat. Lahat sila ay nakapagtamo ng inaakala nilang magdadala ng isang buhay na maligaya at kasiya-siya. Subalit, nang marating nila ang punto na kung saan inaakala nilang matutupad na ang kanilang mga pangarap, ang kanilang buhay ay naging walang silbi.

Ang Pagiging Mayaman sa Diyos

Ang kalagayan ni Alfred, Justina, at ng iba pa na kababanggit lamang ay nakakatulad ng taong mayaman sa talinghaga ni Jesus. Siya ay ‘nagtipon ng kayamanan para sa kaniyang sarili ngunit hindi naman siya mayaman sa Diyos.’ (Lucas 12:21) Gayunman, nakatutuwa at sila’y nakasumpong ng isang bagay na lalong mainam​—isang buhay na punô ng tunay na kayamanan. Ang mga nagnanais ng tunay na kaligayahan at kasiyahan ay kailangang “maglagak ng kanilang pag-asa, hindi sa walang-kasiguruhang mga kayamanan, kundi sa Diyos, na nagbibigay sa ating sagana ng lahat ng bagay ukol sa ating ikasisiya.” (1 Timoteo 6:17) Oo, ang pagkakilala sa tunay na Diyos, si Jehova, at paglalagak ng kanilang tiwala sa kaniya kung kaya naiiba ang buhay ng bawat isa sa mga taong ito. Tingnan natin kung papaano nangyari ang lahat ng ito.

Sina Alfred at Emily ay sirang-sira ang kalooban nang mamatay na bigla ang kanilang anak na lalaki, at lahat ng kanilang materyal na kayamanan ay hindi pumawi ng kanilang pagdurusa. Sila’y nagsisimba ngunit kanilang nadamang walang-saysay at di-kasiya-siya ang kanilang buhay. At nangyari na isa sa mga Saksi ni Jehova ang pumunta sa kanilang tahanan at nagtanong: “Ano po ba ang pag-asa ng tao para sa hinaharap?” Si Alfred ay tumugon ayon sa sinabi sa kaniya sa simbahan tungkol sa langit at sa impiyerno. Gayunman, buhat sa Bibliya ay ipinakita sa kaniya na ang mga patay “ay walang malay sa anuman” at na yaong mga nasa alaala ng Diyos ay nasa karaniwang libingan ng sangkatauhan at naghihintay na buhaying muli. (Eclesiastes 9:5, 10; Juan 5:28, 29) Ito’y waring may lohika at makatuwiran kay Alfred. Ngayon ay natanto niya na ang kaniyang anak ay hindi pinahihirapan saan mang dako kundi natutulog sa kamatayan, taglay ang pag-asang siya’y muling makasama ng kaniyang pamilya sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. Anong laking kaaliwan at kaginhawahan! Dumating ang panahon na si Alfred at ang kaniyang maybahay ay pumayag na sila’y aralan ng Bibliya sa tahanan at nagsimula sa paglakad sa landas na magdudulot ng tunay na kayamanan na iniaalok ng Bibliya.

Si Justina ay nawalan ng tiwala nang hindi siya makasumpong sa kaniyang mga kamanggagawa ng isang espiritu ng pagkukusa upang tulungan ang mga tao. Isang masugid na Katoliko, siya’y nakadama ng kabiguan nang kaniyang mapansin na ang pari ay naninigarilyo at nagsasayaw katulad ng ibang mga lalaki. Nang magkagayo’y nakilala niya ang mga Saksi ni Jehova at siya’y nagsimulang makaalam ng mga kasagutan ng Kasulatan sa maraming mga tanong. Ang pari ay walang anumang ibinigay sa kaniya kundi ang personal na opinyon, at hindi siya nakabasa ng Bibliya nang may 16 taon na, bagaman siya’y regular na nagsisimba at naging manggagawang lego nang may 10 taon.

Samantalang ang mga Saksi ay nakikipag-aral ng Bibliya kay Justina at sa kaniyang asawa, si Francis, siya’y humanga sa kanilang pambuong-daigdig na pagkakaisa ng paniniwala at pagkilos. Nakumbinsi si Francis na ang Diyos ay tunay. Pagka isinaalang-alang ang lahat ng bagay, tanging isang buháy, tunay na Diyos ang magkakaroon ng gayong impluwensiya sa isang pandaigdig na grupo ng mga tao. Anong tuwa ng mag-asawang ito at kanilang nasumpungan ang tunay na kayamanan!

Sina Ricky at Wendy ay may kabatiran na kailangan silang kumilos nang kanilang makita na unti-unti silang nahihigop ng malulubhang personal na mga suliranin. Yamang kapuwa sila nagkaroon ng kaugnayan sa mga Saksi ni Jehova noong nakalipas, sila’y magkahiwaláy na kusang nagsikap na hanapin uli ang mga ito. Sa pamamagitan ng taimtim na pagsisikap, nasumpungan nina Ricky at Wendy hindi lamang ang praktikal na kalutasan sa kanilang mga suliranin kundi pati ang tunay na mga kayamanan sa personal na kaugnayan sa “maligayang Diyos,” si Jehova.​—1 Timoteo 1:11.

Ang buhay ni David ay nabago rin nang siya’y dalawin ng mga Saksi ni Jehova. Sa hangaring maibunyag ang kanilang mga pagkakamali, siya’y pumayag na sila’y bumalik. Gayunman, nang sumapit ang panahon ay nadilat ang kaniyang mga mata, sapagkat kaniyang unti-unting nakita na ang Bibliya ay tama naman kung tungkol sa sinasabi ng siyensiya, ng kasaysayan, at iba pa. Lahat ng ito ay tumulong kay David na malasing isang aklat ng katotohanan ang Bibliya na nagbigay sa kaniya ng tunay na layunin sa buhay. Anong ligaya at saganang pagbabago ang nagawa nito para sa kaniya!

Ang Pagtulong sa Marami Pang Iba na Makasumpong ng Tunay na Kayamanan

Sa nagpuputok na dami ng mga tao sa Hong Kong, sina Alfred, Emily, Justina, Francis, at ang marami pang binanggit dito ay ilan lamang sa mga nakasumpong ng tunay na kayamanan ng katotohanan ng Bibliya at ng pananampalataya sa Diyos na Jehova. Noong 1992 mga 2,600 Saksi ni Jehova ang gumugol ng kabuuang halos 900,000 oras sa pagdalaw sa mga tao sa Hong Kong at pagdaraos sa kanila ng mahigit na 3,800 pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Gayunman, ang takbo ng buhay sa Hong Kong ay mabilis, at ang mga tao ay magawain. Kung gayon, bukod sa pagdalaw sa bahay-bahay, ang mga tagapagbalita ng Kaharian ay nagtatagumpay nang malaki sa pagpapatotoo sa lansangan. Sila’y nakikipag-ugnayan din sa mga tao sa lugar na pinagtatrabahuhan sa pamamagitan ng pagdalaw sa mga manggagawa sa mga upisina, mga nagtitinda, mga magsasaka, at mga taong pauwi na galing sa pangingisda sa Timugang Dagat ng Tsina.

Tunay na masasabing “ang aanihin ay marami, datapuwat kakaunti ang manggagawa” sa Hong Kong. (Mateo 9:37) Sa kasalukuyan, ang katumbasan ng mga Saksi sa populasyon ay 1 sa 2,300. Sa pagkaalam na apurahan ang pag-aani, halos 600 ng 2,600 mga mamamahayag doon ng Kaharian ay mga payunir, o buong-panahong mga mangangaral ng mabuting balita. Ang mga Saksi ni Jehova sa Hong Kong, katulad din niyaong mga nasa ibang dako, ay nakatatalos na ‘ang pagpapala ni Jehova ay nagpapayaman.’ (Kawikaan 10:22) Kaya naman, sila ay gumagawang puspusan upang tulungan ang marami pang mga tao sa maunlad ng komunidad na iyan na makasumpong ng tunay na kayamanan.

[Mapa sa pahina 23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

TIMOG DAGAT TSINA

TSINA

Hong Kong

Kilometro

Milya

15

15

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share