Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 6/15 p. 23-27
  • Binabago ni Jehova ang mga Panahon at mga Kapanahunan sa Romania

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Binabago ni Jehova ang mga Panahon at mga Kapanahunan sa Romania
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Isang Mahabang Kasaysayan
  • Nagpatuloy ang mga Kahirapan
  • Muling Pangangaral sa Madla
  • Malalaking Bagay na Nangyayari sa Maliliit na Dako
  • Mga Special Pioneer ang Naghahanda ng Daan
  • Kahanga-hangang Pag-asa sa Hinaharap
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 6/15 p. 23-27

Binabago ni Jehova ang mga Panahon at mga Kapanahunan sa Romania

PAGKALAKI-LAKING mga pagbabago ang naganap sa Silangang Europa noong 1989. Sa loob lamang ng ilang buwan, ang mga pamahalaan na dating nakatayo na mistulang di-magagaping mga kuta ay bumagsak na gaya ng mga domino. Kalakip ng makapulitikang pagbabago ay dumating ang panlipunan, pang-ekonomiya, at, ang pumukaw ng pinakamalaking interes ng mga Saksi ni Jehova, ang mga pagbabago sa relihiyon. Sa sunud-sunod na mga bansa, ang mga Saksi ni Jehova ay kinilala na legal, at ibinalik sa kanila ang kalayaan na ganapin ang kanilang gawaing pangrelihiyon.

Subalit waring ang mga bagay-bagay ay mapapaiba sa Romania. Ang mga mamamayan ay kontrolado ng pamahalaan kung kaya waring hindi gaanong makakaepekto ang mga pagbabagong iyon. Nang mabalitaan ng mga Saksi ni Jehova doon ang nagaganap sa ibang mga bansa sa Silangang Europa, kanilang tinanong ang kanilang sarili, ‘Tayo kaya ay magtatamasa pa ng kalayaan ng pagsamba bago dumating ang Armagedon?’ Nanabik ang kanilang puso sa panahon na sila’y makapagtitipon sa mga pulong Kristiyano kasama ng kanilang espirituwal na mga kapatid, mangangaral sa madla ng mabuting balita, at hayagang mag-aaral ng kanilang mga lathalain sa Bibliya, nang hindi laging itinatago iyon. Lahat ng iyan ay waring isa lamang panaginip.

Nang magkagayo’y nagkatotoo naman ang panaginip! Nangyari ito noong Disyembre 1989. Sa pagkamangha ng lahat, ang pamahalaan ni Ceauşescu ay bumagsak na bigla! Biglang-bigla, nakasumpong ng kaginhawahan ang mga Kristiyanong iyon. Noong Abril 9, 1990, ang mga Saksi ni Jehova ay legal na kinilala bilang isang organisasyong relihiyoso sa Romania. Binago ni Jehova ang mga panahon at mga kapanahunan para sa 17,000 aktibong mga Saksi roon.​—Ihambing ang Daniel 2:21.

Isang Mahabang Kasaysayan

Noong 1911, si Carol Szabo at si Josif Kiss ay bumalik sa Romania buhat sa Estados Unidos, na kung saan natutuhan nila ang katotohanan sa Bibliya at nag-alay ng kanilang buhay kay Jehova upang gawin ang kaniyang kalooban. Ibig nilang ibahagi ang mabuting balita sa kanilang mga kababayan. Nang sila’y nasa Romania na, agad na sinimulan nila ang pangangaral. Nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I, sila’y inaresto sa kanilang ginagawa. Gayunman, ang mga binhi ng katotohanan na inihasik nila ay nagsimulang magkaroon ng mga resulta. Noong 1920, nang kilalanin ang gawain, mayroong mga 1,800 mamamahayag ng Kaharian sa Romania.

Nang panahong iyon ang espiritu ng rebolusyon na sumiklab sa Balkans ay unti-unting nadama sa Romania, at laganap ang mga kaguluhan. Sa kabila ng mahihirap na panahon, ang ating espirituwal na mga kapatid ay nagpatuloy na gumawa. Noong 1924 ang Watch Tower Society ay nagbukas ng isang tanggapan sa 26 Regina Maria Street sa Cluj-Napoca upang mangasiwa sa gawain sa Romania, Hungary, Bulgaria, Yugoslavia, at Albania.

Gayunman, ang makapulitikang kalagayan ay naging napakaigting, at bukod sa mga kaguluhan buhat sa mga awtoridad, may gulo rin sa loob ng organisasyon. Ang 1930 Year Book ay nag-uulat: “Dahilan sa di-katapatan ng isang idinistino roon ng Samahan, ang mga kaibigan ay nagsipangalat at ang kanilang pagtitiwala ay naapektuhan nang malaki. Ang Samahan ay nag-aabang noon para sa anumang pagkakataon upang muling buhayin ang gawain sa bansang iyan, subalit lahat ay ipinagbawal ng lokal na mga awtoridad, at kailangang maghintay kami hanggang sa buksan ng Panginoon ang daan na lalong kaaya-aya.” Pagkatapos, noong 1930, si Martin Magyarosi, isang Saksi sa Romania na nabautismuhan noong 1922, ay hinirang na bagong lingkod ng sangay, at ang tanggapan nang kalaunan ay inilipat sa 33 Crişana Street, Bucharest. Pagkatapos ng isang mahabang pakikipagpunyagi, ang Samahan ay naparehistro bilang isang legal na korporasyon sa Romania noong 1933.

Nagpatuloy ang mga Kahirapan

Matitinding pagsubok ang patuloy na napaharap sa mga Saksi sa Romania. Nag-uulat ang 1936 Year Book: “Tiyak na walang bahagi ng lupa na kung saan ang mga kapatid ay gumagawang may higit na kahirapan kaysa roon sa Romania.” Sa kabila ng lahat ng mahihirap na kalagayan, ang 1937 ulat sa paglilingkod ay bumanggit ng 75 kongregasyon na may 856 na mamamahayag sa Romania. Sa Memoryal, may dumalong 2,608.

Habang lumalaganap ang Digmaang Pandaigdig II, naapektuhan ang Romania. Noong Setyembre 1940, si Heneral Ion Antonescu ay nang-agaw ng kapangyarihan sa pamahalaan at pinasimulan ang pamamahala na nahahawig ng kay Hitler. Naging palasak ang mga gawang terorismo. Daan-daan sa ating mga kapatid ang inaresto, ginulpi, at pinahirapan. Si Brother Magyarosi ay inaresto noong Setyembre 1942, subalit mula sa bilangguan ay nagawa pa rin niyang mapatakbo nang maayos ang gawain para sa Transylvania.

Ang pag-uusig ay nagpatuloy nang ang mga tropa ni Hitler ay dumagsa sa bansa noong 1944. Isang ulat buhat sa Bucharest ang naglarawan ng mga kalagayan sa ilalim ng rehimeng Nazi: “Kakila-kilabot ang pag-uusig na dinanas ng mga Saksi ni Jehova sa bansang ito. Samantalang nakakulong na kasama ng mga Komunista, kami’y inakusahan ng mga klerigong sumusuporta kay Hitler bilang masama pa kaysa mga Komunista, kaya marami sa amin ang nasintensiyahan alinman ng 25 taon na pagkabilanggo, ng habang-buhay, o ng kamatayan.”

Sa wakas ay natapos ang digmaan, at noong Hunyo 1, 1945, nagpatuloy sa gawain ang tanggapan ng Sangay sa Bucharest. Bagaman mahirap na makabili ng papel, naglimbag ang masigasig na mga manggagawa ng mahigit na 860,000 pulyeto at mahigit na 85,000 sipi ng Ang Bantayan sa wikang Romaniano at Hungaryo. Saganang pinagpala ni Jehova ang kanilang pagpapagal. Nang sumapit ang 1946 mga 1,630 baguhan ang nabautismuhan. Ang isang tampok sa taon na iyon ay ang pambansang kombensiyon na ginanap sa Bucharest noong Setyembre 28 at 29. Pinagsikapan ng klero na makialam at pahintuin ang kombensiyong ito, subalit sila’y nabigo, at mga 15,000 katao ang dumalo sa pangmadlang pahayag. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nakapagdaos ng ganoong kombensiyon ang mga kapatid sa Romania.

Si Brother Alfred Rütimann buhat sa sangay sa Switzerland ay isinugo ng Samahan sa Romania. Noong Agosto 1947 nakapagpahayag siya sa mahigit na 4,500 na kapatid sa 16 na lugar, anupat sila’y pinatibay para sa nakatakdang dumating. Hindi nagtagal at nagkaroon na naman ng mga panggigipit sa mga Saksi, ngayon ay buhat sa rehimeng Komunista. Noong Pebrero 1948 ibinawal ng mga awtoridad ang ating paglilimbag at pangangaral. Pagkatapos, noong Agosto 1949, sinalakay ang tanggapan sa 38 Alion Street. Pagkatapos ay maraming kapatid, kasali na si Brother Magyarosi, ang inaresto. Ngayon, pagkatapos na akusahan na sila’y mga imperyalista, ipiniit sila sa mga bilangguan o mga kampo ng sapilitang pagtatrabaho. Sa sumunod na 40 taon, ibinawal ang gawain, at ang mga Saksi ni Jehova ay nagdusa nang malaki. Sulsol-ng-kaaway na mga gulo sa loob ng organisasyon ang lalong nagpalubha sa kahirapan. Sa wakas, ang rehimen ni Ceauşescu ay bumagsak noong 1989, at sila ay lumaya! Ano ngayon ang kanilang gagawin sa kanilang kalayaan?

Muling Pangangaral sa Madla

Ang mga Saksi ay hindi nag-aksaya ng panahon. Sila’y agad nagsimula ng pangangaral sa bahay-bahay. Subalit hindi ito naging madali para sa iba na sa loob ng mga taon ay buong lakas ng loob na nagpatuloy sa gawain nang palihim sa pamamagitan ng impormal na pagpapatotoo. Sila’y nangangamba ngayon na sila’y nakapangangaral nang hayagan. Karamihan sa kanila ay hindi kailanman nakagawa nito noong una, at ang huling pangangaral nila sa bahay-bahay ay noong mga huling taon ng dekada ng 1940. Ano bang uri ng mga resulta ang natatamo nila? Tingnan natin.

Ang isang angkop na dako para magsimula ay sa kabisera, ang Bucharest, na may 2.5 milyong mamamayan. Dalawang taon ang nakalipas, mayroon lamang apat na kongregasyon sa lunsod. Ngayon ay may sampung kongregasyon, at mahigit na 2,100 ang dumalo sa pagdiriwang ng Memoryal noong 1992. Ngayong maraming sumusulong na pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos, maaaring hindi na magtagal at magkakaroon ng ilang bagong kongregasyon.

Ang Craiova ay isang lunsod na may mga 300,000 mamamayan, sa timog-kanlurang bahagi ng bansa. Magpahanggang noong 1990, mayroon lamang mga 80 Saksi sa buong lunsod. Nang magkagayo’y nag-alab ang espiritu ng pagpapayunir, at sumulong ang gawain. Noong 1992 lamang, 74 katao ang nabautismuhan, at mahigit na 150 pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos. Ngayong may mahigit na 200 mamamahayag, may kasabikan silang naghahanap ng isang angkop na lugar para sa isang Kingdom Hall.

Sa Tirgu-Mures, isang sister na Saksi at dalawang kapatid na lalaki ang lumapit sa paring Ortodokso upang ipaalis ang kanilang pangalan sa listahan sa simbahan. Nang malaman ang layunin ng kanilang pagdalaw, inanyayahan sila ng pari na pumasok, at nagkaroon sila ng isang mainam na talakayan. Pagkatapos ay sinabi ng pari: “Ako’y naiinggit sa inyo pero hindi isang masamang pagkainggit. Dapat sanang ginagawa namin ang gawaing inyong ginagawa. Nakalulungkot na ang Iglesya Ortodokso ay isang natutulog na dambuhala!” Kaniyang tinanggap ang brosyur na Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad? at isang kopya ng Ang Bantayan. Ang kapatid ay natutuwa na siya’y wala na roon sa “natutulog na dambuhala.”​—Apocalipsis 18:4.

Kapuna-puna na karamihan sa mga natututo ng katotohanan ngayon ay mga kabataan. Bakit? Maliwanag na sila’y maraming inaasahan buhat sa pagbabago ng pamahalaan, pero mali pala ang kanilang palagay. Sila’y naliligayahang malaman na tanging ang Kaharian ni Jehova ang makapagdadala ng walang-hanggang kalutasan sa ating mga suliranin.​—Awit 146:3-5.

Malalaking Bagay na Nangyayari sa Maliliit na Dako

Ang Ocoliş ay isang munting bayan sa hilagang Romania. Noong 1920 isang lalaking nagngangalang Pintea Moise ang bumalik galing sa larangang Ruso, na pinagdalhan sa kaniya bilang isang preso sa digmaan. Siya noon ay isang Katoliko, ngunit bago siya bumalik siya ay naging isang Baptist. Makalipas ang tatlong linggo, ang mga Bible Student, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova, ay dumalaw sa kaniya. Pagkatapos ng dalaw na iyon, sinabi niya: “Ngayon ay natagpuan ko na ang katotohanan tungkol sa Diyos!” Nang sumapit ang 1924 may isang grupo na binubuo ng 35 sa Ocoliş.

Sa ngayon, sa lokal na populasyon na 473, mayroon doon na 170 mamamahayag ng Kaharian. Sa bawat mamamahayag ay mayroong mga dalawang bahay na nakaatas bilang kaniyang teritoryo, at sila’y gumagawa rin sa nakapaligid na mga bayan-bayan. Sa kabila nito, malaki pa rin ang kanilang pag-asa. Katatayo lamang nila ng magandang Kingdom Hall na may upuan para sa 400. Lahat ng trabaho ay ginawa ng lokal na mga Saksi.

Sa Valea Largă nanirahan sina kapatid na Szabo at Kiss noong 1914. Noong 1991, sa 3,700 mamamayan doon, may walong kongregasyon at 582 mamamahayag ng Kaharian. Sa Memoryal noong 1992, may dumalong 1,082​—halos 1 sa 3 katao sa libis na ito.

Mga Special Pioneer ang Naghahanda ng Daan

Malaki ang ginagampanang bahagi ng mga special pioneer sa pagdadala ng mabuting balita sa mga tao sa lalong liblib na mga lugar. Sa sandaling binigyan sila ng kalayaang mangaral, si Ionel Alban ay nagsimulang gumawa sa dalawang lunsod, na gumugol ng dalawang araw bawat sanlinggo sa Orşova at limang araw sa Turnu-Severin.

Walang mga Saksi sa Orşova nang dumating doon si Ionel. Sa unang linggo, siya’y nagsimula ng pakikipag-aral ng Bibliya sa isang 14-taóng-gulang na batang lalaki. Ang bata ay gumawa ng napakaraming pagbabago sa loob ng dalawang buwan anupat isang kaibigan at isang kapitbahay ang nagsimulang makipag-aral. Ang kapitbahay, si Roland, na isang Katoliko, ay kagila-gilalas ang pagsulong. Pagkaraan lamang ng isang buwan at kalahati, siya’y sumama na kay Ionel sa pangangaral, at makalipas ang limang buwan siya ay nabautismuhan. Siya’y pumasok na agad sa buong-panahong paglilingkod. Ang kaniyang ina ay nagsimula ring mag-aral at nabautismuhan sa 1992 “Mga Tagapagdala ng Liwanag” na Pandistritong Kombensiyon. Ngayon ay may sampung mamamahayag na sa Orşova, at sila ay nagdaraos ng 30 pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya.

Ang unang tumanggap ng katotohanan sa Turnu-Severin ay isang receptionist sa isang otel na kinaroroonan ni Ionel. Makalipas ang dalawang buwan ang lalaking iyon ay naging isang di-bautisadong mamamahayag, at makalipas ang tatlong buwan siya ay nabautismuhan. Ngayon siya ay isa sa 32 mamamahayag doon na nagdaraos sa kabuuan ng 84 na pantahanang pag-aaral sa Bibliya.

Isa pang special pioneer, si Gabriela Geica, ang naging isang regular pioneer kahit na noong bawal ang ating gawain. Hangarin niya na gumawa kung saan lalong malaki ang pangangailangan. Siya ay inatasan ng isang malawak na teritoryo. Kung minsan siya ay nagbibiyahe nang mula 100 hanggang 160 kilometro upang dumalaw sa mga taong interesado. Ang isang lunsod na kaniyang ginawaan ay ang Motru, na doo’y may apat lamang na Saksi. “Dahilan sa pinag-ibayong paggawa sa Motru, ang mga pari at iba pang grupong relihiyoso ay nagsimulang sumalansang sa amin,” ang paglalahad niya. “Kanilang hinikayat ang alkalde at ang pulisya na gipitin ang mga pamilyang nagbigay sa akin ng tutuluyan. Pinaalis nila ako kaya bawat ikalawang buwan, kailangang humanap ako ng isang lugar na matitirahan.”

Si Gabriela ay nagsimula ng pakikipag-aral sa isang ateista sa Orşova, na nagsabing siya’y hindi interesado sa relihiyon o sa Bibliya. Subalit makalipas lamang ang apat na buwan ng pakikipag-aral, sinimulan ng babaing iyon na ipagtanggol ang Bibliya. Bagaman siya’y hinahadlangan ng kaniyang asawa upang huwag makapasok sa kaniyang tahanan kung gabi at binabantaan siya na hihiwalayan o papatayin, siya’y nanatili sa kaniyang katapatan. Kahit na bago siya bautismuhan, siya’y nagdaos na ng sampung pag-aaral sa Bibliya.

Kahanga-hangang Pag-asa sa Hinaharap

Noong Agosto 1992, ang Romania ay nagkaroon ng pinakamataas na bilang na 24,752 mamamahayag sa 286 na kongregasyon. Ang dumalo sa Memoryal ay mahigit na 66,000. Sa maliit na tanggapang sangay sa Bucharest, 17 manggagawa ang gumagawa ng pinakamagaling na makakaya nila upang pangalagaan ang espirituwal na pangangailangan ng kanilang mga kapatid. Inaasam-asam nila na sa madaling panahon ay magsisimula na ang pagtatayo ng isang lalong malaking sangay.

Ang mga Saksi ni Jehova sa Romania ay hindi mapigilan sa panggigilalas sa lahat ng mabibilis na pagbabago noong nakaraang ilang taon. Napasasalamat sila sa Diyos na Jehova na sila’y bahagi ng isang pandaigdig na kongregasyon na taglay ang kaniyang pangalan at umaakay sa mga tao sa tumpak na kaalaman tungkol sa kaniya at sa kaniyang di-nagbabagong layunin. Pagkaraan ng napakaraming taon ng kahirapan at pag-uusig, anong laki ng kanilang pasasalamat kay Jehova na kaniya ngang binago ang mga panahon at mga kapanahunan sa Romania!

[Mapa sa pahina 23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

HUNGARY

ROMANIA

Bucharest

Cluj-Napoca

Craiova

Tirgu-Mures

Orşova

Turnu-Severin

Motru

Turda

BULGARIA

[Mga larawan sa pahina 24, 25]

1. Mga 700 Saksi ang nagtitipon sa gubat noong 1947

2. Handbill para sa isang pangmadlang pahayag noong 1946

3. Asamblea sa Alba Iulia noong 1992

4. Pagpapatotoo sa Cluj-Napoca sa ngayon

5. Kingdom Hall malapit sa Turda

6. Ang pamilyang Bethel sa Bucharest

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share