Ipinaglaban Niya ang Kaniyang Pananampalataya
MAY tatlong taon na ang lumipas si Caridad Bazán Listán, isa sa mga Saksi ni Jehova sa Cádiz, Espanya, ay nangailangan ng isang apurahang operasyon. Ang mga bato sa kaniyang apdó ang sanhi ng lagnat at pagkalason ng kaniyang dugo. Nang siya’y tanggapin sa lokal na ospital, ipinaliwanag niya ang kaniyang salig-Bibliyang paninindigan na pagtangging pasalin ng dugo. Pumayag ang mga doktor na siya’y operahin nang walang dugo. Gayunman, mga ilang saglit bago siya dinala sa silid-operasyon, hiniling ng mga doktor na pumirma siya sa isang dokumento. Nakalagay roon na sila’y pumapayag na igalang ang kaniyang pasiya tungkol sa dugo subalit kung sakaling may mangyaring di-inaasahan, ibig nila ang kaniyang pahintulot na maglapat ng anumang paraan sa paggamot na maaaring kailanganin.
Isang matanda sa kongregasyon na naroroon sa ospital at pati ang anak na lalaki ni Caridad, na isa ring Saksi, ay nagpaalaala kay Caridad ng maaaring ibunga ng gayong pagpirma sa isang porma. Ang kaniyang pagpirma ay maaaring magbigay ng karapatan sa mga doktor na magsalin ng dugo sakaling may mangyaring di-inaasahan. Nang dumating ang mga tauhan ng ospital upang dalhin siya sa silid-operasyon, ipinaliwanag niya na hindi niya pipirmahan ang papeles. Siya’y agad ibinalik sa kaniyang silid at isinailalim sa matinding panggigipit upang magbago ang kaniyang isip.
Pagkatapos ng maraming pakikipag-usap kanilang ipinasiya na tawagin ang forensic judge (hukom) upang kaniyang makumbinsi ito, subalit nawalan ng saysay. Ipinaliwanag ni Caridad na siya’y magkakasala sa harap ng Diyos kung kaniyang pinayagan sila na salinan siya ng dugo. Sinabi niya na sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, kung ang isang babae ay ginahasa, siya’y hindi itinuturing na nagkasala kung siya’y tumanggi sa pamamagitan ng pagsigaw upang humingi ng tulong. (Deuteronomio 22:23-27) “Hindi pinapansin ng mga doktor ang aking mga kagustuhan at nagtatangkang labagin ang aking budhi,” aniya, “kaya naman kailangang sila’y labanan ko na parang ako’y kanilang ginagahasa.”
Ilang oras ang lumipas, at sa wakas pumayag ang mga doktor na siya’y operahin nang walang pagsasalin ng dugo. Sa silid-operasyon, humingi si Caridad ng pahintulot na manalangin kay Jehova. Ginawa niya ito, at ang operasyon ay isang tagumpay.
Gayunpaman, pagkatapos ay lumala ang kalagayan ni Caridad, at ipinasiya ng mga doktor na huwag pansinin ang kaniyang mga kagustuhan at pilit na salinan siya ng dugo. Sa gayon, isang doktor at isang nars ang naghanda upang salinan siya. Sa kabila ng kaniyang mahinang kalagayan, si Caridad ay lumaban nang kaniyang buong lakas. Nagawa pa nga niya na kagatin ang tubo na pagdaraanan ng dugo. Sa wakas, ang doktor ay hiyang-hiya sa kanilang ginagawa kung kaya siya’y huminto na. “Hindi ko na magagawa ito. Suko na ako!” aniya.
Nakaligtas si Caridad sa kagipitang iyon at gumaling nang walang mga komplikasyon. Kapuwa ang mga doktor at mga nars ay totoong humanga sa kaniyang pananampalataya at lakas ng loob. Lahat ng ito ay naganap nang si Caridad ay 94 na taóng gulang.