Natatandaan Mo Ba?
May praktikal na kahalagahan ba sa iyo ang kamakailang mga labas ng Ang Bantayan? Kung gayon ay bakit hindi subukin ang iyong memorya sa tulong ng sumusunod na mga tanong:
▫ Kung may mahalay na kaisipang pumapasok sa ating isip nang di-sinasadya, ano ang dapat nating gawin?
Dapat na baguhin natin ang paksa na ating iniisip, maglakad-lakad, magbasa-basa, o gumawa ng anumang gawaing bahay. Ang panalangin ay isa ring mabisang tulong sa gayong kalagayan. (Awit 62:8)—4/15, pahina 17.
▫ Bakit ang mga kabataan ay dapat pakaingat sa uri ng musika na kanilang pinakikinggan?
Ang musika ay may bisa na pumukaw, bumighani, at umimpluwensiya. Yamang maraming popular na musika ang may nakapagtatakang dami ng pahiwatig tungkol sa sekso at nalalambungang mga pagtukoy sa imoralidad, madaling makita na kailangan ang lubos na pag-iingat sa pagpili ng mga rekord, tape, at mga disc.—4/15, pahina 20-1.
▫ Ano ba ang ibig sabihin ng pananalitang “ang pagkanaririto ng ating Panginoong Jesu-Kristo”? (1 Tesalonica 5:23)
Ito’y tumutukoy sa di-nakikitang maharlikang pagkanaririto ng Panginoong Jesu-Kristo bilang Hari, mula noong 1914, at kasunod ng pagluluklok sa kaniya sa langit. (Awit 110:1, 2)—5/1, pahina 11.
▫ Ano ba ang layunin ni Jehova sa paglilinis sa kaniyang espirituwal na templo? (Malakias 3:1-4)
Nais ni Jehova na ang kaniyang templo ay nasa malinis na kalagayan upang kung ang malaking pulutong ng mga sumasamba sa kaniya na may makalupang pag-asa ay dalhin na roon, kanilang masusumpungan ang isang dako na doo’y iginagalang ang kaniyang pansansinukob na soberanya, kinikilalang banal ang kaniyang sagradong pangalan, at sinusunod ang kaniyang matuwid na mga batas.—5/1, pahina 16.
▫ Ano ang “mga ari-arian” na ibinibigay ni Kristo Jesus sa kaniyang hinirang na alipin? (Mateo 24:45-47)
Ang “mga ari-arian” na ito ay tumutukoy sa lahat ng espirituwal na kabuhayan sa lupa na naging pag-aari ni Kristo may kaugnayan sa kaniyang kapangyarihan bilang makalangit na Hari. Kasali na rito ang atas na gumawa ng mga alagad ni Kristo buhat sa mga tao ng lahat ng bansa. (Mateo 28:19, 20)—5/1, pahina 17.
▫ Papaano nagpapakita ng ‘pagkukusa’ sa pagpapastol ang Kristiyanong matatanda, ayon sa ipinapayo ni Pedro sa 1 Pedro 5:2?
Ang isang Kristiyanong matanda na nangangalaga sa mga tupa ay gaganap ng kaniyang pagpapastol nang may pagkukusa, sa kaniyang sariling malayang kalooban, sa ilalim ng pamamatnubay ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo. Ang paglilingkod na may pagkukusa ay nangangahulugan din na ang isang pastol na Kristiyano ay nagpapasakop sa kapamahalaan ni Jehova at gumagalang sa kaayusang teokratiko.—5/15, pahina 20.
▫ Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang banggitin niya na sinumang sumusunod sa kaniya ay kailangang “itakwil ang kaniyang sarili”? (Mateo 16:24)
Ang ‘pagtatakwil ng iyong sarili’ ay nangangahulugan na hindi na ikaw ang may-ari ng iyong sarili kundi si Jehova. (1 Corinto 6:19, 20) Ito’y nangangahulugan na ikaw ay nabubuhay, hindi upang magpalugod sa sarili, kundi sa Diyos. (Roma 14:8)—6/1, pahina 9.
▫ Ano ba ang kailangan upang lumigaya ang isang tao?
Ang pagtatamasa ng isang mainam na kaugnayan kay Jehova at laging magawain sa paglilingkod sa kaniya ang nagdadala ng tunay na kaligayahan sa buhay ng isang tao.—6/1, pahina 22.
▫ Bakit pinayagan ni Jehova si Abraham na malayang magsalita sa kaniya tungkol sa Kaniyang layunin na puksain ang Sodoma? (Genesis 18:22-32)
Ang isang dahilan ay sapagkat kaibigan ng Diyos si Abraham. (Santiago 2:23) Bukod dito, batid ni Jehova ang kalumbayan ni Abraham. Alam ng Diyos na ang pamangkin ni Abraham na si Lot ay naninirahan sa Sodoma at lubhang nababahala si Abraham tungkol sa kaligtasan ni Lot. Sa mga dahilang ito kung kaya si Jehova ay nahahandang sagutin ang mga tanong ni Abraham tungkol sa Kaniyang layunin na puksain ang Sodoma.—6/15, pahina 16.
▫ Ang Repormasyong Protestante ba noong ika-16 na siglo ay tanda ng pagbabalik sa tunay na Kristiyanismo?
Hindi, hindi nga! Sa halip na pagbabalik sa tunay na Kristiyanismo, ang Repormasyon ay nagluwal ng maraming pambansa o teritoryal na mga iglesya na umaasa ng pabor sa pulitikal na mga estado at aktibong sumusuporta sa kanilang mga digmaan.—7/1, pahina 10-11.
▫ Ano ba ang “kayamanan sa langit” na binanggit ni Jesus sa Mateo 6:20?
Ito ang mga kayamanan na hindi kumukupas, kasali na ang isang mabuting pangalan sa harap ni Jehova at isang rekord ng tapat na paglilingkurang Kristiyano. Ito ang kabilang sa mga bagay na hindi nakakalimutan ni Jehova. (Hebreo 6:10)—7/1, pahina 32.
▫ Anong mga katangian ang binanggit ni Pedro bilang mahalagang mga elemento sa ating pananampalataya? (2 Pedro 1:5-7)
Sinabi ni Pedro na ang kagalingan, kaalaman, pagpipigil-sa-sarili, pagtitiis, banal na debosyon, pagmamahal sa kapatid, at pag-ibig ay dapat ilakip sa ating pananampalataya.—7/15, pahina 13.
▫ Anong babala para sa mga lingkod ng Diyos ang nasa ulat ng pagkakasala ni David may kaugnayan kay Bath-sheba? (2 Samuel 11:2-4)
Bagaman malayang makapagtatamasa ng kaluguran sa kaniyang sariling asawa, pinayagan ni David na umunlad sa kaniya ang bawal na hangarin sa sekso. Nang mapansin na napakaganda ang asawa ni Uriah, hindi niya napigil ang kaniyang kaisipan—at kilos—na magkaroon ng bawal na pakikipagtalik sa kaniya. Ganiyan din ang maaaring mangyari sa kaninuman sa mga lingkod ng Diyos kung hindi niya iiwasan ang ganitong anyo ng kasakiman. (Santiago 1:14, 15)—8/1, pahina 14.