Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 9/15 p. 24-28
  • Pangangaral Nang May Pagtitiis sa Lupain ng Yelo at Apoy

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pangangaral Nang May Pagtitiis sa Lupain ng Yelo at Apoy
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Nakarating sa Iceland ang Mabuting Balita
  • Karagdagan Pang mga Manggagawa Para sa Pag-aani
  • Sa Palibot ng Kabisera
  • Patungo sa Dulong Silangan
  • Pagdaraan sa Ruta sa Hilaga
  • Magandang Maaasahan Para sa Pagsulong
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 9/15 p. 24-28

Pangangaral Nang May Pagtitiis sa Lupain ng Yelo at Apoy

ANG Iceland ay naroroon sa Hilagang Atlantico nasa pagitan ng Hilagang Amerika at Europa. Bagaman ito’y nasa ibaba lamang ng Arctic Circle, ang klima nito ay may kainaman kaysa maaasahan, dahil sa mainit na epekto ng Gulf Stream. Ang Iceland ay tinawag na lupain ng yelo at apoy sapagkat taglay nito ang pinakamalaking glacier ng Europa at isa rin sa mga lugar sa daigdig na may maraming aktibong bulkan. Kilalang-kilala ang kaniyang maraming maiinit na bukal at mga solfatara, mga lugar ng bulkan na nagbubuga ng mainit na singaw at mga gas na may asupre.

Ang 260,000 naninirahan sa pangalawang pinakamalaking isla ng Europa ay mga inapo ng mga Viking, na dito nanirahan mahigit nang 1,100 taon ang nakalipas. Ang Icelandico ay talagang katulad ng Old Norse, ang wikang Scandinavian nang panahon ng mga Viking. Ito’y nanatiling halos walang pagbabago sapagkat ang mga taga-Iceland ay mahilig magbasa ng kanilang matatandang salaysayin, na ang karamihan ay isinulat noong ika-13 siglo.

Nang sumapit ang ika-16 na siglo, ang Bibliya ay sinimulang isalin sa Icelandico. Nagkaroon ng isang “Bagong Tipan” noong 1540 at ng isang kumpletong Bibliya pagsapit ng 1584. Mahigit na 90 porsiyento ng mga mamamayan ay kabilang sa Evangelical Lutheran Church, ang opisyal na relihiyon ng Estado. Bagaman ang Bibliya ay matatagpuan sa halos bawat tahanan, kakaunti ang naniniwala na ito’y Salita ng Diyos. Karamihan ng mga taga-Iceland ay may liberal na pagkakilala tungkol sa relihiyon at, pangkaraniwan, may malasariling kaisipan.

Nakarating sa Iceland ang Mabuting Balita

Ang unang mga taga-Iceland na nakapakinig ng mabuting balita ng Kaharian ay naninirahan noon sa Canada. Ang isa sa kanila ay si Georg Fjölnir Lindal. Ang kaniyang mga magulang ay tubo sa Iceland, at Icelandico ang kaniyang wika. Hindi nagtagal pagkatapos na ialay niya ang kaniyang buhay sa Diyos na Jehova, siya’y naging isang buong-panahong mangangaral ng mabuting balita. Noong 1929, nang siya’y 40 taóng gulang, dinala niya ang mabuting balita sa mga tao sa lupaing iyan ng yelo at apoy.

Anong laking gawain para sa isang tao! Ang Iceland ay mga 320 kilometro mula sa hilaga hanggang sa timog at mga 500 kilometro mula sa silangan hanggang sa kanluran. Ang baybaying-dagat, kasali na ang mga sanga ng dagat at mga sapa, ay humigit kumulang 6,400 kilometro ang haba. Nang panahong iyon, walang angkop na mga lansangan at halos walang mga awto o anumang modernong sasakyan. Gayunpaman, ang buong isla ay napangaralan ni Brother Lindal sa loob ng sampung taon at siya’y nakapamahagi ng libu-libong aklat. Siya’y naglakbay sa baybayin sakay ng bangka, at nang kaniyang dalawin ang mga sakahan sa bandang loob, gumamit siya ng dalawang kabayo, ang isa’y upang masakyan at yaong isa pa ay upang magdala ng kaniyang mga literatura at mga kagamitan.

Sa loob ng halos 18 taon, si Brother Lindal ang tanging Saksi sa Iceland. Sa kabila ng kaniyang puspusang paggawa, wala siyang nakitang sinumang nanindigan sa panig ng Kaharian nang panahong iyon. Ang kaniyang matagal, nag-iisang paglagi roon ay natapos noong Marso 25, 1947, nang dumating ang unang mga nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead. Maguguniguni mo ang kaniyang kagalakan nang sa wakas ay sagutin ni Jehova ang kaniyang panalangin na magpadala ng higit pang mga manggagawa para sa pag-aani. (Mateo 9:37, 38) Ipinagpatuloy ni Brother Lindal ang kaniyang paglilingkuran sa Iceland hanggang sa siya’y bumalik sa Canada noong 1953.

Karagdagan Pang mga Manggagawa Para sa Pag-aani

Ang mga misyonero na dumating noong 1947 ay dalawang kapatid na lalaki na taga-Denmark. Karagdagan pang mga misyonero ang dumating makalipas ang dalawang taon. Samantalang magkakasama sila na ipinagpapatuloy ang pangangaral kasama ang ilang kaibigan na lumipat sa Iceland, libu-libong publikasyon ang naipamahagi. Karamihan ng mga taga-Iceland ay masusugid na mambabasa, ngunit kakaunti ang tumugon sa mabuting balita. Makalipas ang 27 taon ng pagtatanim at pagdidilig, nakita ng matiyagang mga kapatid ang bunga ng kanilang paggawa. Noong 1956, pito pang mga baguhan ang nanindigan sa panig ng Kaharian at nag-alay kay Jehova ng kanilang buhay.

Noong huling sampung taon, ang bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian ay higit pang nadoble. Ngayon, may pitong kongregasyon at isang nabubukod na grupo, may kabuuang bilang na 280 mamamahayag ng mabuting balita. Tayo’y maglakbay sa palibot ng isla upang madalaw ang mga kongregasyong ito.

Sa Palibot ng Kabisera

Ang mga kapatid na nagtiis nang mga taóng lumipas ay saganang pinagpala. Ngayon ay may dalawang sumusulong na kongregasyon sa Reykjavík, ang kabiserang lunsod. Sila’y nagtitipon sa isang magandang Kingdom Hall sa gusaling kinaroroonan din ng tanggapang sangay, na inialay noong 1975.

Si Friðrik at Ada ay kabilang sa pitong nabautismuhan noong 1956. “Nagugunita ko pa na kami’y nagpupulong sa isang munting silid sa may bubungan na kung saan nakatira ang mga misyonero,” ang sabi ni Friðrik. “May lugar para sa 12 silya, ngunit kung minsan, pagka mahigit kaysa karaniwang dami ang dumalo, binubuksan namin ang pintuan sa katabing munting silid. Anong laking pagkakaiba ngayon na dalawang kongregasyon ang nagtitipon sa Kingdom Hall!”

Si Friðrik ang nangangasiwa sa Food Service Department nang ganapin ang mga unang asamblea. “Ako ang gumawa ng karamihan ng trabaho, at kasabay nito, pangkaraniwan na ako’y may tatlo o apat na bahagi sa programa bawat araw. Samantalang gumagawa sa kusina, ako’y naka-epron. Pagka oras na ng pagpapahayag, isusuot ko na ang aking jacket at dali-daling paparoon sa bulwagan. Malimit na ipinaaalaala sa akin ng mga kapatid na hubarin ko ang epron. Ngayon ay mayroon kaming mula sa 400 hanggang 500 na dumadalo sa mga asamblea, kasali na ang mahuhusay na matatanda na may bahagi sa programa. Marami ring masisipag na kamay na tumutulong sa Food Service Department.”

Ang kongregasyon na pinakamalapit sa Reykjavík ay Keflavík, mga 50 kilometro sa gawing kanluran. Sa paglalakbay ay dumaraan kami sa mga bukid ng lava. Sampung porsiyento ng Iceland ay natatakpan ng lava. Ang unang mga halaman na lumitaw sa mga bukid na ito ay mga lumot, subalit sa mas naunang mga bukid ng lava, makikita mo ang ligaw na mga berry at mabababang palumpong.

Ang kongregasyon sa Keflavík ay may 19 na mamamahayag at itinatag noong 1965. Nasa malapit ang international airport, at naroon din ang isang base militar ng E.U. Bagaman ang mga Saksi ay hindi pa nakapagbabahay-bahay sa base mismo, maraming pag-aaral sa Bibliya ang idinaos doon, at ilang katao na ang natuto ng katotohanan.

Isa pang kongregasyon ang nasa Selfoss, 55 kilometro sa silangan ng Reykjavík. Dito’y makikita natin ang luntiang sakahan ng bansa na may mga bakahan at mga tupa, kasali na ang pinakamalaking gawaan ng mantekilya at keso sa Iceland. Sa pagbibiyahe, nadaanan namin ang Hveragerði, isang munting bayan sa kaakit-akit na libis. Sa malayo ay napansin namin ang singaw buhat sa maiinit na bukal sa buong libis. Ito ang isa sa pinakamalawak na lugar sa bansa na maraming maiinit na bukal, at maraming greenhouse ang naitayo rito upang magamit ang likas na mga kayamanang ito at makaani ng mga kamatis, pipino, at sari-saring bulaklak.

Sa lugar na ito ay may isang maliit ngunit masiglang kongregasyon na may 19 na mamamahayag ng Kaharian. Si Sigurður at Guðrún Svava ay lumipat dito buhat sa Reykjavík upang suportahan ang munting grupong ito nang ang kongregasyon ay itatag noong 1988. Si Sigurður lamang ang elder doon. Bago siya naging isa sa mga Saksi ni Jehova halos sampung taon na ngayon ang nakalipas, siya’y isang kilalang musikero na tumutugtog ng tambol sa iba’t ibang banda. Sa ngayon, ang kaniyang hanapbuhay ay isang tagalinis ng bintana, at siya’y nagtuturo rin ng musika. Ang kaniyang istilo ng pamumuhay bilang isang musikero ay nagdulot sa kaniya ng maraming suliranin, tulad halimbawa ng pag-aabuso sa droga, paglalasing, at isang nabigong pag-aasawa. Anong laki ng kaniyang kasiyahan ngayon, na siya’y may layunin sa buhay at naglilingkod kay Jehova!

Patungo sa Dulong Silangan

Pagkagaling sa Selfoss, sinimulan namin ang biyaheng may layong 680 kilometro na karamihan ay sa makikitid at baku-bakong mga daang graba. Patungo na kami sa susunod na kongregasyon, sa bayan ng Reyðarfjörður, sa silangang baybayin. Sa mga kalahating oras na pagbibiyahe, natanaw namin ang Hekla, ang pinakatanyag na bulkan sa Iceland. Ito’y pumutok nang apat na beses sa siglong ito.

Noong 1973 isang madulang pagputok ng bulkan ang naganap sa Vestmannaeyjar (Westmann Islands). Ang buong populasyon na mga 5,300 katao ay ligtas na nailikas sa pinakamalaking isla nito sa loob lamang ng ilang oras. Nang magsauli na sa dati, karamihan ng mga naninirahan doon ay unti-unting nagbalikan. Dalawang Saksi ang naninirahan doon ngayon at nangangaral ng mabuting balita sa mga tao sa maliit na komunidad na ito. Pagkatapos magbiyahe nang dalawa pang oras, nasaksihan namin ang isang magandang tanawin sa maringal na Vatnajökull, hanggang sa ngayon ay ito ang pinakamalaking glacier sa Iceland, na may lapad na 8,300 kilometro kuwadrado. Sa aming paglalakbay, kami’y dumaan din sa maraming magagandang talon at mga ilog.

Matapos makapaglakbay ng mga sampung oras, dumating kami sa aming pupuntahan. Sa Reyðarfjörður ay nakilala namin ang 12 mamamahayag ng pinakabatang kongregasyon sa Iceland. Walang mga Saksi na naninirahan sa lugar na ito kundi nang matatag ang isang tahanang misyonero nang bandang katapusan ng 1988. Sina Kjell at Iiris, mag-asawang misyonero na taga-Sweden na naglilingkod sa Iceland sapol noong 1963, ay inatasan na maglingkod sa gitna ng 15,000 katao sa lugar na ito ng kabukiran. Marami ang naninirahan sa maliliit na nayon na pangisdaan sa may baybayin na may lawak na 500 kilometro.

Si Kjell ay naglalahad: “Tiyak na saganang pinagpala ni Jehova ang gawaing pang-Kaharian sa panig na ito ng Iceland. Noong Enero 1, 1993, natatag ang isang kongregasyon, at kami ay nagdaraos ng maraming maiinam na pag-aaral sa Bibliya sa mga taong mahusay ang pagsulong. Bagaman ang paraan ng transportasyon ay nagbago sapol nang si Brother Lindal ay naglalakbay na sakay ng kabayo, hindi laging madali na magmaneho sa mga daanan sa bundok sa mayelong mga kalsada kung madilim na mga buwan ng taglamig, kahit na sakay ka ng isang jeep na gumagana ang apat na gulong. Minsan, iyon ay natangay ng hangin sa isang mayelong daanan at gumulong nang makalawa o makaitlong beses sa tagiliran ng bundok. Anong saya namin na kami’y nakaligtas nang walang anumang pinsala!”

Makalipas ang 30 taon sa Iceland, ang sabi ni Iiris: “Sa paglipas ng mga taon marami ang nanggaling sa ibang bansa upang tumulong. Bagaman karamihan ay kinailangang lumisan bunga ng iba’t ibang dahilan, tunay na sila’y nagkaroon ng malaking bahagi sa gawaing pagtatanim at pagdidilig. Kami’y natutuwa at naririto pa kami ngayon, yamang kami’y nagkapribilehiyong makita ang ani. Pinabibilis din dito ni Jehova ang kaniyang gawain.”

Karamihan ng pagsulong ay dahilan sa nagpapatotoo sa kanilang mga kasamahan sa trabaho ang mga baguhan. Natuto si Atli ng katotohanan buhat sa mga misyonero at siya’y nagsimulang makipag-usap sa iba sa kompanyang pinagtatrabahuan niya sa konstruksiyon. Dalawa sa kaniyang mga kamanggagawa ang ngayon ay nakikibahagi sa pangangaral, ang isa’y nabautismuhan kasama ang kaniyang maybahay noong Nobyembre 1992. Ang ikatlong kamanggagawa ay nakikipag-aral na ng Bibliya sa mga Saksi.

Pagdaraan sa Ruta sa Hilaga

Pagkatapos lisanin ang Reyðarfjörður, patungo na kami sa kanluran. Ang susunod na kongregasyon ay 300 kilometro ang layo, sa bayan ng Akureyri. Buong-panahong special pioneer ang inatasan na gumawa roon noong mga unang taon ng dekada ng 1950. Sa pasimula pa lamang, ang gawain ay napaharap sa mahigpit na pananalansang buhat sa ilang klerigo. Naglathala ng mga artikulo sa lokal na pahayagan upang magbabala sa mga tao laban sa mga Saksi ni Jehova. Marami sa mga taong-bayan ang napasangkot din sa espiritismo. Subalit dahil sa pagtitiis at pagtitiyaga ng iba’t ibang payunir at mga misyonero, ngayon ay may isang aktibo at maibiging kongregasyon na may 35 mamamahayag ng Kaharian.

Si Friðrik, isa sa matatanda roon, ay isang mamamalakaya. Pagkatapos makadalo sa pandistritong kombensiyon noong 1982, siya ay nakumbinsi na ang kaniyang natututuhan ay katotohanan. Siya’y bumalik sa Akureyri na desididong magpatotoo sa kaniyang pamilya, mga kaibigan, at kamanggagawa. Gumawa si Friðrik ng mga plano na huminto na sa kaniyang trabaho bilang isang mamamalakaya upang magkaroon siya ng higit pang panahon para sa kongregasyon. Sinabi niya sa kaniyang kinakasamang babae, si Helga, na sila’y hindi na maaaring magpatuloy na nagsasama maliban sa sila’y ikasal, yamang siya (si Friðrik) ay magiging isa sa mga Saksi ni Jehova. Nais din ni Friðrik na siya (si Helga) ay mag-aral ng Bibliya sapagkat siya’y hindi ‘mag-aasawa sa di-kapananampalataya.’ (1 Corinto 7:39) Sa kaniyang ipinagtaka, si Helga ay nagsimulang mag-aral. Sila’y ikinasal noong Pebrero 1983 at hindi nagtagal ay nabautismuhan. Pagkaraan ng ilang panahon ang ina at kapatid na babae ni Friðrik ay tumanggap din ng katotohanan.

Ang aming huling hinintuan ay ang Akranes, 350 kilometro mula sa Akureyri, matapos makapaglakbay sa tatlong kabundukan at sa maraming magagandang libis. Dito ang daan ay sementado, anupat maginhawang daanan kung ihahambing sa baku-bako at makikitid na daang graba na malimit na dinaanan namin. Naroon sa Akranes ang pinakamaliit na kongregasyon sa Iceland​—limang mamamahayag, dalawa sa kanila ang nagsisilbing matatanda. Ang mga ito ay binubuo ng dalawang pamilya na nagsitugon sa panawagan ng taga-Macedonia, nilisan ang isa sa malaki-laking kongregasyon sa Reykjavík, at nanirahan sa munting bayan na ito upang maglingkod kung saan higit na malaki ang pangangailangan. (Gawa 16:9, 10) Sa loob ng mahigit na dalawang taon na ngayon, kanilang matiyagang ipinangangaral ang mabuting balita sa teritoryong ito, nagtitiwala na palalaguin ni Jehova ang mga bagay.​—1 Corinto 3:6.

Magandang Maaasahan Para sa Pagsulong

Ngayong ang mga greenhouse ay pinaiinitan ng geothermal energy at artipisyal na ilaw, ang mga magsasaka sa Iceland ay nakapagtanim ng sari-saring prutas, gulay, at iba pang halaman. Sa katulad na paraan, ang mga Saksi, na nasasangkapan ng espirituwal na katotohanan, ng init ng malumanay na panghihikayat, at ng pagpapala ng banal na espiritu ni Jehova, ay dumaranas ng kagila-gilalas na mga resulta sa larangan sa Iceland.

Sa taóng ito 542 ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo, at di-kukulangin sa 200 pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos na ngayon. Bukod dito, ang positibong pagtugon sa pampasigla na maglingkod sa di-naaatas na mga teritoryo ay nagbibigay sa atin ng pagtitiwala na lahat ng tulad-tupang mga tao sa malawak na islang ito ay dirinig sa tinig ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo. (Juan 10:14-16) Anong ligayang resulta para sa tapat na mga tagapagbalita ng Kaharian na nagpakita ng gayon na lamang kalaking pagtitiyaga at pagtitiis sa pangangaral ng mabuting balita sa lupain ng yelo at apoy sa nakaraang 64 na taon!

[Mapa sa pahina 24]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon.)

Akureyri

Akranes

Keflavík

Selfoss

Vestmannaeyjar

Reyðarfjörður

Hekla

Geysir

VATNAJÖKULL

REYKJAVÍK

[Credit Line]

Batay sa mapa ni Jean-Pierre Biard

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share