Nilulon ba Nito si Jonas?
SINASABI sa atin ng Bibliya na si Jonas, isang propeta ni Jehova noong ikasiyam na siglo B.C.E., palibhasa’y tumakas buhat sa isang gawaing iniatas sa kaniya, ay sumakay sa isang barko. Samantalang nasa maunos na paglalakbay sa Mediteraneo, siya’y inihagis sa dagat ng mga tripulante. “Inihanda ni Jehova ang isang malaking isda upang lamunin si Jonas, at si Jonas ay napasa tiyan ng isda tatlong araw at tatlong gabi.”—Jonas 1:3-17.
‘Imposible! Walang kinapal sa dagat ang maaaring lumamon ng isang tao,’ ang sabi ng iba. Ngunit alinman sa sperm whale o sa isang malaking white shark ay makagagawa nito. Ang National Geographic (Disyembre 1992) ay naglathala ng isa pang posibilidad—ang whale shark. Yamang ito ang pinakamalaking kilalang pating, ito’y lumalaki hanggang 20 metro ang haba at tumitimbang ng 70 tonelada.
“Ang pambihirang pagkakayari ng mga sangkap na panunaw ng whale shark ay umaalalay sa mga kuwento ni Jonas. Madaling gunigunihin ang iyong sarili na sa di-sinasadya ay nasubsob at napapasok sa bunganga ng whale shark, na napakalaki . . . Sa tulad-yungib na bunganga ng kahit na isang munting whale shark na adulto ay magkakasiya kahit na ang dalawang Jonas.”
Ang whale shark ay kumakain ng pagkaliliit na mga hayop- at halamang-dagat (plankton at krill), na “dumaraan sa esopago patungo sa malaki at elastikong pinaka-bulwagang pigingan na ito na ang cardiac stomach.” Subalit, papaano makalalabas roon ang sinuman? Ganito ang sinasabi ng National Geographic: “Ang mga pating ay may malumanay na paraan ng pag-aalis sa malalaking bagay na kanilang nakakain ngunit baka hindi matunaw . . . Unti-unting magagawa ng isang pating na alisan ng laman ang kaniyang tiyan sa pamamagitan ng pagbaligtad niyaon at pagpaparaan sa bibig ng laman niyaon. . . . Samakatuwid, makalalabas ka sa pamamagitan ng pagpapadulas sa isang alpombra na nababalot ng uhog, medyo namayat ngunit marahil may natutuhan buhat sa karanasan.”
Sa ngayon ang mga whale shark ay hindi na matatagpuan sa Mediteraneo, bagaman sila’y natagpuan sa gawing hilaga na kasinlayo ng New York City. Sila ba’y naroon na sa Mediteraneo noong panahon ni Jonas? Sino ba ang tiyak ang makapagsasabi? Hindi tinitiyak ng Bibliya kung anong uri ng kinapal sa dagat ang ginamit ni Jehova, subalit si Jesus mismo ang nagpatunay na ang ulat ni Jonas ay totoo.—Mateo 12:39, 40.
[Picture Credit Line sa pahina 32]
Norbert Wu/Peter Arnold Inc.